Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Problema ng Sangkatauhan—Magwawakas Pa Kaya ang mga Ito?

Ang mga Problema ng Sangkatauhan—Magwawakas Pa Kaya ang mga Ito?

Ang mga Problema ng Sangkatauhan​—Magwawakas Pa Kaya ang mga Ito?

“SANGKAPAT ng populasyon ng daigdig ang namumuhay sa karukhaan, 1.3 bilyon ang nagkakasiya na lamang sa wala pang $1 bawat araw, 1 bilyon ang di-marunong bumasa at sumulat, 1.3 bilyon ang walang makuhang malinis na tubig na maiinom at 1 bilyon ang nagugutom araw-araw.” Iyan ang sabi ng isang ulat mula sa Ireland tungkol sa kalagayan ng daigdig.

Anong kalunus-lunos na kalagayan ng kawalang-kakayahan ng tao na makasumpong ng namamalaging mga solusyon sa mga problema ng sangkatauhan! Ang mga problemang iyon ay waring mas kalunus-lunos kapag natanto mo na ang pagkarami-rami sa mga taong inilarawan sa report na iyon ay mga babae at mga bata na walang kalaban-laban. Hindi ba nakapanlulumo na maging sa ngayon, sa ika-21 siglo, ang kanilang mga karapatan ay patuloy na “nilalabag bawat araw anupat di-mabilang na dami ng tao ang nakararanas nito”?​—The State of the World’s Children 2000.

“Isang Bagong Sanlibutan sa Loob ng Isang Henerasyon”

Ang United Nations Children’s Fund ay nagpahayag ng pagtitiwala na “ang karimlan na idinulot ng mga pag-abusong ito . . . sa buhay ng mga tao sa palibot ng globo ay maaalis.” Sinasabi ng organisasyong ito na ang kahila-hilakbot na kalagayan na kailangang batahin sa kasalukuyan ng bilyun-bilyong ito ay “maiiwasan at mababago.” Sa katunayan, nanawagan ito “sa lahat ng tao na gawing posible ang isang bagong sanlibutan sa loob ng isang henerasyon.” Inaasahan nito na magiging isang sanlibutan ito kung saan ang buong sangkatauhan ay magiging “malaya sa karukhaan at pagtatangi, malaya sa karahasan at sakit.”

Yaong mga nagpapahayag ng gayong mga opinyon ay napalalakas-loob ng bagay na maging sa ngayon ang mapagkalingang mga tao ay lubus-lubusang gumagawa upang maibsan ang malulungkot na bunga ng “waring walang-katapusang serye ng mga alitan at mga krisis.” Halimbawa, sa nakalipas na 15 taon, ang Chernobyl Children’s Project “ay nakatulong upang maibsan ang pagdurusa ng daan-daang bata na nagkaroon ng mga kanser na idinulot ng nuclear cloud na bunga ng nuclear fallout.” (The Irish Examiner, Abril 4, 2000) Ang mga ahensiya ng kawanggawa, kapuwa malalaki at maliliit, ay talagang may malaking nagagawa sa buhay ng di-mabilang na mga biktima ng digmaan at sakuna.

Magkagayunman, yaong mga nakikibahagi sa gayong mga mapagkawanggawang pagsisikap ay mga realista. Alam nila na ang mga problemang kinakaharap “ay mas malawak ang saklaw at malalim ang pagkakaugat kaysa noong nakalipas na sampung taon.” Sinabi ni David Begg, punong tagapagpaganap ng Irish charity Concern, na “napakahusay ng pagtugon ng mga kawani, mga tagasuporta at mga tagapag-abuloy” nang salantain ng isang kapaha-pahamak na pagbaha ang Mozambique. “Ngunit,” idinagdag niya, “hindi namin makakayanan nang kami lamang dahil sa laki ng gayong mga kasakunaan.” Hinggil sa mga pagsisikap na tumulong sa Aprika, may katapatan niyang inamin: “Ang iilang kandila ng pag-asa na natitira pa ay aandap-andap na.” Marami ang makadarama na ang kaniyang komento ay tumpak na bumubuod din sa pangglobong kalagayan.

Makatotohanan bang asahan nating makita ang inaasam-asam na “bagong sanlibutan sa loob ng isang henerasyon”? Bagaman ang kasalukuyang mga mapagkawanggawang pagsisikap ay talagang kapuri-puri, tiyak na makatuwiran ding isaalang-alang ang iba pang pag-asa para sa isang matuwid at mapayapang bagong sanlibutan. Tinutukoy ng Bibliya ang pag-asang iyan, gaya ng isasaalang-alang sa susunod na artikulo.

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Pahina 3, mga bata: UN/DPI Photo by James Bu