Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ikaw ay Isang Mahusay na Babae”

“Ikaw ay Isang Mahusay na Babae”

“Ikaw ay Isang Mahusay na Babae”

Ang mga pananalitang ito ng papuri ay iniukol sa isang kabataang babaing Moabita. Siya ay isang babaing balo na nagngangalang Ruth, ang manugang na babae ng isang babaing Israelita, si Noemi. Si Ruth, na nabuhay sa Israel mga 3,000 taon ang nakalilipas nang mamahala ang mga hukom, ay nagkaroon ng isang mahusay na reputasyon. (Ruth 3:11) Paano niya nakamit ang reputasyong iyon? Sino ang makikinabang sa kaniyang halimbawa?

Palibhasa’y hindi niya kinakain ang “tinapay ng katamaran,” puspusang nagpagal si Ruth nang maraming oras bilang isang tagahimalay sa mga bukid, anupat dahil sa kaniyang kasipagan ay nakamit niya ang papuri. Bagaman may alok na pagaanin ang kaniyang trabaho, nagpatuloy siya sa pagpapagal, na ginagawa ito nang higit kaysa sa inaasahan sa kaniya. Bukod-tanging kumakapit sa kaniya ang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa isang kapuri-puri, may-kakayahan at masipag na asawang babae.​—Kawikaan 31:10-31; Ruth 2:7, 15-17.

Ang mga espirituwal na katangian ni Ruth​—ang kaniyang mapagpakumbaba, mapagsakripisyo-sa-sariling saloobin at ang kaniyang matapat na pag-ibig​—ang pangunahing mga salik kung kaya’t tinamasa niya ang mataas na pagtingin ng madla. Nananatili siyang kasama ni Noemi anupat iniwan niya ang kaniyang mga magulang at katutubong bayan, na walang gaanong pag-asa na makahanap ng katiwasayan na maidudulot ng pag-aasawa. Kasabay nito, ipinahayag ni Ruth ang pagnanais na paglingkuran si Jehova, ang Diyos ng kaniyang biyenang babae. Bilang pagdiriin sa kaniyang kahalagahan, sinabi sa ulat ng Kasulatan na para kay Noemi, ‘mas mabuti pa si Ruth kaysa sa pitong anak na lalaki.’​—Ruth 1:16, 17; 2:11, 12; 4:15.

Bagaman kapuri-puri ang mahusay na rekord ni Ruth sa harap ng mga taong kasama niya, ang higit na mahalaga ay ang kaayaayang pagtaya ng Diyos sa kaniyang mga katangian at ang paggantimpala ng Diyos sa kaniya ng pribilehiyo na maging ninuno ni Jesu-Kristo. (Mateo 1:5; 1 Pedro 3:4) Tunay na isang mainam na halimbawa si Ruth hindi lamang para sa mga Kristiyanong babae kundi sa lahat ng nag-aangking sumasamba kay Jehova!