Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aralan at Ituro ang Kristiyanong Moralidad

Pag-aralan at Ituro ang Kristiyanong Moralidad

Pag-aralan at Ituro ang Kristiyanong Moralidad

“Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?”​—ROMA 2:21.

1, 2. Ano ang iyong mga dahilan sa pagnanais na mag-aral ng Bibliya?

MARAMI kang dahilan para pag-aralan ang Salita ng Diyos. Malamang na gusto mong malaman ang mga katotohanang taglay nito​—tungkol sa mga tao, pangyayari, lugar, at iba pang bagay. Gusto mong malaman ang katotohanan hinggil sa doktrina, na salungat sa mga relihiyosong pagkakamali, gaya ng Trinidad o apoy ng impiyerno. (Juan 8:32) Marahil ay nais mo ring makilala nang higit si Jehova upang ikaw ay lalong maging gaya niya at makalakad sa harap niya sa matuwid na paraan.​—1 Hari 15:4, 5.

2 Ang isang kaugnay at mahalagang dahilan para pag-aralan ang Salita ng Diyos ay upang masangkapan ka na turuan ang iba​—ang iyong mga minamahal, kakilala, at maging yaong hindi mo pa kilala. Pananagutan ng tunay na mga Kristiyano na gawin ito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

3, 4. Bakit isang karangalan para sa iyo na magturo gaya ng iniutos ni Jesus?

3 Ang pag-aaral ng Bibliya taglay ang hangaring magturo sa iba ay marangal at maaaring pagmulan ng walang-hanggang kasiyahan. Ang pagtuturo ay isang kagalang-galang na propesyon noon pa man. Sinasabi ng Encarta Encyclopedia: “Sa mga Judio, itinuring ng maraming adulto na ang mga guro ay tagaakay sa kaligtasan at hinimok ang mga anak na parangalan ang kanilang mga guro nang higit pa nga sa kanilang mga magulang.” Lalo nang isang karangalan para sa mga Kristiyano na turuan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagkatapos ay turuan ang iba.

4 “Mas maraming tao ang nakikibahagi sa pagtuturo kaysa sa alinmang propesyon. Mga 48 milyong lalaki at babae sa buong daigdig ay mga guro.” (The World Book Encyclopedia) Ipinagkakatiwala sa isang sekular na guro ang isipan ng mga kabataan at maaari niyang impluwensiyahan sila sa loob ng mga taóng darating. Lalong lumalaki ang epekto nito kapag sinusunod mo ang utos ni Jesus na turuan ang iba; maiimpluwensiyahan mo sila para sa kanilang walang-hanggang kinabukasan. Itinampok ito ni apostol Pablo nang himukin niya si Timoteo: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Oo, ang iyong pagtuturo ay may kaugnayan sa kaligtasan.

5. Bakit pinakamataas na uri ang Kristiyanong pagtuturo?

5 Ang pagtuturo sa iyong sarili at pagkatapos ay sa iba ay ipinahintulot at iniutos ng kataas-taasang Pinagmumulan, ang Soberano ng sansinukob. Iyan mismo ang dahilan kung bakit mas mahalaga ang larangang ito ng pagtuturo kaysa sa alinmang sekular na uri ng pagtuturo, iyon man ay pagtuturo ng mga asignaturang pang-elementarya, mga kasanayan sa trabaho, o kahit mga kadalubhasaan sa medisina. Ang Kristiyanong pagtuturo ay nangangahulugan na matututuhan mismo ng estudyante na tularan ang Anak ng Diyos, si Kristo Jesus, at turuan ang iba na gayundin ang gawin.​—Juan 15:10.

Bakit Kailangan Mong Turuan ang Iyong Sarili?

6, 7. (a) Bakit kailangan muna nating turuan ang ating sarili? (b) Sa anong diwa nabigo ang unang-siglong mga Judio bilang mga guro?

6 Bakit sinasabi na kailangan muna nating turuan ang ating sarili? Buweno, hindi natin wastong matuturuan ang iba kung hindi muna natin tuturuan ang ating sarili. Idiniin ni Pablo ang katotohanang ito sa isang nakapupukaw-kaisipang talata na naging mahalaga para sa mga Judio noon ngunit may dalang importanteng mensahe para sa mga Kristiyano sa ngayon. Nagtanong si Pablo: “Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba? Ikaw, na nagpapahayag ng pagkamuhi sa mga idolo, ninanakawan mo ba ang mga templo? Ikaw, na nagmamapuri dahil sa kautusan, sa pamamagitan ba ng iyong pagsalansang sa Kautusan ay winawalang-dangal mo ang Diyos?”​—Roma 2:21-23.

7 Sa retorikang paraan, itinampok ni Pablo ang dalawang kamalian na tuwirang tinukoy ng Sampung Utos: Huwag magnanakaw, at huwag mangangalunya. (Exodo 20:14, 15) Ipinagmamapuri ng ilang Judio noong panahon ni Pablo na taglay nila ang Kautusan ng Diyos. Sila ay ‘tinuruan nang bibigan mula sa Kautusan at naniwala na sila ay mga tagaakay ng mga bulag at liwanag para sa mga nasa kadiliman, mga guro ng mga sanggol.’ (Roma 2:17-20) Gayunman, ang ilan ay mapagpaimbabaw dahil palihim silang nagnanakaw o nangangalunya. Iyon ay nag-aalis ng dangal kapuwa sa Kautusan at sa Awtor nito na nasa langit. Mauunawaan mo na talagang hindi sila kuwalipikadong magturo sa iba; ang totoo ay ni hindi pa nga nila tinuturuan ang kanilang sarili.

8. Paano ‘nagnanakaw sa mga templo’ ang ilang Judio noong panahon ni Pablo?

8 Binanggit ni Pablo ang pagnanakaw sa mga templo. Literal nga bang ginawa iyon ng ilang Judio? Ano ang nasa isip noon ni Pablo? Ang totoo, dahil sa limitadong impormasyon tungkol sa kasulatang ito, hindi tayo maaaring maging dogmatiko hinggil sa kung paano ‘nagnakaw sa mga templo’ ang ilang Judio. Nauna rito, ipinahayag ng tagapagtala ng lunsod ng Efeso na ang mga kasamahan ni Pablo ay hindi “mga magnanakaw sa mga templo,” na nagpapahiwatig na sa paano man ay nasa isip ng ilang tao na maaari ngang paratangan ng gayon ang mga Judio. (Gawa 19:29-37) Personal ba nilang ginagamit o kinakalakal ang mahahalagang bagay mula sa mga paganong templo na dinambong ng mga mananakop o ng mga relihiyosong panatiko? Ayon sa Kautusan ng Diyos, ang ginto at pilak ng mga idolo ay dapat sirain, hindi dapat kunin para gamitin nang personal. (Deuteronomio 7:25) * Kaya maaaring tinutukoy ni Pablo ang mga Judio na nagwalang-bahala sa utos ng Diyos at gumamit o nakinabang mula sa mga bagay na nanggaling sa mga paganong templo.

9. Anong maling mga gawain na nauugnay sa templo sa Jerusalem ang maaaring katumbas ng pagnanakaw sa templo?

9 Sa kabilang panig naman, inilahad ni Josephus ang isang iskandalo sa Roma na kagagawan ng apat na Judio, na ang lider ay isang guro ng Kautusan. Kinumbinsi ng apat na iyon ang isang babaing Romano, isang proselitang Judio, na ibigay sa kanila ang ginto at iba pang mahahalagang bagay bilang kontribusyon sa templo sa Jerusalem. Nang makuha na nila ito sa kaniya, ginamit nila ang mga yaman para sa kanilang sarili​—na katulad na rin ng pagnanakaw sa templo. * Ang iba naman ay para na ring nagnanakaw sa templo ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang paghahandog ng may depektong mga hain at pagtataguyod ng sakim na komersiyalismo sa bakuran nito, anupat ang templo ay ginagawang “yungib ng mga magnanakaw.”​—Mateo 21:12, 13; Malakias 1:12-14; 3:8, 9.

Ituro ang Kristiyanong Moralidad

10. Hindi natin dapat kaligtaan ang anong punto ng mga salita ni Pablo na nakaulat sa Roma 2:21-23?

10 Anuman ang tinutukoy ni Pablo na mga gawain noong unang siglo na nagsasangkot ng pagnanakaw, pangangalunya, at pagnanakaw sa mga templo, huwag nating kaligtaan ang punto ng kaniyang mga komento. Itinanong niya: “Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?” Kapansin-pansin na ang mga halimbawa na ibinangon ni Pablo ay may kaugnayan sa moralidad. Dito, ang apostol ay hindi nagtuon ng pansin sa mga doktrina o kasaysayan sa Bibliya. Ang pagtuturo sa sarili at sa iba na tinukoy ni Pablo ay may kaugnayan sa Kristiyanong moralidad.

11. Bakit dapat kang magbigay-pansin sa Kristiyanong moralidad habang nag-aaral ka ng Salita ng Diyos?

11 Ang pagkakapit natin sa aral na nasa Roma 2:21-23 ay nangangahulugan ng pag-aaral ng Kristiyanong moralidad mula sa Salita ng Diyos, pagkilos kasuwato ng ating natututuhan, at pagkatapos ay pagtuturo sa iba na gawin din iyon. Kung gayon, habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, maging alisto sa mga pahiwatig tungkol sa mga pamantayan ni Jehova, na mula roon ay hinango ang tunay na Kristiyanong moralidad. Bulay-bulayin ang mga payo at aral na nasusumpungan mo sa Bibliya. Pagkatapos ay buong-katapangang ikapit ang iyong natututuhan. At ang paggawa nito ay talagang nangangailangan ng tapang na may kalakip na determinasyon. Madali para sa di-sakdal na mga tao na magdahilan at mangatuwiran kung bakit ipinahihintulot o hinihiling pa nga ng isang situwasyon na ipagwalang-bahala ang Kristiyanong moralidad sa isang partikular na kaso. Marahil, ang mga Judio na binanggit ni Pablo ay sanay sa gayong tusong pangangatuwiran na nilayon upang bigyang-matuwid o linlangin ang iba. Gayunman, ipinakikita ng mga salita ni Pablo na ang Kristiyanong moralidad ay hindi dapat maliitin o ipagwalang-bahala ayon sa personal na kagustuhan.

12. Paano nagkakaroon ng epekto sa Diyos na Jehova ang mabuti o masamang paggawi, at bakit nakatutulong na isaisip ito?

12 Itinampok ng apostol ang pangunahing dahilan sa pag-aaral at pagkatapos ay pagkakapit sa moralidad na masusumpungan mo sa Bibliya. Ang masamang paggawi ng mga Judio ay may epekto kay Jehova: “Ikaw, na nagmamapuri dahil sa kautusan, sa pamamagitan ba ng iyong pagsalansang sa Kautusan ay winawalang-dangal mo ang Diyos? Sapagkat ‘ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan dahil sa inyo sa gitna ng mga bansa.’ ” (Roma 2:23, 24) Totoo rin naman sa ngayon na kapag ipinagwawalang-bahala natin ang Kristiyanong moralidad, inaalisan natin ng dangal ang Pinagmumulan nito. Sa kabaligtaran naman, kung manghahawakan tayo nang mahigpit sa mga pamantayan ng Diyos, ito ay may mabuting epekto sa kaniya, anupat napararangalan siya. (Isaias 52:5; Ezekiel 36:20) Ang iyong kabatiran hinggil dito ay magpapatibay sa iyong kapasiyahan kapag napaharap ka sa mga tukso o mga situwasyon na doo’y ang pagwawalang-bahala sa Kristiyanong moralidad ang siyang waring pinakamadali o pinakamaalwang gawin. Karagdagan pa, ang mga salita ni Pablo ay nagtuturo sa atin ng isa pang bagay. Bukod sa alam mong ang iyong paggawi ay may epekto sa Diyos, habang nagtuturo ka sa iba, tulungan silang makita na ang kanilang paraan ng pagkakapit sa mga moral na pamantayan na natututuhan nila ay magkakaroon ng epekto kay Jehova. Ang Kristiyanong moralidad ay hindi lamang basta nagdudulot ng kasiyahan at nagsasanggalang sa kalusugan ng isa. May epekto rin ito sa Isa na nagtatag at nagpapasigla sa gayong moralidad.​—Awit 74:10; Santiago 3:17.

13. (a) Paano tayo tinutulungan ng Bibliya hinggil sa moralidad? (b) Ibigay ang diwa ng payo na nasa 1 Tesalonica 4:3-7.

13 May epekto rin ang moralidad sa ibang mga tao. Makikita mo iyan sa mga halimbawa sa Salita ng Diyos na naglalarawan sa kahalagahan ng pagkakapit sa moral na mga pamantayan ng Diyos at sa mga resulta ng pagwawalang-bahala sa mga ito. (Genesis 39:1-9, 21; Josue 7:1-25) Makasusumpong ka rin ng maliwanag na payo hinggil sa moralidad na gaya nito: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na umiwas kayo sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos; upang walang sinumang umabot sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid sa bagay na ito, . . . sapagkat tinawag tayo ng Diyos, hindi sa pagbibigay-daan sa karumihan, kundi may kaugnayan sa pagpapabanal.”​—1 Tesalonica 4:3-7.

14. Ano ang maaari mong itanong sa iyong sarili tungkol sa payo na nasa 1 Tesalonica 4:3-7?

14 Makikita ng halos sinuman mula sa talatang ito na labag sa Kristiyanong moralidad ang seksuwal na imoralidad. Gayunman, higit pa sa litaw na punto ang iyong mauunawaan. Ang ilang teksto ay naglalaan ng mga paraan para sa malawak na pag-aaral at pagbubulay-bulay, na nagbubunga ng kaunawaan. Halimbawa, maaari mong pag-isipan ang ibig sabihin ni Pablo sa pagsasabi na ang pakikiapid ay maaaring umakay sa isa “sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid sa bagay na ito.” Anong mga karapatan ang kabilang dito, at paanong ang higit na pagkaunawa rito ay magbibigay sa iyo ng karagdagang dahilan upang manghawakan sa Kristiyanong moralidad? Paano ka higit na masasangkapan ng mga resulta ng gayong pagsasaliksik upang maturuan ang iba at matulungan silang parangalan ang Diyos?

Mag-aral Upang Makapagturo

15. Anong mga kasangkapan ang magagamit mo upang turuan ang iyong sarili sa pamamagitan ng personal na pag-aaral?

15 Ang mga Saksi ni Jehova ay may mga kasangkapang nagagamit sa pagsasaliksik hinggil sa mga tanong o mga isyu na bumabangon habang nag-aaral sila upang turuan ang kanilang sarili o ang iba. Ang isang kasangkapan na magagamit sa maraming wika ay ang Watch Tower Publications Index. Kung mayroon ka nito, magagamit mo ito sa paghanap ng impormasyon sa salig-Bibliyang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maaari kang magsaliksik na ginagamit ang paksa o ang talaan ng mga talata sa Bibliya. Ang isa pang kasangkapan na magagamit ng mga Saksi ni Jehova sa maraming pangunahing wika ay ang Watchtower Library. Ang programang ito sa computer na nasa CD-ROM ay naglalaman ng malaking koleksiyon ng mga publikasyon sa anyong elektronika. Pinangyayari ng programa nito na masaliksik ng isa ang mga paksa at mga pagtalakay sa mga kasulatan. Kung isa lamang sa mga kasangkapang ito ang taglay mo o pareho kang mayroon nito, gamitin ang mga ito nang regular habang pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos upang maturuan ang iba.

16, 17. (a) Saan ka makasusumpong ng mga paliwanag tungkol sa mga karapatan na binanggit sa 1 Tesalonica 4:6? (b) Sa anu-anong paraan nanghihimasok ang pakikiapid sa mga karapatan ng iba?

16 Kunin nating halimbawa ang binanggit sa itaas, ang 1 Tesalonica 4:3-7. Bumangon ang tanong tungkol sa mga karapatan. Kaninong mga karapatan? At paano maaaring mapanghimasukan ang mga karapatang iyon? Sa pamamagitan ng nabanggit na mga kasangkapan sa pag-aaral, marahil ay makasusumpong ka ng ilang paliwanag hinggil sa mga talatang ito, maging sa mga karapatang binanggit ni Pablo. Maaari mong basahin ang gayong mga komento sa Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 863-4; Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan​—Paano Mo Masusumpungan?, pahina 145; Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1989, pahina 31.

17 Sa patuloy na pag-aaral, makikita mo sa mga publikasyong iyon kung gaano katotoo ang mga salita ni Pablo. Ang isang mapakiapid ay nagkakasala sa Diyos at inilalantad ang kaniyang sarili sa mga sakit. (1 Corinto 6:18, 19; Hebreo 13:4) Ang isang lalaki na nakikiapid ay nanghihimasok sa iba’t ibang karapatan ng babaing kaulayaw niya sa pagkakasala. Inaalis niya sa babae ang malinis na katayuan sa moral at ang malinis na budhi. Kung ang babae ay dalaga pa, pinanghihimasukan niya ang karapatan nito na magpakasal bilang isang birhen at ang karapatan ng magiging asawa nito na asahang birhen pa siya. Sinasaktan niya ang mga magulang ng babae at ang asawa nito kung ang babae ay may asawa na. Inaalis ng imoral na lalaki sa kaniyang sariling pamilya ang karapatang magtaglay ng isang malinis na rekord sa moral. Kung ang lalaki ay isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano, nagdudulot siya ng upasala rito, anupat sinisira ang reputasyon nito.​—1 Corinto 5:1.

18. Paano ka nakikinabang mula sa pag-aaral ng Bibliya hinggil sa Kristiyanong moralidad?

18 Hindi ba’t ang gayong mga komento hinggil sa mga karapatan ay tumutulong upang mabuksan ang mas malalim na kahulugan ng talatang iyon? Ang gayong uri ng pag-aaral ay talagang napakahalaga. Habang ipinagpapatuloy mo ito, tinuturuan mo ang iyong sarili. Ang unawa mo sa pagiging totoo at pagkamabisa ng mensahe ng Diyos ay lumalago. Pinatitibay mo ang iyong determinasyon na manghawakan sa Kristiyanong moralidad anumang tukso ang bumangon. At isip-isipin na lamang kung gaano ka magiging higit na mabisa bilang isang guro! Halimbawa, samantalang itinuturo sa iba ang katotohanan sa Bibliya, maibabahagi mo ang kaunawaan sa 1 Tesalonica 4:3-7, anupat pinasusulong ang kanilang unawa at pagpapahalaga sa Kristiyanong moralidad. Sa gayon, ang iyong pag-aaral ay makatutulong sa iyo at sa marami pang iba na parangalan ang Diyos. At binanggit natin dito ang isa lamang halimbawa, mula sa liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica. Marami pang ibang aspekto ang Kristiyanong moralidad, at marami rin namang iba pang mga halimbawa at mga punto sa payo ng Bibliya ang maaari mong pag-aralan, ikapit, at ituro.

19. Bakit mahalaga na manghawakan ka sa Kristiyanong moralidad?

19 Hindi mapag-aalinlanganan ang karunungan ng paggawa nito. Sinasabi sa Santiago 3:17 na “ang karunungan mula sa itaas,” mula sa Diyos na Jehova mismo, ay “una sa lahat ay malinis.” Maliwanag na ipinahihiwatig niyan ang pagsunod sa moral na mga pamantayan ng Diyos. Sa katunayan, hinihiling ni Jehova na yaong mga kumakatawan sa kaniya sa pagtuturo ng Bibliya ay dapat na maging mabubuting halimbawa mismo “sa kalinisan.” (1 Timoteo 4:12) Ang paraan ng pamumuhay ng unang mga alagad na iyon na gaya nina Pablo at Timoteo ay nagpapatunay rito; umiwas sila sa imoralidad, anupat sumulat pa nga si Pablo: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro.”​—Efeso 5:3, 4.

20, 21. Bakit ka sumasang-ayon sa isinulat ni apostol Juan, gaya ng nakaulat sa 1 Juan 5:3?

20 Bagaman ang moral na mga pamantayan na inihaharap sa Salita ng Diyos ay maliwanag at espesipiko, ang mga ito ay hindi nakapagpapabigat. Ito ay naging maliwanag kay Juan, ang apostol na pinakamatagal na nabuhay. Salig sa kaniyang naobserbahan sa maraming dekada ng kaniyang buhay, batid niya na hindi nakapipinsala ang Kristiyanong moralidad. Sa kabaligtaran, ito ay napatunayang mabuti, kapaki-pakinabang at isang pagpapala. Idiniin ito ni Juan, anupat isinulat: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”​—1 Juan 5:3.

21 Gayunman, pansinin na hindi iniharap ni Juan na ang pagsunod sa Diyos sa pamamagitan ng Kristiyanong moralidad ay siyang pinakamainam na landasin dahil lamang sa inililigtas tayo nito mula sa mga problema, mula sa masasamang bunga ng paglabag dito. May-kawastuan niyang ipinahayag ang tamang pangmalas sa pagsunod sa Diyos sa pamamagitan ng pagkilala muna na kapahayagan ito ng ating pag-ibig sa Diyos na Jehova, isang mahalagang pagkakataon upang itanghal ang ating pag-ibig sa kaniya. Tunay nga, ang pagtuturo sa sarili o sa iba na ibigin ang Diyos ay humihiling na tanggapin at ikapit natin ang kaniyang matatayog na pamantayan. Oo, nangangahulugan ito ng pagtuturo sa ating sarili at sa iba ng Kristiyanong moralidad.

[Mga talababa]

^ par. 8 Bagaman inilalarawan ang mga Judio na hindi lapastangan sa mga sagradong bagay, ganito ang paraan ng pagkakasabi ni Josephus sa kautusan ng Diyos: “Sinuman ay huwag mamumusong sa mga diyos na pinagpipitaganan sa ibang mga lunsod, ni magnanakaw sa mga banyagang templo, ni kukuha ng kayamanan na inialay sa pangalan ng sinumang diyos.” (Amin ang italiko.)​—Jewish Antiquities, Aklat 4, kabanata 8, parapo 10.

^ par. 9 Jewish Antiquities, Aklat 18, kabanata 3, parapo 5.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit kailangan tayong mag-aral upang turuan ang ating sarili bago turuan ang iba?

• Paano nagkakaroon ng epekto kay Jehova ang ating paggawi?

• Ang isang mapakiapid ay maaaring nanghihimasok sa mga karapatan nino?

• Ano ang iyong determinasyon hinggil sa Kristiyanong moralidad?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 22]

“Ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat”