Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sundin ang Maharlikang Parisan

Sundin ang Maharlikang Parisan

Sundin ang Maharlikang Parisan

“Isusulat niya sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng kautusang ito . . . At mananatili iyon sa kaniya, at babasahin niya iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.”​—DEUTERONOMIO 17:18, 19.

1. Maaaring naisin ng isang Kristiyano na maging katulad nino?

MALAMANG na hindi mo itutulad ang iyong sarili sa isang hari o reyna. Sinong tapat na Kristiyano at estudyante ng Bibliya ang mag-iisip na kumikilos siya nang may maharlikang awtoridad, gaya ng mabubuting hari na sina David, Josias, Hezekias, o Jehosapat? Gayunman, maaari at dapat kang tumulad sa kanila kahit man lamang sa isang natatanging paraan. Ano iyon? At bakit dapat mong naisin na maging katulad nila sa gayong bagay?

2, 3. Ano ang patiunang nakita ni Jehova may kinalaman sa isang taong hari, at ano ang gagawin ng gayong hari?

2 Noong panahon ni Moises, matagal pa bago sang-ayunan ng Diyos ang isang taong hari para sa mga Israelita, patiuna na Niyang nakita na hahangarin ng Kaniyang bayan na magkaroon sila ng isang hari. Kaya naman kinasihan niya si Moises na ilakip sa tipang Kautusan ang mga tagubilin na nauugnay rito. Ito ay maharlikang mga tagubilin, mga utos para sa isang hari.

3 Sinabi ng Diyos: “Kapag sa dakong huli ay nakarating ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, . . . at sinabi mo, ‘Magtatalaga ako ng isang hari sa akin gaya ng lahat ng mga bansa na nasa palibot ko’; dapat mong italaga sa iyo nang walang pagsala ang isang hari na pipiliin ni Jehova na iyong Diyos. . . . At mangyayari nga na kapag umupo siya sa trono ng kaniyang kaharian, isusulat niya sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng kautusang ito . . . At mananatili iyon sa kaniya, at babasahin niya iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ang mga tuntuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga iyon.”​—Deuteronomio 17:14-19.

4. Ano ang nasasangkot sa mga tagubilin ng Diyos para sa mga hari?

4 Oo, ang hari na pipiliin ni Jehova para sa kaniyang mga mananamba ay gagawa ng personal na kopya ng mga kasulatan na masusumpungan mo sa iyong Bibliya. Pagkatapos ay babasahin ng hari ang kopyang iyon araw-araw, nang paulit-ulit. Hindi iyon pagsasanay sa memorya. Iyon ay pag-aaral, at iyon ay may kapaki-pakinabang na layunin. Ang hari na sasang-ayunan ni Jehova ay kailangang magsagawa ng gayong pag-aaral upang siya ay magkaroon at makapag-ingat ng tamang kalagayan ng puso. Kailangan din niyang pag-aralan ang mga kinasihang kasulatang iyon upang maging matagumpay at matalinong hari.​—2 Hari 22:8-13; Kawikaan 1:1-4.

Matuto na Gaya ng Isang Hari

5. Anu-anong bahagi ng Bibliya ang kinailangang kopyahin at basahin ni Haring David, at ano ang kaniyang nadama hinggil dito?

5 Ano sa palagay mo ang kinailangang gawin ni David nang siya ay maging hari sa Israel? Buweno, kinailangang gumawa siya ng kopya ng mga aklat ng Pentateuch (Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, Deuteronomio). Isipin na lamang ang tindi ng epekto sa isip at puso ni David ng paggamit ng kaniyang sariling mga mata at kamay upang isulat ang isang kopya ng Kautusan. Malamang, naisulat na rin noon ni Moises ang aklat ng Job at ang Awit 90 at 91. Kinopya rin kaya ni David ang mga ito? Marahil. Gayundin, malamang na mayroon na noon ng mga aklat ng Josue, Mga Hukom, at Ruth. Kaya mauunawaan mo na malaki-laking bahagi ng Bibliya ang kinailangang basahin at matutuhan noon ni Haring David. At may dahilan ka para maniwalang ginawa nga niya iyon, sapagkat mapapansin ito sa kaniyang mga komento tungkol sa Kautusan ng Diyos, na masusumpungan ngayon sa Awit 19:7-11.

6. Paano natin matitiyak na si Jesus, gaya ng kaniyang ninunong si David, ay interesado sa Kasulatan?

6 Sinunod ng Dakilang David​—si Jesus, ang Anak ni David​—ang gayunding parisan. Kaugalian noon ni Jesus na magtungo sa lokal na sinagoga linggu-linggo. Doon ay pinakikinggan niya ang pagbabasa at pagpapaliwanag sa Kasulatan. Bukod doon, may panahon na si Jesus mismo ang malakas na nagbasa sa madla mula sa Salita ng Diyos at nagpaliwanag kung paano ito kumakapit. (Lucas 4:16-21) Madali mong mahahalata na siya ay pamilyar sa Kasulatan. Basahin mo ang mga ulat ng Ebanghelyo, at mapapansin mo kung gaano kadalas sinabi ni Jesus na “nasusulat” o sa ibang paraan ay tinukoy ang espesipikong mga talata sa Kasulatan. Aba, sa kaniyang Sermon sa Bundok na iniulat ni Mateo, 21 beses na sumipi si Jesus mula sa Hebreong Kasulatan.​—Mateo 4:4-10; 7:29; 11:10; 21:13; 26:24, 31; Juan 6:31, 45; 8:17.

7. Paano naiiba si Jesus sa mga relihiyosong lider?

7 Sinunod ni Jesus ang payo na nasa Awit 1:1-3: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, . . . kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. . . . Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” Ibang-iba nga iyon sa mga relihiyosong lider noong kaniyang panahon, na “umupo sa upuan ni Moises” ngunit winalang-bahala ang “kautusan ni Jehova”!​—Mateo 23:2-4.

8. Bakit walang kabuluhan ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ng mga relihiyosong lider ng mga Judio?

8 Gayunman, baka malito ang ilan sa isang talata na maaaring ipakahulugan na para bang hindi pinasisigla ni Jesus ang pag-aaral ng Bibliya. Sa Juan 5:39, 40, mababasa natin ang sinabi ni Jesus sa ilan noong kaniyang panahon: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan; at ang mga ito mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin. At gayunma’y hindi ninyo nais na pumarito sa akin upang magkaroon kayo ng buhay.” Sa gayong pagkokomento, hindi naman sinisiraan ni Jesus ng loob ang kaniyang mga tagapakinig na Judio sa pag-aaral ng Kasulatan. Sa halip, inilalantad niya ang kanilang kawalan ng kataimtiman o pagiging pabagu-bago. Batid nila na maaakay sila ng Kasulatan tungo sa buhay na walang hanggan, ngunit ang mismong Kasulatan na kanilang sinasaliksik ay dapat sanang umakay rin sa kanila sa Mesiyas, si Jesus. Gayunman, hindi nila siya tinanggap. Kung gayon, bale-wala rin ang kanilang pag-aaral dahil hindi sila naging taimtim at madaling turuan.​—Deuteronomio 18:15; Lucas 11:52; Juan 7:47, 48.

9. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ng mga apostol at ng naunang mga propeta?

9 Ibang-iba naman ang situwasyon ng mga alagad ni Jesus, pati na ng mga apostol! Pinag-aralan nila “ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong [sa isa] ukol sa kaligtasan.” (2 Timoteo 3:15) Hinggil dito ay nakakatulad sila ng naunang mga propeta na ‘masikap na nagsiyasat at maingat na nagsaliksik.’ Hindi itinuring ng mga propetang iyon na ang gayong pananaliksik ay isa lamang masigasig na silakbo ng pag-aaral sa loob ng ilang buwan o ng isang taon. Sinasabi ni apostol Pedro na ‘patuloy silang nagsuri,’ lalo na tungkol sa Kristo at kung anong mga kaluwalhatian ang nasasangkot sa kaniyang papel sa pagliligtas sa sangkatauhan. Sa kaniyang unang liham, 34 na beses na sumipi si Pedro mula sa sampung aklat ng Bibliya.​—1 Pedro 1:10, 11.

10. Bakit dapat na maging interesado ang bawat isa sa atin sa pag-aaral ng Bibliya?

10 Maliwanag kung gayon na ang maingat na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay isang maharlikang atas para sa mga hari sa sinaunang Israel. Sinunod ni Jesus ang parisang ito. At ang pag-aaral dito ay isang gawain para sa mga mamamahalang kasama ni Kristo bilang mga hari sa langit. (Lucas 22:28-30; Roma 8:17; 2 Timoteo 2:12; Apocalipsis 5:10; 20:6) Ang maharlikang parisang ito ay mahalaga rin para sa lahat ngayon na umaasa sa mga pagpapala sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.​—Mateo 25:34, 46.

Isang Gawain Para sa mga Hari at sa Iyo

11. (a) Ano ang panganib para sa mga Kristiyano kung tungkol sa pag-aaral? (b) Anu-ano ang makabubuting itanong natin sa ating sarili?

11 Buong-diin at buong-katapatan nating masasabi na ang bawat tunay na Kristiyano ay dapat na personal na magsuri ng Bibliya. Hindi iyon isang bagay na kinakailangan lamang kapag una kang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dapat na maging kapasiyahan ng bawat isa sa atin na iwasang maging gaya ng ilan noong panahon ni apostol Pablo na nang maglaon ay nagpabaya sa personal na pag-aaral. Natutuhan nila ang “mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos,” gaya ng “pang-unang doktrina tungkol sa Kristo.” Gayunman, hindi sila nagpatuloy sa kanilang pag-aaral kaya hindi sila ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang.’ (Hebreo 5:12–​6:3) Angkop na maitatanong natin sa ating sarili: ‘Ano ang nadarama ko tungkol sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ako man ay kamakailan lamang o maraming dekada nang kaugnay sa kongregasyong Kristiyano? Nanalangin si Pablo na patuloy sanang “[lumago] sa tumpak na kaalaman sa Diyos” ang mga Kristiyano noong kaniyang panahon. Ipinakikita ko ba na gayundin ang aking hangarin?’​—Colosas 1:9, 10.

12. Bakit mahalaga na patuloy na kagiliwan ang Salita ng Diyos?

12 Ang susi sa pagkakaroon mo ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral ay ang kagiliwan mo ang Salita ng Diyos. Tinutukoy ng Awit 119:14-16 ang regular at makabuluhang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos bilang paraan upang malugod ka rito. Muli, iyan ay totoo gaano ka man katagal sa pagiging isang Kristiyano. Bilang pagdiriin diyan, alalahanin ang halimbawa ni Timoteo. Bagaman ang Kristiyanong matandang ito ay naglilingkod na noon bilang “isang mabuting kawal ni Kristo Jesus,” hinimok siya ni Pablo na gawin ang kaniyang buong makakaya sa ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan.’ (2 Timoteo 2:3, 15; 1 Timoteo 4:15) Maliwanag, ang paggawa ng iyong “buong makakaya” ay nagsasangkot ng pagkakaroon ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral.

13. (a) Paano maaaring magkaroon ng higit pang panahon sa pag-aaral ng Bibliya? (b) Anong mga pagbabago ang magagawa mo upang magkaroon ka ng panahon sa pag-aaral?

13 Ang isang hakbang sa pagkakaroon ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral ay ang regular na paglalaan ng panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Kumusta ka na may kinalaman diyan? Anuman ang iyong tapat na tugon, sa tingin mo kaya ay makikinabang ka sa paggugol ng higit pang panahon sa personal na pag-aaral? Baka iniisip mo, ‘Paano kaya ako makapagsasaayos ng panahon para riyan?’ Buweno, nadagdagan ng ilan ang kanilang epektibong panahon ng pag-aaral ng Bibliya sa pamamagitan ng pagbangon nang mas maaga sa umaga. Maaaring binabasa nila ang Bibliya sa loob ng 15 minuto o pinagsisikapang gawin ang isang proyekto sa personal na pag-aaral. Bilang isa pang posibilidad, ano kaya kung gumawa ka ng kaunting pagbabago sa iyong lingguhang iskedyul? Halimbawa, kung nakaugalian mo nang magbasa ng pahayagan o manood ng balita sa telebisyon sa gabi, puwede kayang lumiban sa paggawa ng gayon kahit isang araw man lamang sa isang linggo? Magagamit mo ang panahon sa araw na iyon para sa higit pang pag-aaral ng Bibliya. Kung sa halip na manood ng balita sa isang araw ay ilalaan mo ang mga 30 minuto o higit pa sa personal na pag-aaral, madaragdagan ng 25 oras ang iyong pag-aaral sa isang taon. Gunigunihin ang idudulot na mga pakinabang ng 25 oras na karagdagang pagbabasa o pag-aaral ng Bibliya! Narito pa ang isang ideya: Sa loob ng buong sanlinggong darating, suriin ang iyong mga gawain sa katapusan ng bawat araw. Tingnan kung may masusumpungan ka na maaaring alisin o paikliin upang magkaroon ng panahon para sa higit pang pagbabasa o pag-aaral ng Bibliya.​—Efeso 5:15, 16.

14, 15. (a) Bakit mahalaga ang mga tunguhin pagdating sa personal na pag-aaral? (b) Ano ang mga posibleng tunguhin may kaugnayan sa pagbabasa ng Bibliya?

14 Ano ang magpapangyari na maging mas madali at mas kawili-wili sa iyo ang pag-aaral? Mga tunguhin. Anong makatotohanang mga tunguhin sa pag-aaral ang maaari mong itakda? Para sa marami, ang unang kapuri-puring tunguhin ay ang basahin ang buong Bibliya. Marahil hanggang sa kasalukuyan, nakababasa ka paminsan-minsan ng ilang seksiyon ng Bibliya at nakikinabang ka naman mula rito. Maaari ka kayang maging determinado ngayon na basahin ang buong Bibliya? Maaaring ang una mong tunguhin upang magawa iyan ay ang basahin ang apat na Ebanghelyo, na sinusundan naman ng ikalawang tunguhin, tulad ng pagbasa sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kapag natamo mo na ang kasiyahan at mga kapakinabangang dulot nito, maaaring ang iyong susunod na tunguhin ay progresibong basahin ang mga aklat ni Moises at ang makasaysayang mga aklat hanggang Esther. Kapag nagawa mo na iyan, makikita mo na puwede mo nang kumpletuhin ang pagbasa sa natitira pang bahagi ng Bibliya. Isang babae, na mga 65 taóng gulang na noong siya ay maging Kristiyano, ang sumulat sa likod ng pabalat ng kaniyang Bibliya ng petsa kung kailan niya sinimulang basahin ito at pagkatapos ay isinulat din ang petsa kung kailan niya ito natapos. Siya ngayon ay mayroon nang limang pares ng mga petsa! (Deuteronomio 32:45-47) At sa halip na magbasa mula sa computer o sa inimprentang kopya nito mula sa computer, hinahawakan niya mismo ang Bibliya.

15 Ang ilan na naabot na ang tunguhing basahin ang buong Bibliya ay gumagawa ng iba pang mga hakbang upang lalong maging mabunga at kapaki-pakinabang ang kanilang patuloy na pag-aaral. Ang isang paraan ay ang ilakip sa pagbasa ang piniling mga araling materyal bago basahin ang sunud-sunod na aklat ng Bibliya. Sa mga aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang” at Insight on the Scriptures, ang isa ay makasusumpong ng napakahuhusay na impormasyon tungkol sa makasaysayang tagpo, istilo, at potensiyal na mga kapakinabangan ng bawat aklat ng Bibliya. *

16. Dapat nating iwasang sundin ang anong halimbawa sa pag-aaral ng Bibliya?

16 Sa iyong pag-aaral, iwasan ang pamamaraan na karaniwan sa maraming diumano’y mga iskolar sa Bibliya. Labis silang nagtutuon ng pansin sa pagsusuri ng mga teksto na para bang ang Bibliya ay galing sa tao. Sinisikap ng ilan sa kanila na ipatungkol sa isang partikular na grupo ng mambabasa ang bawat aklat o maghaka-haka ng layunin o diumano’y pangmalas na nasa isip ng sumulat ng bawat aklat. Dahil sa gayong pangangatuwiran ng tao, ang mga aklat ng Bibliya ay baka ituring na mga aklat lamang ng kasaysayan o paglalarawan sa unti-unting pagsulong ng relihiyon. Ang ibang mga iskolar naman ay labis na nagbubuhos ng pansin sa pag-aaral sa mga salita, gaya ng pilolohiya ng literatura sa Bibliya. Sila ay nagpapakaabala sa pag-aaral sa mga pinagmulan ng mga salita at sa pagbanggit sa mga kahulugan ng mga ito sa wikang Hebreo at Griego kaysa sa kahalagahan ng mensahe ng Diyos. Sa palagay mo kaya ay malamang na magdulot ng malalim at nakagaganyak na pananampalataya ang gayong mga pamamaraan?​—1 Tesalonica 2:13.

17. Bakit dapat nating malasin na ang mensahe ng Bibliya ay para sa lahat?

17 Makatuwiran ba ang mga konklusyon ng mga iskolar? Totoo ba na ang bawat aklat ng Bibliya ay mayroon lamang iisang pangunahing punto o patungkol lamang sa isang partikular na grupo ng mga mambabasa? (1 Corinto 1:19-21) Ang totoo, ang mga aklat ng Salita ng Diyos ay may permanenteng kahalagahan para sa lahat ng tao anuman ang kanilang edad at pinagmulan. Kahit na ang isang aklat ay ipinatungkol sa isang tao sa pasimula, tulad kay Timoteo o kay Tito, o sa isang partikular na grupo, marahil sa mga taga-Galacia o sa mga taga-Filipos, maaari at dapat pag-aralan ng bawat isa sa atin ang mga aklat na iyon. Mahalaga ang mga ito sa ating lahat, at ang isang partikular na aklat ay maaaring tumalakay sa maraming tema at magdulot ng kapakinabangan sa maraming mambabasa. Oo, ang mensahe ng Bibliya ay para sa lahat, anupat tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit ito isinalin sa mga wika ng mga tao sa buong daigdig.​—Roma 15:4.

Kapakinabangan Para sa Iyo at sa Iba

18. Sa iyong pagbabasa ng Salita ng Diyos, ano ang dapat mong pag-isipan?

18 Habang nag-aaral ka, masusumpungan mo na lubhang kapaki-pakinabang na unawain ang Bibliya at sikaping makita ang tamang pagkakaugnay-ugnay ng mga detalye nito. (Kawikaan 2:3-5; 4:7) Ang isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita ay may malapit na kaugnayan sa kaniyang layunin. Kaya sa iyong pagbabasa, iugnay mo roon ang mga impormasyon at payo. Maaari mong pag-isipang mabuti kung paano nauugnay ang isang insidente, ideya, o hula sa layunin ni Jehova. Tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ano kaya ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova? Paano ito nauugnay sa layunin ng Diyos na isinasakatuparan sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian?’ Maaari mo ring pag-isipan: ‘Paano ko kaya magagamit ang impormasyong ito? Magagamit ko kaya ito sa pagtuturo o pagpapayo sa iba salig sa Kasulatan?’​—Josue 1:8.

19. Sino ang nakikinabang habang inilalahad mo sa iba ang mga bagay na iyong natututuhan? Ipaliwanag.

19 Ang pagmamalasakit sa iba ay kapaki-pakinabang din sa iba pang aspekto. Sa iyong pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, matututuhan mo ang mga bagong bagay at matatamo ang bagong mga kaunawaan. Sikaping ilakip ang mga ito sa nakapagpapatibay na pakikipag-usap sa mga miyembro ng iyong pamilya o sa iba. Kung gagawin mo ito sa angkop na mga panahon at sa mapagpakumbabang paraan, walang alinlangan na magiging kapaki-pakinabang ang gayong mga pag-uusap. Ang iyong taimtim at masiglang pagsasalaysay tungkol sa natutuhan mo o sa mga aspekto na naging kawili-wili sa iyo ay malamang na magiging dahilan upang maging lalong kahanga-hanga ito sa iba. Higit pa riyan, personal na magiging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Sa anong paraan? Sinasabi ng mga eksperto na lalong matatandaan ng isang tao ang kaniyang natututuhan o napag-aaralan kapag habang sariwa pa ito sa kaniyang isipan ay ginagamit o inuulit niya ito, gaya ng pagkukuwento nito sa iba. *

20. Bakit kapaki-pakinabang na basahin ang Bibliya nang paulit-ulit?

20 Sa tuwing babasahin mo ang isang aklat sa Bibliya, tiyak na may matututuhan kang bagong impormasyon. Mamamangha ka sa mga talata na dati ay di-gaanong mahalaga sa iyo. Magkakaroon ka ng higit na kaunawaan tungkol sa mga ito. Idiriin nito na sa halip na basta literatura lamang ito ng tao, ang mga aklat ng Bibliya ay mga kayamanang angkop para sa iyong paulit-ulit na pag-aaral at kapakinabangan. Tandaan, ang isang hari, tulad ni David, ay ‘babasa niyaon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.’

21. Anong gantimpala ang maaasahan mo sa pagpapasulong sa iyong pag-aaral sa Salita ng Diyos?

21 Oo, yaong mga gumugugol ng panahon para sa makabuluhang pag-aaral ng Bibliya ay nakikinabang nang malaki. Nagtatamo sila ng espirituwal na mga hiyas at kaunawaan. Nagiging mas matibay at mas matalik ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Sila rin ay nagiging mas malaking tulong sa mga miyembro ng pamilya, sa mga kapatid sa kongregasyong Kristiyano, at sa mga magiging mananamba pa ni Jehova.​—Roma 10:9-14; 1 Timoteo 4:16.

[Mga talababa]

^ par. 15 Ang mga pantulong sa pag-aaral na ito ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at makukuha sa maraming wika.

^ par. 19 Tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1993, pahina 13-14.

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang kinailangang gawin ng mga hari sa Israel?

• Si Jesus at ang mga apostol ay nagpakita ng anong halimbawa sa pag-aaral ng Bibliya?

• Anong mga pagbabago ang magagawa mo upang maparami ang iyong panahon sa personal na pag-aaral?

• Dapat mong pag-aralan ang Salita ng Diyos taglay ang anong kalagayan ng isipan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 15]

“Hawakan Ito”

“Kung gusto natin . . . ng isang konkordansiya sa Bibliya, wala na tayong makikita pang mas mainam na kasangkapan kaysa sa Internet. Ngunit kung gusto nating basahin ang Bibliya, pag-aralan ito, pag-isipan ito, bulay-bulayin ito, dapat nating hawakan ito, sapagkat iyon lamang ang tanging paraan upang maitimo ito sa ating isip at sa ating puso.”​—Gertrude Himmelfarb, sikat na retiradong propesor, City University, New York.