Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Internasyonal na mga Kombensiyon sa 2003

Internasyonal na mga Kombensiyon sa 2003

Internasyonal na mga Kombensiyon sa 2003

NOONG Sabado, Oktubre 6, 2001, ginanap ang taunang pagpupulong ng mga miyembro ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania sa Jersey City, New Jersey, E.U.A. Pagkatapos ng pulong na iyon, nasiyahan sa isang pantanging programa ang mga miyembro at ang kanilang mga panauhin. Kinabukasan, sa karagdagang mga pagpupulong na ginanap sa apat na lunsod sa Canada at Estados Unidos, inianunsiyo ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod pagkatapos ng kanilang huling pahayag:

“Habang nakatingin tayo sa hinaharap, napakahalaga na hindi pabayaan ng lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos ang kanilang pagtitipong sama-sama. Ipinayo ni apostol Pablo na ang bagay na ito, kalakip na ang pagpapatibayan sa isa’t isa, ay dapat gawin lalung-lalo na samantalang nakikita natin na papalapit na ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. (Hebreo 10:24, 25) Kasuwato ng maka-Kasulatang utos na ito, inaasam natin ang pagkakaroon ng mga pandistritong kombensiyon sa lahat ng bahagi ng daigdig sa susunod na taon [2002]. Pagkatapos, sa taóng 2003, kung loloobin ni Jehova, baka posible na ganapin ang pantanging internasyonal na mga kombensiyon sa ilang rehiyon sa daigdig. Ngayon na ang panahon para manatiling gising at mapagbantay, anupat nauunawaan kung paano nagbabago ang mga pangyayari sa tanawin ng daigdig.”

Sa kabila ng tumitinding kawalang-katiyakan at mga kaigtingan habang papalapit na sa kawakasan ang kasalukuyang sistema, dapat na sumulong ang gawain ng bayan ng Diyos. Ang mabuting balita ng Kaharian, kalakip na ang babalang mensahe ng Bibliya, ay dapat na ipangaral sa bawat bansa, tribo, wika, at bayan, anupat nananawagan sa kanila na ‘matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian sapagkat mas papalapit na ang oras ng kaniyang paghatol.’ (Apocalipsis 14:6, 7) Sa gayon, ayon sa kalooban at mabuting kaluguran ng ating makalangit na Ama, pinaplano ngayon ang internasyonal na mga kombensiyon sa iba’t ibang rehiyon sa daigdig para sa taóng 2003.

Bilang pagpapasimula, pansamantalang isinaayos ang gayong mga pagtitipon sa ilang lunsod sa Hilagang Amerika at kasunod agad nito ay sa Europa naman. Sa bandang katapusan ng 2003, gagawa ng mga kaayusan upang makapaglakbay sa ilang lunsod sa Asia ang mga grupo ng mga delegado; at sa dulo ng taon, karagdagan pang mga grupo ang magtutungo sa Aprika, Timog Amerika, at mga lugar sa Pasipiko. Hihilingan ang ilang sangay na magpadala ng limitadong bilang ng mga delegado sa espesipikong mga lugar ng kombensiyon, kaya hindi posible na mabigyan ang lahat ng imbitasyon upang makadalo. Gayunman, nakapagpapatibay-loob na magkaroon ng limitadong mga delegado na kumakatawan sa iba’t ibang bansa sa bawat lugar.

Hindi matatagalan at tatanggap ng impormasyon ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa mga pagtitipong ito. Ang impormasyon tungkol sa eksaktong mga petsa at espesipikong mga lunsod kung saan makadadalo ang inanyayahang mga delegado ay ilalaan ng kani-kanilang mga sangay. Kaya, hinihiling na huwag munang sumulat o magtanong tungkol dito sa panahong ito.

Ang mga mapipili bilang mga delegado sa dakong huli ay mga nakaalay at bautisadong mga Saksi lamang na magiging mabubuting halimbawa at magpapakita ng pagmamahal na pangkapatid sa lokal na mga kapatid. Ang mga ito naman ay magkakaroon ng magagandang pagkakataon na makapagpakita sa mga panauhin ng maibiging pagtanggap at taimtim na pagkamapagpatuloy. (Hebreo 13:1, 2) Magbubunga ito ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Ilalaan ang higit pang detalye hinggil sa mga kaayusang ito sa pamamagitan ng mga sangay na inanyayahang magpadala ng mga delegado sa isang partikular na bansa o mga bansa.

Isasaayos pa rin gaya ng dati ang tatlong-araw na pandistritong mga kombensiyon para sa taóng 2003 sa maraming bansa. Sa pamamagitan ng sama-samang pagtitipon, magkakaroon ang lahat ng pagkakataon na ‘makapakinig, matuto, at mapatibay-loob.’ (Deuteronomio 31:12; 1 Corinto 14:31) Magbibigay ito ng pagkakataon sa lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos na ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’ (Awit 34:8) Ang mga misyonero ay dadalo sa lahat ng internasyonal na mga kombensiyon, gayundin sa maraming pandistritong kombensiyon, na ang ilan sa kanila ay magkakaroon ng bahagi sa programa.

Sa taóng ito, masisiyahan tayo sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon, na magpapasigla sa atin na makapagpatotoo pa nang higit. Habang ginagawa natin ito, tiyak na sisidhi ang ating pananabik sa inilalaan ni Jehova sa taóng darating. Tutulong ito sa atin na ‘patuloy na magbantay, manatiling gising, at maging handa’ may kinalaman sa mapanganib at napakahalagang mga panahong ito.​—Mateo 24:42-44.