Iwasang Malinlang
Iwasang Malinlang
ANG panlilinlang ay halos kasintagal na ng sangkatauhan. Isa sa mga naunang pangyayari sa ulat ng kasaysayan ay isang gawang panlilinlang. Iyon ay nang linlangin ni Satanas si Eva sa hardin ng Eden.—Genesis 3:13; 1 Timoteo 2:14.
Bagaman walang panahon mula noon na hindi laganap ang panlilinlang sa lupa, ito ay lalo nang naging palasak sa ngayon. Patungkol sa makabagong panahon, nagbabala ang Bibliya: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.”—2 Timoteo 3:13.
Nalilinlang ang mga tao sa maraming iba’t ibang dahilan. Ang mga manloloko at mga manggagantso ay nanlilinlang ng mga biktima upang makuha ang kanilang pera. Nililinlang ng ilang pulitiko ang kanilang mga botante, palibhasa’y determinadong manatili sa kapangyarihan anuman ang mangyari. Nililinlang pa nga ng mga tao ang kanila mismong sarili. Sa halip na harapin ang masasakit na katotohanan, kinukumbinsi nila ang kanilang sarili na walang masama sa pagtataguyod ng mapanganib na mga gawain, tulad ng paninigarilyo, pag-aabuso sa droga, o seksuwal na imoralidad.
May panlilinlang din sa mga relihiyon. Ang mga tao ay nilinlang ng mga relihiyosong lider noong panahon ni Jesus. Tungkol sa mga manlilinlang na iyon, sinabi ni Jesus: “Sila ay mga bulag na tagaakay. Kaya nga, kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.” (Mateo 15:14) Bukod dito, nililinlang ng mga tao ang kanilang sarili may kinalaman sa relihiyon. Sinasabi ng Kawikaan 14:12: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.”
Tulad noong panahon ni Jesus, marami sa ngayon ang nalilinlang may kinalaman sa relihiyon at hindi naman ito nakapagtataka! Sinabi ni apostol Pablo na “binulag [ni Satanas] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.”—2 Corinto 4:4.
Kung malilinlang tayo ng isang manggagantso, mawawalan tayo ng pera. Kung malilinlang tayo ng isang pulitiko, maaaring mawala ang ilan sa ating kalayaan bilang bunga nito. Subalit kung malilinlang tayo ni Satanas anupat tatanggihan natin ang katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo, mawawalan tayo ng buhay na walang hanggan! Kaya iwasang malinlang. Buksan ang iyong isip at puso sa tanging di-maikakailang pinagmumulan ng relihiyosong katotohanan, ang Bibliya. Malaki ang mawawala kung hindi natin ito gagawin.—Juan 17:3.