Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabisa ba ang Iyong Pagtuturo?

Mabisa ba ang Iyong Pagtuturo?

Mabisa ba ang Iyong Pagtuturo?

ANG mga magulang, matatanda, mga tagapaghayag ng mabuting balita​—lahat ay hinihilingan na maging mga guro. Ang mga magulang ay nagtuturo sa kanilang mga anak, ang matatanda ay nagtuturo sa mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon, at ang mga tagapangaral ng mabuting balita ay nagtuturo sa bagong mga taong interesado. (Deuteronomio 6:6, 7; Mateo 28:19, 20; 1 Timoteo 4:13, 16) Ano ang magagawa mo upang maging higit na mabisa ang iyong pagtuturo? Ang isang paraan ay tularan ang halimbawa at pamamaraan ng may kakayahang mga guro na binabanggit sa Salita ng Diyos. Si Ezra ay isa sa gayong guro.

Pagkatuto Mula sa Halimbawa ni Ezra

Si Ezra ay isang saserdoteng Aaroniko na nabuhay mga 2,500 taon na ang nakalipas sa Babilonya. Noong taóng 468 B.C.E., nagtungo siya sa Jerusalem upang isulong ang dalisay na pagsamba sa mga Judiong nakatira roon. (Ezra 7:1, 6, 12, 13) Ang atas na ito ay humihiling sa kaniya na ituro sa bayan ang Kautusan ng Diyos. Ano ang ginawa ni Ezra upang matiyak na mabisa ang kaniyang pagtuturo? Nagsagawa siya ng ilang mahahalagang hakbang. Pansinin ang mga hakbang na ito gaya ng nakaulat sa Ezra 7:10:

[1] Inihanda ni Ezra ang kaniyang puso [2] upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at [3] upang magsagawa niyaon at [4] upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.” Ating suriing sandali ang bawat isa sa mga hakbang na ito at tingnan kung ano ang matututuhan natin mula sa mga ito.

“Inihanda ni Ezra ang Kaniyang Puso”

Kung paanong inihahanda muna ng magsasaka ang lupa sa pamamagitan ng paggamit ng isang araro bago maghasik ng binhi, may-pananalanging inihanda ni Ezra ang kaniyang puso upang tanggapin ang salita ng Diyos. (Ezra 10:1) Sa ibang pananalita, ‘ikiniling niya ang kaniyang puso’ sa turo ni Jehova.​—Kawikaan 2:2.

Sa katulad na paraan, binabanggit ng Bibliya na ‘inihanda ni Haring Jehosapat ang kaniyang puso upang hanapin ang tunay na Diyos.’ (2 Cronica 19:3) Sa kabaligtaran, inilarawan naman ang isang salinlahi ng Israel na “hindi naghanda ng kanilang puso” bilang “sutil at mapaghimagsik.” (Awit 78:8) Nakikita ni Jehova “ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:4) Oo, “ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.” (Awit 25:9) Kaya, mahalaga nga para sa mga guro sa ngayon na sundin ang halimbawa ni Ezra sa pamamagitan ng may-pananalanging paglalagay muna ng kanilang puso sa tamang kondisyon!

“Upang Sumangguni sa Kautusan ni Jehova”

Upang maging isang may kakayahang guro, sumangguni si Ezra sa Salita ng Diyos. Kung sasangguni ka sa isang doktor, hindi mo ba pakikinggang mabuti at titiyaking nauunawaan mo ang lahat ng kaniyang sinasabi o inirereseta? Tiyak na gayon ang gagawin mo, sapagkat nakataya ang iyong kalusugan. Kaya, lalo nang dapat nating bigyan ng matamang pansin ang mga bagay na sinasabi, o inirereseta sa atin ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Dapat tayong magbigay-pansin sapagkat ang kaniyang payo ay nangangahulugan ng atin mismong buhay! (Mateo 4:4; 24:45-47) Sabihin pa, maaaring magkamali ang doktor, subalit “ang kautusan ni Jehova ay sakdal.” (Awit 19:7) Hindi na natin kakailanganin pang sumangguni sa ibang doktor.

Ipinakikita ng mga aklat ng Cronica sa Bibliya (na orihinal na isinulat ni Ezra bilang isang tomo) na si Ezra ay isa ngang napakaingat na estudyante. Upang isulat ang mga aklat na ito, sumangguni siya sa maraming pinagmumulan ng impormasyon. * Ang mga Judio, na kararating lamang mula sa Babilonya, ay nangangailangan ng isang sumaryo ng kasaysayan ng kanilang bansa. Hindi sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa mga pagdiriwang ng kanilang relihiyon, sa paglilingkod sa templo, at sa mga gawain ng mga Levita. Napakahalaga sa kanila ng mga talaangkanan. Binigyan ni Ezra ng pantanging pansin ang mga bagay na iyon. Hanggang sa pagdating ng Mesiyas, ang mga Judio ay kailangang manatili bilang isang bansa na may sariling lupain, isang templo, isang pagkasaserdote, at isang gobernador. Dahil sa impormasyon na natipon ni Ezra, maiingatan ang pagkakaisa at ang tunay na pagsamba.

Paano mo maihahambing ang iyong mga kaugalian sa pag-aaral sa mga kaugalian ni Ezra? Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa iyo sa mabisang pagtuturo ng Bibliya.

“Sumangguni sa Kautusan ni Jehova” Bilang Isang Pamilya

Ang pagsangguni sa kautusan ni Jehova ay hindi lamang sa pamamagitan ng personal na pag-aaral. Mahusay na pagkakataon din na gawin ito sa pampamilyang pag-aaral.

Binabasahan nang malakas ng mag-asawang sina Jan at Julia na taga-Netherlands ang kanilang dalawang anak na lalaki mula nang isinilang ang mga batang ito. Sa ngayon, si Ivo ay 15 taóng gulang na at si Edo ay 14. Minsan sa isang linggo, nagdaraos pa rin sila ng kanilang pampamilyang pag-aaral. Ganito ang paliwanag ni Jan: “Ang pangunahin naming layunin ay hindi ang talakayin ang maraming materyal sa panahon ng pag-aaral kundi ang maunawaan ng mga bata kung ano ang tinatalakay.” Sabi pa niya: “Nagsasaliksik nang husto ang mga bata. Sinusuri nila ang di-pamilyar na mga salita at mga tauhan sa Bibliya​—kailan sila nabuhay, sino sila, ano ang kanilang hanapbuhay, at iba pa. Mula nang matuto silang bumasa, sumangguni na sila sa mga aklat na gaya ng Insight on the Scriptures, mga diksyunaryo, at mga ensayklopidiya. Ginagawa nitong mas kawili-wili ang pampamilyang pag-aaral. Laging pinananabikan ng mga bata ang pampamilyang pag-aaral.” Bilang karagdagang pakinabang, ang dalawang bata ngayon ay nangunguna rin sa kanilang mga klase sa kakayahan sa wika.

Sina John at Tini, isa pang mag-asawa sa Netherlands, ay nakipag-aral sa kanilang anak na lalaki, si Esli (ngayon ay 24 na taóng gulang at nagpapayunir sa ibang kongregasyon), at sa kanilang anak na babae, si Linda (ngayon ay 20 taóng gulang at asawa ng isang mahusay na kabataang kapatid na lalaki). Gayunman, sa halip na pag-aralan ang isang publikasyon sa pamamagitan ng karaniwang paraan na tanong at sagot, ibinagay nila ang pampamilyang pag-aaral sa edad at mga pangangailangan ng mga anak. Anong pamamaraan ang kanilang ginamit?

Ipinaliwanag ni John na ang kaniyang anak na lalaki at babae ang pumipili ng isang kawili-wiling paksa mula sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” (mula sa Ang Bantayan) at “Ang Pangmalas ng Bibliya” (mula sa Gumising!). Pagkaraan, inihaharap nila ang kanilang napaghandaan, na laging nagbubunga ng kawili-wiling mga talakayan ng pamilya. Sa ganitong paraan ang mga kabataan ay nagkakaroon ng karanasan sa pagsasaliksik at sa pagtalakay sa mga resulta ng kanilang pag-aaral. ‘Sumasangguni ka ba sa kautusan ni Jehova’ na kasama ang iyong mga anak? Hindi lamang nito pasusulungin ang iyong personal na kakayahan sa pagtuturo kundi tutulungan din nito ang iyong mga anak na maging mas mabibisang guro.

“Upang Magsagawa Niyaon”

Ikinapit ni Ezra ang kaniyang natutuhan. Halimbawa, samantalang nasa Babilonya pa, maaaring nagkaroon siya ng maayos na pamumuhay. Gayunpaman, nang matanto niya na maaari niyang tulungan ang kaniyang mga kababayang nasa ibang bansa, ipinagpalit niya ang mga kaginhawahan ng Babilonya sa malayong lunsod ng Jerusalem, taglay ang lahat ng mga kahirapan, problema, at mga panganib nito. Maliwanag, hindi lamang nagtipon si Ezra ng kaalaman sa Bibliya kundi handa rin siyang kumilos ayon sa natutuhan niya.​—1 Timoteo 3:13.

Nang maglaon, samantalang naninirahan sa Jerusalem, muling ipinakita ni Ezra na ikinakapit niya ang kaniyang natutuhan at itinuturo. Naging maliwanag ito nang mabalitaan niya ang tungkol sa pag-aasawa ng mga lalaking Israelita sa mga babaing pagano. Sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya na kaniyang ‘hinapak ang kaniyang kasuutan at ang kaniyang damit na walang manggas at binunot ang ilang buhok ng kaniyang ulo at ng kaniyang balbas at nanatili siyang nakaupong natitigilan hanggang sa kinagabihan.’ ‘Nahiya at nanliit pa nga siya na itinaas ang kaniyang mukha’ kay Jehova.​—Ezra 9:1-6.

Siya nga ay lubhang naapektuhan ng kaniyang pag-aaral ng Salita ng Diyos! Si Ezra ay may malinaw na pangmalas sa kahila-hilakbot na mga resulta ng pagsuway ng bayan. Napakaliit ng bilang ng mga nakabalik na Judio. Kapag sila’y nagsipag-asawa ng mga hindi sumasamba kay Jehova, sa dakong huli ay maaari silang mapasama sa nakapalibot na paganong mga bansa, at ang dalisay na pagsamba ay maaaring madaling maglaho sa ibabaw ng lupa!

Mabuti naman, ang halimbawa ni Ezra ng debotong pagkatakot at sigasig ay nagpakilos sa mga Israelita na ituwid ang kanilang mga daan. Pinaalis nila ang kanilang mga banyagang asawang babae. Sa loob ng tatlong buwan ang lahat ng bagay ay naituwid. Malaki ang nagawa ng personal na pagkamatapat ni Ezra sa Kautusan ng Diyos upang maging mabisa ang kaniyang pagtuturo.

Totoo rin ito sa ngayon. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong ama: “Mas sinusunod ng mga bata ang halimbawa mo kaysa sa sinasabi mo!” Kapit din ang simulaing iyan sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Maaasahan ng matatanda na nagpapakita ng mainam na halimbawa na tutugon ang kongregasyon sa kanilang mga turo.

“Upang Magturo sa Israel ng Tuntunin at Katarungan”

May isa pang dahilan kung bakit mabisa ang pagtuturo ni Ezra. Hindi niya itinuro ang kaniyang sariling mga ideya, kundi itinuro niya ang “tuntunin at katarungan.” Yaon ay ang mga tuntunin, o mga kautusan, ni Jehova. Ito ang kaniyang pananagutan bilang saserdote. (Malakias 2:7) Nagturo rin siya ng katarungan, at nagpakita siya ng halimbawa ng itinuro niya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan sa makatarungan at walang pagtatanging paraan, ayon sa isang pamantayan. Kapag yaong mga may awtoridad ay nagpapakita ng katarungan, nagkakaroon ng katatagan at nagbubunga ito ng permanenteng mga resulta. (Kawikaan 29:4) Sa katulad na paraan, ang Kristiyanong matatanda, mga magulang, at mga tagapaghayag ng Kaharian na bihasang-bihasa sa Salita ng Diyos ay makapagpapatatag sa espirituwal kapag sila’y nagtuturo ng mga tuntunin at katarungan ni Jehova sa kongregasyon, sa kanilang mga pamilya, at sa mga interesadong tao.

Hindi ka ba sumasang-ayon na ang iyong pagtuturo ay maaaring maging mas mabisa kung tutularan mo nang husto ang halimbawa ng tapat na si Ezra? Samakatuwid, ‘ihanda mo ang iyong puso, sumangguni sa kautusan ni Jehova, isagawa ito, at ituro ang tuntunin at katarungan ni Jehova.’​—Ezra 7:10.

[Talababa]

^ par. 11 Isang talaan ng 20 pinagmumulan ng impormasyon ang masusumpungan sa Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 444-5, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

BAKIT NAGING MABISA ANG PAGTUTURO NI EZRA?

1. Inilagay niya ang kaniyang puso sa tamang kondisyon

2. Sumangguni siya sa Kautusan ni Jehova

3. Nagpakita siya ng mabuting halimbawa sa pagkakapit ng kaniyang natutuhan

4. Masikap siyang nag-aral at ikinapit ito sa kaniyang sarili upang maituro ang maka-Kasulatang pangmalas