Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinalakas ng Ating Pandaigdig na Kapatiran

Pinalakas ng Ating Pandaigdig na Kapatiran

Pinalakas ng Ating Pandaigdig na Kapatiran

AYON SA SALAYSAY NI THOMSON KANGALE

Noong Abril 24, 1993, ako ay inanyayahang dumalo sa programa ng pag-aalay sa bagong mga pasilidad ng tanggapang pansangay, na kinabibilangan ng 13 gusali, sa Lusaka, Zambia. Yamang nahihirapan akong maglakad, ang Kristiyanong kapatid na babae na giya namin sa aming pamamasyal sa mga pasilidad ay may kabaitang nagtanong, “Gusto ba ninyong dalhan ko kayo ng upuan para makapagpahinga kayo sa pana-panahon?” Ako ay itim, at siya ay puti, ngunit hindi iyon mahalaga sa kaniya. Palibhasa’y lubhang naantig, pinasalamatan ko siya, yamang dahil sa kaniyang kabaitan ay nalibot ko ang lahat ng pasilidad ng sangay.

SA NAKALIPAS na mga taon, ang mga karanasang tulad nito ay nakaantig sa aking puso, anupat muling nagbibigay-katiyakan sa aking pananalig na sa loob ng Kristiyanong samahan ng mga Saksi ni Jehova, umiiral ang pag-ibig na sinabi ni Kristo na pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga alagad. (Juan 13:35; 1 Pedro 2:17) Hayaan mong ikuwento ko kung paano ko nakilala ang mga Kristiyanong ito noong 1931, ang taon na inihayag nila sa madla ang kanilang pagnanais na makilala sa salig-Bibliyang pangalan na Mga Saksi ni Jehova.​—Isaias 43:12.

Ministeryo sa Aprika Noon

Noong Nobyembre 1931, ako ay 22 taóng gulang at nakatira sa Kitwe, na matatagpuan sa rehiyon ng Copperbelt sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia). Isang kaibigan na kalaro ko noon ng soccer ang nagpakilala sa akin sa mga Saksi. Dumalo ako sa ilan sa kanilang mga pagpupulong at sumulat sa tanggapang pansangay sa Cape Town, Timog Aprika, na humihiling ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na The Harp of God. * Ang aklat ay isinulat sa wikang Ingles, at nahirapan akong maunawaan ito, yamang hindi ko gaanong alam ang wikang iyon.

Ang rehiyon ng Copperbelt, na matatagpuan mga 240 kilometro sa timog-kanluran ng Lawa ng Bangweulu, malapit sa lugar kung saan ako lumaki, ay may mga trabahador sa mga minahan ng tanso na nagmula sa ibang mga lalawigan. Ilang grupo ng mga Saksi ang regular na nagtitipon doon para sa pag-aaral ng Bibliya. Di-nagtagal, lumipat ako mula sa Kitwe patungo sa kalapit na bayan ng Ndola at nagsimulang makisama sa isang grupo ng mga Saksi roon. Noong panahong iyon, ako ang kapitan ng koponan ng soccer na tinatawag na Prince of Wales. Nagtrabaho rin ako bilang katulong sa bahay ng isang manedyer na puti ng African Lakes Corporation, isang kompanya na maraming tindahan sa sentral Aprika.

Hindi ako gaanong nakapag-aral at natutuhan ko lamang ang kaunting Ingles na alam ko mula sa mga Europeo na pinagtrabahuhan ko. Magkagayunman, gustung-gusto kong ipagpatuloy ang aking sekular na edukasyon at nag-aplay ako upang makapag-aral sa isang paaralan sa Plumtree, Timog Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe). Gayunman, pansamantala ay sumulat ako sa tanggapang pansangay sa Cape Town sa ikalawang pagkakataon. Ipinaalam ko sa kanila na natanggap ko ang The Harp of God at na gusto kong paglingkuran si Jehova nang buong-panahon.

Nasorpresa ako nang tanggapin ko ang kanilang tugon, na nagsasabi: “Pinahahalagahan namin ang iyong pagnanais na paglingkuran si Jehova. Pinasisigla ka namin na ipanalangin ang bagay na iyan, at tutulungan ka ni Jehova na magkaroon ng mas mabuting kaunawaan hinggil sa katotohanan, at ihahanap ka niya ng dako kung saan mapaglilingkuran mo siya.” Matapos basahin ang liham nang ilang ulit, tinanong ko ang ilang Saksi kung ano ang dapat kong gawin. Sinabi nila: “Kung talagang nais mong paglingkuran si Jehova, humayo ka na at gawin mo ito kaagad.”

Sa loob ng isang linggo, nanalangin ako tungkol sa bagay na iyon at sa wakas ay nagpasiya na talikdan ang aking sekular na edukasyon at ipagpatuloy ang aking pag-aaral ng Bibliya kasama ang mga Saksi. Nang sumunod na taon, noong Enero 1932, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Matapos lumipat mula sa Ndola patungo sa kalapit na lunsod ng Luanshya, nakilala ko si Jeanette, isang kapananampalataya, at kami ay nagpakasal noong Setyembre 1934. Nang magpakasal kami, mayroon nang anak na lalaki at babae si Jeanette.

Unti-unti, sumulong ako sa espirituwal, at noong 1937, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo. Di-nagtagal pagkatapos nito ay nahirang ako na maglingkod bilang naglalakbay na ministro, na tinatawag ngayon na tagapangasiwa ng sirkito. Dinadalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang patibayin sila sa espirituwal.

Pangangaral Noong Unang mga Taon

Noong Enero 1938, inatasan ako na dalawin ang isang pinunong Aprikano na nagngangalang Sokontwe, na humiling na dalawin siya ng mga Saksi ni Jehova. Tatlong araw akong nagbisikleta upang makarating sa kaniyang lugar. Nang sabihin ko sa kaniya na ipinadala ako bilang tugon sa liham na kaniyang ipinadala sa tanggapan sa Cape Town, lubus-lubos ang kaniyang pasasalamat.

Nagtungo ako sa bawat kubo ng kaniyang nasasakupan at inanyayahan sila sa insaka (pangmadlang tanghalan). Nang matipon sila, nagsalita ako sa madla. Bunga nito, maraming pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Ang pinuno ng nayon at ang kaniyang kawani ang kauna-unahan sa mga naging tagapangasiwa sa mga kongregasyon doon. Sa ngayon, may mahigit sa 50 kongregasyon sa lugar na iyon, na kilalá na ngayon bilang distrito ng Samfya.

Mula 1942 hanggang 1947, naglingkod ako sa rehiyon sa palibot ng Lawa ng Bangweulu. Gumugol ako ng sampung araw sa bawat kongregasyon. Yamang ang mga manggagawa noon sa espirituwal na pag-aani ay kakaunti, nadama namin ang gaya ng nadama ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo, nang sabihin niya: “Oo, ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:36-38) Noong mga unang araw na iyon, mahirap ang paglalakbay, kaya kadalasang naiiwan si Jeanette sa Luanshya kasama ng mga bata habang dumadalaw ako sa mga kongregasyon. Nang panahong iyon, kami ni Jeanette ay nagkaroon pa ng dalawang anak, ngunit ang isa sa kanila ay namatay sa edad na sampung buwan.

Iilan lamang ang mga kotse noong mga panahong iyon at, sabihin pa, pati na ang mga daan. Isang araw, pinasimulan ko ang aking paglalakbay na may layong mahigit na 200 kilometro sakay ng bisikleta ni Jeanette. Kung minsan kapag kailangan kong tumawid sa isang maliit na ilog, pinapasan ko ang bisikleta, hawak ito ng isang kamay, at lumalangoy na gamit ang isa pang kamay. Mangyari pa, ang bilang ng mga Saksi sa Luanshya ay lubhang dumami, at noong 1946, ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay may bilang na 1,850.

Pagharap sa Pagsalansang sa Ating Gawain

Sa isang pagkakataon noong Digmaang Pandaigdig II, ipinatawag ako ng komisyonado ng distrito sa Kawambwa at sinabi niya: “Gusto kong tumigil na kayo sa paggamit ng mga aklat ng Samahang Watch Tower dahil ipinagbabawal na ang mga ito ngayon. Ngunit maaari ko kayong bigyan ng mga reperensiyang akda na magagamit ninyo upang sumulat ng ibang aklat na gagamitin ninyo sa inyong gawain.”

“Kontento na ako sa aming literatura,” ang sagot ko. “Wala na akong kailangan pa.”

“Hindi ninyo kilalá ang mga Amerikano,” ang sabi niya (ang literatura namin ay iniimprenta noon sa Estados Unidos). “Lilinlangin nila kayo.”

“Hindi, ang mga kasamahan ko ay hindi gagawa ng gayon,” ang tugon ko.

Pagkatapos ay nagtanong siya: “Hindi mo ba mahihikayat ang inyong mga kongregasyon na mag-abuloy ng salapi upang tumulong sa digmaan gaya ng ginagawa ng ibang mga relihiyon?”

“Iyan ay trabaho ng mga mensahero ng gobyerno,” ang sagot ko.

“Bakit hindi ka umuwi at pag-isipan ang bagay na iyan?” ang sabi niya.

“Sa Exodo 20:13 at 2 Timoteo 2:24, ang Bibliya ay nag-uutos sa amin na huwag papatay at huwag makikipaglaban,” ang tugon ko.

Bagaman pinayagan akong umalis, muli akong ipinatawag ng komisyonado ng distrito sa Fort Rosebery, isang bayan na tinatawag ngayon na Mansa. “Ipinatawag kita rito upang ipaalam sa iyo na ipinagbabawal na ng gobyerno ang inyong mga aklat,” ang sabi niya.

“Opo. Nabalitaan ko nga iyon,” ang sabi ko.

“Kaya kailangan mong puntahan ang lahat ng inyong kongregasyon at sabihin sa mga tao na kasama mong sumasamba na dalhin ang lahat ng aklat na iyon dito. Nauunawaan mo ba?”

“Hindi ko po trabaho iyan,” ang tugon ko. “Iyan po ay pananagutan ng mga mensahero ng gobyerno.”

Nagbunga ang Isang Pagtatagpo

Pagkatapos ng digmaan, nagpatuloy kami sa pangangaral. Noong 1947, katatapos ko pa lamang maglingkod sa isang kongregasyon sa nayon ng Mwanza nang magtanong ako kung saan ako makabibili ng isang tasang tsa. Itinuro sa akin ang bahay ni Mr. Nkonde, kung saan may inuman ng tsa. Mainit ang pagtanggap sa akin ni Mr. Nkonde at ng kaniyang asawa. Tinanong ko si Mr. Nkonde kung, habang iniinom ko ang aking tsa, gusto niyang basahin ang kabanata na “Impiyerno, Isang Dako ng Kapahingahan sa Pag-asa” sa aklat na “Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat.”

“Kaya ano ang pagkaunawa mo sa impiyerno?” ang tanong ko pagkaubos ko sa aking tsa. Palibhasa’y namangha sa kaniyang nabasa, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at nang maglaon ay nabautismuhan kasama ang kaniyang asawa. Bagaman hindi siya nanatiling Saksi, ang kaniyang asawa at ilan sa kaniyang mga anak ay nagpatuloy. Sa katunayan, ang isa sa kaniyang mga anak, si Pilney, ay naglilingkod pa rin sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia. At bagaman ang ina ni Pilney ay medyo matanda na ngayon, siya ay isa pa ring tapat na Saksi.

Sandaling Pamamalagi sa Silangang Aprika

Ang aming tanggapang pansangay sa Hilagang Rhodesia, na naitatag noong unang mga buwan ng 1948 sa Lusaka, ay nag-atas sa akin sa Tanganyika (ngayo’y Tanzania). Isa pang Saksi ang sumama sa amin ng aking asawa sa paglalakbay namin nang naglalakad sa bulubunduking teritoryo. Umabot nang tatlong araw ang aming paglalakbay at lubhang nakapapagod nga ito. Habang buhat-buhat ko ang nakataling mga aklat, dala-dala naman ng aking asawa ang aming mga damit, at pasan-pasan naman ng kasama naming Saksi ang mga higaan namin.

Nang dumating kami sa Mbeya noong Marso 1948, maraming dapat gawin upang matulungan ang mga kapatid na gumawa ng mga pagbabago upang higit silang makaayon sa mga turo ng Bibliya. Unang-una na, kilalá kami sa lugar na iyon bilang mga tauhan ng Watchtower. Bagaman ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay tinanggap ng mga kapatid, hindi naman ito naitampok sa madla. Karagdagan pa, kailangang iwan ng ilang Saksi ang ilang kaugaliang kaugnay sa pagpaparangal sa mga patay. Ngunit ang pinakamahirap na pagbabago marahil para sa marami ay ang irehistro ang kanilang kasal upang maging legal, anupat ginagawang marangal ito sa paningin ng lahat.​—Hebreo 13:4.

Nang maglaon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na maglingkod sa ibang mga lugar sa Silangang Aprika, kabilang na ang Uganda. Gumugol ako ng mga anim na linggo sa Entebbe at Kampala, kung saan marami ang natulungan na magkaroon ng kaalaman sa katotohanan sa Bibliya.

Paanyayang Magtungo sa New York City

Matapos maglingkod sa Uganda nang medyo matagal-tagal, dumating ako noong unang mga buwan ng 1956 sa Dar es Salaam, ang kapital ng Tanganyika. Doon ay naghihintay sa akin ang isang liham mula sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Naglalaman ito ng mga tagubilin na magsimula akong maghanda sa pagtungo sa New York upang dumalo sa internasyonal na kombensiyon na gaganapin sa Hulyo 27 hanggang Agosto 3, 1958. Talagang sabik na sabik na ako sa pagkakataong iyon.

Nang dumating ang oras, isa pang naglalakbay na tagapangasiwa, si Luka Mwango, at ako ay lumipad mula Ndola patungong Salisbury (ngayo’y Harare), Timog Rhodesia, pagkatapos patungong Nairobi, Kenya. Mula roon ay lumipad kami patungong London, Inglatera, kung saan mainit kaming tinanggap. Nang mahiga kami nang gabing dumating kami sa Inglatera, tuwang-tuwa kami at patuloy na nag-usap tungkol sa kung paano kaming mga Aprikano ay tinanggap nang may pagkamapagpatuloy ng mga taong puti. Labis-labis kaming napatibay ng karanasang iyon.

Sa wakas, dumating kami sa New York, kung saan ginanap ang kombensiyon. Isang araw noong panahon ng kombensiyon, nagbigay ako ng ulat tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Hilagang Rhodesia. Nang araw na iyon, ang mga tagapakinig ay binubuo ng halos 200,000 katao na nagkatipon sa Polo Grounds at Yankee Stadium sa New York City. Hindi ako makatulog nang gabing iyon dahil sa pag-iisip tungkol sa kahanga-hangang pribilehiyo na tinamasa ko.

Kaybilis natapos ng kombensiyon at umuwi na kami. Sa aming biyahe pauwi, naranasan naming muli ang maibiging pagkamapagpatuloy ng aming mga kapatid sa Inglatera. Ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova, anuman ang lahi o nasyonalidad, ay di-malilimutang ipinakita sa amin sa paglalakbay na iyon!

Patuloy na Paglilingkod at mga Pagsubok

Noong 1967, hinirang ako na maging lingkod ng distrito​—isang ministro na naglalakbay sa bawat sirkito. Nang panahong iyon ang bilang ng mga Saksi sa Zambia ay dumami nang hanggang mahigit sa 35,000. Nang maglaon, dahil sa humihinang kalusugan, ako ay muling inatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Copperbelt. Nang dakong huli, nagkaroon ng problema sa kalusugan si Jeanette at namatay siyang tapat kay Jehova noong Disyembre 1984.

Pagkamatay niya, lubha akong nasaktan nang akusahan ako ng di-sumasampalatayang mga kapamilya ng aking asawa na ako raw ang pumatay sa kaniya sa pamamagitan ng pangkukulam. Ngunit ang ilan na nakaaalam sa sakit ni Jeanette at nakakausap sa kaniyang doktor ang nagpaliwanag sa mga kamang-anak na iyon kung ano ang totoo. Pagkatapos ay dumating ang karagdagan pang pagsubok. Nais ng ilang kamag-anak na sumunod ako sa tradisyonal na kaugalian na tinatawag na ukupyanika. Sa rehiyon na pinanggalingan ko, ang kaugaliang ito ay humihiling na kapag namatay ang isang kabiyak, kailangang makipagtalik ang nabubuhay na asawa sa isang malapit na kamag-anak ng namatay. Siyempre pa, tumanggi ako.

Nang dakong huli, natapos din ang panggigipit ng mga kamag-anak. Nagpapasalamat ako na tinulungan ako ni Jehova na tumayong matatag. Isang buwan matapos ilibing ang aking asawa, isang kapatid ang lumapit sa akin at nagsabi: “Brother Kangale, ikaw ay talagang isang pampatibay-loob sa amin sa pagkamatay ng iyong asawa dahil hindi ka gumawa ng kahit isang di-makadiyos na tradisyon. Labis-labis kaming nagpapasalamat sa iyo.”

Isang Kamangha-manghang Pag-aani

Animnapu’t limang taon na mula nang pasimulan ko ang aking buong-panahong ministeryo bilang isang Saksi ni Jehova. Kaylaking kagalakan na makita sa mga taóng iyon ang daan-daang kongregasyon na nabuo at ang maraming Kingdom Hall na naitayo sa mga lugar kung saan ako dating naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa! Mula sa mga 2,800 Saksi noong 1943, dumami kami nang mahigit sa 122,000 mamamahayag ng Kaharian sa Zambia. Tunay, noong nakaraang taon mahigit na 514,000 ang dumalo sa Memoryal sa bansang ito, na may populasyong halos 11 milyon.

Samantala, inaalagaan akong mabuti ni Jehova. Kapag kailangan kong magpagamot, isang kapatid na Kristiyano ang nagdadala sa akin sa ospital. Inaanyayahan pa rin ako ng mga kongregasyon na magbigay ng mga pahayag pangmadla, at ito ay nagbibigay sa akin ng maraming nakapagpapatibay na mga sandali. Ang kinauugnayan kong kongregasyon ay gumawa ng kaayusan upang maghalinhinan ang Kristiyanong mga kapatid na babae sa paglilinis ng aking bahay, at nagboboluntaryo ang mga kapatid na lalaki na samahan ako sa mga pagpupulong bawat linggo. Alam kong hindi ko kailanman tatamasahin ang gayong maibiging pangangalaga kung hindi ako naglilingkod kay Jehova. Pinasasalamatan ko siya sa patuloy na paggamit sa akin sa buong-panahong ministeryo at sa maraming pananagutan na nagagawa ko pa ring balikatin hanggang sa ngayon.

Malabo na ang aking paningin, at kapag naglalakad ako patungo sa Kingdom Hall, kailangan kong magpahinga nang ilang ulit. Waring mas mabigat ang aking bag para sa mga aklat sa mga panahong ito, kaya kailangan kong pagaanin ito sa pamamagitan ng pag-aalis sa anumang aklat na hindi ko kakailanganin sa pulong. Ang aking ministeryo sa larangan ay kadalasang binubuo ng pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga nagtutungo sa aking bahay. Gayunman, kaylaking kaluguran na magbalik-tanaw sa nakalipas na mga taon at makapagnilay-nilay sa kamangha-manghang pagsulong na naganap! Naglingkod ako sa isang larangan kung saan ang mga salita ni Jehova sa Isaias 60:22 ay nagkaroon ng namumukod-tanging katuparan. Doon ay sinasabi nito: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” Tunay, nakita ko mismong naganap ang mismong bagay na iyan hindi lamang sa Zambia kundi sa buong daigdig. *

[Mga talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 50 Nakalulungkot, naubos na ang lakas ni Brother Kangale, at namatay siyang tapat habang ang artikulong ito ay inihahanda para sa paglalathala.

[Mga larawan sa pahina 24]

Si Thomson at nasa likuran niya ang sangay sa Zambia

[Larawan sa pahina 26]

Ang sangay sa Zambia sa ngayon