Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sambahin ang Diyos “sa Espiritu”

Sambahin ang Diyos “sa Espiritu”

Sambahin ang Diyos “sa Espiritu”

“Kanino ninyo ihahambing ang Diyos? Sa anong larawan ninyo siya ikukumpara?”​—ISAIAS 40:18, “KATOLIKONG EDISYONG PASTORAL”

MARAHIL ay kumbinsidung-kumbinsido ka na ang paggamit ng mga imahen ay kaayaaya sa pagsamba sa Diyos. Maaaring nadarama mo na sa pamamagitan nito ay napapalapít ka sa Dumirinig ng panalangin, na di-nakikita at waring walang malasakit at di-tiyak.

Ngunit talaga bang ganap na malaya tayong pumili ng ating sariling paraan sa paglapit sa Diyos? Hindi ba dapat ang Diyos mismo ang pinakaawtoridad sa kung ano ang kaayaaya at kung ano ang hindi? Ipinaliwanag ni Jesus ang pangmalas ng Diyos sa bagay na ito nang kaniyang sabihin: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) * Ang mga pananalita lamang na iyon ay nagbabawal na sa paggamit ng mga imahen o anumang ibang sagradong mga bagay.

Oo, may espesipikong uri ng pagsamba na tinatanggap ang Diyos na Jehova. At ano iyon? Sa isa pang okasyon, ipinaliwanag ni Jesus: “Dumarating ang oras at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito nga ang gusto ng Ama sa mga sumasamba sa kaniya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan marapat sumamba ang mga sumasamba sa kaniya.”​—Juan 4:23, 24.

Mailalarawan ba ng isang materyal na imahen ang Diyos na isang “espiritu”? Hindi. Gaano man kahanga-hanga ang isang imahen, hindi nito kailanman mapapantayan ang kaluwalhatian ng Diyos. Kaya ang isang imahen ng Diyos ay hindi kailanman masasabing isang makatotohanang larawan niya. (Roma 1:22, 23) Ang isang tao ba ay ‘sumasamba sa katotohanan’ kung lumalapit siya sa Diyos sa pamamagitan ng isang imaheng ginawa ng tao?

Isang Maliwanag na Turo ng Bibliya

Ipinagbawal ng Kautusan ng Diyos na gumawa ng mga larawan bilang mga bagay na sinasamba. Ipinag-utos ng ikalawa sa Sampung Utos: “Huwag kang gagawa ng inukit na diyus-diyosan o imahen ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa mga tubig sa ilalim ng lupa; huwag kang yuyuko o maglilingkod sa kanila.” (Exodo 20:4, 5) Iniuutos din ng kinasihang Kristiyanong Kasulatan: “Dapat kayong umiwas sa idolatriya.”​—1 Corinto 10:14, The Jerusalem Bible.

Totoo, ipinaggigiitan ng marami na ang kanilang paggamit ng mga imahen sa pagsamba ay hindi naman idolatriya. Halimbawa, madalas na ikinakaila ng mga Kristiyanong Ortodokso na kanilang aktuwal na sinasamba ang mga imahen na kanilang niyuyukuran, niluluhuran, at pinapanalanginan. Sumulat ang isang paring Ortodokso: “Nagpapakundangan kami sa mga iyon dahil ang mga iyon ay mga banal na bagay, at dahil pinagpipitaganan namin ang inilalarawan ng mga Imahen.”

Gayunman, nananatili ang tanong: Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang paggamit ng mga imahen kahit na sa layuning tinatawag na di-tuwirang pagpapakundangan? Walang masusumpungan sa Bibliya na nagpapahintulot sa gayong paggawi. Nang gumawa ang mga Israelita ng imahen ng isang guya, na diumano para sa layuning pakundanganan si Jehova, ipinahayag niya ang matinding di-pagsang-ayon, anupat sinasabi na sila’y nag-apostata.​—Exodo 32:4-7.

Ang Nakatagong Panganib

Ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba ay isang mapanganib na kaugalian. Madali nitong matukso ang mga tao na sambahin ang bagay sa halip na ang Diyos na ipinalalagay na inilalarawan ng bagay. Sa ibang pananalita, ang imahen ay nagiging isang bagay ukol sa idolatriya.

Ganiyan ang nangyari sa ilang bagay noong panahon ng mga Israelita. Halimbawa, gumawa si Moises ng isang tansong ahas noong panahon ng kanilang paglalakbay sa ilang. Noong una, ang kawangis ng ahas sa isang tulos ay nagsilbing isang paraan sa paggaling. Yaong pinarusahan ng tuklaw ng ahas ay maaaring tumingin sa tansong ahas at makatanggap ng tulong ng Diyos. Ngunit pagkatapos manirahan ang bayan sa Lupang Pangako, waring ginawa nilang idolo ang larawang ito, na tila ang tansong ahas mismo ang may kapangyarihang magpagaling. Nagsunog sila ng insenso roon at binigyan pa nga ito ng pangalang Nehustan.​—Bilang 21:8, 9; 2 Hari 18:4.

Sinikap din ng mga Israelita na gamitin ang kaban ng tipan bilang isang agimat laban sa kanilang mga kaaway, na nagdulot ng kapaha-pahamak na mga resulta. (1 Samuel 4:3, 4; 5:11) At noong panahon ni Jeremias, higit na binigyang-pansin ng mga mamamayan ng Jerusalem ang templo sa halip na ang pagsamba sa Diyos doon.​—Jeremias 7:12-15.

Ang hilig na sambahin ang mga bagay sa halip na ang Diyos ay napakalaganap pa rin. Sinabi ng mananaliksik na si Vitalij Ivanovich Petrenko: “Ang imahen . . . ay nagiging isang bagay na sinasamba at nanganganib na umakay sa idolatriya . . . Aaminin ng isa na ito ay pangunahin nang isang paganong ideya na isinama sa pagsamba sa mga imahen sa pamamagitan ng popular na mga paniniwala.” Gayundin, sinasabi ng Griegong Ortodoksong pari na si Demetrios Constantelos sa kaniyang aklat na Understanding the Greek Orthodox Church: “Posible para sa isang Kristiyano na gawing isang bagay na sinasamba ang isang imahen.”

Ang pag-aangkin na ang mga imahen ay mga pantulong lamang sa masasabing pagsamba ay lubhang kaduda-duda. Bakit? Buweno, hindi ba totoo na ang ilang imahen ni Maria o ng mga “santo” ay maaaring ituring na nararapat bigyan ng higit na debosyon at mas mabisa kaysa sa ibang mga imahen na lumalarawan sa indibiduwal ding iyon na matagal nang namatay? Halimbawa, isang imahen na lumalarawan kay Maria sa Tínos, Gresya, ay may sariling mga tagasunod na debotong Ortodokso, na maihahambing sa gayunding tapat na mga deboto ng isang imahen na lumalarawan kay Maria sa Soumela, hilagang Gresya. Ang dalawang grupo ay naniniwala na ang kani-kanilang sariling imahen ay nakahihigit, nakagagawa ng mas kahanga-hangang mga himala kaysa sa isa, bagaman parehong lumalarawan sa iisang indibiduwal na matagal nang namatay. Kaya sa gawa, ipinatutungkol ng mga tao ang tunay na kapangyarihan sa ilang imahen at sinasamba ang mga ito.

Pananalangin sa mga “Santo” o kay Maria?

Kumusta naman ang pagpapakundangan sa mga indibiduwal, tulad kay Maria o sa mga “santo”? Bilang tugon sa tukso ni Satanas, tinukoy ni Jesus ang Deuteronomio 6:13 at sinabi: “Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglingkuran.” (Mateo 4:10) Nang maglaon ay sinabi niya na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa “Ama,” wala nang iba. (Juan 4:23) Yamang natatanto ito, sinaway ng anghel si apostol Juan dahil sa pagtatangka nito na sambahin siya, na sinasabi: “Huwag . . . Ang Diyos ang sasambahin mo.”​—Pagbubunyag [o Apocalipsis] 22:9.

Angkop ba na manalangin sa makalupang ina ni Jesus, si Maria, o sa partikular na mga “santo,” anupat humihiling sa kanila na sila ay mamagitan sa Diyos alang-alang sa isang tao? Ang tuwirang sagot ng Bibliya ay: “Iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao​—si Kristo Jesus na tao.”​—1 Timoteo 2:5.

Ingatan ang Iyong Kaugnayan sa Diyos

Ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba, yamang laban sa maliwanag na turo ng Bibliya, ay hindi makatutulong sa mga tao na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at matamo ang kaligtasan. Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus na ang walang-hanggang buhay ay nakadepende sa pagkuha natin ng kaalaman hinggil sa tanging tunay na Diyos at pag-alam sa kaniyang walang-katumbas na personalidad gayundin sa kaniyang mga layunin at pakikitungo sa mga tao. (Juan 17:3) Ang mga imahen na hindi nakakakita, nakadarama, o nakapagsasalita ay hindi nakatutulong sa isa na makilala ang Diyos at sambahin siya sa kaayaayang paraan. (Awit 115:4-8) Ang pinakamahalagang edukasyong iyan ay makukuha lamang sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Bukod sa walang naidudulot na kapakinabangan, mapanganib sa espirituwal ang pagsamba sa imahen. Paano? Una sa lahat, maaari nitong sirain ang kaugnayan ng isa kay Jehova. Ganito ang inihula ng Diyos hinggil sa Israel, na “pumukaw ng kaniyang galit dahil sa kasuklam-suklam na mga idolo”: “Ikukubli ko ang aking mukha sa kanila.” (Deuteronomio 32:16, 20, The New American Bible) Upang maibalik ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos, kailangan nilang ‘iwaksi ang makasalanang mga idolo.’​—Isaias 31:6, 7NAB.

Kung gayon, kay-angkop nga ng maka-Kasulatang payo: “Mumunti kong mga anak, magbantay kayo laban sa mga idolo”!​—1 Juan 5:21NAB.

[Talababa]

^ par. 4 Malibang iba ang ipinakikita, lahat ng siniping mga Kasulatan ay mula sa Bibliyang Katolikong Edisyong Pastoral.

[Kahon sa pahina 6]

Tinulungang Sumamba “sa Espiritu”

Si Olivera ay isang debotong miyembro ng Simbahang Ortodokso sa Albania. Nang ipagbawal ng bansa ang relihiyon noong 1967, lihim na ipinagpatuloy ni Olivera ang kaniyang relihiyosong gawain. Ang kalakhang bahagi ng kaniyang maliit na pensiyon ay ginastos niya sa pagbili ng mga imaheng ginto at pilak, insenso, at mga kandila. Itinatago niya ang mga ito sa kaniyang kama at madalas na natutulog sa isang kalapit na upuan yamang natatakot na baka makita o manakaw ang mga ito. Nang dalawin siya ng mga Saksi ni Jehova noong unang mga taon ng dekada ng 1990, nakilala ni Olivera ang taginting ng katotohanan ng Bibliya sa kanilang mensahe. Nabasa niya ang sinasabi ng Bibliya na ang tunay na pagsamba ay “sa espiritu,” at natutuhan niya kung ano ang nadarama ng Diyos hinggil sa paggamit ng mga imahen. (Juan 4:24, Katolikong Edisyong Pastoral) Napansin ng Saksing nakikipag-aral kay Olivera na sa bawat pagdalaw niya, umuunti ang mga imahen sa tahanan nito. Sa wakas, wala nang mga imahen. Pagkatapos ng kaniyang bautismo, nagkomento si Olivera: “Sa ngayon, taglay ko ang banal na espiritu ni Jehova sa halip na ang walang-saysay na mga imahen. Laking pasasalamat ko na hindi kailangan ang mga imahen upang matanggap ko ang kaniyang espiritu.”

Si Athena, mula sa isla ng Lesbos sa Gresya, ay isang napakaaktibong miyembro ng Simbahang Ortodokso. Isa siyang miyembro ng koro na metikulosong sumusunod sa relihiyosong tradisyon, kasama na rito ang paggamit ng mga imahen. Tinulungan ng mga Saksi ni Jehova si Athena na matanto na hindi lahat ng bagay na itinuro sa kaniya ay kasuwato ng Bibliya. Kalakip dito ang paggamit ng mga imahen at mga krus sa pagsamba. Ipinagpilitan ni Athena na gagawa siya ng kaniyang sariling pagsasaliksik hinggil sa pinagmulan ng mga relihiyosong bagay na ito. Pagkatapos saliksikin ang iba’t ibang reperensiya, siya ay nakumbinsi na ang pinagmulan ng mga bagay na iyon ay hindi maka-Kristiyano. Ang kaniyang hangarin na sambahin ang Diyos “sa espiritu” ang nagpakilos sa kaniya na alisin ang kaniyang mga imahen, bagaman mamahalin ang mga ito. Gayunman, maligaya si Athena na tanggapin ang anumang kalugihan upang sambahin ang Diyos sa paraang malinis sa espirituwal at kaayaaya.​—Gawa 19:19.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ang mga Imahen ba ay mga Gawang-Sining Lamang?

Nitong kamakailang mga taon, kinokolekta ang mga imaheng Ortodokso sa buong daigdig. Karaniwan nang itinuturing ng mga nangongolekta ang imahen, hindi bilang isang sagradong relihiyosong bagay, kundi bilang isang gawang-sining na nagpapaaninag ng kultura ng Byzantium. Karaniwan nang nakapalamuti ang maraming gayong relihiyosong imahen sa tahanan o opisina ng isang nag-aangking ateista.

Gayunman, hindi nalilimutan ng mga taimtim na Kristiyano ang pangunahing layunin ng imahen. Ito ay isang bagay na sinasamba. Bagaman hindi pinanghihimasukan ng mga Kristiyano ang karapatan ng iba na magmay-ari ng mga imahen, sila mismo ay hindi nagmamay-ari ng anumang imahen, kahit na bilang mga collector’s item. Ito ay kasuwato ng simulaing masusumpungan sa Deuteronomio 7:26, Bibliyang Katolikong Edisyong Pastoral: “Huwag kang mag-uuwi ng kasuklam-suklam na bagay [mga imaheng ginagamit sa pagsamba] sa bahay mo, kung hindi’y isusumpa ka ring tulad nito. Lubos mong kasuklaman at kamuhian ito.”

[Larawan sa pahina 7]

Hindi pinahintulutan ng Diyos ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba

[Larawan sa pahina 8]

Ang kaalaman mula sa Bibliya ang tumutulong sa atin na sambahin ang Diyos sa espiritu