Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Altar Para sa Isang Diyos na Walang Pangalan

Altar Para sa Isang Diyos na Walang Pangalan

Altar Para sa Isang Diyos na Walang Pangalan

DUMALAW si apostol Pablo sa Atenas, Gresya, noong mga 50 C.E. Nakita niya roon ang isang altar na nakaalay sa isang di-kilalang diyos at nang dakong huli ay binanggit niya ito habang nagbibigay ng mainam na patotoo tungkol kay Jehova.

Sa pagbubukas ng kaniyang diskurso sa Mars’ Hill, o sa Areopago, sinabi ni Pablo: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba. Bilang halimbawa, habang dumaraan at maingat na nagmamasid sa mga bagay na inyong pinakukundanganan ay nakasumpong din ako ng isang altar na doon ay nakasulat ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Kaya nga yaong pinag-uukulan ninyo ng makadiyos na debosyon nang di-namamalayan, ito ang ipinahahayag ko sa inyo.”​—Gawa 17:22-31.

Bagaman hindi kailanman natagpuan ang altar na iyan sa Atenas, umiiral ang katulad na mga altar sa ibang bahagi ng Gresya. Halimbawa, binanggit ng ikalawang-siglong Griegong heograpo na si Pausanias ang mga altar ng “mga diyos na Tinatawag na Di-kilala” sa Phaleron, hindi kalayuan mula sa Atenas. (Description of Greece, Attica I, 4) Ayon sa akda ring iyon, masusumpungan sa Olympia ang “isang altar ng Di-kilalang mga diyos.”​—Eleia I, XIV, 8.

Sa kaniyang akdang The Life of Apollonius of Tyana (VI, III), sinabi ng Griegong manunulat na si Philostratus (c. 170-​c. 245 C.E.) na sa Atenas ang “mga altar ay itinatayo bilang pagpaparangal maging sa di-kilalang mga diyos.” At isinulat ni Diogenes Laertius (c. 200-​250 C.E.) sa Lives of Philosophers (1.110) na ang “mga altar na walang pangalan” ay makikita sa iba’t ibang bahagi ng Atenas.

Nagtayo rin ang mga Romano ng mga altar sa mga diyos na walang pangalan. Ipinakikita rito ang isang larawan na may petsa noong una o ikalawang siglo B.C.E. at iningatan sa Palatine Antiquarium sa Roma, Italya. Ipinahihiwatig ng inskripsiyon nito sa Latin na ang altar na ito ay inialay alinman sa “isang diyos o isang diyosa”​—isang parirala na “malimit na masumpungan sa mga panalangin o konsagrasyon kapuwa sa mga sulat o pampanitikang akda.”

“Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto” ay hindi pa rin kilala ng marami. Subalit gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Atenas, ang Diyos na ito​—si Jehova​—ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin.’​—Gawa 17:24, 27.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

Altar: Soprintendenza Archeologica di Roma