Ano Na ba ang Nangyari sa Apoy ng Impiyerno?
Ano Na ba ang Nangyari sa Apoy ng Impiyerno?
ANO ang naiisip mo kapag nababanggit ang salitang “impiyerno”? Naguguniguni mo ba ang impiyerno bilang literal na lugar ng apoy at asupre, ng walang-hanggang pagpapahirap at kahapisan? O ang impiyerno ba marahil ay makasagisag na paglalarawan ng isang kalagayan?
Sa loob ng maraming siglo, nakikini-kinita ng mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan ang maapoy na impiyerno ng matinding pagpapahirap bilang ang tiyak at takdang patutunguhan ng mga makasalanan. Ang ideyang ito ay popular pa rin sa maraming iba pang relihiyon. “Maaaring pinabantog ng Kristiyanismo ang salitang impiyerno,” ang sabi ng U.S.News & World Report, “subalit hindi lamang ang Kristiyanismo ang may ganitong doktrina. Ang pagbabanta ng masakit na pagpaparusa sa kabilang buhay ay may katumbas sa halos bawat pangunahing relihiyon sa daigdig at gayundin sa ilang maliliit na relihiyon.” Ang mga Hindu, Budista, Muslim, Jain, at mga Taoista ay may paniniwalang maihahalintulad sa impiyerno.
Subalit naiba ang larawan ng impiyerno ayon sa modernong pag-iisip. “Bagaman may mga naniniwala pa rin sa tradisyonal na maapoy na impiyerno,” ang sabi ng nabanggit na magasin, “unti-unting lumilitaw ang makabagong pangmalas tungkol sa walang-hanggang pagdurusa bilang isang napakahirap na kalagayan ng pagkakabilanggong mag-isa, anupat nagpapahiwatig na ang impiyerno ay hindi naman pala talaga ganoon kainit.”
Ang babasahing Jesuita na La Civiltà Cattolica ay nagsabi: “Hindi tamang . . . isipin na ang Diyos, sa pamamagitan ng mga demonyo, ay nagpapataw ng nakapanghihilakbot na pagpaparusa sa mga hinatulan katulad niyaong sa apoy.” Sinabi pa nito: “Umiiral ang impiyerno, hindi bilang isang lugar kundi bilang isang kalagayan, isang kalagayan ng tao na nagdurusa dahil sa pagiging hiwalay mula sa Diyos.” Sinabi ni Pope John Paul II noong 1999: “Sa halip na isang lugar, ang impiyerno ay nagpapahiwatig ng kalagayan ng mga tao na kusa at lubusang humiwalay sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng buhay at kagalakan.” May kinalaman sa paglalarawan sa impiyerno bilang isang maapoy na dako, sinabi niya: “Ipinakikita nito ang lubusang pagkasiphayo at kawalang-kabuluhan ng buhay na walang Diyos.” Kung ang paglalarawan ng papa sa impiyerno ay sa pamamagitan ng “mga apoy at isang diyablo na nakadamit na pula na may malaking tinidor,” ang sabi ng istoryador ng simbahan na si Martin Marty, “hindi ito paniniwalaan ng mga tao.”
Nangyayari ang katulad na mga pagbabago sa ibang mga relihiyon. Isang report ng komisyon sa doktrina ng Church of England ang nagsabi: “Ang impiyerno ay hindi walang-hanggang pagpapahirap, kundi ang pinakahuli at hindi na mababagong kalagayan sa buhay na lubusan at sukdulang salungat sa Diyos anupat ang tanging hantungan ay ang ganap na pagkalipol.”
Binigyang-kahulugan ng katesismo ng Episcopal Church sa Estados Unidos ang impiyerno bilang “walang-hanggang kamatayan bunga ng ating pagtatakwil sa Diyos.” Parami nang paraming tao, ang sabi ng U.S.News & World Report, ang nagtataguyod ng ideya na “ang wakas ng balakyot ay pagkalipol,
hindi walang-hanggang pagdurusa. . . . Ikinakatuwiran [nila] na yaong mga lubusang nagtatakwil sa Diyos ay basta na lamang maglalaho sa ‘tumutupok na apoy’ ng impiyerno.”Bagaman ang makabagong kalakaran ay ang iwaksi sa kaisipan ang apoy at asupre, marami ang patuloy na naniniwala na ang impiyerno ay isang literal na dako ng pagpapahirap. “Maliwanag na binabanggit ng Kasulatan ang impiyerno bilang isang aktuwal na lugar ng maapoy na pagpapahirap,” ang sabi ni Albert Mohler ng Southern Baptist Theological Seminary sa Louisville, Kentucky, E.U.A. At ganito ang sinabi ng isang report ng The Nature of Hell, na inihanda ng Evangelical Alliance Commission: “Ang impiyerno ay namamalayang karanasan ng pagkatakwil at pagpapahirap.” Sinabi pa nito: “May mga antas ng parusa at pagdurusa sa impiyerno na may kaugnayan sa kalubhaan ng nagawang mga kasalanan sa lupa.”
Bilang pag-uulit, ang impiyerno ba ay isang maapoy na lugar ng walang-hanggang pagpapahirap o ng pagkalipol? O ito ba’y basta isang kalagayan ng pagiging hiwalay sa Diyos? Ano ba talaga ang impiyerno?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 4]
Maikling Kasaysayan ng Maapoy na Impiyerno
KAILAN niyakap ng nag-aangking mga Kristiyano ang paniniwala sa maapoy na impiyerno? Matagal pa pagkalipas ng panahon ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol. “Ang Apocalypse of Peter (ika-2 siglo C.E.) ang unang [apokripal na] akdang Kristiyano na naglarawan sa parusa at pagpapahirap sa mga makasalanan sa impiyerno,” ang sabi ng Pranses na Encyclopædia Universalis.
Gayunman, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan tungkol sa impiyerno sa gitna ng sinaunang Mga Ama ng Simbahan. Pinaniwalaan nina Justin Martyr, Clement ng Alexandria, Tertullian, at Cyprian na ang impiyerno ay isang maapoy na dako. Ipinalagay naman ni Origen at ng teologong si Gregory ng Nyssa na ang impiyerno ay isang lugar ng pagiging hiwalay sa Diyos—ng espirituwal na pagdurusa. Sa kabilang dako naman, naniwala si Augustine ng Hippo na ang pagdurusa sa impiyerno ay kapuwa espirituwal at nararamdaman—isang ideya na tinanggap. “Nang sumapit ang ikalimang siglo, nanaig ang malupit na doktrina na wala nang ikalawang pagkakataon ang mga makasalanan pagkatapos ng buhay na ito at na lalamunin sila ng apoy na hindi maaapula kailanman,” ang isinulat ni Propesor J.N.D. Kelly.
Noong ika-16 na siglo, ang pagkaunawa ng mga repormador na Protestante na tulad nina Martin Luther at John Calvin sa maapoy na pagpapahirap ng impiyerno ay makasagisag na pagkahiwalay nang walang-hanggan mula sa Diyos. Subalit, nagbalik ang ideya tungkol sa impiyerno bilang isang lugar ng pagpapahirap noong sumunod na dalawang siglo. Inihasik ng Protestanteng mangangaral na si Jonathan Edwards ang takot sa puso ng ika-18 siglong Kolonyal na mga Amerikano sa pamamagitan ng malinaw at detalyadong paglalarawan sa impiyerno.
Subalit hindi pa natatagalan pagkatapos nito, ang apoy ng impiyerno ay nagsimulang umandap-andap at maglaho. “Halos namatay ang impiyerno sa ika-20 siglo,” ang sabi ng U.S.News & World Report.
[Mga larawan]
Pinaniwalaan ni Justin Martyr na ang impiyerno ay isang maapoy na dako
Itinuro ni Augustine ng Hippo na ang pagdurusa sa impiyerno ay sa espirituwal at pisikal na paraan