“Gumawa Tayo ng Mabuti sa Lahat”
“Gumawa Tayo ng Mabuti sa Lahat”
ANG mangaral at magturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang pangunahing gawain ni Jesus. (Marcos 1:14; Lucas 8:1) Yamang hangarin ng mga tagasunod ni Kristo na tularan siya, itinuturing nilang pangunahing gawain sa buhay ang pagtuturo ng mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Lucas 6:40) Tunay ngang nakapagpapasigla para sa mga Saksi ni Jehova na makita kung paano nakapagdudulot ng namamalaging kaginhawahan ang mensahe ng Kaharian sa mga tumatanggap dito—kagaya ng nagawa nito noong si Jesus ay nasa lupa.—Mateo 11:28-30.
Bukod sa pagtuturo ng Salita ng Diyos, gumawa rin si Jesus ng iba pang mabubuting gawa, tulad ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapakain sa nagugutom. (Mateo 14:14-21) Gayundin naman, bukod pa sa kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong din sa mga taong nangangailangan. Kung sa bagay, sinasangkapan ng Kasulatan ang mga Kristiyano “ukol sa bawat mabuting gawa” at hinihimok sila na gumawa ng “mabuti sa lahat.”—2 Timoteo 3:16, 17; Galacia 6:10.
“Naroroon ang Aming mga Kapatid”
Noong Setyembre 1999, niyanig ang Taiwan ng isang mapangwasak na lindol. Pagkalipas ng ilang buwan, ang mga pagbuhos ng ulan at pagguho ng lupa ang naging sanhi ng isa sa pinakamalubhang likas na kasakunaan sa kasaysayan ng Venezuela. Nitong kamakailan lamang, sinalanta ng malalaking baha ang bansa ng Mozambique. Sa lahat ng tatlong pagkakataong ito, mabilis na dumating ang mga Saksi ni Jehova sa lugar ng sakuna, dala ang mga suplay ng pagkain, tubig, gamot, damit, tolda, at kagamitang panluto para sa mga biktima. Ang mga boluntaryong may kakayahang manggamot ay gumawa ng pansamantalang mga pagamutan upang gamutin ang mga napinsala, at ang mga boluntaryong manggagawa sa konstruksiyon ay nagtayo ng mga bagong bahay para sa mga nawalan ng tahanan.
Naantig ang mga biktima sa napapanahong tulong na kanilang natanggap. “Kung kailan kami talagang desperadung-desperado, naroroon ang aming mga kapatid,” ang sabi ni Malyori, na ang tahanan ay nawasak dahil sa pagguho ng lupa sa Venezuela. Pagkatapos maitayo ng mga boluntaryo ang isang bagong tahanan para sa kaniyang pamilya, ibinulalas ni Malyori: “Hindi namin lubusang mapasasalamatan kailanman si Jehova sa lahat ng ginawa niya para sa amin!” At nang matanggap ng mga biktima ng baha sa Mozambique *
ang mga susi sa kanilang bagong-tayong mga tahanan, biglang kumanta ang buong grupo ng awiting pang-Kaharian na “Si Jehova ang Ating Kanlungan.”Ang pagtulong sa mga nangangailangan ay nakagiginhawa rin naman sa mga boluntaryo. “Ang sarap ng pakiramdam na makatulong sa mga kapatid na ito na dumanas ng matinding kahirapan,” ang sabi ni Marcelo, na naglingkod bilang isang nars sa isang refugee camp sa Mozambique. Ganito naman ang sabi ni Huang, isang boluntaryo sa Taiwan: “Isang malaking kagalakan na magdala ng pagkain at mga tolda sa mga kapatid na nangangailangan. Ito’y nakapagpapatibay ng pananampalataya.”
Isang Mabisang Programa ng mga Boluntaryo
Ang pagboboluntaryo ay nakapagdudulot din ng espirituwal na kaginhawahan sa sampu-sampung libong bilanggo sa buong daigdig. Paano? Nitong nakaraang mga taon, naglaan ang mga Saksi ni Jehova ng mga literatura sa Bibliya sa mahigit na 30,000 indibiduwal na nakakulong sa mga 4,000 bilangguan sa Estados Unidos pa lamang. Karagdagan pa, hangga’t posible, personal na dinadalaw ng mga Saksi ang mga bilangguan upang makipag-aral ng Bibliya sa mga bilanggo at makapagdaos ng mga pulong Kristiyano. Nakikinabang ba ang mga bilanggo?
Sinimulang ibahagi ng ilang bilanggo na nag-aaral ng Bibliya ang mga nakagiginhawang turo ng Salita ng Diyos sa mga kapuwa bilanggo. Bunga nito, sa ilang bilangguan sa buong daigdig, mayroon na ngayong mga grupo ng bilanggo na magkakasamang sumasamba kay Jehova. “Lumalaki ang aming grupo,” ang ulat ng isang bilanggo sa Oregon, E.U.A., noong 2001. “Mayroon na kaming 7 mamamahayag ng Kaharian at nagdaraos ng 38 pag-aaral sa Bibliya. Mahigit sa 25 katao ang dumadalo sa pahayag pangmadla at sa Pag-aaral ng Bantayan, at 39 ang dumalo sa Memoryal [ng kamatayan ni Kristo]. Di-magtatagal at tatlo katao pa ang mababautismuhan!”
Mga Kapakinabangan at Kagalakan
Napapansin ng mga opisyal sa bilangguan na mabisa ang programang ito ng mga boluntaryo. Ang pinakahinahangaan ng mga opisyal ay ang matagalang kapakinabangang dulot ng programang ito ng mga boluntaryo. Sinabi ng isang ulat: “Sa loob ng sampung taon na pag-iral ng programang ito, walang isa mang bilanggo na nabautismuhan sa bilangguan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagbalik sa bilangguan—kabaligtaran sa 50-60 porsiyento ng mga bumabalik sa bilangguan mula sa ibang mga grupo.” Palibhasa’y namangha sa mga resultang natamo ng mga boluntaryong Saksi, isang kapelyan ng bilangguan sa Idaho ang lumiham ng ganito sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova: “Bagaman ako mismo ay hindi sumasang-ayon sa inyong teolohiya, hangang-hanga ako sa inyong organisasyon.”
Ang pagtulong sa mga nasa bilangguan ay napatunayan ding kasiya-siya para sa mga boluntaryo. Pagkatapos maidaos ang isang pulong kasama ng isang grupo ng mga bilanggo na umawit ng isang awiting pang-Kaharian sa kauna-unahang pagkakataon, sumulat ang isang boluntaryo: “Nakapagpapasiglang pagmasdan ang 28 lalaki na sama-samang umaawit ng mga papuri kay Jehova. At umaawit sila nang malakas! Tunay ngang isang pribilehiyo na masaksihan ang gayong okasyon!” Ganito naman ang sinabi ng isang boluntaryong dumadalaw sa mga bilangguan sa Arizona: “Talaga ngang isang pagpapala na makibahagi sa pantanging gawaing ito!”
Ang mga boluntaryong Saksi sa buong daigdig ay buong-pusong sumasang-ayon kay Jesus, na nagsabi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Pinatutunayan din nila na ang pagsunod sa paalaala ng Bibliya na gumawa ng mabuti sa lahat ay talagang nakagiginhawa.—Kawikaan 11:25.
[Talababa]
^ par. 7 Tingnan ang awit bilang 85 sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 8]
Venezuela
[Larawan sa pahina 8]
Taiwan
[Larawan sa pahina 8]
Mozambique