Maghasik ng Katuwiran, Umani ng Maibiging-Kabaitan ng Diyos
Maghasik ng Katuwiran, Umani ng Maibiging-Kabaitan ng Diyos
“ANG isa ay tiyak na mapapariwara dahil nanagot siya para sa taong di-kilala, ngunit ang napopoot sa pakikipagkamay ay nananatiling malaya sa alalahanin.” (Kawikaan 11:15) Tiyak na pinatitibay tayo ng maikling kawikaang ito na maging responsable! Kung ikaw ay pipirma bilang tagapanagot ng isang humihiram ng pera, humahanap ka ng problema. Iwasan ang pakikipagkamay—isang tanda na katulad ng pagpirma sa isang kasunduan sa sinaunang Israel—at wala kang problemang pananagutan sa salapi.
Maliwanag, ang simulaing kapit dito ay: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) “Maghasik kayo ng binhi sa katuwiran para sa inyong sarili,” ang sabi ni propeta Oseas, “[umani] kayo ayon sa maibiging-kabaitan.” (Oseas 10:12) Oo, maghasik ng katuwiran sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay sa paraan ng Diyos, at umani ng kaniyang maibiging-kabaitan. Sa muli’t muling paggamit sa simulaing ito, mapuwersang hinihimok ni Haring Solomon ng Israel ang tamang pagkilos, matuwid na pananalita, at isang wastong disposisyon. Ang maingat na pagsusuri sa kaniyang mga salita ng karunungan ay tunay na magpapatibay sa atin na maghasik ng binhi sa katuwiran para sa ating sarili.—Kawikaan 11:15-31.
Maghasik ng ‘Panghalina,’ Umani ng “Kaluwalhatian”
“Ang babaing kahali-halina ang siyang may tangan sa kaluwalhatian,” sabi ng matalinong hari, “ngunit ang mga maniniil, sa ganang kanila, ang may tangan sa kayamanan.” (Kawikaan 11:16) Pinag-iiba ng talatang ito ang nagtatagal na kaluwalhatiang nakakamit ng isang babaing kahali-halina, “mapagbiyayang babae,” at ang panandaliang kayamanan na nakakamit ng isang maniniil.—An American Translation.
Paano makakamit ng isa ang panghalina na nagbubunga ng kaluwalhatian? “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip,” ang payo ni Solomon, “at sila ay magiging . . . panghalina sa iyong leeg.” (Kawikaan 3:21, 22) At binanggit ng salmista ang tungkol sa ‘panghalina na ibinubuhos sa mga labi ng isang hari.’ (Awit 45:1, 2) Oo, ang praktikal na karunungan, kakayahang mag-isip, at wastong paggamit ng dila ay nagdaragdag sa halaga at panghalina ng isang tao. Tiyak na totoo iyan sa isang may unawang babae. Isang halimbawa si Abigail, ang asawa ng hangal na si Nabal. Siya ay “may mabuting kaunawaan at maganda ang anyo,” at pinuri siya ni Haring David dahil sa kaniyang “katinuan.”—1 Samuel 25:3, 33.
Ang makadiyos na babae na may tunay na panghalina ay tiyak na tatanggap ng kaluwalhatian. Siya ay may mabuting reputasyon. Kung may asawa, tatanggap siya ng kaluwalhatian para sa kaniyang sarili sa paningin ng kaniyang asawang lalaki. Sa katunayan, magdadala siya ng kaluwalhatian sa buong pamilya. At hindi ito panandaliang kaluwalhatian. “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap ay Kawikaan 22:1) Ang mabuting pangalang ginagawa niya sa Diyos ay may permanenteng halaga.
mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.” (Kabaligtaran naman ang kalagayan ng isang maniniil, ‘isang walang-awang lalaki.’ (Kawikaan 11:16, New International Version) Ang isang maniniil ay ibinibilang na kauri ng mga balakyot na tao at ng mga kaaway ng mga mananamba ni Jehova. (Job 6:23; 27:13) ‘Hindi inilalagay ng gayong tao ang Diyos sa harap niya.’ (Awit 54:3) Sa pamamagitan ng paniniil at sakim na pagsasamantala sa inosente, ang gayong tao ay “nag-iimbak ng pilak na parang alabok.” (Job 27:16) Gayunman, sa ilang pagkakataon, maaari siyang mahiga at hindi na bumangon, at anumang araw na idilat niya ang kaniyang mga mata ay maaaring ang huling araw na niya. (Job 27:19) Kung gayon ay mauuwi sa wala ang lahat ng kaniyang kayamanan at mga tagumpay.—Lucas 12:16-21.
Anong pagkahala-halagang aral ang itinuturo ng Kawikaan 11:16! Sa pamamagitan ng maikli at malinaw na paghaharap sa atin ng kung ano ang aanihin ng panghalina at paniniil, hinihimok tayo ng hari ng Israel na maghasik ng katuwiran.
Nagdadala ng mga Gantimpala ang “Maibiging-Kabaitan”
Sa pagtuturo ng isa pang aral hinggil sa mga ugnayan ng tao, sinabi ni Solomon: “Ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa, ngunit ang taong malupit ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling katawan.” (Kawikaan 11:17) “Ang diwa ng kawikaan,” sabi ng isang iskolar, “ay na ang iginagawi ng isa sa iba, mabuti man o masama, ay may di-sinasadya o di-inaasahang mga resulta para sa sarili niya.” Isaalang-alang ang isang kabataang babae na nagngangalang Lisa. * Bagaman may mabuting intensiyon, lagi siyang nahuhuli sa kaniyang mga tipanan. Karaniwan na sa kaniya ang mahuli nang mga 30 minuto o higit pa sa kaniyang mga kaayusan na makipagkita sa ibang mga tagapaghayag ng Kaharian para sa gawaing pangangaral. Si Lisa ay hindi gumagawa ng mabuti sa kaniyang sarili. Masisisi ba niya ang iba kung mayamot sila sa nawawala nilang mahalagang panahon at hindi na makipagtipan pa sa kaniya?
Ang isang perpeksiyonista—isa na nagtatakda ng sobrang matataas na pamantayan ng tagumpay—ay malupit din sa kaniyang sarili. Dahil sa laging nagsisikap na maabot ang di-maabot na mga tunguhin, pinapagod niya at dinudulutan ng kabiguan ang kaniyang sarili. Sa kabilang panig naman, gumagawa tayo ng mabuti sa ating mga sarili kung nagtatakda tayo ng makatotohanan at makatuwirang mga tunguhin. Marahil ay hindi tayo kasimbilis na gaya ng iba sa pag-unawa sa mga bagay-bagay. O maaaring tayo’y nahahadlangan ng sakit o katandaan. Huwag tayong mayamot kailanman sa ating espirituwal na pagsulong, kundi laging magpatuloy na magpakita ng pagkamakatuwiran sa pakikitungo sa ating mga limitasyon. Maligaya tayo kung ‘ginagawa natin ang ating buong makakaya’ ayon sa ating mga kakayahan.—2 Timoteo 2:15; Filipos 4:5.
Sa higit pang pagtalakay kung paanong ang matuwid ay nakikinabang sa kaniyang sarili samantalang sinasaktan naman ng taong malupit ang kaniyang sarili, ganito ang sinabi ng matalinong hari: “Ang balakyot ay nagtitipon ng huwad na kabayaran, ngunit yaon namang naghahasik ng katuwiran, tunay na pakinabang. Ang matatag na naninindigan sa katuwiran ay nakahanay sa buhay, ngunit ang humahabol sa kasamaan ay nakahanay sa sarili niyang kamatayan. Yaong mga liko ang puso ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang mga walang kapintasan sa kanilang lakad ay kalugud-lugod sa kaniya. Bagaman ang kamay ay humahawak sa kamay, ang masamang tao ay hindi yayaong di-naparurusahan; ngunit ang supling ng mga matuwid ay tiyak na makatatakas.”—Kawikaan 11:18-21.
Sa iba’t ibang paraan ay idiniriin ng mga talatang ito ang mahalagang puntong ito: Maghasik ng katuwiran at umani ng gantimpala nito. Ang balakyot ay maaaring bumaling sa pandaraya o pagsusugal upang makuha ang isang bagay nang walang hirap. Yamang huwad ang mga kabayarang iyon, maaari siyang makadama ng kabiguan. Ang isang tapat na manggagawa ay nagkakaroon ng tunay na pakinabang dahil sa tiwasay siya. Dahil sa pagkakaroon ng pagsang-ayon ng Diyos, ang walang-kapintasan ay nakahanay sa buhay. Subalit ano naman ang mangyayari sa masamang tao? “Bagaman ang kamay ay humahawak sa kamay” sa pagpapakana ng pandaraya, hindi makatatakas sa parusa ang balakyot. (Kawikaan 2:21, 22) Anong inam na payo nga na maghasik ng katuwiran!
Tunay na Kagandahan Para sa May Katinuan
“Gaya ng gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy, gayon ang babaing maganda ngunit humihiwalay sa katinuan,” ang pagpapatuloy ni Solomon. (Kawikaan 11:22) Ang mga singsing na pang-ilong ay popular na palamuti noong panahon ng Bibliya. Ang isang gintong singsing na pang-ilong na ikinakabit sa gilid ng ilong o sa pagitan ng mga butas ng ilong (septum) ay kapansin-pansing piraso ng alahas ng isang babae. Tunay ngang hindi angkop ang gayon kagandang palamuti kung nasa nguso ng isang baboy! Katulad ito ng isang taong maganda sa panlabas na anyo ngunit walang “katinuan.” Talagang hindi nababagay ang palamuti sa isang iyon, babae man o lalaki. Hindi ito bagay—talagang hindi kaakit-akit.
Totoo, natural lamang na mabahala tayo sa kung ano ang tingin sa atin ng iba. Subalit bakit kailangang labis-labis na mabahala o di-masiyahan sa ating mukha o pisikal na pangangatawan? Wala tayong magagawa sa maraming aspekto ng ating hitsura. At ang pisikal na hitsura ay hindi siyang pinakamahalagang bagay. Hindi ba’t totoo na ang karamihan sa mga taong naiibigan at hinahangaan natin ay tunay na pangkaraniwan lamang ang hitsura? Hindi susi sa kaligayahan ang pagiging kaakit-akit sa pisikal. Ang talagang mahalaga ay ang panloob na kagandahan ng namamalaging makadiyos na mga katangian. Magkaroon nawa tayo ng katinuan at linangin ang gayong mga katangian.
“Ang Kaluluwang Bukas-Palad ay Patatabain”
“Ang pagnanasa ng mga matuwid ay tiyak na mabuti,” ang sabi ni Haring Solomon, “ang pag-asa ng mga balakyot ay poot.” Upang ilarawan ito, sinabi pa niya: “May namumudmod at gayunma’y dumarami pa; may nagpipigil din sa paggawa ng nararapat, ngunit nauuwi lamang ito sa kakapusan.”—Kawikaan 11:23, 24.
Habang sagana tayong namumudmod—namamahagi sa iba—ng kaalaman sa Salita ng Diyos, tiyak na napasusulong natin ang atin mismong pagkaunawa sa “lapad at haba at lalim” nito. (Efeso 3:18) Sa kabilang dako, ang isa na hindi gumagamit ng kaniyang kaalaman ay nanganganib na maiwala pa ang taglay niya. Oo, “siya na naghahasik nang kaunti ay mag-aani rin nang kaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.”—2 Corinto 9:6.
“Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain [pasasaganain],” ang patuloy ng hari, “at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.” (Kawikaan 11:25) Kung bukas-palad tayo sa paggamit ng ating panahon at mga materyal na tinatangkilik sa pagpapasulong ng tunay na pagsamba, si Jehova ay lubhang nalulugod sa atin. (Hebreo 13:15, 16) Kaniyang ‘bubuksan ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ (Malakias 3:10) Tingnan na lamang ang espirituwal na kasaganaan ng kaniyang mga lingkod sa ngayon!
Sa pagbibigay ng isa pang halimbawa ng pagkakaiba ng mga hangarin ng matuwid at ng balakyot, sinabi ni Solomon: “Ang nagkakait ng butil—susumpain siya ng taong-bayan, ngunit may pagpapala para sa ulo ng nagbibili niyaon.” (Kawikaan 11:26) Ang pagbili nang maramihan kapag mababa ang presyo at pag-iimbak nito hanggang sa umunti ang mga suplay at tumaas ang presyo ay maaaring kapaki-pakinabang nga. Bagaman may pakinabang kung lilimitahan ang paggamit at irereserba ang mga ito, karaniwang kinaiinisan ng mga tao ang isa na gumagawa nito dahil sa kaniyang kasakiman. Sa kabilang dako, ang isa na hindi nagsasamantala na kumita sa panahon ng kagipitan ay nagtatamo ng pagsang-ayon ng mga tao.
Sa pagpapatibay sa atin na patuloy na maghangad ng kabutihan, o katuwiran, ganito ang sabi ng hari ng Israel: “Siya na naghahanap ng kabutihan Kawikaan 11:27, 28.
ay maghahangad ng kabutihang-loob; ngunit kung tungkol sa humahanap ng kasamaan, darating ito sa kaniya. Ang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan—siya ay mabubuwal; ngunit gaya ng mga dahon ay mamumukadkad ang mga matuwid.”—Ang Matuwid ay Nagwawagi ng mga Kaluluwa
Upang ilarawan kung paanong ang mangmang na pagkilos ay nagbubunga ng masasamang resulta, sinabi ni Solomon: “Kung tungkol sa sinumang nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling sambahayan, magmamay-ari siya ng hangin.” (Kawikaan 11:29a) Ang masamang ginawa ni Acan ay ‘nagdala ng sumpa sa kaniya,’ at kapuwa siya at ang mga miyembro ng kaniyang sambahayan ay binato hanggang mamatay. (Josue, kabanata 7) Sa ngayon, ang ulo ng isang sambahayang Kristiyano at ang iba pa sa kaniyang pamilya ay maaaring masangkot sa paggawa ng masama na nagbubunga ng pagtitiwalag sa kanila mula sa Kristiyanong kongregasyon. Sa pamamagitan ng personal na hindi pagsunod sa mga utos ng Diyos at sa pagpapahintulot sa malubhang paggawa ng masama sa loob ng kaniyang pamilya, ang isang tao ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling sambahayan. Siya at marahil ang iba pa sa kaniyang sambahayan ay inihihiwalay sa samahang Kristiyano bilang di-nagsisising mga manggagawa ng masama. (1 Corinto 5:11-13) At ano ang matatamo niya? Hangin lamang—isang bagay na walang anumang tunay na halaga.
“Ang taong mangmang ay magiging lingkod niyaong may pusong marunong,” patuloy ng talata. (Kawikaan 11:29b) Yamang ang isang taong mangmang ay walang praktikal na karunungan, hindi siya mapagkakatiwalaan ng malaking pananagutan. Bukod diyan, ang kaniyang hindi mahusay na pangangasiwa sa kaniyang personal na mga bagay ay maaaring magpangyari sa kaniya na maging sunud-sunuran sa ibang tao sa paano man. Ang gayong di-matalinong tao ay maaaring maging “lingkod niyaong may pusong marunong.” Kung gayon, maliwanag na mahalagang gamitin natin ang mabuting pagpapasiya at praktikal na karunungan sa lahat ng ating mga pakikitungo.
“Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay,” tinitiyak sa atin ng matalinong hari, “at siyang nagwawagi ng mga kaluluwa ay marunong.” (Kawikaan 11:30) Paano nangyayari ito? Buweno, sa pamamagitan ng kaniyang pananalita at paggawi, ang matuwid na tao ay nagdadala ng espirituwal na pagkain sa iba. Sila ay napatitibay na maglingkod kay Jehova at sa wakas ay maaaring tumanggap ng buhay na pinagiging posible ng Diyos.
‘Ang Makasalanan ay Lalo Pa Ngang Gagantihan’
Gayon na lamang ang panghihikayat ng nabanggit na kawikaan sa pagpapayo sa atin na maghasik ng katuwiran! Sa pagkakapit sa iba pang paraan ng simulaing “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” sinabi ni Solomon: “Narito! Ang matuwid—sa lupa ay gagantihan siya. Gaano pa kaya ang balakyot at ang makasalanan!”—Kawikaan 11:31.
Kahit na magsikap ang isang taong matuwid na gawin ang tama, siya kung minsan ay nagkakamali. (Eclesiastes 7:20) At sa kaniyang mga pagkakamali ay “gagantihan” siya sa pamamagitan ng pagtanggap ng disiplina. Kung gayon, kumusta naman ang taong balakyot na kusang pumipili sa maling landasin at hindi nagsisikap na magtungo sa daan ng katuwiran? Hindi ba siya karapat-dapat sa mas malaking ‘kagantihan’—isang matinding kaparusahan? “Kung ang taong matuwid ay naliligtas nang may kahirapan,” ang sulat ni apostol Pedro, “saan kaya haharap ang taong di-makadiyos at ang makasalanan?” (1 Pedro 4:18) Kung gayon, maging determinado nawa tayong laging maghasik ng binhi sa katuwiran para sa ating sarili.
[Talababa]
^ par. 11 Isang kahaliling pangalan ang ginamit dito.
[Larawan sa pahina 28]
Ang ‘panghalina’ ay nagdulot kay Abigail ng “kaluwalhatian”
[Mga larawan sa pahina 30]
balakyot ay nagtitipon ng huwad na kabayaran, ang matuwid ng tunay na pakinabang’
[Larawan sa pahina 31]
‘Maghasik nang sagana, umani nang sagana’