Sila ay Patuloy na Lumalakad sa Katotohanan
Sila ay Patuloy na Lumalakad sa Katotohanan
“Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” —3 Juan 4.
1. Sa ano nagtutuon ng pansin ang “katotohanan ng mabuting balita”?
SINASANG-AYUNAN ni Jehova yaon lamang mga sumasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Sinusunod nila ang katotohanan, anupat tinatanggap ang buong kalipunan ng mga turong Kristiyano na salig sa Salita ng Diyos. Ang “katotohanan ng mabuting balita” na ito ay nagtutuon ng pansin kay Jesu-Kristo at sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian. (Galacia 2:14) Hinahayaan ng Diyos na “ang pagkilos ng kamalian” ay mapasa mga pumipili sa kabulaanan, ngunit ang kaligtasan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng pananampalataya sa mabuting balita at sa paglakad sa katotohanan.—2 Tesalonica 2:9-12; Efeso 1:13, 14.
2. Ano ang pantangi nang ipinagpapasalamat ni apostol Juan, at ano ang kaugnayan niya kay Gayo?
2 Ang mga tagapaghayag ng Kaharian ay “mga kamanggagawa sa katotohanan.” Tulad ni apostol Juan at ng kaniyang kaibigang si Gayo, sila ay buong-katatagang nanghahawakan sa katotohanan at lumalakad dito. Sumulat si Juan nang nasa isipan si Gayo: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 3-8) Bagaman hindi ang may-edad nang si Juan ang nagturo ng katotohanan kay Gayo, angkop namang malasin ang malamang na mas nakababatang lalaking ito bilang isa sa espirituwal na mga anak ni Juan dahil sa katandaan ng apostol, Kristiyanong pagkamaygulang, at makaamang pag-ibig nito.
Ang Katotohanan at ang Kristiyanong Pagsamba
3. Ano ang layunin at kapakinabangan ng mga pagpupulong na idinaos ng sinaunang mga Kristiyano?
3 Upang matutuhan ang katotohanan, ang sinaunang mga Kristiyano ay nagtipon bilang mga kongregasyon, kadalasan sa pribadong mga tahanan. (Roma 16:3-5) Sa gayo’y tumanggap sila ng pampatibay-loob at inudyukan ang isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa. (Hebreo 10:24, 25) Hinggil sa nag-aangking mga Kristiyano nang dakong huli, si Tertullian (c.155–pagkatapos ng 220 C.E.) ay sumulat: “Nagtitipon kami upang basahin ang mga aklat ng Diyos . . . Sa pamamagitan ng banal na mga salitang iyon ay pinalalakas namin ang aming pananampalataya, pinatitibay namin ang aming pag-asa, pinatatatag namin ang aming pagtitiwala.”—Apology, kabanata 39.
4. Anong papel ang ginagampanan ng pag-awit sa Kristiyanong mga pagpupulong?
4 Ang pag-awit ay malamang na bahagi ng sinaunang Kristiyanong mga pagpupulong. (Efeso 5:19; Colosas 3:16) Sumulat si Propesor Henry Chadwick na ang mga awiting malamang na may magandang himig na ginamit ng nag-aangking mga Kristiyano ay nasumpungan ng ikalawang-siglong kritiko na si Celsus na “napakaganda anupat talagang nainis siya sa epekto ng mga ito sa kaniyang damdamin.” Idinagdag pa ni Chadwick: “Si Clement ng Alejandria ang kauna-unahang Kristiyanong manunulat na tumalakay sa uri ng musika na naaangkop sa mga Kristiyano. Itinagubilin niya na hindi ito dapat yaong uri na nauugnay sa erotikong musika para sa pagsasayaw.” (The Early Church, pahina 274-5) Kung paanong lumilitaw na umaawit ang unang mga Kristiyano kapag sila ay sama-samang nagtitipon, ang mga Saksi ni Jehova din naman ay madalas na umaawit ng mga awiting salig sa Bibliya na naglalakip ng mapupuwersang himno na pumupuri sa Diyos at sa Kaharian.
5. (a) Paano inilaan ang espirituwal na tagubilin sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano? (b) Paano ikinapit ng mga tunay na Kristiyano ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 23:8, 9?
5 Sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano, itinuro ng mga tagapangasiwa ang katotohanan, at tinulungan ng mga ministeryal na lingkod ang mga kapananampalataya sa iba’t ibang paraan. (Filipos 1:1) Isang lupong tagapamahala na umaasa sa Salita ng Diyos at sa banal na espiritu ang naglaan ng espirituwal na patnubay. (Gawa 15:6, 23-31) Ang relihiyosong mga titulo ay hindi ginamit dahil iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit.” (Mateo 23:8, 9) Sa mga bagay na ito at sa marami pang ibang aspekto, may mga pagkakatulad ang sinaunang mga Kristiyano at ang mga Saksi ni Jehova.
Pinag-usig Dahil sa Pangangaral ng Katotohanan
6, 7. Bagaman isang mapayapang mensahe ang inihayag nila, paano pinakitunguhan ang tunay na mga Kristiyano?
6 Bagaman inihayag nila ang mapayapang mensahe ng Kaharian, ang sinaunang mga Kristiyano ay pinag-usig, kung paanong pinag-usig din si Jesus. (Juan 15:20; 17:14) Tinawag ng istoryador na si John L. von Mosheim ang unang-siglong mga Kristiyano na “isang grupo ng mga tao na may lubhang mahinahon at mapayapang katangian, na hindi kailanman naghangad o nag-isip ng marahas na bagay laban sa kapakanan ng estado.” Sinabi ni Dr. Mosheim na ang “nakayamot sa mga Romano laban sa mga Kristiyano ay ang pagiging simple ng kanilang pagsamba, na hindi katulad ng sagradong mga ritwal ng iba pang tao.” Idinagdag pa niya: “Wala silang mga hain, templo, imahen, orakulo, o orden ng mga saserdote; at ito ay sapat na upang dustain sila ng ignoranteng karamihan, na nag-akalang hindi magkakaroon ng relihiyon kung wala ang mga sagradong ritwal na iyon. Kaya itinuring silang parang mga ateista; at, sa mga batas ng Roma, yaong mga mapararatangan ng ateismo ay ipinahahayag na mga peste sa lipunan ng tao.”
7 Ang mga saserdote, artisano, at iba pa na ang hanapbuhay ay nakasalalay sa idolatriya ang nag-udyok sa taong-bayan laban sa mga Kristiyano, na hindi nakikibahagi sa mga gawaing idolatroso. (Gawa 19:23-40; 1 Corinto 10:14) Sumulat si Tertullian: “Naniniwala sila na ang mga Kristiyano ang dahilan ng bawat kasakunaan sa Estado, ng bawat kasawian ng bayan. Kapag umapaw ang Tiber na kasintaas ng mga pader, kapag ang Nilo ay hindi umapaw sa mga bukid, kapag hindi ibinigay ng himpapawid ang tubig nito o kapag ang lupa ay yumanig, kapag may taggutom, kapag may salot, ang sigaw agad ay: ‘Itapon ang mga Kristiyano sa leon!’ ” Anuman ang maging resulta, ‘binantayan ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang sarili mula sa mga idolo.’—1 Juan 5:21.
Ang Katotohanan at ang Relihiyosong mga Pagdiriwang
8. Bakit hindi ipinagdiriwang ng mga lumalakad sa katotohanan ang Pasko?
8 Iniiwasan ng mga lumalakad sa katotohanan ang di-makakasulatang mga pagdiriwang dahil ‘walang pakikibahagi ang liwanag sa kadiliman.’ (2 Corinto 6:14-18) Halimbawa, hindi sila nagdiriwang ng Pasko, na idinaraos kapag Disyembre 25. “Walang sinuman ang nakaaalam sa eksaktong kapanganakan ni Kristo,” ang pag-amin ng The World Book Encyclopedia. Ganito ang sinabi ng Encyclopedia Americana (Edisyong 1956): “Ang Saturnalia, isang kapistahang Romano na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Disyembre, ay nagsilbing parisan ng maraming kaugalian ng pagsasaya sa Pasko.” Sinasabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopædia: “Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi iniutos ng Diyos, ni nagmula ito sa B[agong] T[ipan].” At ang aklat na Daily Life in the Time of Jesus ay nagsabi: “Pinalipas ng mga kawan . . . ang taglamig nang nakasilong; at mula rito pa lamang ay makikita na ang nakaugaliang petsa ng Pasko, sa taglamig, ay malamang na mali, yamang ang Ebanghelyo ay nagsasabi na ang mga pastol ay nasa parang.”—Lucas 2:8-11.
9. Bakit iniiwasan ng mga lingkod ni Jehova noon at ngayon ang mga pagdiriwang ng Easter?
9 Ang Easter (Pasko ng Pagkabuhay) diumano ay pag-alaala sa pagkabuhay-muli ni Kristo, ngunit iniuugnay ito ng mapananaligang mga reperensiya sa huwad na pagsamba. Ang Westminster Dictionary of the Bible ay nagsasabi na ang Easter ay “dating kapistahan ng tagsibol bilang pagpaparangal sa diyosa ng liwanag at tagsibol ng mga Teuton na kilalá ng mga Anglo-Saxon bilang Eastre,” o Eostre. Magkagayunman, sinasabi ng Encyclopædia Britannica (ika-11 Edisyon): “Walang ipinahihiwatig sa Bagong Tipan hinggil sa pagdiriwang ng kapistahan ng Easter.” Ang Easter ay hindi kapistahan ng sinaunang mga Kristiyano at hindi ito ipinagdiriwang ng bayan ni Jehova sa ngayon.
10. Anong pagdiriwang ang pinasinayaan ni Jesus, at sino ang wastong gumugunita rito?
10 Hindi iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gunitain ang kaniyang kapanganakan o ang kaniyang pagkabuhay-muli, ngunit pinasinayaan nga niya ang Memoryal ng kaniyang mapagsakripisyong kamatayan. (Roma 5:8) Tunay, ito lamang ang kaisa-isang okasyon na iniutos niya sa kaniyang mga alagad na ipagdiwang. (Lucas 22:19, 20) Tinatawag ding Hapunan ng Panginoon, ang taunang okasyong ito ay ipinagdiriwang pa rin ng mga Saksi ni Jehova.—1 Corinto 11:20-26.
Ang Katotohanan na Ipinahayag sa Buong Lupa
11, 12. Paano palaging sinusuportahan ng mga lumalakad sa katotohanan ang kanilang gawaing pangangaral?
11 Itinuturing ng mga nakaaalam ng katotohanan na isang pribilehiyo na iukol ang kanilang panahon, lakas, at iba pang mga pag-aari sa gawaing pangangaral ng mabuting balita. (Marcos 13:10) Ang gawaing pangangaral ng sinaunang mga Kristiyano ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon. (2 Corinto 8:12; 9:7) Sumulat si Tertullian: “Kahit na mayroong parang kahon, hindi ito naglalaman ng salapi na ibinayad upang makapasok sa organisasyon, na para bang ang relihiyon ay isang transaksiyon. Minsan sa isang buwan, ang bawat tao ay nagdadala ng kaunting salapi—o kailanma’t ibig niya, at kung nais lamang niya, at kung kaya niya; sapagkat walang sinuman ang pinipilit; iyon ay kusang-loob na paghahandog.”—Apology, kabanata 39.
12 Ang pangglobong gawain din ng mga Saksi ni Jehova na pangangaral ng Kaharian ay sinusuportahan
ng kusang-loob na mga donasyon. Bukod sa mga Saksi, itinuturing din ng mapagpasalamat na interesadong mga tao na isang pribilehiyo ang sumuporta sa gawaing ito sa pamamagitan ng kanilang mga kontribusyon. Dito rin, may makikitang pagkakatulad ang unang mga Kristiyano at ang mga Saksi ni Jehova.Ang Katotohanan at ang Personal na Paggawi
13. Kung tungkol sa kanilang paggawi, anong payo ni Pedro ang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova?
13 Bilang mga lumalakad sa katotohanan, sinunod ng sinaunang mga Kristiyano ang payo ni apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Pedro 2:12) Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang mga salitang iyon.
14. Ano ang pangmalas ng mga Kristiyano sa imoral na libangan?
14 Kahit noong makapasok ang apostasya, iniwasan ng naturingang mga Kristiyano ang imoral na mga gawain. Si W. D. Killen, propesor ng kasaysayan ng simbahan, ay sumulat: “Noong ikalawa at ikatlong siglo ang teatro sa bawat malaking bayan ay sentro ng atraksiyon; at bagaman ang mga aktor ay karaniwan nang mga taong napakaimoral, ang kanilang madamdaming mga pagganap ay palaging nagbibigay-kasiyahan sa masasamang pagnanasa nang panahong iyon. . . . Minalas ng lahat ng tunay na Kristiyano ang teatro nang may pagkasuklam. . . . Nandiri sila sa kalaswaan nito; at ang madalas na pamamanhik nito sa mga diyos at diyosa ng mga pagano ay nakainsulto sa relihiyosong mga pananalig nila.” (The Ancient Church, pahina 318-19) Iniiwasan din ng tunay na mga tagasunod ni Jesus sa ngayon ang malalaswa at nakapagpapababa-sa-moral na mga anyo ng libangan.—Efeso 5:3-5.
Ang Katotohanan at ang “Nakatataas na mga Awtoridad”
15, 16. Sino ang “nakatataas na mga awtoridad,” at ano ang turing sa kanila ng mga lumalakad sa katotohanan?
15 Sa kabila ng mainam na paggawi ng sinaunang mga Kristiyano, karamihan sa mga Romanong emperador ay may maling palagay tungkol sa kanila. Ang istoryador na si E. G. Hardy ay nagsasabi na itinuturing sila ng mga emperador na “waring mga hamak na panatiko.” Ang mga liham sa pagitan ni Gobernador Pliny na Nakababata ng Bitinia at ni Emperador Trajan ay nagpapakita na ang mga namumuno ay karaniwan nang walang kabatiran sa tunay na anyo ng Kristiyanismo. Paano minamalas ng mga Kristiyano ang Estado?
16 Tulad ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng relatibong pagpapasakop sa “nakatataas na mga awtoridad” ng gobyerno. (Roma 13:1-7) Kung may pagkakasalungatan sa pagitan ng kahilingan ng tao at ng kalooban ng Diyos, taglay nila ang paninindigang: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Ganito ang sabi ng aklat na After Jesus—The Triumph of Christianity: “Hindi man nakisali ang mga Kristiyano sa pagsamba sa emperador, hindi naman sila lumilikha ng gulo, at ang kanilang relihiyon, bagaman kakaiba at kung minsan ay nakagagalit mula sa punto-de-vista ng mga pagano, ay hindi talaga banta sa imperyo.”
17. (a) Ang sinaunang mga Kristiyano ay mga tagapagtaguyod ng anong gobyerno? (b) Paano ikinapit ng tunay na mga tagasunod ni Kristo sa kanilang buhay ang mga salita sa Isaias 2:4?
17 Ang sinaunang mga Kristiyano ay mga tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos, kung paanong ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nanampalataya sa ipinangakong ‘lunsod na iyon na gawa ng Diyos.’ (Hebreo 11:8-10) Tulad ng kanilang Panginoon, ang mga alagad ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) At kung tungkol sa digmaan at alitan ng mga tao, itinaguyod nila ang kapayapaan sa pamamagitan ng ‘pagpukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isaias 2:4) Palibhasa’y napansin ang isang kapansin-pansing pagkakatulad, ang nagbibigay ng lektyur sa kasaysayan ng simbahan na si Geoffrey F. Nuttall ay nagkomento: “Ang saloobin ng sinaunang Kristiyano sa digmaan ay mas katulad ng mga tao na tinatawag ang kanilang sarili na mga Saksi ni Jehova at nahihirapan tayong tanggapin iyan.”
18. Bakit walang gobyerno ang may anumang dahilan na matakot sa mga Saksi ni Jehova?
18 Bilang neutral na mga indibiduwal na nagpapasakop sa “nakatataas na mga awtoridad,” ang unang mga Kristiyano ay hindi banta sa anumang kapangyarihang pulitikal, ni ang mga Saksi ni Jehova man. “Nangangailangan ng isang panatiko at mapaghinalang imahinasyon upang maniwala na ang mga Saksi ni Jehova ay makagagawa ng anumang uri ng banta sa anumang rehimeng pulitikal,” ang isinulat ng isang manunulat ng editoryal sa Hilagang Amerika. “Sila ay di-subersibo at maibigin sa kapayapaan na siyang nararapat sa isang relihiyosong grupo.” Alam ng naliwanagang mga awtoridad na wala silang dapat ikatakot sa mga Saksi ni Jehova.
19. Hinggil sa mga buwis, ano ang masasabi tungkol sa sinaunang mga Kristiyano at sa mga Saksi ni Jehova?
19 Ang isang paraan na ipinakita ng sinaunang mga Kristiyano ang paggalang sa “nakatataas na mga awtoridad” ay sa pamamagitan ng pagbabayad nila sa kanilang mga buwis. Sa pagsulat kay Emperador Antoninus Pius ng Roma (138-161 C.E.), pinatotohanan ni Justin Martyr na nagbayad ang mga Kristiyano ng kanilang mga buwis “nang mas may pagkukusa kaysa sa lahat ng tao.” (First Apology, kabanata 17) At sinabi ni Tertullian sa mga tagapamahalang Marcos 12:17) Sinusunod ng bayan ni Jehova sa ngayon ang payong ito at sila ay pinuri dahil sa kanilang pagkamatapat, gaya ng pagbabayad ng mga buwis.—Hebreo 13:18.
Romano na ang kanilang mga kolektor ng buwis ay may “utang na loob sa mga Kristiyano” dahil sa kanilang masikap na pagbabayad ng mga buwis. (Apology, kabanata 42) Nakinabang ang mga Kristiyano sa Pax Romana, o Romanong Kapayapaan, lakip na ang batas at kaayusan nito, magagandang daan, at ang masasabing ligtas na paglalakbay sa dagat. Palibhasa’y kinikilala ang kanilang utang na loob sa lipunan, sinunod nila ang mga salita ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Ang Katotohanan—Isang Nagbubuklod na Bigkis
20, 21. May kaugnayan sa isang mapayapang kapatiran, ano ang totoo kapuwa sa sinaunang mga Kristiyano at sa makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova?
20 Dahil lumalakad sila sa katotohanan, ang sinaunang mga Kristiyano ay binuklod sa isang mapayapang kapatiran, kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay binubuklod din sa ngayon. (Gawa 10:34, 35) Isang liham na inilathala sa The Moscow Times ang nagsabi: “[Ang mga Saksi ni Jehova ay] kilaláng-kilalá bilang napakapalakaibigan, mabait, at maamong mga tao na madaling pakisamahan, hindi kailanman nanggigipit ng ibang tao at laging nagsisikap na maging mapayapa sa kanilang kaugnayan sa iba . . . Walang tumatanggap ng suhol, lasenggo o sugapa sa droga sa gitna nila, at napakasimple ng dahilan: Sinisikap lamang nilang paakay sa kanilang salig-Bibliyang mga pananalig sa lahat ng kanilang ginagawa o sinasabi. Kung ang lahat ng tao sa daigdig ay nagsikap man lamang na mamuhay ayon sa Bibliya na gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, ang ating malupit na daigdig ay magiging ibang-iba.”
21 Ang Encyclopedia of Early Christianity ay nagsasabi: “Itinuring ng sinaunang simbahan ang sarili nito bilang isang bagong pamilya ng tao kung saan ang dating magkakagalit na mga grupo, mga Judio at Gentil, ay maaaring mamuhay nang magkakasama sa kapayapaan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay isa ring internasyonal na kapatiran na maibigin sa kapayapaan—tunay na isang bagong sanlibutang lipunan. (Efeso 2:11-18; 1 Pedro 5:9; 2 Pedro 3:13) Nang makita ng hepe ng mga guwardiya sa Pretoria Show Grounds sa Timog Aprika kung paano nagtipon doon nang mapayapa ang mga Saksi mula sa lahat ng lahi bilang mga delegado ng kombensiyon, sinabi niya: “Ang lahat ay magalang, may-kabaitang nakikipag-usap ang mga tao sa isa’t isa, iyan ang saloobing ipinakita sa nakalipas na ilang araw—lahat ng ito ay nagpapatotoo sa kalibre ng mga miyembro ng inyong samahan, at na ang lahat ay namumuhay nang magkakasama tulad ng isang maligayang pamilya.”
Pinagpala Dahil sa Pagtuturo ng Katotohanan
22. Ano ang nagaganap dahil sa inihahayag ng mga Kristiyano ang katotohanan?
22 Sa pamamagitan ng kanilang paggawi at gawaing pangangaral, si Pablo at iba pang Kristiyano ay ‘naghayag ng katotohanan.’ (2 Corinto 4:2) Hindi ka ba sumasang-ayon na gayundin ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova at na ipinangangaral nila ang katotohanan sa lahat ng bansa? Parami nang paraming mga tao sa buong lupa ang yumayakap sa tunay na pagsamba at humuhugos sa “bundok ng bahay ni Jehova.” (Isaias 2:2, 3) Taun-taon, libu-libo ang nababautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos, na naging dahilan ng pagkakatatag ng maraming bagong kongregasyon.
23. Paano mo minamalas ang mga nagtuturo ng katotohanan sa lahat ng bansa?
23 Bagaman iba’t iba ang pinagmulan, ang bayan ni Jehova ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba. Ang pag-ibig na kanilang ipinakikita ay nagpapakilala sa kanila bilang mga alagad ni Jesus. (Juan 13:35) Nakikita mo ba na ‘ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna nila’? (1 Corinto 14:25) Pumanig ka na ba sa mga nagtuturo ng katotohanan sa lahat ng bansa? Kung oo, ipakita mo nawa ang iyong namamalaging pasasalamat sa katotohanan at magkapribilehiyo na lumakad dito magpakailanman.
Paano Mo Tutugunin?
• Sa paraan ng pagsamba, ano ang pagkakatulad ng sinaunang mga Kristiyano at ng mga Saksi ni Jehova?
• Ano ang kaisa-isang relihiyosong pagdiriwang na sinusunod ng mga lumalakad sa katotohanan?
• Sino ang “nakatataas na mga awtoridad,” at paano sila minamalas ng mga Kristiyano?
• Paano nagsisilbing isang nagbubuklod na bigkis ang katotohanan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Ang Kristiyanong mga pagpupulong ay laging isang pagpapala sa mga lumalakad sa katotohanan
[Mga larawan sa pahina 23]
Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ang Memoryal ng kaniyang mapagsakripisyong kamatayan
[Larawan sa pahina 24]
Tulad ng sinaunang mga Kristiyano, iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang “nakatataas na mga awtoridad”