Ang Buhay na Kinokontrol ng Pamahiin
Ang Buhay na Kinokontrol ng Pamahiin
NAKASALUBONG mo ang isang tao nang paalis ka ng bahay ninyo. Nakatalisod ka ng isang bato. Humuhuni ang isang uri ng ibon sa gabi. May panaginip kang paulit-ulit. Simple at di-nakapipinsalang mga pangyayari lamang ang mga ito para sa marami. Ngunit para sa ilang tao sa Kanlurang Aprika, maituturing ang mga ito bilang mga tanda, pangitain, o mga mensahe mula sa daigdig ng mga espiritu. Tiyak na darating ang alinman sa mabuting kapalaran o kalamidad, depende sa tanda at sa interpretasyon dito.
Sabihin pa, ang mga pamahiin ay pinaniniwalaan din sa ibang lugar maliban sa Aprika. Sa kabila ng pamumuhay sa loob ng maraming taon sa isang lipunan kung saan ang ateismo ang opisyal na paniniwala, isang nakagugulat na bilang ng mga tao sa Tsina at sa mga republika ng dating Unyong Sobyet ang nangungunyapit pa rin sa mga pamahiin. Sa Kanluraning mga bansa, marami ang sumasangguni sa kanilang horoscope, natatakot sa Biyernes Trese, at umiiwas sa itim na mga pusa. Minamalas ng ilang mamamayan sa Hilagang Hemispero ang liwanag sa hilaga (aurora borealis) bilang isang pangitain ng digmaan at salot. Sa India, ang AIDS ay ikinakalat ng mga drayber ng trak na naniniwalang kailangan nilang makipagtalik upang manatiling presko ang kanilang katawan sa mainit na mga araw. Sa Hapon, naniniwala ang mga trabahador na gumagawa ng tunel na malas kapag pumasok ang isang babae sa tunel bago ito matapos. Ang mga pamahiin ay palasak din sa propesyonal na isport. Iniukol pa nga ng isang manlalaro ng volleyball ang kanilang sunud-sunod na panalo sa pagsusuot niya ng itim na mga medyas sa halip na puti. Walang katapusan ang listahan.
Kumusta ka naman? Mayroon ka kayang isang lihim at di-maipaliwanag na takot? Naaapektuhan ka ba ng isang “paniniwala, bahagyang-paniniwala, o kaugalian na walang lohikal na paliwanag”? Ang iyong sagot ang magpapakita kung ang iyong buhay ay kinokontrol ng pamahiin, sapagkat iyan ang katuturan na ibinibigay ng isang reperensiyang akda sa salitang “pamahiin.”
Ang isang tao na hinahayaang maapektuhan ng pamahiin ang kaniyang mga desisyon at pang-araw-araw na rutin ay nagpapahintulot sa kaniyang sarili na mapangibabawan ng isang bagay na hindi niya talagang nauunawaan. Katalinuhan ba ito? Hahayaan ba nating kontrolin tayo ng gayong malabo at malamang na masamang impluwensiya? Ang pamahiin ba ay isang di-nakapipinsalang kinaugalian lamang o isang mapanganib na banta?