Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?
Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?
ANG mga pamahiin ay pinaniniwalaan sa buong daigdig. Kung minsan ay lubhang pinahahalagahan ang mga ito bilang bahagi ng pamana ng kultura. O maaaring itinuturing ang mga ito na maliliit na bagay lamang—nagpapasigla sa buhay. Sa Kanluraning mga bansa, ang mga pamahiin ay kadalasang hindi itinuturing na seryosong bagay. Sa ibang lugar naman—halimbawa, sa Aprika—ang mga pamahiin ay maaaring labis na makaapekto sa buhay ng mga tao.
Ang karamihan sa kulturang Aprikano ay salig sa pamahiin. Ang mga pelikula, programa sa radyo, at literatura na ginawa sa Aprika ay kadalasang nagtatampok ng pamahiin at mga paksang may kababalaghan, gaya ng mahika, pagsamba sa mga ninuno, at mga anting-anting. Bakit labis na naiimpluwensiyahan ng mga pamahiin ang mga tao, at saan galing ang mga pamahiin?
Ano ang Nasa Likod ng mga Pamahiin?
Maraming pamahiin ang pangunahin nang nagmumula sa pagkatakot sa mga espiritu ng mga patay o sa anumang uri ng mga espiritu. Ang mga pangyayari ay binibigyang-kahulugan bilang mga pagtatangka ng mga espiritung ito na makipag-ugnayan sa mga nabubuhay taglay ang pagbabanta, babala, o pagpapala.
Ang mga pamahiin ay may malapit na kaugnayan din sa pagpapagaling at panggagamot. Para sa karamihan ng mga tao sa papaunlad na mga bansa, ang makabagong panggagamot ay napakamahal at kadalasang wala talagang mabili. Kaya naman, marami ang naghahanap ng kagamutan o nagsisikap na mag-ingat sa pamamagitan ng pagbaling sa mga kaugalian ng mga ninuno, espiritismo, at mga pamahiin. Mas madali rin para sa kanila na makipag-ugnayan sa mga albularyo na nakaaalam sa kanilang mga kaugalian at nagsasalita ng kanilang wika kaysa sa isang doktor sa medisina. Sa gayo’y nananatiling buháy ang mga paniniwala sa pamahiin.
Ang mga tradisyong mapamahiin ay naniniwala na ang sakit at mga aksidente ay, hindi basta nagkataon lamang, kundi mga pangyayari na dulot ng mga puwersa sa daigdig ng mga espiritu. Maaaring angkinin ng mga albularyo na ang isang patay na ninuno ay nababagabag hinggil sa isang bagay. O maaaring imungkahi ng mga espiritista na may nangkulam sa isang biktima sa pamamagitan ng kaaway na albularyo, at iyon ang dahilan kung bakit nagkasakit o naaksidente ang biktima.
Ang mga pamahiin ay lubhang magkakaiba sa buong daigdig, at ang paglaganap ng mga ito ay depende sa lokal na kuwentong-bayan, mga alamat, at mga kalagayan. Ngunit ang pangkaraniwang salik ay ang paniniwala na may isang persona, o isang bagay, mula sa di-nakikitang daigdig ng mga espiritu na kailangang payapain.
Di-nakapipinsala o Mapanganib?
Para sa karamihan ng mga pamilya, ang kapanganakan ng kambal ay isang natatangi at kapana-panabik na pangyayari. Gayunman, sa mga mapamahiin, ito ay maituturing na isang tanda. Sa ilang rehiyon sa Kanlurang Aprika, minamalas ito ng marami bilang kapanganakan ng mga bathala, at dahil dito ay sinasamba ang kambal. Kung ang isa o ang parehong kambal ay namatay, gumagawa sila ng maliliit na istatuwa ng kambal, at ang pamilya ay kailangang maghandog ng pagkain sa mga idolong ito. Sa ibang dako naman, minamalas ng mga
tao ang kapanganakan ng kambal bilang isang sumpa, hanggang sa punto na patayin ng ilang magulang ang kahit isa sa mga ito. Bakit? Naniniwala sila na kapag nabuhay ang magkakambal, balang araw ay papatayin nila ang kanilang mga magulang.Ipinakikita ng mga halimbawang tulad nito na bagaman ang ilang mga pamahiin ay waring kakatwa at di-nakapipinsala, ang iba naman ay maaaring maging mapanganib—nakamamatay pa nga. Dahil sa nakatatakot na pagpapakahulugan, ang isang di-nakapipinsalang pangyayari ay maaaring humantong sa isang mapanganib na kaganapan.
Oo, sa katunayan, ang pamahiin ay isang paniniwala, isang anyo ng relihiyon. Kung isasaalang-alang ang mapanganib na mga aspekto ng pamahiin, mahalagang itanong: Sino sa katunayan ang nakikinabang sa mga paniniwala sa pamahiin at paggawing mapamahiin?
Ang Pinagmumulan ng mga Pamahiin
Sa kabila ng mga patotoo, nakahilig ang ilang tao na itatwa ang pag-iral ni Satanas o ng masasamang espiritu. Gayunman, sa panahon ng digmaan, ang pagtangging kilalanin ang pag-iral ng isang mapanganib na kaaway ay maaaring humantong lamang sa kapahamakan. Totoo rin ito sa pakikipaglaban sa mga espiritung nilalang na nakahihigit sa tao, yamang isinulat ni apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu.”—Efeso 6:12.
Bagaman hindi natin sila nakikita, talagang umiiral ang masasamang espiritung nilalang. Inilalahad ng Bibliya na ginamit ng isang di-nakikitang espiritung persona ang isang serpiyente, kung paano ginagamit ng isang bentrilokuwista ang isang manika, upang makipag-usap sa unang babae, si Eva, at inakay siyang maghimagsik sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Ipinakikilala ng Bibliya ang espiritung personang ito bilang “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ang isang iyon, si Satanas, ay nagtagumpay sa pag-akit sa iba pang mga anghel upang maghimagsik. (Judas 6) Ang balakyot na mga anghel na ito ay naging mga demonyo, mga kaaway ng Diyos.
Nagpalayas si Jesus ng mga demonyo mula sa mga tao, gaya rin ng ginawa ng kaniyang mga alagad. (Marcos 1:34; Gawa 16:18) Ang mga espiritung ito ay hindi mga ninunong namatay, sapagkat ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Sa halip, sila ang mapaghimagsik na mga anghel na nailigaw ni Satanas. Ang pakikipag-ugnayan sa kanila o pagpapasakop sa kanilang impluwensiya ay hindi dapat maliitin, sapagkat gaya ng kanilang lider na si Satanas na Diyablo, nais nilang lamunin tayo. (1 Pedro 5:8) Ang kanilang tunguhin ay ilayo tayo mula sa nag-iisang pag-asa para sa sangkatauhan—ang Kaharian ng Diyos.
Isinisiwalat ng Bibliya ang isa sa mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo: “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Nais ni Satanas na linlangin tayo sa paniniwalang mabibigyan niya tayo ng mas mabuting paraan ng pamumuhay. Kaya naman, may ilang pansamantalang mga pakinabang na waring nagmumula sa pakikialam ng balakyot na mga espiritu. Ngunit wala silang maibibigay na namamalaging solusyon. (2 Pedro 2:4) Tiyak na hindi nila kayang magkaloob ng buhay na walang hanggan sa sinuman, at sila ay malapit nang puksain. (Roma 16:20) Ang ating Maylalang ang tanging bukal ng buhay na walang hanggan at ng tunay na kaligayahan at ng pinakamahusay na proteksiyon laban sa balakyot na mga puwersang espiritu.—Santiago 4:7.
Hinahatulan ng Diyos ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng espiritistikong mga gawain. (Deuteronomio 18:10-12; 2 Hari 21:6) Iyon ay pakikipag-ugnayan sa kaaway, anupat pakikipag-alyansa sa mga nagtaksil sa Diyos! Ang pagkonsulta sa horoscope, pagsangguni sa albularyo, o bahagyang pakikisangkot sa anumang gawaing mapamahiin ay mangangahulugan ng pagpapahintulot sa balakyot na mga espiritu na kontrolin ang mga desisyon na ginagawa mo sa iyong buhay. Ito ay gaya na rin ng pagsama sa kanilang paghihimagsik laban sa Diyos.
Proteksiyon Laban sa Kasamaan—Posible ba Ito?
Si Ade * na isang lalaking taga-Niger ay nag-aaral ng Bibliya kasama ng isang buong-panahong mangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ni Ade kung bakit may anting-anting siya sa kaniyang tindahan: “Maraming kaaway.” Ipinakita ng nagtuturo ng Bibliya kay Ade na si Jehova lamang ang maaasahan para sa tunay na proteksiyon. Binasa niya kay Ade ang Awit 34:7, na nagsasabi: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.” Ganito ang pagtatapos ni Ade: “Kung talagang mabibigyan ako ni Jehova ng proteksiyon, aalisin ko na ang anting-anting.” Ngayon, makalipas ang maraming taon, naglilingkod siya bilang isang matanda at isang buong-panahong ministro. Walang isa man sa kaniyang mga kaaway ang nanakit sa kaniya.
Ipinakikita ng Bibliya na ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa ating lahat, tayo man ay mapamahiin o hindi. (Eclesiastes 9:11) Ngunit hindi tayo kailanman sinusubok ni Jehova sa pamamagitan ng masasamang bagay. (Santiago 1:13) Ang kamatayan at di-kasakdalan ay bunga ng kasalanan na minana natin mula kay Adan. (Roma 5:12) Sa dahilang ito, ang lahat ay nagkakasakit paminsan-minsan at nagkakamali na maaaring humantong sa kapaha-pahamak na mga resulta. Kung gayon, mali na iparatang ang lahat ng sakit o lahat ng kabiguan sa mga pagkilos ng balakyot na mga espiritu. Ang gayong paniniwala ay magbubuyo lamang sa atin na sikaping payapain ang mga espiritu sa anumang paraan. * Kapag tayo ay may sakit, dapat tayong humiling ng angkop na medikal na tulong at hindi ng payo mula sa “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan,” si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44) Ipinakikita ng mga estadistika na hindi naman nagiging mas mahaba at mas maalwan ang buhay ng mga taong nakatira sa mga bansang palasak ang mga pamahiin mula sa mga ninuno kaysa sa mga taong nasa ibang mga bansa. Kung gayon, maliwanag na ang mga pamahiin ay walang mabuting naidudulot sa kalusugan.
Ang Diyos ay mas makapangyarihan kaysa sa anumang balakyot na espiritu, at Siya ay interesado sa ating kapakanan. “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Pedro 3:12) Manalangin sa kaniya ukol sa proteksiyon at karunungan. (Kawikaan 15:29; 18:10) Pagsikapan na maunawaan ang kaniyang Banal na Salita, ang Bibliya. Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ang pinakamainam na proteksiyon na maaari nating matamo. Tutulungan tayo nitong matanto kung bakit nangyayari ang masasamang bagay at kung paano matatamo ang lingap ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Mga Kapakinabangan sa Kaalaman Tungkol sa Diyos
Ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin—kabaligtaran ng kawalang-alam at pamahiin—ang susi sa pagtatamo ng tunay na proteksiyon. Ito ay ipinakikita sa nangyari kay Jean, isang lalaking taga-Benin. Malalim ang pagkakaugat ng mga pamahiin sa pamilya ni Jean. Ayon sa mapamahiing mga kaugalian ng tribo, ang isang babae na kapapanganak pa lamang ng isang anak na lalaki ay kailangang manatili sa loob ng siyam na araw sa isang kubo na pantanging itinayo. Kapag nagsilang siya ng isang anak na babae, siya naman ay mananatili ng pitong araw sa loob ng kubo.
Noong 1975, ang asawa ni Jean ay nagsilang ng isang guwapong sanggol na lalaki, na pinangalanan nilang Marc. Salig sa kanilang kaalaman sa Bibliya, ayaw ni Jean at ng kaniyang asawa na masangkot sa balakyot na mga espiritu. Ngunit magpapadala ba sila sa takot at panggigipit na sundin ang pamahiin at hahayaang manatili ang ina sa loob ng kubo? Hindi—tinanggihan nila ang pamahiing ito ng tribo.—Roma 6:16; 2 Corinto 6:14, 15.
May masama bang nangyari sa pamilya ni Jean? Lumipas na ang maraming taon, at si Marc ay naglilingkod ngayon bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang buong pamilya ay maligaya na hindi nila pinahintulutan ang pamahiin na makaimpluwensiya sa kanilang buhay at magsapanganib sa kanilang espirituwal na kapakanan.—1 Corinto 10:21, 22.
Hindi dapat hayaan ng mga tunay na Kristiyano na makapasok sa kanilang buhay ang masasamang kaugalian ng pamahiin kundi sa halip ay tanggapin nila ang espirituwal na liwanag na ibinibigay ng Maylalang na si Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Sa gayon ay makapagtatamo sila ng tunay na kapayapaan ng isip na nagmumula sa pagkaalam na ginagawa nila ang tama sa paningin ng Diyos.—Juan 8:32.
[Mga talababa]
^ par. 20 Binago ang mga pangalan.
^ par. 21 Tingnan ang artikulong “Pinagkakasakit ba Tayo ng Diyablo?” sa Setyembre 1, 1999, Bantayan.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Ilang Karaniwang Pamahiin sa Buong Daigdig
• Ang mga chopstick na nakatusok sa isang mangkok ng kanin ay isang palatandaan ng kamatayan
• Nagdadala ng kamalasan ang makakita ng isang kuwago sa liwanag ng araw
• Ang umaandap-andap na kandila habang nagaganap ang isang seremonya ay nangangahulugang may umaaligid na masasamang espiritu
• Nangangahulugang may mapapaslang sa bahay kapag may nalaglag na payong sa sahig
• Ang paglalagay ng sombrero sa kama ay nagdadala ng kamalasan
• Itinataboy ng tunog ng mga kampanilya ang mga demonyo
• Magkakatotoo ang kahilingan ng isa kapag nahipan niya sa unang pagkakataon ang lahat ng kandila na nasa keyk para sa kaarawan
• Ang kama ay pinapasok ng masasamang espiritung nasa walis kapag nakasandal ang walis sa kama
• Ang pagdaan ng isang itim na pusa sa harapan mo ay nangangahulugan ng kamalasan
• May lalaking darating kapag may nalaglag na tinidor
• Nagdadala ng suwerte ang larawan ng mga elepante na nakaharap sa pinto
• Nagdadala ng suwerte ang bakal na sapatos ng kabayo na nakasabit sa pintuan
• Nagsasanggalang laban sa kasamaan ang pagkakaroon ng tanim na lanat (ivy) sa bahay
• Malas ang dumaan sa ilalim ng hagdan
• Nangangahulugan ng pitong taon ng kamalasan kapag may nabasag na salamin
• Nangangahulugang magtatalo kayo ng iyong matalik na kaibigan kapag may natapon na paminta
• Nagdadala ng kamalasan ang pagkatapon ng asin malibang maglagay ng katiting nito sa kaliwang balikat
• Ang silya na iniwang umuugoy nang walang nakaupo ay nag-aanyaya sa mga demonyo na maupo rito
• Nagdadala ng kamalasan ang sapatos na iniwang nakataob
• Kapag may namatay, dapat na buksan ang mga bintana upang makalabas ang kaluluwa
[Kahon sa pahina 6]
Napalaya Mula sa mga Impluwensiya ng Pamahiin
Ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa isang lugar sa Timog Aprika. Nang bumukas ang isang pinto na kanilang kinatok, tumambad sa mga Saksi ni Jehova ang isang babae na lubusang nagagayakan ng kasuutang pang-Sangoma (albularyo). Nais na nilang umalis, ngunit nagpumilit ang babae na sabihin nila ang kanilang mensahe. Binasa ng isa sa mga Saksi ang Deuteronomio 18:10-12 upang ipakita sa kaniya ang pangmalas ng Diyos sa espiritistikong mga gawain. Tinanggap ng albularyo ang mensahe at sumang-ayon sa isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi niya na kapag nakumbinsi siya mula sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya na ang pagiging Sangoma ay salungat sa kalooban ni Jehova, titigil na siya.
Matapos pag-aralan ang kabanata 10 sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa kalakip ang Bibliya, sinunog niya ang lahat ng gamit niya na may kaugnayan sa pangkukulam at nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Karagdagan pa, ipinarehistro niya ang kaniyang pag-aasawa, kahit na hiwalay na siya sa kaniyang asawa sa loob ng 17 taon. Ngayon, silang dalawa ay kapuwa nakaalay at bautisadong mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 6]
Naghagis ng mga buto ang isang “Sangoma” upang mahulaan ang dahilan ng pagkakasakit ng pasyente
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ay nagdudulot ng tunay na proteksiyon at kaligayahan