Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marubdob na Pagsisikap—Kailan Ito Pinagpapala ni Jehova?

Marubdob na Pagsisikap—Kailan Ito Pinagpapala ni Jehova?

Marubdob na Pagsisikap​—Kailan Ito Pinagpapala ni Jehova?

“BITAWAN mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.”

“Hindi kita bibitawan hanggang sa pagpalain mo muna ako.”

“Ano ang pangalan mo?”

“Jacob.”

“Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob kundi Israel, sapagkat nakipagpunyagi ka sa Diyos at sa mga tao anupat sa wakas ay nanaig ka.”​—Genesis 32:26-28.

Ang kawili-wiling pag-uusap na iyan ay bunga ng isang kamangha-manghang pagtatanghal ng atletikong liksi ng 97-taóng-gulang na si Jacob. Bagaman hindi siya inilalarawan ng Bibliya bilang isang atleta, magdamag siyang nakipagbuno, o nakipagsunggaban, sa isang anghel. Bakit? Si Jacob ay lubhang interesado sa pangako ni Jehova sa kaniyang ninuno​—ang kaniyang pamana.

Maraming taon bago nito, ipinagkaloob kay Jacob ng kaniyang kapatid na si Esau ang karapatan bilang panganay kapalit ng isang mangkok ng nilaga. Nabalitaan ngayon ni Jacob na papalapit na si Esau kasama ang 400 katao. Dahil sa matinding pagkabalisa, humiling si Jacob ng katiyakan ng pangako ni Jehova na ang kaniyang sambahayan ay mananagana sa lupain sa kabila ng Ilog Jordan. Kasuwato ng kaniyang mga panalangin, positibong kumilos si Jacob. Nagpadala siya ng maraming kaloob sa sumusugod na si Esau. Gumawa rin siya ng depensibong pagkilos, anupat hinati niya ang kaniyang kampo sa dalawa at inihatid ang kaniyang mga asawa at mga anak sa kabila ng katubigang tawiran ng Jabok. Taglay ang puspusang pagsisikap at maraming luha, ngayon ay nakipagpunyagi siya nang higit pa sa pamamagitan ng magdamag na pakikipagbuno sa isang anghel upang “makapamanhik siya para sa kaniyang sarili.”​—Oseas 12:4; Genesis 32:1-32.

Isaalang-alang ang isa pang naunang halimbawa, si Raquel, ang ikalawang asawa at unang pag-ibig ni Jacob. Alam na alam ni Raquel ang pangako ni Jehova na pagpapalain si Jacob. Ang kaniyang kapatid na si Lea, ang unang asawa ni Jacob, ay pinagpala ng apat na anak na lalaki samantalang si Raquel ay nanatiling baog. (Genesis 29:31-35) Sa halip na magpadala sa pagkahabag sa sarili, patuloy siyang namanhik kay Jehova sa panalangin at positibong kumilos na kasuwato ng kaniyang mga panalangin. Gaya ng ginawa ng kaniyang ninunong si Sara kay Hagar, dinala ni Raquel ang kaniyang alilang babae na si Bilha at inihandog siya kay Jacob bilang pangalawang asawa upang, gaya ng sabi ni Raquel, “ako, ako naman, ay magkaroon ng mga anak mula sa kaniya.” * Si Bilha ay nagsilang ng dalawang anak na lalaki kay Jacob​—sina Dan at Neptali. Ipinahayag ni Raquel ang tindi ng kaniyang emosyonal na pagsisikap sa pagsilang ni Neptali: “Sa pamamagitan ng puspusang mga pakikipagbuno ay nakipagbuno ako sa aking kapatid. Ako rin naman ay nagwagi!” Si Raquel ay pinagpala pang higit sa pamamagitan ng kaniya mismong dalawang anak na lalaki, sina Jose at Benjamin.​—Genesis 30:1-8; 35:24.

Bakit pinagpala ni Jehova ang pisikal at emosyonal na mga pagsisikap nina Jacob at Raquel? Pinanatili nilang pangunahin ang kalooban ni Jehova at minahal ang kanilang pamana. Marubdob silang nanalangin para sa kaniyang pagsang-ayon sa kanilang buhay at gumawa ng kinakailangang pagkilos na kasuwato ng kalooban ng Diyos at ng kanilang sariling mga pagsusumamo.

Tulad nina Jacob at Raquel, mapatutunayan ng marami sa ngayon na kailangan ang marubdob na pagsisikap upang tumanggap ng pagpapala ni Jehova. Ang kanilang mga pagsisikap ay kadalasang may kasamang mga luha, pagkasiphayo, at kabiguan. Nagugunita ng isang Kristiyanong ina, si Elizabeth, ang marubdob na pagsisikap na kinailangan niya upang muling makadalo nang regular sa Kristiyanong mga pagpupulong pagkatapos nang hindi pagdalo sa loob ng mahabang panahon. Napakalaking hamon ang maglakbay ng 30 kilometro tungo sa pinakamalapit na Kingdom Hall kasama ang limang maliliit na batang lalaki at isang di-sumasampalatayang asawa. “Ang pagsisikap na makadalo sa mga pagpupulong nang regular ay humihiling ng malaking pagdidisiplina sa sarili, na batid kong kapaki-pakinabang sa akin at sa aking mga anak na lalaki. Nakatulong ito sa kanila na makita na ito ay isang landasin na sulit na itaguyod.” Pinagpala ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap. Sa kaniyang tatlong anak na lalaki na aktibo sa kongregasyong Kristiyano, dalawa ang nasa buong-panahong ministeryo. Nagsasaya sa kanilang espirituwal na pagsulong, aniya: “Nahigitan nila ako sa espirituwal na pagsulong.” Kaylaking pagpapala para sa kaniyang marubdob na pagsisikap!

Marubdob na Pagsisikap na Pinagpapala ni Jehova

Tiyak na may kani-kaniyang gantimpala ang marubdob na pagsisikap at masikap na paggawa. Habang mas malaking pagsisikap ang inilalagay natin sa isang proyekto o sa isang atas, lalo naman tayong tumatanggap ng higit na kasiyahan bilang ganti. Ganito ang pagkagawa sa atin ni Jehova. “Bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos,” ang sulat ni Haring Solomon. (Eclesiastes 3:13; 5:18, 19) Subalit upang tumanggap ng pagpapala mula sa Diyos, dapat nating tiyakin na ang ating mga pagsisikap ay nasa tamang direksiyon. Halimbawa, makatuwiran bang umasa ng pagpapala ni Jehova sa isang istilo ng buhay na naglalagay sa espirituwal na mga bagay sa pangalawahing dako? Makaaasa ba ang isang nakaalay na Kristiyano ng pagsang-ayon ni Jehova kung tatanggap siya ng trabaho o promosyon na mangangahulugan naman na hindi niya regular na matatamasa ang nakapagpapatibay-pananampalatayang pakikisama at pagtuturo sa Kristiyanong mga pulong?​—Hebreo 10:23-25.

Ang buong buhay ng masikap na paggawa sa paghahangad ng sekular na karera o materyal na kasaganaan ay hindi nangangahulugan na ang isa ay ‘magtatamasa ng kabutihan’ kung ito’y ginagawa nang hindi isinasama ang espirituwal na mga bagay. Inilarawan ni Jesus ang mga resulta ng maling pagsisikap sa kaniyang ilustrasyon ng maghahasik. May kinalaman sa binhing “naihasik sa gitna ng mga tinik,” ipinaliwanag ni Jesus na “ito yaong nakikinig sa salita, ngunit ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan ay sumasakal sa salita, at siya ay nagiging di-mabunga.” (Mateo 13:22) Nagbabala rin si Pablo hinggil sa gayunding silo at idinagdag na yaong naghahangad ng materyalistikong landasin ay “nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” Ano ang lunas sa gayong mapangwasak-sa-espiritu na paraan ng pamumuhay? Si Pablo ay nagpatuloy: ‘Tumakas sa mga bagay na ito at ilagak ang inyong pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.’​—1 Timoteo 6:9, 11, 17.

Anuman ang edad natin o gaano man tayo katagal na naglilingkod kay Jehova, lahat tayo ay makikinabang sa pagtulad sa marubdob na pagsisikap na ipinakita nina Jacob at Raquel. Sa kanilang paghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos, hindi nila kailanman nakalimutan ang kanilang pamana, nakatatakot o nakasisiphayo man ang kanilang mga kalagayan. Sa ngayon, ang mga panggigipit at mga problemang napapaharap sa atin ay maaari ring nakatatakot, nakasisiphayo, o nakapanlulumo pa nga. Isang tukso na sumuko sa pakikipagpunyagi at maging isa na namang biktima ng pagsalakay ni Satanas. Maaari niyang gamitin ang anumang paraang nasa kapangyarihan niya, ito man ay libangan o paglilibang, isports o mga kinagigiliwang gawin, mga karera o materyal na kasaganaan, upang makamit ang kaniyang mga layunin. Kanais-nais na mga resulta ang kadalasang ipinangangako subalit bihirang matamo. Kadalasang nasusumpungan niyaong mga nalilinlang o naaakit na magsagawa ng gayong mga paghahangad na sila’y humahantong sa kabiguan. Tulad nina Jacob at Raquel noong una, linangin natin ang espiritu ng isa na masigasig na nakikipagpunyagi at nang manaig laban sa mga pakana ni Satanas.

Gustung-gusto ng Diyablo na makitang tayo’y sumusuko tungo sa pagkatalo, anupat nadarama na ‘ang kalagayan ay wala nang pag-asa. Wala nang kabuluhan. Hindi na kailangan pang magsikap.’ Kung gayon, anong pagkahala-halaga nga para sa ating lahat na magbantay laban sa pagkakaroon ng saloobing madaling sumuko, anupat iniisip na ‘walang nagmamahal sa akin’ at ‘nakalimutan na ako ni Jehova.’ Ang pagpapadala sa gayong mga kaisipan ay kapaha-pahamak sa sarili. Maaari kayang ipahiwatig nito na sumuko na tayo at hindi na tayo nakikipagpunyagi hanggang sa matanggap natin ang isang pagpapala? Tandaan, pinagpapala ni Jehova ang ating marubdob na pagsisikap.

Patuloy na Makipagpunyagi Para sa Pagpapala ni Jehova

Ang ating espirituwal na kapakanan ay depende sa malaking bahagi sa ating pagkaunawa sa dalawang mahalagang katotohanan tungkol sa ating buhay bilang isang lingkod ni Jehova. (1) Walang sinuman ang nagtataglay ng lahat ng problema, karamdaman, o mahihirap na kalagayan sa buhay, at (2) si Jehova ay nakikinig sa mga paghiyaw niyaong mga marubdob na nagsusumamo sa kaniya para sa tulong at sa pagpapala.​—Exodo 3:7-10; Santiago 4:8, 10; 1 Pedro 5:8, 9.

Gaano man kahirap ang iyong kalagayan o gaano man kaliit ang sa palagay mo’y iyong nagagawa, huwag kang susuko sa “kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin”​—ang kawalan ng pananampalataya. (Hebreo 12:1) Patuloy na makipagpunyagi hanggang matanggap mo ang isang pagpapala. Maging matiisin, na inaalaala ang matanda nang si Jacob na magdamag na nakipagbuno para sa isang pagpapala. Tulad ng magsasaka na naghahasik sa tagsibol at naghihintay sa panahon ng pag-aani, may-pagtitiis na maghintay sa pagpapala ni Jehova sa iyong espirituwal na gawain, gaano man kaliit sa palagay mo ang iyong gawain. (Santiago 5:7, 8) At laging isaisip ang pananalita ng salmista: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 126:5; Galacia 6:9) Tumayong matatag, at manatiling kasama ng mga nakikipagpunyagi.

[Talababa]

^ par. 9 Ang pambababae ay umiiral na bago pa ang tipang Kautusan anupat kinikilala at sumasailalim sa regulasyon ng Kautusan. Para sa Diyos, hindi pa ito ang angkop na panahon upang isauli ang orihinal na pamantayan ng monogamya na itinatag niya sa halamanan ng Eden hanggang sa paglitaw ni Jesu-Kristo, subalit ipinagsanggalang naman niya ang kerida sa pamamagitan ng batas. Ang pambababae ay makatuwirang nakatulong sa mabilis na pagdami ng populasyon ng Israel.