Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matanda Na at Puspos ng mga Taon

Matanda Na at Puspos ng mga Taon

Matanda Na at Puspos ng mga Taon

AYON SA SALAYSAY NI MURIEL SMITH

Isang malakas na katok ang yumanig sa aming bukanang pinto. Kauuwi ko pa lamang para mananghali matapos ang isang magawaing umaga sa pangangaral. Gaya ng nakaugalian ko na, nagpakulo ako ng tubig para sa tsa at itataas ko na sana ang aking mga paa para sa aking kalahating oras na pamamahinga. Parang hindi makapaghintay ang katok na iyon, at habang papalapit ako sa pinto, iniisip ko kung sino kaya itong dumating sa ganitong oras. Nalaman ko rin. Ang dalawang lalaking nasa pintuan ko ay nagpakilalang mga pulis. Kanilang sinabi na sila’y naroroon upang halughugin ang aming bahay para hanapin ang mga literaturang gawa ng mga Saksi ni Jehova​—isang bawal na organisasyon.

Bakit ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Australia, at paano ako naging isa sa kanila? Ang lahat ay nagsimula sa isang regalo mula sa aking ina noong taóng 1910, nang ako’y sampung taóng gulang.

ANG aming pamilya ay nakatira sa isang bahay na kahoy sa Crows Nest na karatig-pook ng Hilagang Sydney. Isang araw nang umuwi ako galing sa paaralan, nadatnan ko si Inay na nakikipag-usap sa isang lalaki sa bukanang pinto. Interesado akong malaman kung sino kaya ang nakapaninibagong lalaking ito na nakaamerikana at may dalang bag na punô ng aklat. Nahihiyang nagpasintabi ako at pumasok sa bahay. Pero, ilang minuto pa lamang, tinawag ako ni Inay. Ang sabi niya: “May dalang magagandang aklat ang lalaking ito, at pawang tungkol sa Kasulatan. Kaya, yamang malapit na ang kaarawan mo, puwede kang magkaroon ng isang bagong damit o ng mga aklat na ito. Alin ang gusto mo?”

“O, Inay, gusto ko ng mga aklat salamat po,” ang sagot ko.

Kaya sa edad na sampu, nagkaroon ako ng unang tatlong tomo ng Studies in the Scriptures, ni Charles Taze Russell. Ipinaliwanag kay Inay ng lalaking nasa pinto na kailangang tulungan niya akong maunawaan ang mga aklat, dahil malamang na mahirapan ako nang husto sa mga ito. Sinabi ni Inay na malulugod siyang gawin iyon. Nakalulungkot, di-nagtagal pagkatapos noon, namatay si Inay. Masikap na inalagaan ni Itay ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ako, subalit may iba pang ekstrang pananagutan na napaatang sa akin ngayon, at parang hindi ko kakayanin ang mga ito. Gayunman, isa pang trahedya ang napipintong mangyari.

Sumiklab ang unang digmaang pandaigdig noong 1914, at makalipas lamang ang isang taon, napatay ang aming mahal na ama. Ngayong ulilang lubos na kami, ipinaampon ang mga kapatid ko sa aming mga kamag-anak, at ako naman ay ipinasok sa isang pang-Katolikong boarding college. Kung minsan, ako ay sakbibi ng labis na kalungkutan. Gayunman, pinasasalamatan ko ang pagkakataong ibinigay sa akin upang ipagpatuloy ang aking hilig sa musika, lalo na sa piyano. Lumipas ang mga taon, at ako’y nagtapos sa boarding college. Noong 1919, nagpakasal ako kay Roy Smith, isang ahente ng mga instrumento sa musika. Noong 1920, nagkaanak kami, at muli na naman akong naging abala sa pang-araw-araw na álalahanín sa buhay. Subalit ano na kaya ang nangyari sa mga aklat?

Isang Kapitbahay ang Nagbahagi ng Espirituwal na Katotohanan

Sa loob ng mga taóng iyon, palagi kong dala ang “mga aklat sa Bibliya.” Bagaman hindi ko talaga kailanman nabasa ang mga ito, sa loob ko’y alam kong mahalaga ang mensaheng nilalaman ng mga ito. Pagkatapos, isang araw sa huling mga taon ng dekada ng 1920, dumalaw si Lil Bimson, isa sa aming mga kapitbahay. Pumunta kami sa salas, umupo roon, at uminom ng tsa.

“Aba, mayroon ka pala ng mga aklat na iyon!” agad na bulalas niya.

“Anong mga aklat?” ang tanong ko, habang nagtataka.

Itinuro niya ang Studies in the Scriptures na nakalagay sa istante ng mga aklat. Hiniram ni Lil ang mga ito at iniuwi nang araw na iyon at buong pananabik na binasa. Kitang-kita agad sa kaniya na tuwang-tuwa siya sa kaniyang nabasa. Kumuha pa si Lil ng higit pang literatura mula sa mga Estudyante ng Bibliya na siyang tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Bukod diyan, hindi niya mapigil na di-sabihin sa amin ang lahat ng kaniyang natututuhan. Isa sa mga aklat na kinuha niya ay ang The Harp of God, at di-nagtagal ay nakarating ito sa aming bahay. Nagsimula na rin sa wakas ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova nang maglaan ako ng panahon para mabasa ang salig-Bibliyang publikasyong ito. Sa wakas, nasagot na rin ang mahahalagang tanong na hindi masagot ng aking relihiyon.

Nakatutuwa naman, interesadung-interesado si Roy sa mensahe ng Bibliya, at kaming dalawa ay naging masugid na mga estudyante ng Bibliya. Dati, si Roy ay naging miyembro ng Freemason. Nagkakaisa na ngayon ang aming pamilya sa tunay na pagsamba, at makalawa sa isang linggo ay pinangangasiwaan ng isa sa mga kapatid na lalaki ang pag-aaral ng Bibliya sa buong pamilya namin. Higit pang pampatibay ang dumating nang magsimula kaming dumalo sa mga pulong na idinaraos ng mga Estudyante ng Bibliya. Ang pinagdarausan sa Sydney ay isang maliit na inarkilang bulwagan sa Newtown na karatig-pook nito. Noong panahong iyon, wala pang 400 Saksi sa buong bansa, kaya para sa nakararaming kapatid, ang pagdalo sa mga pulong ay nangangailangan ng napakalayong paglalakbay.

Para sa aming pamilya, ang pagdalo sa mga pulong ay nangangahulugan ng regular na pagtawid sa Sydney Harbour. Bago itayo ang Sydney Harbour Bridge noong 1932, ferryboat ang sinasakyan sa bawat pagtawid. Sa kabila ng panahon at gastos sa paglalakbay na ito, sinikap namin na huwag lumiban sa anumang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova. Sulit naman ang pagsisikap na mapatatag ang aming mga sarili sa katotohanan, yamang nagbabanta na noon ang ikalawang digmaang pandaigdig, at tuwirang maaapektuhan ng isyu ng neutralidad ang aming pamilya.

Panahon ng mga Pagsubok at Gantimpala

Ang unang mga taon ng dekada ng 1930 ay kapana-panabik na panahon para sa akin at sa aking pamilya. Nabautismuhan ako noong 1930, at noong 1931, naroroon ako sa di-malilimot na kombensiyong iyon nang kaming lahat ay tumayo at sumang-ayong tanggapin ang magandang pangalang mga Saksi ni Jehova. Nagsikap kami ni Roy na mamuhay ayon sa pangalang iyan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa lahat ng paraan ng pangangaral at pangangampanya na ipinagagawa ng organisasyon. Halimbawa, noong 1932 ay nakibahagi kami sa isang pantanging kampanya sa buklet na dinisenyo upang maabot ang pulutong ng mga taong nagdatingan para panoorin ang pagbubukas ng Sydney Harbour Bridge. Ang isang natatanging tampok na bahagi para sa amin ay ang paggamit ng mga sasakyang may loudspeaker, at nagkapribilehiyo kami na makabitan ng sound system ang aming sasakyan. Dahil sa teknolohiyang ito, umalingawngaw sa mga lansangan ng Sydney ang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya na binigkas ni Brother Rutherford.

Gayunpaman, nabago na naman ang kalagayan at ito’y pahirap nang pahirap. Napakatindi ng epekto ng Great Depression sa Australia noong 1932, kaya naipasiya namin ni Roy na gawing simple ang aming buhay. Isang paraan para magawa ito ay ang paglipat sa lugar na malapit sa kongregasyon, at sa gayon ay nakabawas nang malaki sa aming gastusin sa pagbibiyahe. Gayunman, nabale wala na ang kagipitan sa kabuhayan nang maghari sa daigdig ang takot dahil sa Digmaang Pandaigdig II.

Dahil sa pagsunod sa utos ni Jesus na huwag maging bahagi ng sanlibutan, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay naging tampulan ng pag-uusig, at kabilang nga rito ang Australia. Udyok ng kaguluhang dulot ng digmaan, tinagurian kami ng ilan bilang mga Komunista. May-kabulaanang nagparatang ang mga salansang na ito na ginagamit daw ng mga Saksi ni Jehova ang apat na istasyon ng radyong pag-aari nila sa Australia upang magpadala ng mga mensahe sa hukbong Hapones.

Ang mga kabataang kapatid na lalaki na ipinatawag para maglingkod sa hukbo ay napaharap sa malaking kagipitan na makipagkompromiso. Natutuwa akong sabihin na lahat ng aking tatlong anak na lalaki ay nanindigan sa kanilang paniniwala at nakapanatili sa kanilang neutralidad. Ang aming panganay, si Richard, ay sinentensiyahan ng 18-buwang pagkabilanggo. Ang pangalawa kong anak, si Kevin, ay nakapagparehistro bilang isa na ayaw magsundalo dahil sa budhi. Gayunman, nakalulungkot na ang aming bunso, si Stuart, ay namatay sa isang aksidente sa motorsiklo habang papunta siya para tapusin ang kaniyang depensa sa hukuman hinggil sa isyu ng neutralidad. Talagang napakabigat ng trahedyang ito. Subalit, natulungan kaming makapagbata dahil sa patuloy na pagtutuon ng aming pansin sa Kaharian at sa pangako ni Jehova tungkol sa pagkabuhay-muli.

Hindi Nila Nakuha ang Tunay na Mahalagang Bagay

Noong Enero 1941, ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Australia. Subalit, gaya ng ginawa ng mga apostol ni Jesus, kami ni Roy ay sumunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa mga tao, at sa loob ng dalawa at kalahating taon, patuloy kami sa palihim na pagkilos. Sa panahong ito kumatok sa aming pinto ang dalawang nakasibilyang pulis na binanggit ko kanina. Ano ang nangyari?

Buweno, inanyayahan ko sila sa loob. Pagpasok nila sa bahay, nagtanong ako, “Puwede bang ubusin ko muna ang aking tsa bago ninyo halughugin ang bahay?” Nakapagtataka, pumayag sila, at pumunta ako sa kusina upang manalangin kay Jehova at makapag-isip-isip. Pagbalik ko, pumasok ang isang pulis sa aming dakong aralan at kinuha ang lahat ng may tatak na Watchtower, pati ang literaturang nasa bag ko at ang aking Bibliya.

“Sigurado ka bang wala ka nang iba pang literaturang nakatago sa mga karton?” ang tanong niya pagkatapos. “May nakapagsabi sa amin na dumadalo ka raw sa pulong linggu-linggo sa isang bulwagan sa dulo ng kalyeng ito at na nagdadala ka ng maraming literatura roon.”

“Totoo iyan,” ang sagot ko, “pero wala na iyon doon ngayon.”

“Oo, alam namin iyan, Gng. Smith,” ang sabi niya. “Alam din namin na ang mga literatura ay nakatago sa mga bahay ng mga tao sa pook na ito.”

Sa kuwarto ng aking anak na lalaki, nakuha nila ang limang karton na naglalaman ng mga kopya ng buklet na Freedom or Romanism.

“Sigurado ka bang wala ka nang itinatago sa garahe?” ang tanong niya.

“Wala na,” ang sabi ko.

Binuksan naman niya ang isang kabinet sa silid-kainan. Nakita niya ang mga blangkong pormularyo, na pinagsusulatan ng report ng kongregasyon. Kinuha niya ang mga ito at saka nagpumilit na maghanap pa sa garahe.

“Sige, dito ang daan,” ang sabi ko.

Sumunod sila sa akin palabas tungo sa garahe at matapos itong inspeksiyunin, umalis na rin sila sa wakas.

Buweno, akala ng mga pulis ay nagtagumpay na sila dahil sa limang karton! Pero naiwan nila ang mas mahalagang bagay. Kasi, noong mga panahong iyon, ako ay naglilingkod bilang sekretaryo ng kongregasyon, at nasa bahay namin ang listahan ng mga mamamahayag ng kongregasyon at iba pang mahahalagang impormasyon. Mabuti na lamang at binabalaan na kami ng mga kapatid na maghanda sa ganitong mga paghahalughog, at maingat ko nang naitago ang mga dokumentong ito. Ipinasok ko ang mga ito sa mga sobre at ipinaglalagay sa ilalim ng aking lalagyan ng tsa, asukal, at harina. Ang iba naman ay itinago ko sa kulungan ng mga ibon sa may garahe. Kaya nadaanan ng pulis ang mismong impormasyon na hinahanap nila.

Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod

Pagsapit ng 1947, nagkaroon na ng sari-sariling pamilya ang aming nakatatandang mga anak. Sa panahong ito, napagkaisahan namin ni Roy na puwede na kaming pumasok sa buong-panahong ministeryo. May pangangailangan noon sa Timog Australia, kaya ipinagbili namin ang aming bahay at bumili kami ng caravan, o trailer, na tinawag naming Mizpa, na ang ibig sabihin ay “Bantayan.” Ang istilong ito ng buhay ay nagpangyari sa amin na makapangaral sa mga liblib na pook. Madalas na doon kami gumagawa sa di-nakaatas na mabukid na teritoryo. Marami akong masasayang alaala ng panahong iyon. Isa sa aking mga pinagdarausan ng pag-aaral ay isang kabataang babae na nagngangalang Beverly. Bago sumulong tungo sa pagpapabautismo, umalis siya sa lugar na iyon. Maguguniguni mo ang aking kagalakan nang makalipas ang maraming taon ay may isang sister na lumapit sa akin sa isang kombensiyon at nagpakilalang siya si Beverly! Tuwang-tuwa ako na pagkalipas ng mga taóng iyon ay makita siya at ang kaniyang asawa’t mga anak na naglilingkod kay Jehova.

Noong 1979, nagkapribilehiyo akong makadalo sa Pioneer Service School. Isa sa mga bagay na pinatingkad sa paaralang iyon ay na upang makapagbata sa ministeryo bilang payunir, kailangang magkaroon ang isa ng magandang rutin sa personal na pag-aaral. Talaga ngang napatunayan kong totoo ito. Ang pag-aaral, pulong, at ministeryo ang siya nang naging buong buhay ko. Itinuturing kong isang karangalan na makapaglingkod bilang isang regular pioneer sa loob ng mahigit na 50 taon.

Pagharap sa mga Problema sa Kalusugan

Subalit ang nakaraang ilang dekada ay nagharap sa akin ng ilang natatanging hamon. Noong 1962, natuklasang ako ay may glaucoma. Noong panahong iyon, medyo limitado pa ang nalalamang paggamot dito, at mabilis na humina ang aking paningin. Humina na rin ang kalusugan ni Roy, at nagkaroon siya ng malubhang atake noong 1983 anupat naparalisa ang kalahati ng kaniyang katawan at hindi na makapagsalita. Pumanaw siya noong 1986. Nabigyan niya ako ng praktikal na suporta nang ako’y nasa buong-panahong paglilingkod, at talagang hinahanap-hanap ko siya.

Sa kabila ng mga sagabal na ito, sinikap kong ipagpatuloy ang isang magandang rutin sa espirituwal. Bumili ako ng isang matibay na sasakyan, yaong tamang-tama sa paglilingkod sa larangan sa aming lugar na parang probinsiya, at nagpatuloy ako sa aking paglilingkod bilang payunir sa tulong ng aking anak na si Joyce. Patuloy sa paglabo ang aking paningin hanggang sa tuluyan nang hindi makakita ang aking isang mata. Pinalitan ito ng mga doktor ng kristal na mata. Sa tulong ng lente at ng literaturang may malalaking letra, nakakatatlo hanggang limang oras pa rin ako ng pag-aaral sa isang araw na gamit ang bahagyang paninging natitira sa isa ko pang mata.

Napakahalaga sa akin ang panahon ng pag-aaral. Kaya maguguniguni mo kung gaano katindi ang aking pagkabigla nang isang hapon habang ako ay nag-aaral, biglang-bigla, hindi na ako makakita. Para bang may nagpatay ng ilaw. Lubusan nang nawala ang aking paningin. Paano ko kaya maipagpapatuloy ang aking pag-aaral? Buweno, kahit medyo mahina na ngayon ang aking pandinig, umasa ako sa mga audiocassette at sa maibiging suporta ng aking pamilya upang manatili akong malakas sa espirituwal.

Pagbabata Hanggang Wakas

Sa ngayon, sa edad na sandaang taon, nagkaroon pa ng ilang diperensiya ang aking kalusugan, at kailangan ko nang lubusang maghinay-hinay. Kung minsan, nadarama kong medyo ligáw ako. Sa katunayan, ngayong hindi na ako makakita, kung minsan ay talagang náliligáw nga ako! Gustung-gusto kong magkaroon muli ng mga inaaralan sa Bibliya, pero sa kalagayang ito ng aking kalusugan, hindi na ako makalabas para hanapin sila. Sa pasimula, pinapanlumo ako nito. Kailangang matutuhan kong tanggapin ang aking mga limitasyon at masiyahan na lamang sa aking puwedeng gawin. Hindi ito naging madali. Gayunman, nagagalak ako na buwan-buwan, nakapag-uulat ako ng ilang oras na ginugugol sa pakikipag-usap tungkol sa ating dakilang Diyos, si Jehova. Kung may pagkakataon akong makipag-usap tungkol sa Bibliya, gaya nang kapag may dumarating na mga nars, mga ahente, at iba pa, sinasamantala ko ang mga ito​—sa mataktikang paraan, siyempre.

Ang isa sa lubhang kasiya-siyang pagpapala sa akin ay ang makita ang apat na henerasyon ng aking pamilya na tapat na sumasamba kay Jehova. Ilan sa mga ito ay nagsikap na makapaglingkod bilang mga ministrong payunir sa mga lugar na may malaking pangangailangan, bilang matatanda o mga ministeryal na lingkod, at sa Bethel. Mangyari pa, gaya ng karamihan na kabilang sa aking henerasyon, inaasam kong sana’y sumapit na agad ang wakas ng sistemang ito. Subalit napakalaki ngang talaga ang nakita kong pagsulong sa loob ng aking pitong dekada ng paglilingkod! Nagdudulot sa akin ng matinding kasiyahan ang pakikibahagi sa isang napakadakilang bagay.

Sinasabi ng mga nars na dumadalaw sa akin na dahil daw marahil sa aking pananampalataya kung kaya buháy pa rin ako hanggang ngayon. Sang-ayon ako sa kanila. Wala nang higit pang makapagdudulot ng pinakamaligayang buhay kundi ang pagiging aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Gaya ni Haring David, masasabi ko nga na ako ay matanda na at puspos ng mga taon.​—1 Cronica 29:28.

(Si Sister Muriel Smith ay namatay noong Abril 1, 2002, habang tinatapos ang artikulong ito. Sa edad na kulang na lamang ng isang buwan para maging 102 taon, siya ay talagang huwaran sa katapatan at pagbabata.)

[Mga larawan sa pahina 24]

Noong ako ay mga limang taóng gulang at noong edad 19, nang makilala ko ang aking asawa, si Roy

[Larawan sa pahina 26]

Ang aming sasakyan at ang “caravan” na tinawag naming Mizpa

[Larawan sa pahina 27]

Kasama ang aking asawa, si Roy, noong 1971