Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Alam ba ni Abel na kailangan ang isang haing hayop upang makamit ang paglingap ng Diyos?
Napakaikli ng ulat ng Bibliya hinggil sa paghahandog nina Cain at Abel. Sa Genesis 4:3-5, mababasa natin: “Nangyari pagkalipas ng ilang panahon, si Cain ay nagdala ng mga bunga ng lupa bilang handog kay Jehova. Ngunit kung tungkol kay Abel, siya naman ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan, maging ang matatabang bahagi niyaon. At samantalang si Jehova ay nagpakita ng paglingap kay Abel at sa kaniyang handog, siya ay hindi nagpakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.”
Walang binabanggit sa Bibliya na bago ang pangyayaring ito ay nagbigay si Jehova ng anumang espesipikong impormasyon tungkol sa mga hain o tungkol sa anumang uri ng mga hain na kaayaaya sa kaniya. Kaya, maliwanag na sina Cain at Abel ay kusang pumili ng kanilang handog. Nahadlangan silang makapasok sa dating Paraisong tahanan ng kanilang mga magulang; naranasan nila ang mga epekto ng kasalanan; at napahiwalay sila sa Diyos. Sa kanilang makasalanan at kaawa-awang kalagayan, tiyak na nadama nila ang matinding pangangailangang bumaling sa Diyos para sa tulong. Malamang na isang pagkukusa sa kanilang bahagi ang paghahandog sa Diyos ng isang kaloob upang makamit ang paglingap ng Diyos.
Ang resulta ay tinanggap ng Diyos ang handog ni Abel, subalit hindi tinanggap ang kay Cain. Bakit? Dahil ba sa ang inihandog ni Abel ay tamang mga bagay at ang kay Cain ay hindi? Hindi tayo nakatitiyak na walang kaugnayan ang uri ng handog, yamang sinuman sa kanila ay hindi sinabihan kung ano ang kaayaaya at kung ano ang hindi. Gayunman, malamang na ang alinmang uri ay kaayaaya. Sa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa bansang Israel nang bandang huli, kabilang sa kaayaaya na mga hain ay hindi lamang mga hayop o mga bahagi ng hayop kundi gayundin naman ang binusang butil, mga tungkos ng sebada, mainam na harina, mga pagkaing hinurno, at alak. (Levitico 6:19-23; 7:11-13; 23:10-13) Maliwanag, hindi ang sangkap lamang ng mga hain nina Cain at Abel ang nagpangyari sa Diyos na tanggapin ang isa at tanggihan naman ang isa.—Ihambing ang Isaias 1:11; Amos 5:22.
Pagkaraan ng mga dantaon, sinabi ni apostol Pablo: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay pinatotohanan siya na siya ay matuwid, na ang Diyos ang nagpapatotoo may kaugnayan sa kaniyang mga kaloob.” (Hebreo 11:4) Sa gayon, dahil sa pananampalataya kung kaya si Abel ay kinilalang matuwid ng Diyos. Subalit pananampalataya sa ano? Pananampalataya sa pangako ni Jehova na maglalaan siya ng Binhi, na ‘susugat sa ulo ng serpiyente’ at magsasauli ng kapayapaan at kasakdalan na dating tinamasa ng sangkatauhan. Mula sa pananalita na ang Binhi ay ‘susugatan sa sakong,’ maaaring nangatuwiran si Abel na isang haing may kaugnayan sa pagbububo ng dugo ang kinakailangan. (Genesis 3:15) Gayunpaman, tunay na ang kapahayagan ni Abel ng pananampalataya ang gumawa sa kaniyang “hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain.”
Sa katulad na paraan, si Cain ay tinanggihan, hindi dahil sa naghandog siya ng maling uri ng hain, kundi sapagkat wala siyang pananampalataya, gaya ng ipinakita ng kaniyang mga pagkilos. Maliwanag na itinawag-pansin ni Jehova kay Cain: “Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas?” (Genesis 4:7) Hindi tinanggihan ng Diyos si Cain dahil sa anumang kawalang-kaluguran sa kaniyang handog. Bagkus, iyo’y “sapagkat ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot”—na ipinakita ng paninibugho, pagkapoot, at nang dakong huli ay pagpaslang—anupat si Cain ay tinanggihan ng Diyos.—1 Juan 3:12.