Pinakikilos ng “Mariringal na mga Bagay ng Diyos”
Pinakikilos ng “Mariringal na mga Bagay ng Diyos”
“Naririnig natin silang nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.”—Gawa 2:11.
1, 2. Anong kagila-gilalas na bagay ang naganap sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.?
ISANG umaga ng dulong bahagi ng tagsibol noong taóng 33 C.E., isang kagila-gilalas na bagay ang nangyari sa isang grupo ng mga lalaki at babae, mga alagad ni Jesu-Kristo na nagtipon sa isang pribadong tahanan sa Jerusalem. “Bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. At nakakita sila ng mga dila na parang apoy . . . , at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika.”—Gawa 2:2-4, 15.
2 Isang malaking pulutong ang nagtipon sa harap ng bahay. Kabilang sa kanila ang mga Judiong ipinanganak sa ibang bansa, “mga lalaking mapagpitagan” na nagpunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang kapistahan ng Pentecostes. Sila ay namangha dahil narinig ng bawat isa sa kanila na nagsasalita ang mga alagad sa wika ng kani-kanilang bansang pinagmulan “tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” Paano mangyayari iyon gayong ang lahat ng nagsasalita ay pawang mga taga-Galilea?—Gawa 2:5-8, 11.
3. Anong mensahe ang ipinahayag ni apostol Pedro sa pulutong noong Pentecostes?
3 Ang isa sa mga taga-Galilea na iyon ay si apostol Pedro. Ipinaliwanag niya na ilang linggo bago iyon, pinatay ng mga taong di-matuwid si Jesu-Kristo. Gawa 2:22-24, 32, 33, 38) Kaya paano tumugon ang mga nanonood na iyon sa kanilang narinig na “mariringal na mga bagay ng Diyos”? At paano tayo matutulungan ng ulat na ito na masuri ang ating personal na paglilingkod kay Jehova?
Gayunman, ibinangon ng Diyos ang kaniyang Anak mula sa mga patay. Pagkatapos nito, nagpakita si Jesus sa marami sa kaniyang mga alagad, pati na kay Pedro at sa iba na naroroon din noon. Sampung araw pa lamang noon ang nakalilipas nang umakyat si Jesus sa langit. Siya ang nagbuhos ng banal na espiritu sa kaniyang mga alagad. Mayroon bang anumang kahulugan ito para sa gayong mga nagdiwang ng Pentecostes? Oo, mayroon. Inihanda ng kamatayan ni Jesus ang daan upang makamit nila ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan at matanggap “ang walang-bayad na kaloob na banal na espiritu” kung mananampalataya sila sa kaniya. (Napakilos!
4. Anong hula ni Joel ang natupad noong araw ng Pentecostes 33 C.E.?
4 Palibhasa’y natanggap ang banal na espiritu, ang mga alagad sa Jerusalem ay hindi nag-aksaya ng panahon sa pagbabahagi ng mabuting balita ng kaligtasan sa iba, na sinimulan nila sa pulutong na nagkatipon nang umagang iyon. Tinupad ng kanilang pangangaral ang isang kapansin-pansing hula, na iniulat ni Joel na anak ni Petuel, walong siglo na noon ang nakalilipas: “Ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. Kung tungkol sa inyong matatandang lalaki, mananaginip sila ng mga panaginip. Kung tungkol sa inyong mga kabataang lalaki, makakakita sila ng mga pangitain. At maging sa mga alilang lalaki at sa mga alilang babae sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking espiritu . . . bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Joel 1:1; 2:28, 29, 31; Gawa 2:17, 18, 20.
5. Sa anong diwa nanghula ang unang-siglong mga Kristiyano? (Tingnan ang talababa.)
5 Nangahulugan ba ito na magbabangon ang Diyos ng isang buong salinlahi ng mga propeta, kapuwa lalaki at babae, na katulad nina David, Joel, at Debora, at gagamitin sila upang ihula ang mga mangyayari sa hinaharap? Hindi. Ang Kristiyanong ‘mga anak na lalaki at mga anak na babae, mga alilang lalaki at mga alilang babae’ ay manghuhula sa diwa na uudyukan sila ng espiritu ni Jehova na ipahayag ang “mariringal na mga bagay” na ginawa at gagawin pa ni Jehova. Kaya sila ay maglilingkod bilang mga tagapagsalita ng Kataas-taasan. * Subalit paano tumugon ang pulutong?—Hebreo 1:1, 2.
6. Matapos marinig ang pahayag ni Pedro, marami sa pulutong ang napakilos na gawin ang ano?
6 Matapos marinig ng pulutong ang paliwanag ni Pedro, marami sa kanila ang napakilos. Sila ay “yumakap sa kaniyang salita nang buong puso” at “nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.” (Gawa 2:41) Bilang likas na mga Judio at mga proselitang Judio, mayroon na silang saligang kaalaman sa Kasulatan. Ang kaalamang iyon, lakip na ang pananampalataya sa kanilang narinig kay Pedro, ang naging saligan upang sila ay mabautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Pagkatapos ng kanilang bautismo, “patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol.” Kasabay nito, sinimulan nilang ibahagi sa iba ang kanilang bagong nasumpungang pananampalataya. Sa katunayan, “araw-araw ay lagi silang naroroon sa templo na may pagkakaisa, . . . na pumupuri sa Diyos at nakasusumpong ng lingap ng lahat ng mga tao.” Bilang resulta ng gawaing pagpapatotoong ito, “patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova sa araw-araw yaong mga naliligtas.” (Gawa 2:42, 46, 47) Mabilis na naitatag ang mga kongregasyong Kristiyano sa maraming lupain kung saan nakatira ang mga bagong mananampalatayang ito. Walang alinlangan na ang pagdaming ito ay bunga, sa isang bahagi, ng kanilang masigasig na pagsisikap na ipangaral ang ‘mabuting balita’ nang makauwi sila.—Colosas 1:23.
Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
7. (a) Ano ang umaakit sa mga tao ng lahat ng bansa tungo sa organisasyon ni Jehova sa ngayon? (b) Anong potensiyal para sa higit pang pagsulong ang nakikita mo sa pandaigdig na larangan at sa inyong lugar? (Tingnan ang talababa.)
7 Kumusta naman ang mga nagnanais na maging mga lingkod ng Diyos sa ngayon? Sila man ay kailangang maingat na mag-aral ng Salita ng Diyos. Habang ginagawa nila ito, nakikilala nila si Jehova bilang isang Diyos na “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Exodo 34:6; Gawa 13:48) Natututuhan nila ang tungkol sa mabait na paglalaan ni Jehova ng pantubos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na ang itinigis na dugo ay makalilinis sa kanila mula sa lahat ng kasalanan. (1 Juan 1:7) Napahahalagahan din nila ang layunin ng Diyos na magkaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang pag-ibig sa Pinagmumulan ng “mariringal na mga bagay” na ito ay lumilipos sa kanilang puso, at pinakikilos sila na ipangaral ang mahahalagang katotohanang ito. Pagkatapos, sila ay nagiging nakaalay at bautisadong mga lingkod ng Diyos at patuloy na “lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” *—Colosas 1:10b; 2 Corinto 5:14.
8-10. (a) Paano pinatutunayan ng karanasan ng isang babaing Kristiyano na “may lakas” ang Salita ng Diyos? (b) Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasang ito tungkol kay Jehova at sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga lingkod? (Exodo 4:12)
8 Hindi mababaw ang kaalaman na natatamo ng mga lingkod ng Diyos mula sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Ang gayong kaalaman ay umaantig sa kanilang puso, bumabago sa kanilang paraan ng pag-iisip, at nagiging bahagi nila. (Hebreo 4:12) Halimbawa, isang babaing nagngangalang Camille ang kinuhang magtrabaho bilang tagapag-alaga sa mga may-edad na. Isa sa kaniyang mga inalagaan ay si Martha, isang Saksi ni Jehova. Yamang si Martha ay may malubhang demensiya, nangangailangan siya ng palagiang pangangalaga. Kailangang paalalahanan siyang kumain—pati na lunukin ang kaniyang pagkain. Gayunman, isang bagay ang tumimo sa isip ni Martha, gaya ng makikita natin.
9 Isang araw, nakita ni Martha na umiiyak si Camille dahil sa pagkabagabag sa ilang personal na problema. Niyakap ni Martha si Camille at inanyayahan siyang mag-aral ng Bibliya kasama niya. Subalit makapagdaraos ba ng pag-aaral sa Bibliya ang isang taong nasa kalagayan ni Martha? Aba, oo! Bagaman marami na siyang di-maalaala, hindi nakalimutan ni Martha ang kaniyang kahanga-hangang Diyos; ni nakalimutan man niya ang mahahalagang katotohanan na natutuhan niya mula sa Bibliya. Sa panahon ng pag-aaral, tinuruan ni Martha si Camille na basahin ang bawat parapo, hanapin ang binanggit na Kasulatan, basahin ang tanong sa ibaba ng pahina, at pagkatapos ay sagutin ito. Nagpatuloy ito nang ilang panahon, at sa kabila ng mga limitasyon ni Martha, sumulong ang kaalaman ni Camille sa Bibliya. Natanto ni Martha na kailangang makisama si Camille sa iba pang interesado sa paglilingkod sa Diyos. Sa layuning iyan, binigyan niya ng damit at isang pares ng sapatos ang kaniyang estudyante, upang magkaroon ng angkop na maisusuot si Camille kapag dumalo siya sa kauna-unahang pagkakataon sa pulong sa Kingdom Hall.
10 Napakilos si Camille sa maibiging interes, halimbawa, at pananalig ni Martha. Nahinuha niya na ang sinisikap ituro sa kaniya ni Martha mula sa Bibliya ay napakahalaga, yamang nakalimutan ni Martha ang halos lahat ng bagay maliban sa kaniyang
natutuhan mula sa Kasulatan. Di-nagtagal, nang ilipat si Camille sa ibang pasilidad, natanto niya na panahon na para kumilos siya. Nang mabuksan ang unang pagkakataon, dumalo siya sa isang Kingdom Hall, na suot ang damit at sapatos na ibinigay sa kaniya ni Martha, at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Si Camille ay mabilis na sumulong at nabautismuhan.Napasigla na Ipamalas ang mga Pamantayan ni Jehova
11. Bukod sa pagiging masigasig sa gawaing pangangaral, paano natin maipakikita na pinakilos tayo ng mensahe ng Kaharian?
11 Sa ngayon, mahigit na anim na milyong Saksi ni Jehova, tulad ni Martha at ni Camille ngayon, ang nangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian’ sa buong daigdig. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, sila ay lubhang naantig ng “mariringal na mga bagay ng Diyos.” Pinahahalagahan nila na nagkapribilehiyo silang taglayin ang pangalan ni Jehova at na ibinuhos niya ang kaniyang espiritu sa kanila. Dahil dito, puspusan silang nagsisikap na “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos,” anupat ikinakapit ang kaniyang mga pamantayan sa bawat aspekto ng kanilang buhay. Bukod sa iba pang bagay, kalakip dito ang paggalang sa mga pamantayan ng Diyos sa pananamit at pag-aayos.—Colosas 1:10a; Tito 2:10.
12. Anong espesipikong payo sa pananamit at pag-aayos ang masusumpungan nating nakaulat sa 1 Timoteo 2:9, 10?
12 Oo, si Jehova ay nagtakda ng mga pamantayan hinggil sa ating personal na hitsura. Binanggit ni apostol Pablo ang ilan sa mga kahilingan ng Diyos hinggil dito. “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” * Ano ang matututuhan natin mula sa mga salitang ito?—1 Timoteo 2:9, 10.
13. (a) Ano ang ibig sabihin ng “maayos na pananamit”? (b) Bakit natin masasabi na makatuwiran ang mga pamantayan ni Jehova?
13 Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na dapat ‘gayakan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili ng maayos na pananamit.’ Hindi dapat maging burara, nanlilimahid, o marungis ang kanilang hitsura. Halos lahat, maging yaong mahihirap, ay makaaabot sa gayong makatuwirang mga pamantayan sa pamamagitan ng pagtiyak na masinop, malinis, at kaayaaya ang kanilang pananamit. Halimbawa, ang mga Saksi sa isang bansa sa Timog Amerika ay taun-taóng naglalakad nang maraming kilometro sa kagubatan at pagkatapos ay naglalakbay nang maraming oras sakay ng bangka upang makadalo sa kanilang pandistritong kombensiyon. Karaniwan na para sa isa na mahulog sa ilog o masabit ang kaniyang mga kasuutan sa isang palumpong habang naglalakbay. Kaya kapag dumarating ang mga kombensiyonista sa lugar na pagdarausan ng kombensiyon, ang kanilang hitsura ay madalas na medyo di-maayos. Kaya naman gumugugol sila ng panahon upang tahiin ang mga butones, ayusin ang mga siper, at labhan at plantsahin ang mga damit na kanilang isusuot sa kombensiyon. Pinahahalagahan nila ang paanyaya sa kanila na kumain sa mesa ni Jehova, at nais nilang manamit nang angkop.
14. (a) Ano ang ibig sabihin ng manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip”? (b) Ano ang nasasangkot sa pananamit natin ‘bilang mga taong nag-aangking nagpipitagan sa Diyos’?
14 Binanggit pa ni Pablo na dapat tayong manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” Nangangahulugan ito na ang ating hitsura ay hindi dapat mapagpasikat, kakatwa, nakapupukaw sa sekso, naglalantad ng katawan, o masyadong sunod sa uso. Bukod dito, dapat tayong manamit sa paraang nagpapamalas ng ‘pagpipitagan sa Diyos.’ Pinag-iisip tayo niyan, hindi ba? Hindi lamang ito basta pananamit nang angkop kapag dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon at pagkatapos ay hindi na pag-iingat sa ibang mga pagkakataon. Ang ating personal na hitsura ay dapat na laging nagpapamalas ng mapitagan at kapuri-puring saloobin dahil tayo ay mga Kristiyano at ministro sa loob ng 24 na oras sa bawat araw. Maliwanag na ang ating mga damit na pantrabaho at mga damit na pampaaralan ay dapat na angkop sa uri ng mga gawain na ating gagampanan. Gayunman, dapat tayong manamit nang mahinhin at may dignidad. Kung ang ating pananamit ay laging nagpapamalas ng ating paniniwala sa Diyos, hindi tayo kailanman makadarama na napipigilan tayo sa di-pormal na pagpapatotoo dahil sa ating nakahihiyang hitsura.—1 Pedro 3:15.
“Huwag Ninyong Ibigin ang Sanlibutan”
15, 16. (a) Bakit mahalaga na iwasan nating tularan ang sanlibutan kung tungkol sa pananamit at pag-aayos? (1 Juan 5:19) (b) Sa anong praktikal na dahilan dapat nating iwasan ang mga kausuhan sa pananamit at pag-aayos?
15 Ang payo na nakaulat sa 1 Juan 2:15, 16 ay naglalaan din ng patnubay sa ating pinipiling pananamit at pag-aayos. Mababasa natin: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”
16 Tunay ngang napapanahon ang payong iyan! Sa panahong ito na napakatindi ng panggigipit ng kasamahan, hindi natin dapat pahintulutang diktahan tayo ng sanlibutan sa ating pananamit. Bumaba ang pamantayan ng mga istilo ng pananamit at pag-aayos nitong mga taóng nakalipas. Maging ang alituntunin sa pananamit ng mga negosyante at mga propesyonal ay hindi laging naglalaan ng maaasahang pamantayan kung ano ang angkop para sa mga Kristiyano. Karagdagang dahilan pa ito kung bakit dapat tayong maging laging palaisip sa pangangailangang ‘huwag magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay’ upang makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayan ng Diyos at sa gayo’y “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Roma 12:2; Tito 2:10.
17. (a) Anong mga tanong ang maaari nating isaalang-alang kapag bumibili ng damit o pumipili ng istilo? (b) Bakit dapat magbigay-pansin ang mga ulo ng pamilya sa personal na hitsura ng mga miyembro ng kanilang pamilya?
17 Bago magpasiyang bilhin ang isang damit, makabubuting itanong sa sarili: ‘Bakit nakaaakit sa akin ang istilong ito? Iniuugnay ba ito sa isang kilaláng artista—isa na aking hinahangaan? Isinusuot ba ito ng mga miyembro ng isang gang sa lansangan o ng isang grupo na nagtataguyod ng isang mapagsarili at mapaghimagsik na saloobin?’ Dapat din nating tingnan nang mabuti ang damit. Kung ito ay isang bestida o isang palda, kumusta ang haba nito? Ang tabas nito? Ang damit ba ay mahinhin, angkop, at marangal, o ito ba ay masikip, nakapupukaw sa sekso, o burarang tingnan? Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang pagsusuot ko ba ng ganitong damit ay makatitisod?’ (2 Corinto 6:3, 4) Bakit dapat nating ikabahala ito? Sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:3) Ang Kristiyanong mga ulo ng pamilya ay dapat magbigay-pansin sa hitsura ng mga miyembro ng kanilang pamilya. Bilang paggalang sa maluwalhating Diyos na kanilang sinasamba, ang mga ulo ng pamilya ay hindi dapat mag-atubiling magbigay ng matatag at maibiging payo kung ito ay kinakailangan.—Santiago 3:13.
18. Ano ang nag-uudyok sa iyo na bigyan ng maingat na pansin ang iyong pananamit at pag-aayos?
18 Ang mensaheng dala-dala natin ay galing kay Jehova, na siyang pinakalarawan ng dignidad at kabanalan. (Isaias 6:3) Hinihimok tayo ng Bibliya na tularan siya “bilang mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Ang ating pananamit at pag-aayos ay maaaring magpamalas ng mabuti o masama tungkol sa ating makalangit na Ama. Tiyak na gusto nating pasayahin ang kaniyang puso!—Kawikaan 27:11.
19. Anong mga pakinabang ang naidudulot ng pagpapahayag ng “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa iba?
19 Ano ang nadarama mo tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos” na natutuhan mo? Tunay ngang pinagpala tayo na natutuhan natin ang katotohanan! Dahil sa nananampalataya tayo sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo, pinatatawad ang ating mga kasalanan. (Gawa 2:38) Bunga nito, may kalayaan tayong magsalita sa harap ng Diyos. Hindi tayo natatakot sa kamatayan na gaya ng mga walang pag-asa. Sa halip, taglay natin ang katiyakang ibinigay ni Jesus na balang araw, “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Napakabait ni Jehova sa pagsisiwalat sa atin ng lahat ng ito. Bukod dito, ibinuhos niya ang kaniyang espiritu sa atin. Samakatuwid, ang pagpapahalaga sa lahat ng mabubuting kaloob na ito ay dapat magpakilos sa atin na igalang ang kaniyang matataas na pamantayan at purihin siya nang may kasigasigan, anupat ipinahahayag ang “mariringal na mga bagay” na ito sa iba.
[Mga talababa]
^ par. 5 Nang atasan ni Jehova sina Moises at Aaron upang makipag-usap kay Paraon alang-alang sa kaniyang bayan, sinabi Niya kay Moises: “Ginawa kitang Diyos kay Paraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.” (Exodo 7:1) Si Aaron ay naglingkod bilang isang propeta, hindi sa pamamagitan ng panghuhula ng mga mangyayari sa hinaharap, kundi sa pamamagitan ng pagiging tagapagsalita ni Moises.
^ par. 7 Tungkol sa lubhang karamihan na dumalo sa taunang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon na idinaos noong Marso 28, 2002, milyun-milyon sa kanila ang hindi pa aktibong naglilingkod kay Jehova. Dalangin natin na ang puso ng marami sa mga interesadong ito ay mapakilos sa madaling panahon upang magsikap sila na maabot ang pribilehiyo na maging mga mamamahayag ng mabuting balita.
^ par. 12 Bagaman ang mga salita ni Pablo ay patungkol sa mga babaing Kristiyano, kumakapit ang gayunding mga simulain sa mga lalaki at mga kabataang Kristiyano.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong “mariringal na mga bagay” ang narinig ng mga tao noong Pentecostes 33 C.E., at paano sila tumugon?
• Paano nagiging isang alagad ni Jesu-Kristo ang isa, at ano ang nasasangkot sa pagiging alagad?
• Bakit mahalaga para sa atin na magbigay-pansin sa ating pananamit at pag-aayos?
• Anong mga salik ang dapat isaalang-alang kapag nagpapasiya kung ang isang damit o istilo ay angkop?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Ipinatalastas ni Pedro na ibinangon na si Jesus mula sa mga patay
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang iyo bang personal na hitsura ay nagpapamalas ng mabuti tungkol sa Diyos na sinasamba mo?
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang mga magulang na Kristiyano ay dapat na magbigay-pansin sa hitsura ng mga miyembro ng kanilang pamilya