Yoga—Ehersisyo Lamang ba o Higit Pa?
Yoga—Ehersisyo Lamang ba o Higit Pa?
LUBHANG palaisip ang mga tao ngayon sa pagkakaroon ng isang balingkinitan at malusog na katawan. Ito ang dahilan kung kaya marami ang nagtutungo sa mga himnasyo at mga asosasyong pangkalusugan para magpatulong. Dahil din dito kung kaya libu-libong tao sa Kanluraning daigdig ang bumabaling sa Silanganing sining ng yoga.
Ang mga taong dumaranas ng kaigtingan, panlulumo, at pagkabigo ay bumabaling sa yoga upang makakuha ng kaaliwan at mga solusyon. Lalo na noong mga taon ng 1960, ang dekada ng mga hippie, lumaganap sa buong Kanluran ang pagiging interesado sa mga Silanganing relihiyon at sa mistikong mga gawain nito. Ang transcendental meditation, na resulta ng yoga, ay naging popular dahil sa mga artista sa pelikula at mga manunugtog ng rock. Dahil sa lumalagong interes sa yoga, maitatanong natin: ‘Ang yoga ba ay isang karaniwang ehersisyo lamang na nagdudulot ng isang malusog, balingkinitang katawan at mapayapang isip sa nag-eehersisyo? Maaari bang magyoga nang walang anumang bahid ng relihiyon? Angkop ba ang yoga sa mga Kristiyano?’
Ang Pinagmulan ng Yoga
Ang pinanggalingan ng salitang “yoga” ay may kaugnayan sa salitang Ingles na “yoke.” Maaari itong mangahulugang pagsamahin o pag-isahin o isailalim sa isang pamatok, itali o kontrolin. Para sa isang Hindu, ang yoga ay isang paraan o disiplina na umaakay sa pakikiisa sa isang dakilang kahima-himalang puwersa o espiritu. Inilalarawan ito bilang “ang pakikiisa ng lahat ng kapangyarihan ng katawan, isip at kaluluwa sa Diyos.”
Saan kaya matatalunton sa kasaysayan ang yoga? Ang mga larawan ng mga taong nakaupo sa iba’t ibang posisyon ng yoga ay makikita sa mga pantatak na masusumpungan sa Indus Valley, sa kasalukuyang-panahong Pakistan. Ang sibilisasyon ng Indus Valley ay pinetsahan ng mga arkeologo sa pagitan ng ikatlo at ikalawang milenyo B.C.E., na napakalapit sa panahon ng kultura ng Mesopotamia. Makikita sa mga sinaunang bagay mula sa dalawang lugar na ito ang isang lalaki, Genesis 10:8, 9) Sinasabi ng mga Hindu na ang mga larawang nakaupo sa mga posisyon ng yoga ay mga imahen ng diyos na si Siva, panginoon ng mga hayop at panginoon ng yoga, na karaniwang sinasamba sa pamamagitan ng lingam, isang sagisag ng ari ng lalaki. Sa gayon, tinawag ng aklat na Hindu World ang yoga bilang “isang kodigo ng mga kaugaliang asetiko, na pangunahin nang nagmula sa mga nauna sa Aryan, na naglalaman ng mga relikya ng maraming sinaunang ideya at mga pagdiriwang.”
na kumakatawan sa isang diyos, na nakokoronahan ng mga sungay ng hayop at napalilibutan ng mga hayop, na nagpapaalaala kay Nimrod, ang “makapangyarihang mangangaso.” (Sa pasimula, ang mga pamamaraan ng yoga ay ibinibigay nang bibigan. Pagkaraan, ang mga ito’y dinetalye at isinulat ng isang henyo sa yoga na taga-India na si Patañjali bilang ang Yoga Sutra, na nananatiling saligang aklat ng instruksiyon sa yoga. Ayon kay Patañjali, ang yoga ay “isang sistematikong pagsisikap upang makamit ang kasakdalan, sa pamamagitan ng pagkontrol sa iba’t ibang elemento ng likas na katangian ng tao, pisikal at mental.” Mula nang magsimula ito hanggang sa kasalukuyan, ang yoga ay naging isang mahalagang bahagi na ng mga relihiyon sa Silangan, partikular na ang Hinduismo, Jainismo, at Budismo. Naniniwala ang ilang nagyoyoga na ito’y aakay sa kanila upang matamo ang moksha, o paglaya, sa pamamagitan ng pakikiisa sa isang nananaig-sa-lahat na espiritu.
Kaya muli ay maitatanong natin: ‘Maaari bang magyoga bilang isa lamang pisikal na ehersisyo upang magkaroon ng isang malusog na katawan at relaks na isipan, nang walang anumang pakikisangkot sa relihiyon?’ Dahil sa pinagmulan nito, tiyak na ang sagot ay hindi.
Saan Ka Maaaring Akayin ng Yoga?
Ang layunin ng yoga bilang isang disiplina ay ang akayin ang isang tao tungo sa espirituwal na karanasan ng pagiging “kaisa” o kaanib ng isang nakahihigit-sa-taong espiritu. Subalit anong espiritu kaya ito?
Sa Hindu World, ganito ang sabi ng awtor na si Benjamin Walker tungkol sa yoga: “Maaaring ito ay isang sinaunang sistema ng mahiwagang seremonya, at ang kahulugan ng yoga ay may bahid pa rin ng okultismo at panggagaway.” Inaamin ng mga pilosopong Hindu na ang pagyoyoga ay nakapagbibigay ng kahima-himalang kapangyarihan, bagaman palagi nilang sinasabi na hindi ito ang ultimong layunin ng yoga. Halimbawa, sa aklat na Indian Philosophy, nagkomento ang dating presidente ng India na si Dr. S. Radhakrishnan tungkol sa nagyoyoga na “ang pagkontrol sa katawan sa pamamagitan ng mga posisyon nito ay nagbubunga ng pagwawalang-bahala sa matinding init at lamig. . . . Ang nagyoyoga ay nakakakita at nakaririnig mula sa malayo . . . May malaking posibilidad na mailipat ng isang indibiduwal sa iba ang kaniyang iniisip nang hindi gumagamit ng karaniwang paraan ng komunikasyon. . . . Napangyayari ng isang nagyoyoga na gawing di-nakikita ang kaniyang katawan.”
Ang larawan ng isang nagyoyogang natutulog sa isang kama ng mga pako o naglalakad sa nagbabagang mga uling ay maaaring lumabas na isang panloloko sa ilan at katatawanan naman sa iba. Subalit ang mga ito ay karaniwan nang nakikita sa India, gaya ng pagtayo sa isang paa habang deretsong nakatitig sa araw sa loob ng maraming oras at pagkontrol ng hininga anupat naibabaon ang isang tao sa buhangin nang napakatagal. Noong Hunyo 1995, iniulat ng The Times of India na isang tatlo-at-kalahating-taóng-gulang na batang babae ang pinasagasaan sa isang sasakyang tumitimbang nang mahigit sa 750 kilo sa kaniyang tiyan habang wala-sa-sarili itong nakahiga. Gayon na lamang ang pagtataka ng mga tao nang magising siyang walang anumang pinsala. Dagdag pa ng ulat: “Ito ay purong kapangyarihan ng yoga.”
Tiyak na walang normal na tao ang makagagawa ng alinman sa mga ito. Kaya naman, dapat na itanong ng isang Kristiyano: Indikasyon ba ng ano ang mga tagumpay na ito? Galing ba ang mga ito sa Diyos na Jehova, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” o may ibang pinanggalingan ang mga ito? (Awit 83:18) Maliwanag ang Bibliya sa puntong ito. Nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako na okupado ng mga Canaanita, ganito ang sabi ni Jehova sa mga anak ni Israel sa pamamagitan ni Moises: “Huwag mong pag-aralang gawin ang ayon sa mga karima-rimarim na bagay ng mga bansang iyon.” Anong “mga karima-rimarim na bagay”? Nagbabala si Moises laban ‘sa sinumang nanghuhula, sa salamangkero o sa sinumang naghahanap ng mga tanda o sa manggagaway.’ (Deuteronomio 18:9, 10) Karima-rimarim sa Diyos ang mga bagay na ito sapagkat ito ay mga gawa ng mga demonyo at ng makasalanang laman.—Galacia 5:19-21.
Hindi Para sa mga Kristiyano
Anumang pagsalungat ang sabihin ng mga instruktor sa kalusugan, ang yoga ay hindi basta isang pisikal na pag-eehersisyo lamang. Isinalaysay ng aklat na Hindu Manners, Customs and Ceremonies ang naging karanasan ng dalawang baguhan sa yoga na sinasanay ng isang guru. Ganito ang sabi ng isa: “Sa paraang higit pa sa kakayahan ng tao, sinikap kong pigilin ang aking paghinga nang napakatagal hangga’t maaari at humihinga lamang ako kapag hihimatayin na ako. . . . Isang araw, sa katanghaliang-tapat, parang nakakakita ako ng isang maliwanag na buwan, na waring gumagalaw-galaw at umiinda-indayog. Minsan naman ay nararamdaman ko ang aking sarili na nalulukuban ng isang pusikit na kadiliman sa katanghaliang-tapat. Ang aking tagapagturo . . . ay tuwang-tuwa nang sabihin ko sa kaniya ang aking mga nakikita. . . . Tiniyak niya sa akin na malapit ko nang maranasan ang napakarami pang nakagugulat na resulta ng aking pagpapakasakit.” Ganito naman ang salaysay ng ikalawang lalaki: “Inobliga niya akong tumitig sa langit araw-araw nang hindi kumukurap ang aking mga mata o binabago ang aking posisyon. . . . Kung minsan ay parang nakakakita ako ng mga alipato; minsan naman ay para akong nakakakita ng mga bolang apoy at ibang bulalakaw. Tuwang-tuwa ang aking guro sa tagumpay ng aking mga pagsisikap.”
Ang pambihirang mga nakikita ang malamang na itinuturing ng mga guru na siyang nararapat na mga resulta na aakay sa tunay na layunin ng pagyoyoga. Oo, ang ultimong layunin ng yoga ay ang moksha, na ipinaliliwanag bilang ang pakikiisa sa isang impersonal at dakilang espiritu. Inilalarawan ito bilang “ang (sinasadyang) pagpapahinto sa natural na pagkilos ng kamalayan.” Ito’y maliwanag na salungat sa tunguhing itinakda para sa mga Kristiyano, na pinaaalalahanan ng ganito: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:1, 2.
Ang pagpili sa kung anong pisikal na ehersisyo ang dapat gawin ay isang personal na bagay. Gayunman, hindi pahihintulutan ng mga Kristiyano ang anumang bagay—ito man ay pagsasanay sa katawan, pagkain, pag-inom, pananamit, libangan, o anupaman—na makasira sa kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova. (1 Corinto 10:31) Para doon sa mga nag-eehersisyo para lamang sa kanilang kalusugan, maraming paraang magagawa na walang kinalaman sa mga panganib ng espiritismo at okultismo. Sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kaugalian at paniniwalang nakaugat sa maling relihiyon, makaaasa tayo sa pagpapala ng Diyos na isang matuwid na bagong sistema ng mga bagay na doo’y matatamasa natin ang sakdal na kalusugan ng katawan at isip magpakailanman.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 22]
Marami ang nasisiyahan sa mga gawaing pangkalusugan na walang kinalaman sa espiritismo