“Alam ba Ninyo Kung Bakit Ko Isinasauli ang Inyong Pera?”
“Alam ba Ninyo Kung Bakit Ko Isinasauli ang Inyong Pera?”
‘TALAGANG kailangang-kailangan ko ng pera!’ ang naisip ni Nana, isang nagsosolong ina na may tatlong anak na lalaki na nakatira sa Kaspi sa Republika ng Georgia. Isang umaga, nagkatotoo ang pinapangarap niyang pera. Nakapulot siya ng 300 lari sa tabi ng istasyon ng pulis. Walang tao sa paligid niya. Malaki-laking halaga ng salapi iyon. Sa katunayan, hindi pa kailanman nakakita si Nana ng papel na salaping 100 lari sa loob ng limang taon sapol nang naging pambansang salapi ang lari. Hindi nga kumikita nang gayon kalaki ang lokal na mga negosyante sa loob ng ilang taóng pagtatrabaho nila.
‘Aanhin ko ang perang ito kung maiwawala ko naman ang aking pananampalataya, makadiyos na pagkatakot, at espirituwalidad?’ ang naisip ni Nana. Nalinang niya ang gayong Kristiyanong mga katangian, anupat pinagtitiisan pa nga niya ang malupit na pag-uusig at pambubugbog dahil sa kaniyang paniniwala.
Nang pumunta siya sa istasyon ng pulis, nakita ni Nana ang limang pulis na hilong-talilong sa paghahanap ng isang bagay. Natanto niya na may hinahanap silang pera, kaya kaniyang nilapitan sila at nagsabi: “May nawala ba sa inyo?”
“Pera,” ang sagot nila.
“Magkano?”
“Tatlong daang lari!”
“Napulot ko ang inyong pera,” ang sabi ni Nana. Pagkatapos ay nagtanong siya: “Alam ba ninyo kung bakit ko isinasauli ang inyong pera?” Hindi nila alam.
“Sapagkat ako’y isang Saksi ni Jehova,” ang patuloy niya. “Kung hindi ako Saksi, hindi ko isasauli ang inyong pera.”
Binigyan ng hepe ng pulis na nakawala ng pera si Nana ng 20 lari bilang pasasalamat sa kaniyang katapatan.
Agad na kumalat ang balita sa buong distrito ng Kaspi. Kinabukasan, isang empleadang tagalinis na lumabas sa istasyon ng pulis ang nagsabi kay Nana: “Laging itinatago [ng hepe] ang inyong literatura sa kaniyang opisina. Malamang na mas pahahalagahan niya iyon ngayon.” Isang pulis ang nagsabi pa nga: “Kung lahat ng tao ay mga Saksi ni Jehova, sino pa ang gagawa ng mga krimen?”