Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Sanlibutang Pilipit ang Pangmalas sa Pagkamatapat

Isang Sanlibutang Pilipit ang Pangmalas sa Pagkamatapat

Isang Sanlibutang Pilipit ang Pangmalas sa Pagkamatapat

NOONG isang maalinsangang Biyernes ng gabi sa Tel Aviv, Israel, isang kabataang lalaki ang nakisama sa grupo ng mga kabataang naghihintay sa labas ng isang nightclub. Pagkaraan ng ilang sandali ay isang mapangwasak na pagsabog ang dagling sumalanta sa pulutong na naroroon.

Isa pang suicide bomber ang nagbuwis ng kaniyang buhay at buong karahasang winakasan ang buhay ng 19 na iba pang mga kabataan. “Nagkalat ang mga bahagi ng katawan sa lahat ng dako, lahat ng ito ay pawang mga kabataan, napakababata​—ang pinakakakila-kilabot na tanawin na kailanma’y nasaksihan ko,” ang sinabi nang maglaon ng isang doktor sa mga reporter.

“Ang mga katangian na hinahangaan ng lahat, kagaya ng pagkamatapat . . . , ay maaaring maging kapuwa mas malamang na pagmulan ng mga digmaan at maging mas mahirap na wakasan,” gaya ng isinulat ni Thurstan Brewin sa The Lancet. Oo, mula sa mga Krusada ng Sangkakristiyanuhan hanggang sa organisadong masaker ng Alemanyang Nazi, dumanak ang dugo sa kasaysayan ng tao na ginawa sa ngalan ng pagkamatapat.

Dumaraming Biktima ng Pagiging Di-matapat

Di-maitatatwa, ang panatikong pagkamatapat ay maaaring maging mapamuksa, subalit ang kawalan ng pagkamatapat ay maaari ring magwasak ng lipunan. Ang pagiging matapat, sabi ng Webster’s New Encyclopedic Dictionary, ay nangangahulugan ng ‘pagiging tapat sa isang persona o layunin’ at “nagpapahiwatig ng personal na determinasyong sumunod sa harap ng anumang tuksong magpabaya o tumalikod.” Bagaman sinasabi ng karamihang tao na kanilang hinahangaan ang ganitong uri ng pagkamatapat, ang lipunan ay nagdurusa dahil sa malaking kawalan ng pagkamatapat sa pinakamahalagang bahagi nito​—sa loob ng pamilya. Ang bilang ng diborsiyo ay mabilis na dumarami, dahil sa pinatindi ito ng pagdiriin ukol sa pagtatamo ng personal na kasiyahan sa paggawa ng mga bagay-bagay, ng mga kaigtingan ng pang-araw-araw na pamumuhay, at ng mga epekto ng malaganap na seksuwal na pagtataksil sa asawa. At katulad sa mga nasawi ng pambobomba sa Tel Aviv, ang mga kabataan ang karaniwang mga inosenteng biktima.

“Ang edukasyon ng isang bata ang kadalasang naaapektuhan ng kawalang katatagan ng pamilya dulot ng diborsiyo, paghihiwalay, at pagiging nagsosolong magulang,” sabi ng isang ulat. Ang mga batang lalaki sa mga pamilya ng isang nagsosolong ina ay waring siyang lalo nang nanganganib na hindi makapagtapos sa pag-aaral, magpatiwakal, at maging batang kriminal. Bawat taon, isang milyong bata sa Estados Unidos ang nakararanas ng pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang, at sa alinmang taon, kalahati ng lahat ng mga anak na isinilang sa kasal na mga magulang sa bansang iyon ay malamang na maging biktima ng diborsiyo sa panahong ang mga anak ay umabot na sa 18 anyos. Ipinakikita ng estadistika na ang pag-asa sa hinaharap ay lubhang nakasisira ng loob para sa maraming kabataan sa iba pang panig ng daigdig.

Ang Pagkamatapat​—Isa Bang Napakataas na Pamantayan?

Ang kasalukuyang pagkabigo sa tradisyonal na pagkamatapat ay nagpapangyari na waring mas angkop higit kailanman ang mga salita ni Haring David: “Iligtas mo ako, O Jehova, sapagkat ang matapat ay sumapit na sa kawakasan; sapagkat ang mga taong tapat ay naglaho na mula sa mga anak ng mga tao.” (Awit 12:1) Bakit ganito kalaganap ang pagka-di-matapat? Si Roger Rosenblatt, sa pagsulat sa magasing Time, ay nagkomento: “Bagaman ang pagkamatapat ay isang mataas na pamantayan, napakalaki ng takot, kawalan ng pagtitiwala sa sarili, pagsasamantala sa mga bagay-bagay at ambisyon na nasa ating kayarian upang umasa sa ating kahinaan sa moral anupat makapanatili sa pamantayan ng pagkamatapat.” Bilang paglalarawan sa ating panahong kinabubuhayan, ang Bibliya ay tahasang nagsasabi: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Bilang pagsasaalang-alang sa mapuwersang impluwensiya ng pagkamatapat​—o ng kawalan nito​—sa kaisipan at mga pagkilos ng isang tao, maaari nating itanong, ‘Sino ang karapat-dapat sa ating pagkamatapat?’ Pansinin kung ano ang masasabi ng susunod na artikulo hinggil sa katanungang ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan sa itaas: © AFP/CORBIS