Kanino Ka Dapat na Maging Matapat?
Kanino Ka Dapat na Maging Matapat?
“Ang ating bansa: . . . Ito nawa’y maging laging tama; subalit manatili nawa ang ating bansa, tama man o mali.”—Stephen Decatur, opisyal ng hukbong dagat ng Estados Unidos, 1779-1820.
ANG walang pasubaling pagkamatapat sa sariling bansa ay itinuturing ng marami bilang kanilang pinakapangunahing pananagutan. Ang mga salita ni Stephen Decatur ay maaaring baguhin ng iba sa ganitong pananalita, ‘Ang aking relihiyon, ito nawa’y maging laging tama; subalit manatili nawa ang aking relihiyon, tama man o mali.’
Sa totoo lamang, ang bansa o relihiyon na humihiling ng ating pagkamatapat ay kadalasang depende sa lugar ng ating kapanganakan, subalit ang pagpapasiya kung kanino tayo dapat na maging matapat ay napakahalaga upang ipaubaya sa pagkakataon. Gayunman, ang pag-uusisa sa pagkamatapat ng isa na doo’y pinalaki siya ay nangangailangan ng tibay-loob at lumilikha ng mga hamon.
Isang Pagsubok sa Pagkamatapat
Isang babae na lumaki sa Zambia ang nagsabi: “Mahilig ako sa relihiyon mula pa sa murang edad. Ang pananalangin araw-araw sa silid-altar ng pamilya, pangingilin ng mga relihiyosong araw, at regular na pagdalo sa templo ay bahagi ng pagsasanay sa akin ng pamilya. Ang aking relihiyon at
pagsamba ay lubhang kaugnay ng aking kultura, komunidad, at pamilya.”Subalit, nang siya’y malapit nang lumipas sa kaniyang pagkatin-edyer, siya’y nagpasimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at di-nagtagal pagkatapos niyaon ay nagpasiyang magbago ng kaniyang relihiyon. Ito ba ay kawalan ng katapatan?
Si Zlatko ay lumaki sa Bosnia, at sa isang yugto ng panahon ay nakipaglaban sa digmaang naganap sa kaniyang bansang tinubuan. Siya rin ay nagpasimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon siya ay tumatanggi nang makipagdigma sa kaninuman. Siya ba ay nagiging di-matapat?
Ang paraan ng pagsagot mo sa mga tanong na ito ay depende sa iyong punto-de-vista. Ang babaing binanggit kanina ay nagsabi: “Sa aming komunidad, ang pagbabago ng relihiyon ng isa ay nagdudulot ng kahiya-hiyang tanda; ito ay itinuturing na di-pagkamatapat, isang pagkakanulo sa pamilya at sa komunidad ng isa.” Gayundin, itinuturing ng dating mga kasamahan ni Zlatko sa militar na taksil ang sinumang tumatangging makipaglaban para sa kanilang panig. Subalit ang babaing iyon at si Zlatko ay nakadama na ang isang mas mataas na anyo ng pagkamatapat—ang pagkamatapat sa Diyos—ang gumaganyak sa kanilang mga pagkilos. Mas mahalaga, paano ba minamalas ng Diyos ang mga nagnanais na maging matapat sa kaniya?
Tunay na Pagkamatapat—Isang Kapahayagan ng Pag-ibig
Sinabi ni Haring David sa Diyos na Jehova: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.” (2 Samuel 22:26) Ang Hebreong salitang isinalin dito na “pagkamatapat” ay nagdadala ng ideya ng kabaitan na maibiging iniuugnay ang sarili sa isang bagay hanggang sa matupad ang layunin nito may kaugnayan sa bagay na iyon. Taglay ang saloobing kagaya niyaong sa isang ina na may pasusuhing sanggol, maibiging iniuugnay ni Jehova ang kaniyang sarili doon sa mga matapat sa kaniya. Sinabi ni Jehova sa kaniyang matatapat na lingkod noon sa sinaunang Israel: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” (Isaias 49:15) Yaong mga nagnanais na maglagak ng kanilang pagkamatapat sa Diyos nang higit sa lahat ay makatitiyak ng kaniyang maibiging pangangalaga.
Ang pagkamatapat kay Jehova ay salig sa pag-ibig. Gumaganyak ito sa isang tao na ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang balakyot na mga bagay na kinapopootan ni Jehova. (Awit 97:10) Yamang ang pinakapangunahing katangian ni Jehova ay pag-ibig, ang pagkamatapat sa Diyos ay tumutulong upang mahadlangan ang isang tao na makitungo sa iba sa di-maibiging paraan. (1 Juan 4:8) Kaya kung dahil sa pagkamatapat sa Diyos ay binabago ng isang tao ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala, hindi ito nangangahulugan na hindi na niya iniibig ang kaniyang pamilya.
Ang Pagkamatapat sa Diyos—Isang Kapaki-pakinabang na Puwersa
Ipinaliwanag ng binanggit na babae kanina na ang kaniyang mga pagkilos sa ganitong paraan: “Sa pamamagitan ng aking pag-aaral ng Bibliya, nakilala ko si Jehova bilang ang tunay na Diyos, at nagkaroon ako ng personal na kaugnayan sa kaniya. Si Jehova ay di-gaya ng alinman sa mga diyos na dati kong sinasamba; sakdal ang kaniyang pagkatimbang sa pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Yamang hinihiling ni Jehova ang bukod-tanging debosyon, kailangan kong iwan ang iba pang mga diyos.
“Paulit-ulit na sinasabi sa akin ng aking mga magulang na hindi sila lubhang nalulugod sa akin at na binibigo ko sila. Naging napakahirap nito para sa akin, yamang ang pagsang-ayon ng aking mga magulang ay napakahalaga sa akin. Subalit habang ako ay patuloy na sumusulong sa kaalaman ng katotohanan sa Bibliya, ang pagpili ay naging maliwanag para sa akin. Hindi ko maaaring talikuran si Jehova.
“Ang pagiging matapat kay Jehova sa halip na sa relihiyosong mga tradisyon ay hindi nangangahulugan na ako ay nagiging di-matapat sa aking pamilya. Pinagsikapan kong ipakita sa kanila sa pamamagitan ng aking mga salita at mga pagkilos na nauunawaan ko kung ano ang kanilang nadarama. Subalit kung ako ay hindi matapat kay Jehova, kung gayon ay mahahadlangan ko ang aking pamilya na makilala siya, at iyon ay magiging isang tunay na kawalan ng katapatan.”
Gayundin, ang isang tao ay hindi isang taksil kapag ang pagkamatapat sa Diyos ay humihiling na manatili siyang neutral sa pulitika at umiwas sa pakikidigma sa iba. Ganito ipinaliwanag ni Zlatko ang kaniyang mga pagkilos: “Bagaman ako ay pinalaki bilang isang Kristiyano sa pangalan, nag-asawa ako ng isa na hindi Kristiyano. Noong sumiklab ang digmaan, hiniling ng magkabilang panig ang aking katapatan. Ako ay napilitang pumili kung kaninong panig ang ipaglalaban ko. Ako ay nakipagdigma sa loob ng tatlo at kalahating taon. Kaming mag-asawa ay tumakas sa Croatia nang dakong huli, kung saan namin nakilala ang mga Saksi ni Jehova.
“Mula sa aming pag-aaral ng Bibliya, naunawaan namin na si Jehova ang siyang pinakapangunahin na dapat naming pagpakitaan ng pagkamatapat at nais niyang ibigin namin ang aming kapuwa anuman ang kinabibilangan niyang relihiyon o lahi. Ngayon kaming mag-asawa ay nagkakaisa sa aming pagsamba kay Jehova, at natutuhan ko na hindi ako maaaring maging matapat sa Diyos at makipaglaban sa aking kapuwa.”
Hinubog ng Tumpak na Kaalaman ang Pagkamatapat
Yamang si Jehova ang ating Maylalang, ang pagkamatapat sa kaniya ang dapat na mauna kaysa sa lahat ng umaangkin sa ating katapatan. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, upang maiwasan na ang pagkamatapat ay mauwi sa pagkapanatiko at mapangwasak na puwersa, ito ay dapat na mahubog ng tumpak na kaalaman. Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na . . . pagkamatapat.” (Efeso 4:23, 24) Ang bantog na tao na sumulat ng kinasihang mga salitang iyan ay may tibay-loob na nagsuri sa katapatan na doo’y pinalaki siya. Ang kaniyang pagsusuri ay umakay tungo sa isang kapaki-pakinabang na pagbabago.
Oo, si Saul ay napaharap sa isang pagsubok sa pagkamatapat, kagaya ng marami sa ating panahon. Si Saul ay pinalaki sa mahihigpit na tradisyon ng kaniyang pamilya, at siya ay namumukod-tanging matapat sa kaniyang nakagisnang relihiyon. Ang pagkamatapat sa kaniyang relihiyosong mga tunguhin ay gumanyak pa nga sa kaniya na maging marahas laban doon sa hindi umaayon sa kaniyang pangmalas. Si Saul ay naging bantog sa pananalakay sa mga tahanan ng mga Kristiyano at pagkaladkad sa kanila upang parusahan at patayin pa nga.—Gawa 22:3-5; Filipos 3:4-6.
Subalit, minsang natamo ni Saul ang tumpak na kaalaman ng Bibliya, ginawa niya yaong inakala ng kaniyang mga kapanahon na malayong mangyari. Binago niya ang kaniyang relihiyon. Pinili ni Saul, na noong bandang huli ay nakilala bilang apostol Pablo, na maging tapat sa Diyos sa halip na sa tradisyon. Ang pagkamatapat sa Diyos salig sa tumpak na kaalaman ay gumanyak kay Saul na maging mapagparaya, maibigin, nakapagpapatibay, na siyang kabaligtaran ng kaniyang dating mapamuksa at panatikong asal.
Bakit Dapat na Maging Matapat?
Ang pagpapahintulot sa ating katapatan na mahubog ng mga pamantayan ng Diyos ay nagdudulot ng maliwanag na mga kapakinabangan. Halimbawa, isang ulat noong 1999 mula sa Australian Institute of Family Studies ang nagsabi na kabilang sa mga saligan para sa nagtatagal at kasiya-siyang pag-aasawa ay ang “pagtitiwala at katapatan . . . [at] espirituwalidad.” Nakita ng gayunding pag-aaral na ang “matatag at kasiya-siyang mga pag-aasawa” ay
nakatutulong sa mga lalaki at babae na maging mas maliligaya, mas malulusog at mabuhay nang mas matagal at ang matatag na pag-aasawang iyon ay nagbibigay sa mga anak ng isang mas mabuting pagkakataon upang tamasahin ang maligayang buhay.Sa walang katiyakang daigdig na ito sa ngayon, ang pagkamatapat ay tulad ng lubid na nagkakabit sa isang nagpupunyaging manlalangoy at sa isang pansagip na bapor. Kapag ang “manlalangoy” ay walang pagkamatapat, masusumpungan niya ang sarili na sinisiklut-siklot ng mga alon at hangin. Subalit kung mali ang pinaglalagakan ng kaniyang pagkamatapat, ito’y para bang ang kaniyang lubid ay nakakabit sa isang lumulubog na bapor. Kagaya ni Saul, maaaring masumpungan niya ang sarili na kinakaladkad patungo sa kapaha-pahamak na landas ng pagkilos. Gayunman, ang pagkamatapat kay Jehova, salig sa tumpak na kaalaman, ay isang lubid na nagbibigay sa atin ng katatagan at umaakay tungo sa ating kaligtasan.—Efeso 4:13-15.
Ganito ang ipinangako ni Jehova sa mga tapat sa kaniya: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.” (Awit 37:28) Hindi magluluwat, lahat ng matapat kay Jehova ay pahihintulutang pumasok sa paraisong lupa, kung saan nila tatamasahin ang kalayaan mula sa dalamhati at kirot at masisiyahan sa nagtatagal na mga kaugnayang malaya sa pagkakabaha-bahagi ng relihiyon at pulitika.—Apocalipsis 7:9, 14; 21:3, 4.
Kahit na ngayon, milyun-milyong indibiduwal sa buong globo ang nakatuklas na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula lamang sa kanilang pagkamatapat kay Jehova. Bakit hindi hayaang matulungan ka ng mga Saksi ni Jehova na suriin ang iyong pangmalas sa pagkamatapat sa liwanag ng katotohanan ng Bibliya? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”—2 Corinto 13:5.
Nangangailangan ng tibay-loob upang alamin ang ating pananampalataya at kung bakit tayo nagtatapat dito, subalit sulit ang mga gantimpala sa pagsisikap kapag ito’y naglalapít sa atin sa Diyos na Jehova. Ipinahahayag ng babae na sinipi kanina ang damdamin ng maraming tao nang sabihin niya: “Natutuhan ko na ang pagiging matapat kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan ay tumutulong sa atin na maging timbang sa ating mga pakikitungo sa ating mga pamilya at maging lalong mabubuting miyembro ng komunidad. Gaano mang kahirap ang mga pagsubok, kung tayo ay matapat kay Jehova, siya’y laging magiging matapat sa atin.”
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang tumpak na kaalaman ang nagpakilos kay Saul upang baguhin ang pinag-uukulan ng kaniyang pagkamatapat
[Larawan sa pahina 7]
Bakit hindi suriin ang iyong pagkamatapat sa liwanag ng katotohanan ng Bibliya?
[Picture Credit Lines sa pahina 4]
Churchill, itaas sa dakong kaliwa: U.S. National Archives photo; Joseph Göbbels, dulong kanan: Library of Congress