Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mananatili Ka Bang Tapat?

Mananatili Ka Bang Tapat?

Mananatili Ka Bang Tapat?

ILANG maya ang namatay kahapon? Walang nakaaalam, at marahil iilang tao ang mababahala​—napakarami ng ibon. Subalit si Jehova ay nababahala. Sa pagtukoy sa tila walang-halagang mga ibon na ito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.” Sinabi pa niya: “Huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.”​—Mateo 10:29, 31.

Nang maglaon, mas maliwanag na naunawaan ng mga alagad kung gaano sila kahalaga kay Jehova. Ang isa sa kanila, si apostol Juan, ay sumulat: “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9) Si Jehova ay hindi lamang naglalaan ng pantubos kundi tinitiyak din niya sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”​—Hebreo 13:5.

Maliwanag, di-natitinag ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. Gayunman, bumabangon ang katanungan, ‘Matibay ba ang kaugnayan natin kay Jehova anupat hinding-hindi natin siya iiwan?’

Mga Pagsisikap ni Satanas na Sirain ang Ating Katapatan

Nang ituon ni Jehova ang pansin ni Satanas sa landas ng katapatan ni Job, sumagot si Satanas: “Sasambahin ka ba ni Job kung wala siyang mapapala rito?” (Job 1:9, Today’s English Version) Ipinahiwatig niya na ang pagkamatapat ng mga tao sa Diyos ay depende lamang sa ‘kung ano ang mapapala nila rito.’ Kung totoo ito, maaaring ikompromiso ng sinumang Kristiyano ang katapatan​—kung talagang nakatutukso ang alok.

Sa kalagayan ni Job, sinabi ni Satanas sa pasimula na ang pagkamatapat ni Job sa Diyos ay maglalaho kung mawawala niya ang kaniyang pinakamamahal na mga pag-aari. (Job 1:10, 11) Nang napatunayang hindi totoo ang insultong ito, sinabi ni Satanas: “Ibibigay ng isang tao ang lahat ng bagay upang manatiling buháy.” (Job 2:4, TEV) Bagaman maaaring totoo sa ilan ang sinasabi ni Satanas, tumanggi si Job na ikompromiso ang kaniyang katapatan. Pinatutunayan ng makasaysayang ulat ang bagay na iyan. (Job 27:5; 42:10-17) Taglay mo ba ang gayunding katapatan? O hahayaan mo bang sirain ni Satanas ang iyong katapatan? Isipin mo ang iyong sarili habang sinusuri natin ang ilang katotohanan na nagsasangkot sa bawat Kristiyano.

Naniniwala si apostol Pablo na maaaring maging napakatibay ng tunay na katapatang Kristiyano. Sumulat siya: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay . . . kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating . . . kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) Maaari tayong magkaroon ng gayunding pananalig kung masidhi ang ating pag-ibig kay Jehova. Ang gayong pag-ibig ay isang di-nasisirang buklod na hindi malulupig kahit ng kamatayan.

Kung taglay natin ang gayong kaugnayan sa Diyos, hindi natin kailanman itatanong, ‘Maglilingkod pa rin kaya ako kay Jehova mga ilang taon mula ngayon?’ Maaaring ipahiwatig ng gayong kawalang-katiyakan na ang ating pagkamatapat sa Diyos ay nakasalig sa kung ano ang maaaring mangyari sa atin sa takbo ng ating buhay. Ang tunay na katapatan ay hindi naaapektuhan ng panlabas na mga kalagayan. Depende ito sa uri ng pagkatao natin sa loob. (2 Corinto 4:16-18) Kung iniibig natin si Jehova ng ating buong puso, hinding-hindi natin siya bibiguin.​—Mateo 22:37; 1 Corinto 13:8.

Gayunman, dapat nating tandaan na si Satanas ay patuloy na nagsisikap na sirain ang ating katapatan. Maaaring tuksuhin niya tayo na magpadala sa mga pita ng laman, magpadaig sa panggigipit ng mga kasama, o hayaang italikod tayo ng ilang uri ng kagipitan mula sa katotohanan. Ang sanlibutang hiwalay sa Diyos ang pangunahing galamay ni Satanas sa pagsalakay na ito, bagaman pinadadali rin ng atin mismong mga di-kasakdalan ang atas niyang ito. (Roma 7:19, 20; 1 Juan 2:16) Gayunpaman, mayroon tayong ilang bentaha sa digmaang ito, isa na rito ang bagay na hindi tayo walang kaalam-alam sa mga pakana ni Satanas.​—2 Corinto 2:11.

Anu-ano ang pakana ni Satanas? Inilarawan ni Pablo ang mga ito sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso bilang “mga pakana,” o “mapandayang mga gawa.” * (Efeso 6:11; talababa) Inilalagay ni Satanas ang tusong mga pamamaraan sa ating daan upang sirain ang ating katapatan. Mabuti na lamang, maaari nating kilalanin ang mapandayang mga gawa na ito, yamang ang mga paraan ng Diyablo ay iniulat para sa atin sa Salita ng Diyos. Inilalarawan ng mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang katapatan ni Jesus at ni Job, ang ilang paraan na ginagamit niya upang sirain ang ating katapatang Kristiyano.

Hindi Maaaring Sirain ang Katapatan ni Jesus

Sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, may kapangahasang tinukso ni Satanas ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng paghamon sa kaniya na gawing tinapay ang bato. Napakatuso nga! Hindi kumain si Jesus sa loob ng 40 araw, kaya walang-alinlangang gutom na gutom siya. (Lucas 4:2, 3) Iminungkahi ni Satanas na kaagad na bigyang-kasiyahan ni Jesus ang kaniyang likas na pagnanais, sa isang paraan na salungat sa kalooban ni Jehova. Sa katulad na paraan sa ngayon, hinihimok ng propaganda ng sanlibutan ang dagliang pagbibigay-lugod, nang bahagya o hindi pinag-iisipan ang mga kahihinatnan. Ang mensahe ay, ‘Karapat-dapat ito sa iyo ngayon,’ o kaya, ‘Basta gawin mo ito!’

Kung binigyan-kasiyahan ni Jesus ang hapdi ng gutom nang hindi isinasaalang-alang ang mga epekto nito, nagtagumpay sana si Satanas na ikompromiso ni Jesus ang kaniyang katapatan. Minalas ni Jesus ang mga bagay sa espirituwal na paraan, at matatag siyang sumagot: “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lamang.’ ”​—Lucas 4:4; Mateo 4:4.

Pagkatapos ay bumaling si Satanas sa ibang direksiyon. Sa pamamagitan ng maling pagkakapit ng Kasulatan, na mula roon sumisipi si Jesus, hinimok ng Diyablo si Jesus na magpatihulog sa moog ng templo. ‘Iingatan ka ng isang anghel,’ ang sabi ni Satanas. Walang intensiyon si Jesus na humiling ng makahimalang proteksiyon mula sa kaniyang Ama upang mapansin lamang siya. “Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos,” ang sabi ni Jesus.​—Mateo 4:5-7; Lucas 4:9-12.

Ang huling taktika na ginamit ni Satanas ay mas tuwiran. Sinikap niyang ialok kay Jesus ang buong sanlibutan at ang kaluwalhatian nito kapalit ng isang gawa ng pagsamba. Ito lamang ang halos lahat ng maiaalok ni Satanas. Subalit paano magagawa ni Jesus ang isang akto ng pagsamba sa harap ng pangunahing kaaway ng kaniyang Ama? Imposible! “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod,” ang sagot ni Jesus.​—Mateo 4:8-11; Lucas 4:5-8.

Pagkatapos mabigo sa tatlong pagtatangkang iyon, si Satanas ay ‘humiwalay kay Jesus hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.’ (Lucas 4:13) Ipinahihiwatig nito na si Satanas ay laging naghahanap ng pagkakataon upang ilagay sa pagsubok ang katapatan ni Jesus. Dumating ang kumbinyenteng panahon pagkalipas ng dalawa at kalahating taon nang inihahanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad para sa kaniyang nalalapit na kamatayan. Sinabi ni apostol Pedro: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.”​—Mateo 16:21, 22.

Posible kayang nakaakit kay Jesus ang gayong payo na may mabuting intensiyon subalit mali, yamang galing ito sa isa sa kaniyang mga alagad? Kaagad na nakilala ni Jesus na sinasalamin ng mga pananalitang iyon ang mga kagustuhan ni Satanas, hindi ang kay Jehova. Mariing tumugon si Kristo: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”​—Mateo 16:23.

Dahil sa walang-maliw na pag-ibig ni Jesus kay Jehova, hindi nagawang sirain ni Satanas ang kaniyang katapatan. Walang maiaalok ang Diyablo, walang pagsubok, gaano man katindi, ang makapagpapahina sa pagkamatapat ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama. Magiging gayundin kaya ang ating determinasyon kung ginagawang mahirap ng ating mga kalagayan na mapanatili ang ating katapatan? Ang halimbawa ni Job ay tutulong sa atin na higit na maunawaan ang mga hamon na nakakaharap natin.

Pagkamatapat sa Harap ng Kagipitan

Gaya ng natuklasan ni Job, ang mga kagipitan ay maaaring mangyari sa atin sa anumang panahon. Isa siyang maligayang tao na may asawa at sampung anak at may mabuting espirituwal na paraan ng pamumuhay. (Job 1:5) Subalit lingid sa kaalaman ni Job, ang katapatan niya sa Diyos ay naging isang isyu sa makalangit na hukuman, at determinado si Satanas na sirain ang katapatan ni Job sa anumang paraang magagawa niya.

Karaka-raka, nalimas ang lahat ng kayamanan ni Job. (Job 1:14-17) Gayunpaman, nadaig ng katapatan ni Job ang pagsubok sapagkat hindi niya kailanman inilagak ang kaniyang tiwala sa salapi. Samantalang ginugunita ang panahon nang siya ay mayaman pa, sinabi ni Job: “Kung itinuturing ko ang ginto bilang aking pag-asa, . . . kung nagsasaya ako noon dahil ang aking ari-arian ay marami, . . . iyon din ay kamalian . . , sapagkat para ko na ring ikinaila ang tunay na Diyos sa itaas.”​—Job 31:24, 25, 28.

Sa ngayon, posible ring mawala ang lahat ng ating tinataglay sa loob ng magdamag. Isang negosyanteng Saksi ni Jehova ang nadaya ng malaking halaga ng salapi, anupat siya’y halos bangkarote. Prangkahan niyang inamin: “Halos atakihin ako sa puso. Sa katunayan, inatake na sana ako sa puso kung hindi lamang dahil sa kaugnayan ko sa Diyos. Gayunpaman, natanto ko mula sa karanasang ito ang bagay na hindi pala pangunahin sa aking buhay ang espirituwal na mga pamantayan. Waring nangibabaw sa lahat ng iba pang bagay ang pananabik ko na magkamal ng salapi.” Mula noon ay binawasan na ng Saksing ito ang kaniyang gawain sa negosyo, at regular siyang naglilingkod bilang isang auxiliary pioneer, na gumugugol nang 50 oras o higit pa sa isang buwan sa ministeryong Kristiyano. Subalit, ang iba pang mga problema ay maaaring maging mas mapangwasak kaysa sa basta mawalan ang isa ng mga ari-arian.

Halos hindi pa nakahihinga si Job sa balita hinggil sa pagkawala ng kaniyang mga kayamanan nang ipaalam sa kaniya na namatay ang kaniyang sampung anak. Iginiit pa rin niya: “Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.” (Job 1:18-21) Manatili pa kaya tayong tapat kung biglang mamatay ang ilang miyembro ng ating pamilya? Si Francisco, isang tagapangasiwang Kristiyano sa Espanya, ay namatayan ng dalawang anak sa isang kalunus-lunos na aksidente sa bus. Nakasumpong siya ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagiging mas malapít kay Jehova at pagiging higit na aktibo sa kaniyang ministeryong Kristiyano.

Maging pagkatapos ng nakagigitlang pagkamatay ng kaniyang mga anak, hindi pa nagwakas ang matinding pagsubok ni Job. Pinadapuan siya ni Satanas ng isang nakaririmarim at makirot na karamdaman. Nang sandaling iyon, pinayuhan nang mali si Job ng kaniyang asawa. “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” ang himok niya sa kaniya. Hindi pinansin ni Job ang kaniyang payo, at siya ay hindi “nagkasala sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.” (Job 2:9, 10) Ang kaniyang katapatan ay nakasalig, hindi sa suporta ng kaniyang pamilya, kundi sa kaniyang personal na kaugnayan kay Jehova.

Nauunawaan ni Flora, na ang asawa at panganay na anak na lalaki ay tumalikod sa Kristiyanong pamumuhay mahigit nang sampung taon ang nakalipas, kung ano ang nadama ni Job. “Kapag bigla mong naiwala ang suporta ng iyong pamilya, maaaring maging napakapait na karanasan iyon,” ang sabi niya. “Subalit alam kong hindi ko masusumpungan ang kaligayahan sa labas ng organisasyon ni Jehova. Kaya nanindigan akong matatag at inuna ko si Jehova habang sinisikap kong patuloy na maging isang mabuting asawa at ina. Palagi akong nananalangin, at pinalakas ako ni Jehova. Masaya ako sapagkat, sa kabila ng mahigpit na pagsalansang ng aking asawa, natutuhan kong manalig nang lubusan kay Jehova.”

Ang sumunod na pamamaraan ni Satanas upang sirain ang katapatan ni Job ay may kinalaman sa tatlo niyang mga kasama. (Job 2:11-13) Tunay na nakapipighati nga nang simulan nilang batikusin siya. Kung pinaniwalaan niya ang kanilang mga pangangatuwiran, nawala sana ang pagtitiwala niya sa Diyos na Jehova. Maaari sanang nasira ng kanilang nakapanghihinang-loob na payo ang kaniyang loob at ang kaniyang katapatan, at sa gayo’y nagtagumpay sana ang pakana ni Satanas.

Sa halip, iginiit ni Job: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Hindi niya sinabi, ‘Hindi ko hahayaang alisin ninyo sa akin ang katapatan ko!’ Batid ni Job na ang kaniyang katapatan ay nakasalig sa kaniya at sa kaniyang pag-ibig kay Jehova.

Isang Lumang Pakana Upang Masilo ang Bagong Biktima

Ginagamit pa rin ni Satanas ang maling payo o padalus-dalos na mga komento mula sa mga kaibigan at kapananampalataya. Ang pagkasira ng loob dahil sa mga kapatid sa kongregasyon ay maaaring mas madaling magpahina sa ating pananalig kaysa sa pag-uusig mula sa labas ng kongregasyon. Pinaghambing ng isang Kristiyanong matanda ang pagiging sundalo niya noon at ang sakit ng kalooban na dinanas niya dahil sa padalus-dalos na mga pananalita at kilos ng ilang kapuwa Kristiyano. May kinalaman sa huling nabanggit, aniya: “Ito ang pinakamahirap sa lahat ng naranasan ko.”

Mula sa ibang anggulo, maaari tayong maligalig dahil sa mga di-kasakdalan ng mga kapananampalataya anupat hindi na tayo makikipag-usap sa ilan o magsisimula na tayong lumiban sa Kristiyanong mga pagpupulong. Ang pagpapahinahon sa ating nasaktang damdamin ay waring siyang pinakamahalagang isyu. Subalit kaylungkot nga na magkaroon ng gayong makitid na pangmalas at hayaang pahinain ng ginagawa o sinasabi ng iba ang ating pinakamahalagang pag-aari​—ang ating kaugnayan kay Jehova. Kung hahayaan natin itong mangyari, magiging biktima tayo ng isa sa matandang pakana ni Satanas.

Tama naman, inaasahan natin ang matataas na pamantayan sa Kristiyanong kongregasyon. Subalit kung masyadong malaki ang inaasahan natin sa ating mga kapuwa mananamba, na hindi pa rin sakdal, tiyak na mabibigo tayo. Sa kabaligtaran, makatotohanan si Jehova sa mga hinihiling niya sa kaniyang mga lingkod. Kung tutularan natin ang kaniyang halimbawa, magiging handa tayong pagtiisan ang kanilang mga di-kasakdalan. (Efeso 4:2, 32) Si apostol Pablo ay nagpapayo ng ganito: “Kung ikaw ay galit, huwag mong hayaang akayin ka ng galit sa kasalanan; huwag mong hayaang lumubog ang araw na kinikimkim pa rin ang iyong galit; huwag kang magbigay ng dako para sa diyablo.”​—Efeso 4:26, 27, The New English Bible.

Gaya ng maliwanag na ipinakikita ng Bibliya, ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang tusong pamamaraan upang matuklasan​—kung matutuklasan niya​—ang paraan upang sirain ang katapatan ng isang Kristiyano. Ang ilan sa kaniyang mga pakana ay kaakit-akit sa makasalanang laman, ang iba naman ay pinagmumulan ng kirot. Mula sa pagtalakay rito, makikita mo kung bakit hindi ka dapat na mahuling di-handa. Taglay ang iyong matibay na pag-ibig sa Diyos sa iyong puso, maging determinadong patunayan na ang Diyablo ay sinungaling at pasayahin mo ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11; Juan 8:44) Tandaan, ang tunay na katapatang Kristiyano ay hindi dapat kailanman ikompromiso, anumang mga pagsubok ang dumating sa atin.

[Talababa]

^ par. 11 Sinasabi ng iskolar sa Bibliya na si W. E. Vine na ang orihinal na salitang Griego ay maaari ring isalin na “isang tusong pamamaraan.”