Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Anong patnubay ang inilalaan ng Kasulatan tungkol sa pagsasanay sa anak kapag ang isang magulang ay Saksi ni Jehova at ang isa naman ay hindi?

May dalawang mahalagang maka-Kasulatang simulain na nagbibigay ng patnubay tungkol sa pagsasanay sa anak para sa isang Saksing magulang na may asawang hindi Saksi. Ang isa ay: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Ang isa pa ay: “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Ang huling nabanggit ay hindi lamang kumakapit sa mga asawang babae na may mga asawang Saksi kundi sa mga may asawa ring hindi Saksi. (1 Pedro 3:1) Paano gagawing timbang ng isang Saksing magulang ang mga simulaing ito kapag nagtuturo sa kaniyang mga anak?

Kung ang asawang lalaki ay isang Saksi ni Jehova, may pananagutan siya na ilaan kapuwa ang espirituwal at pisikal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. (1 Timoteo 5:8) Bagaman maaaring gumugol nang mas malaking oras ang di-sumasampalatayang ina kasama ng kanilang mga anak, dapat turuan ng Saksing ama ang kaniyang mga anak sa pamamagitan ng espirituwal na pagsasanay sa bahay at ng pagsasama sa kanila sa Kristiyanong mga pagpupulong, kung saan sila’y makikinabang mula sa pagtuturo sa moral at kaayaayang pagsasamahan.

Paano kung magpumilit ang kaniyang di-sumasampalatayang asawang babae na isama ang mga anak nila sa lugar ng pagsamba ng asawang babae o turuan sila ayon sa kaniyang mga paniniwala? Maaaring ipagkaloob sa kaniya ng batas ng lupain ang karapatan na gawin iyon. Nakadepende nang malaki sa kalidad ng espirituwal na pagtuturo ng ama kung ang mga bata ay maaakit na sumamba sa gayong mga lugar. Habang lumalaki ang mga bata, ang maka-Kasulatang pagtuturo ng kanilang ama ay dapat na tumulong sa kanila na sundin ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Anong ligaya nga ng sumasampalatayang asawang lalaki kung maninindigan sa katotohanan ang kaniyang mga anak!

Kung ang ina ay isang Saksi ni Jehova, dapat niyang igalang ang simulain ng pagkaulo samantalang nagmamalasakit sa walang-hanggang kapakanan ng kaniyang mga anak. (1 Corinto 11:3) Sa maraming kaso, hindi naman tinututulan ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa kung itinuturo ng kaniyang Saksing maybahay ang pamantayan sa moral at espirituwal na mga bagay sa kanilang mga anak, at ang pagtuturong iyan ay makukuha sa mga pagpupulong ng bayan ni Jehova. Matutulungan ng ina na maipaunawa sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa ang mga kapakinabangan ng napakahalagang edukasyon na tinatanggap ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova. Maaari niyang idiin sa mataktikang paraan ang kapakinabangan ng pagtitimo sa kanilang mga anak ng mga simulain ng Bibliya sa moral, habang kinakaharap ng mga bata ang isang daigdig na may gumuguhong moralidad.

Gayunman, baka ipaggiitan ng di-sumasampalatayang asawang lalaki na dapat sundin ng kaniyang mga anak ang relihiyon niya, anupat dinadala ang mga bata sa kaniyang lugar ng pagsamba at itinuturo sa mga ito ang relihiyon na kaniyang pinaniniwalaan. O baka naman ang asawang lalaki ay salansang sa lahat ng relihiyon at ipinaggigiitan niya na hindi dapat turuan tungkol sa relihiyon ang kaniyang mga anak. Bilang ulo ng pamilya, siya ang pangunahing may pananagutan sa paggawa ng desisyon. *

Bagaman iginagalang ng babae ang pagkaulo ng kaniyang asawa, bilang isang nakaalay na Kristiyano, dapat na tandaan ng sumasampalatayang asawang babae ang saloobin nina apostol Pedro at Juan, na nagsabi: “Kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gawa 4:19, 20) Bilang pagmamalasakit sa espirituwal na kapakanan ng mga anak, maghahanap ng pagkakataon ang Saksing ina upang magbigay sa mga ito ng patnubay sa moral. May pananagutan siya sa harapan ni Jehova na magturo sa iba tungkol sa nalalaman niyang mga bagay na totoo, at dapat na kasama rito ang kaniyang mga anak. (Kawikaan 1:8; Mateo 28:19, 20) Paano pakikitunguhan ng Saksing ina ang problemang ito?

Kuning halimbawa ang tungkol sa paniniwala sa Diyos. Baka hindi pormal na makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya ang Saksing asawang babae sa kaniyang mga anak dahil sa mahigpit na pagbabawal ng kaniyang asawang lalaki. Dapat bang iwasan niya ang pagsasabi sa kaniyang mga anak tungkol kay Jehova dahil dito? Hindi. Ang kaniyang mga sinasabi at ginagawa ay natural lamang na magpapakita ng kaniyang paniniwala sa Maylalang. Tiyak na magtatanong ang kaniyang mga anak sa bagay na ito. Hindi siya dapat mag-atubiling isagawa ang kaniyang kalayaan sa relihiyon sa pamamagitan ng pagpapahayag sa iba ng kaniyang paniniwala sa Maylalang, pati na sa mga anak niya. Kahit na hindi siya makapagdaos sa kaniyang mga anak ng pag-aaral sa Bibliya o maisama nang regular ang mga ito sa mga pagpupulong, makapagtuturo pa rin siya sa mga bata tungkol sa Diyos na Jehova.​—Deuteronomio 6:7.

May kinalaman sa ugnayan ng isang Saksi at ng kaniyang di-sumasampalatayang asawang lalaki o babae, sumulat si apostol Pablo: “Ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal may kaugnayan sa kaniyang asawa, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung hindi, ang inyong mga anak ay talagang magiging marurumi, ngunit ngayon ay mga banal sila.” (1 Corinto 7:14) Minamalas ni Jehova na banal na bagay ang ugnayang pangmag-asawa dahil sa sumasampalatayang asawa, at itinuturing na banal ang mga anak sa paningin ni Jehova. Dapat na gawin ng Saksing asawang babae ang buong makakaya niya upang tulungan ang kaniyang mga anak na maunawaan ang katotohanan, anupat umaasa kay Jehova sa magiging kahihinatnan.

Habang lumalaki ang mga anak, kailangan nilang magpasiya kung saan sila maninindigan salig sa impormasyong tinanggap nila mula sa kanilang mga magulang. Maaari nilang ipasiya na sumunod ayon sa mga sinabi ni Jesus: “Siya na may higit na pagmamahal sa ama o sa ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:37) Iniutos din sa kanila: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon.” (Efeso 6:1) Ipinasiya ng maraming kabataan na ‘sundin ang Diyos bilang tagapamahala’ sa halip na ang magulang na hindi Saksi, sa kabila ng pagdurusa na dinaranas nila mula sa magulang na iyon. Anong laking gantimpala nga na makita ng Saksing magulang ang kaniyang mga anak na magpasiyang paglingkuran si Jehova sa kabila ng pagsalansang!

[Talababa]

^ par. 7 Kasali sa legal na karapatan ng asawang babae hinggil sa malayang pagsasagawa ng kaniyang relihiyon ang karapatan niyang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Sa ilang kaso, ayaw alagaan ng asawang lalaki ang kanilang mga anak na menor-de-edad sa mga pagkakataong iyon, kaya naoobliga ang maibiging ina na isama niya sa pagpupulong ang mga bata.