Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa ng katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga katanungan:
• Ano ang empatiya, at bakit dapat na linangin ito ng mga Kristiyano?
Ito ang kakayahan na gunigunihin ang sarili na nasa kalagayan ng isang tao, gaya ng pagkadama sa ating puso ng dinaranas na kirot ng isang tao. Pinayuhan ang mga Kristiyano na magpakita ng ‘pakikipagkapuwa-tao, pagmamahal na pangkapatid, at pagkamahabagin.’ (1 Pedro 3:8) Si Jehova ay nagbigay ng halimbawa sa atin para sundin sa pagpapakita ng empatiya. (Awit 103:14; Zacarias 2:8) Mapatatalas natin ang ating pagiging sensitibo sa bagay na ito sa pamamagitan ng pakikinig, pagmamasid, at paggamit ng guniguni.—4/15, pahina 24-6.
• Upang matamo ang tunay na kaligayahan, bakit dapat na mauna ang espirituwal na pagpapagaling bago ang panghuling lunas sa mga kapansanan?
Maraming tao na malusog sa pisikal ang hindi maligaya at nadaraig ng mga suliranin. Sa kabaligtaran, maraming Kristiyano sa ngayon na may mga kapansanan sa pisikal ang napakaligayang naglilingkod kay Jehova. Yaong mga nakikinabang sa espirituwal na pagpapagaling ay magkakaroon ng pagkakataon na maranasan ang pag-aalis ng pisikal na mga kapansanan sa bagong sanlibutan.—5/1, pahina 6-7.
• Bakit iniugnay ng Hebreo 12:16 si Esau sa isang mapakiapid?
Ipinakikita ng ulat sa Bibliya na si Esau ay nagpamalas ng isang mentalidad na nakatuon sa kagyat na mga gantimpala at ng pagwawalang-bahala sa sagradong mga bagay. Kung pinahihintulutan ng sinuman sa ngayon na magkaroon siya ng gayong mentalidad, maaari itong umakay sa malubhang kasalanan, gaya ng pakikiapid.—5/1, pahina 10-11.
• Sino si Tertullian, at sa ano siya nakilala?
Siya ay isang manunulat at teologo na nabuhay noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. Nakilala siya sa pagsulat ng maraming akdang pampanitikan bilang pagtatanggol sa naturingang Kristiyanismo. Habang ginagawa ang kaniyang pagtatanggol, pinasimulan niya ang mga ideya at mga kaisipang pilosopikal na naglatag ng saligan para sa maling mga doktrina, gaya ng Trinidad.—5/15, pahina 29-31.
• Bakit hindi ang ating henetikong mga kayarian ang lubusang may pananagutan sa sakit, paggawi, at kamatayan ng tao?
Naghinuha ang mga siyentipiko na waring may henetikong salik sa iba’t ibang sakit ng tao, at naniniwala ang ilan na ang paggawi ay nakatakda sa ating mga gene. Subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng kaunawaan hinggil sa pinagmulan ng sangkatauhan, kasali na kung paano pinighati ng kasalanan at di-kasakdalan ang sangkatauhan. Bagaman may ginagampanang papel ang mga gene sa paghubog ng mga personalidad, ang ating di-kasakdalan at kapaligiran ay malalaking impluwensiya rin naman.—6/1, pahina 9-11.
• Paanong ang piraso ng papiro na natuklasan sa Oxyrhynchus, Ehipto, ay nagbigay ng liwanag sa paggamit ng pangalan ng Diyos?
Ang pirasong ito ng Job 42:11, 12 na nagmula sa Griegong Septuagint ay naglalaman ng Tetragrammaton (apat na Hebreong titik ng pangalan ng Diyos). Karagdagan itong patotoo na ang pangalan ng Diyos sa Hebreo ay lumitaw sa Septuagint, na malimit sipiin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.—6/1, pahina 30.
• Ang marahas at nakamamatay na mga laro ng gladyador sa Imperyo ng Roma ay inihalintulad sa anong modernong mga isport na pinanonood?
Ipinahihiwatig ng isang kamakailang pagtatanghal sa Colosseum sa Roma, Italya, ang modernong katumbas sa pamamagitan ng paglalakip sa mga kuha sa video ng huwego-de-toro, propesyonal na boksing, karera ng kotse at motorsiklo, at awayan ng mga tagapanood sa iba pang laro ng makabagong isport. Alam na alam ng sinaunang mga Kristiyano na hindi nalulugod si Jehova sa karahasan o sa mararahas na tao, at dapat na maging gayundin ang pangmalas ng mga Kristiyano sa ngayon. (Awit 11:5)—6/15, pahina 29.
• Habang pinagsisikapan nating maging mahuhusay na guro, ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Ezra?
Itinatampok ng Ezra 7:10 ang apat na bagay na ginawa ni Ezra, mga bagay na maaari nating pagsikapang tularan. Sinasabi nito: “[1] Inihanda ni Ezra ang kaniyang puso [2] upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at [3] upang magsagawa niyaon at [4] upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.”—7/1, pahina 20.
• Sa anong dalawang larangan ng gawain naaangkop para sa isang babaing Kristiyano na maglambong sa ulo?
Ang isa ay sa mga situwasyon na bumabangon sa tahanan. Ang paglalambong niya sa ulo ay nagpapahiwatig na kinikilala niya na ang kaniyang asawang lalaki ang may pananagutang manguna sa pananalangin at pagtuturo sa Bibliya. Ang isa pa ay sa mga gawain sa kongregasyon, kung saan kinikilala niya na ang bautisadong mga lalaki ay inatasang magturo at mangasiwa ayon sa Kasulatan. (1 Corinto 11:3-10)—7/15, pahina 26-7.
• Bakit kinikilala ng mga Kristiyano na ang yoga ay higit pa kaysa sa ehersisyo lamang at mapanganib?
Ang layunin ng yoga bilang isang disiplina ay akayin ang isang tao na makiisa sa isang nakahihigit-sa-taong espiritu. Taliwas sa utos ng Diyos, nasasangkot sa yoga ang paghinto sa kusang pag-iisip. (Roma 12:1, 2) Maaaring ihantad ng yoga ang isa sa mga panganib ng espiritismo at okultismo. (Deuteronomio 18:10, 11)—8/1, pahina 20-2.