Tuwang-tuwa na Natuto Silang Magbasa!
Tuwang-tuwa na Natuto Silang Magbasa!
SA ILANG bahagi ng Solomon Islands, hanggang 80 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova roon sa ngayon ay nagkakaproblema dahil hindi sila marunong bumasa at sumulat. Hindi lamang nito nilimitahan ang pakikibahagi nila sa lingguhang mga pagpupulong sa kongregasyon kundi nagpahirap din ito sa kanila sa pagtuturo sa iba ng mga katotohanan tungkol sa Kaharian. Posible ba talaga na matutong bumasa at sumulat ang mga adulto na hindi kailanman nakapag-aral?
Ang brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay ginamit sa mga klase sa pagbasa at pagsulat sa halos bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Solomon Islands. Ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan kung paano natulungang pasulungin ng napakaraming tao ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng programang ito. Higit na mahalaga, ang pagkatutong bumasa ay nagpangyari sa kanila na makapagpatotoo nang mas mabuti tungkol sa kanilang pananampalataya.—1 Pedro 3:15.
Napansin ng isang misyonerong inatasan sa isang kongregasyon na may mahigit na sandaang mamamahayag ng Kaharian na sa panahon ng lingguhang pag-aaral ng Bibliya na ginagamit Ang Bantayan, kakaunti ang may sariling kopya ng magasin at iilan lamang ang nagkokomento. Ang dahilan? Hindi sila marunong bumasa. Nang ipatalastas ng kongregasyon ang pagbuo ng isang paaralan para magturo ng pagbasa at pagsulat, malugod na nagboluntaryo ang misyonero para magturo. Noong una, kakaunting estudyante lamang ang dumating, subalit hindi nagtagal mahigit na 40 katao na may iba’t ibang edad ang dumalo.
Ano ang naging mga resulta? Ganito ang paglalahad ng misyonero: “Hindi pa natatagalan pagkatapos simulan ang klase sa pagbasa at pagsulat, namalengke ako nang ala-sais ng umaga upang bumili ng pagkain para sa tahanan ng mga misyonero. Nakita ko roon ang ilan sa mga estudyante, maging ang mga napakabata pa, na nagtitinda ng niyog at mga gulay. Bakit? Dahil gusto nilang magkaroon ng sapat na pera upang makabili ng panulat
at isang kuwaderno na magagamit sa klase sa pagbasa at pagsulat! Hangad din nila sa pagdalo ng klase na magkaroon ng personal na kopya ng magasing Bantayan.” Ang sabi pa niya: “Ngayon sa panahon ng Pag-aaral ng Bantayan sa kongregasyon, nakikibahagi kapuwa ang bata at matanda, at masigla ang aming talakayan.” Lalung-lalo nang masaya ang misyonerong ito nang itanong ng apat na miyembro ng klase kung maaari na silang makibahagi sa pangmadlang gawaing pangangaral dahil, sabi nila, “hindi na [sila] takót.”Hindi lamang ang pagkatutong bumasa at sumulat ang naging magandang epekto sa mga estudyante na nasa klase sa pagbasa at pagsulat. Halimbawa, sa loob ng maraming taon, naging problema ng kongregasyon ang di-sumasampalatayang asawang babae ng isang Saksi. Binabato niya ang mga tao kahit sa kaunting pagkakamali lamang at sinusugod pa nga niya ang ibang babae dala ang isang kahoy. Nang minsang dumalo siya sa Kristiyanong mga pagpupulong kasama ng kaniyang asawa, nagselos siya nang husto sa kaniyang asawa anupat kinailangang magsuot ang asawang lalaki ng sunglasses para hindi siya pagbintangan ng kaniyang asawa na tumitingin siya sa ibang babae.
Gayunman, halos kasisimula pa lamang ng mga klase sa pagbasa at pagsulat nang may kaamuang nagtanong ang babaing ito: “Maaari ba akong sumali sa klase?” Ang sagot ay oo. Simula noon hindi siya kailanman lumiban sa klase o sa pagpupulong sa kongregasyon. Nagsunog siya ng kilay sa pag-aaral ng kaniyang mga aralin at napakahusay ng pagsulong niya, na siyang nagpaligaya nang husto sa kaniya. Ang sumunod na kahilingan niya ay: “Maaari ba akong mag-aral ng Bibliya?” Masayang pinasimulan ng kaniyang asawang lalaki ang pakikipag-aral sa kaniya, at patuloy siyang sumusulong sa kaniyang kakayahang bumasa at sumulat at sa kaalaman niya sa Bibliya.
Para naman sa isang 50-taong-gulang na hindi kailanman nakahawak ng lapis, ang paghawak lamang ng lapis at pagbuo ng mga titik ng alpabeto ay pagkalaki-laking balakid na. Nagkakapaltus-paltos pa nga ang mga daliri ng ilan sa kanila dahil sa mariing paghawak sa lapis at pagsusulat sa papel noong nag-uumpisa pa lamang silang mag-aral. Pagkalipas ng mga linggo ng pagsisikap na humawak at kumontrol ng lapis, abot-tainga ang ngiti ng ilang estudyante na nagsabi: “Magaan na akong sumulat sa papel!” Nagpapasaya rin sa mga tagapagturo na makita ang pagsulong ng mga estudyante. Isang tagapagturo ang nagsabi: “Isang malaking kagalakan ang magturo sa klase, at kadalasang ipinakikita ng mga estudyante ang tunay na pasasalamat sa paglalaang ito ni Jehova sa pamamagitan ng pagpalakpak pagkatapos ng klase.”
Kasama ang mga misyonero, nagsasaya ang mga Saksing ito na marunong na ngayong bumasa at sumulat. Bakit? Dahil sa magagamit na nila ngayon ang kanilang kakayahan sa pagbasa at pagsulat upang parangalan si Jehova.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Kapuwa bata at matanda ay nagpapahalaga sa mga klase sa pagbasa at pagsulat