Kapaki-pakinabang ang Mabubuting Kapitbahay
Kapaki-pakinabang ang Mabubuting Kapitbahay
“Mas mabuti ang kapitbahay na malapit kaysa sa kapatid na malayo.”—Kawikaan 27:10.
ISANG iskolar noong unang siglo C.E. ang nagtanong kay Jesus: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Bilang sagot sinabi ni Jesus sa kaniya, hindi kung sino ang kaniyang kapuwa, kundi kung ano ang sangkot sa pagiging tunay na kapuwa. Malamang na pamilyar ka sa ilustrasyon ni Jesus. Ito ay kilalá ng marami bilang ang talinghaga ng mapagkawanggawang Samaritano at nakaulat ito sa Ebanghelyo ni Lucas. Ganito isinalaysay ni Jesus ang kuwento:
“Isang tao ang bumababa mula sa Jerusalem patungong Jerico at nahulog sa kamay ng mga magnanakaw, na siya ay kapuwa hinubaran at pinaghahampas, at nagsialis, na iniwan siyang halos patay na. At, nagkataon naman, isang saserdote ang bumababa sa daang iyon, ngunit, nang makita siya nito, dumaan ito sa kabilang tabi. Gayundin, ang isang Levita rin, nang makababa ito sa dakong iyon at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. Ngunit isang Samaritano na naglalakbay sa daang iyon ang dumating sa kaniya at, sa pagkakita sa kaniya, siya ay nahabag. Kaya nilapitan niya siya at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binubuhusan iyon ng langis at alak. Nang magkagayon ay isinakay niya siya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya. At nang sumunod na araw ay naglabas siya ng dalawang denario, ibinigay iyon sa may-ari ng bahay-tuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at anuman ang gugugulin mo bukod pa rito, Lucas 10:29-36.
babayaran ko sa iyo pagbalik ko rito.’ Sino sa tatlong ito sa wari mo ang naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw?”—Maliwanag na naunawaan ng iskolar ang punto. Walang pag-aatubili, wastong tinukoy niya ang gumawi bilang kapuwa ng sugatang lalaki: “Ang isa na kumilos nang may awa sa kaniya.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Humayo ka at gayundin ang gawin mo.” (Lucas 10:37) Kaybisa ngang ilustrasyon kung ano ang kahulugan ng pagiging isang tunay na kapuwa! Ang talinghaga ni Jesus ay maaaring mag-udyok sa atin na tanungin ang ating sarili: ‘Anong uri ako ng kapuwa? Ang pinagmulan ko bang lahi o bansa ay nakaiimpluwensiya sa akin sa pagpapasiya kung sino ang aking kapuwa? Ang gayon bang mga salik ay nakahahadlang sa aking obligasyon na tulungan ang sinumang kapuwa na nakikita kong may problema? Gumagawa ba ako ng karagdagang pagsisikap upang maging isang mabuting kapuwa?’
Saan Magsisimula?
Kung nadarama nating kailangan tayong sumulong sa bagay na ito, dapat tayong magsimula sa ating pangkaisipang saloobin. Ang dapat na pangunahin nating pag-ukulan ng pansin ay ang pagiging isang mabuting kapuwa. Makatutulong din ito sa pagkakaroon natin ng mabubuting kapitbahay. Halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, idiniin ni Jesus ang mahalagang simulaing iyon ng pakikipag-ugnayan sa tao sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Sinabi niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang pagtrato sa iba nang may respeto, dignidad, at kabaitan ay nagpapasigla sa kanila na tratuhin ka rin sa gayunding paraan.
Sa artikulong “Loving Thy Neighborhood,” na lumitaw sa magasin na The Nation Since 1865, binanggit ng peryodista at awtor na si Lise Funderburg ang ilang simpleng bagay na maaaring gawin upang mapasigla ang pakikipagkapuwa. Sumulat siya: “Nais kong . . . ang mga personal na ugnayan ay maipahayag sa maraming maliliit na gawa ng kabaitan na ginagawa ng magkakapitbahay para sa isa’t isa—pagkuha ng diyaryo para sa kapitbahay, pagbabantay sa mga anak ng kapitbahay, pagbili ng bagay sa tindahan para sa kapitbahay. Nais ko na magkaroon ng ganitong ugnayan sa lubhang nagiging bukod na daigdig, kung saan ang mga komunidad ay nagiging marupok dahil sa takot at krimen.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Kailangan mong magsimula sa isang dako. At marahil ay mas mainam kung magsisimula ka sa iyong kapitbahay.”
Ang magasin na Canadian Geographic ay nagbigay rin ng kapaki-pakinabang na punto na makatutulong sa magkakapitbahay na malinang ang magandang saloobin sa isa’t isa. Ganito ang sabi ng manunulat na si Marni Jackson: “Ang magkakapitbahay, tulad ng pamilya, ay mga tao sa iyong buhay na hindi mo laging puwedeng piliin. Ang mga kaugnayan ay humihiling ng taktika, kagandahang-asal at pagpaparaya.”
Mabubuting Kapitbahay—Handang Magbigay
Totoo, marami sa atin ang naiilang na lumapit sa mga kapitbahay. Waring mas madaling hindi makipag-usap at ibukod ang ating sarili. Gayunman, sinasabi ng Bibliya na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung gayon, ang isang mabuting kapitbahay ay nagsisikap na makilala ang mga tao sa kaniyang paligid. Bagaman hindi naman laging nagnanais na magkaroon ng malalapit na pakikipagkaibigan, sinisikap niyang makipagkumustahan sa kanila sa pana-panahon, marahil ay sinisimulan ito sa pamamagitan ng palakaibigang ngiti o pagtango o pagkaway.
Gaya ng nabanggit sa itaas, ang “maraming maliliit na gawa ng kabaitan” na ginagawa ng mga kapitbahay sa isa’t isa ang tunay na mahalaga sa pagtatatag at pagpapanatili ng may-kabaitang mga pakikipag-ugnayan. Kaya makabubuting humanap ng maliliit na kapahayagan ng kabaitan na maipakikita mo sa isang kapitbahay, sapagkat madalas itong magtataguyod ng espiritu ng pagtutulungan at respeto sa isa’t isa. Karagdagan pa, sa paggawa nito, masusunod natin ang paalaala ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.”—Kawikaan 3:27; Santiago 2:14-17.
Mabubuting Kapitbahay—Mapagpahalagang Tumatanggap
Talagang kapuri-puri kung masasabi natin na lahat ay tumatanggap ng tulong at mga regalo nang may pagpapahalaga. Nakalulungkot, hindi ito laging totoo. Maraming iniaalok na tulong at mga regalo ng mga may mabuting intensiyon ang tinanggap nang walang anumang pagpapahalaga
anupat ang taimtim na nagbigay ay maaaring mag-isip, ‘Hindi na mauulit iyan!’ Kung minsan, ang lahat ng iyong pagsisikap sa pamamagitan ng palakaibigang mga pagbati at mga pagkaway sa iyong mga kapitbahay ay maaaring tugunin lamang ng napipilitang pagtango.Gayunman, sa maraming pagkakataon ay talaga namang nagpapahalaga ang taong tumatanggap, bagaman waring hindi gayon sa tingin. Marahil dahil sa kultura na kaniyang pinagmulan ay nag-aatubili siya o nahihiya at dahil dito ay kumilos siya sa isang malamig, waring di-palakaibigang paraan. Sa kabilang panig naman, sa di-mapagpahalagang daigdig na ito, maaaring malasin ng ilang tao ang iyong pagkapalakaibigan na di-pangkaraniwan, o baka maghinala pa nga sila sa iyong mga motibo. Baka kailangan nila ng katiyakan. Kaya ang pagtatatag ng palakaibigang mga ugnayan ay maaaring mangailangan ng panahon at pagtitiis. Gayunman, ang mga kapitbahay na natuto sa sining ng pagbibigay at mapagpahalagang pagtanggap ay makatutulong sa pagtataguyod ng mapayapa at maligayang espiritu sa komunidad.
Kapag Sumapit ang Kagipitan
Ang mabuting kapitbahay ay lalo nang kapaki-pakinabang kapag sumapit ang sakuna. Sa panahon ng kagipitan, ang tunay na diwa ng pakikipagkapuwa ay nakikita. Marami ang naiulat na walang pag-iimbot na mga gawa ng mga kapitbahay sa gayong mga panahon. Ang trahedya na sumapit sa lahat ay waring nagpapangyari sa magkakapitbahay na kusang-loob na magtulungan at magpagal alang-alang sa isa’t isa. Maging yaong may magkakasalungat na mga pangmalas ay kadalasang gagawa nang magkakasama.
Halimbawa, iniulat ng The New York Times na nang tamaan ng mapangwasak na lindol ang Turkey noong 1999, ang tradisyonal na magkakaaway ay nagpakita ng pagkakaisa bilang magkakapitbahay. “Tinuruan kami na kapootan ang mga Turko sa loob ng maraming taon,” ang isinulat ng kolumnistang Griego na si Anna Stergiou sa isang pahayagan sa Atenas. “Ngunit ang kanilang labis-labis na kirot ay hindi nagbigay sa amin ng kagalakan. Kami ay naantig, umiyak kami na para bang ang matagal nang pagkakapootan ay naglaho nang makita namin ang patay na mga sanggol.” Noong opisyal nang patigilin ang mga gawain sa pagsagip, ang mga Griegong pangkat sa pagsagip ay tumangging sumuko sa paghahanap sa mga nakaligtas.
Ang pakikibahagi sa gawaing pagsagip pagkatapos ng mga sakuna ay talagang isang marangal at magiting na gawa ng kabaitan. Magkagayunman, ang mailigtas ang buhay ng kapuwa sa pamamagitan ng pagbababala sa kaniya bago ang isang kagipitan ay tiyak na maituturing na mas mahalagang gawa ng kabaitan. Nakalulungkot, isinisiwalat ng kasaysayan na yaong mga nagbababala sa kanilang kapuwa hinggil sa papalapit na mga sakuna ay kadalasang hindi malugod na tinatanggap, yamang sa panahon ng pagbababala, ang nalalapit na kasakunaan ay hindi madaling mapansin. Yaong mga nagbibigay ng babala ay kadalasang hindi pinaniniwalaan. Kailangan ang puspusang pagpupursige at pagsasakripisyo-sa-sarili sa bahagi ng sinumang nagsisikap na tulungan ang mga indibiduwal na di-nakaaalam sa kanilang mapanganib na kalagayan.
Ang Pinakadakilang Gawa ng Kabaitan sa Kapuwa
Sa ngayon, isang mas malaking pangyayari kaysa sa likas na kasakunaan ang sasapit sa sangkatauhan. Ito ang inihulang gawa ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na mag-aalis ng krimen, kabalakyutan, at kaugnay na mga problema sa lupa. (Apocalipsis 16:16; 21:3, 4) Ang malaking kaganapang ito ay hindi maliit na posibilidad lamang kundi siguradong mangyayari! Ang mga Saksi ni Jehova ay sabik na ibahagi sa pinakamaraming tao hangga’t maaari ang kaalaman na kailangan upang makaligtas sa nagbabantang pangyayaring ito na yayanig sa daigdig. Iyan ang dahilan kung bakit wala silang tigil sa pagsasagawa sa kanilang kilaláng-kilaláng gawaing pangangaral sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Ginagawa nila ito nang kusa, dahil sa pag-ibig nila sa Diyos at sa kanilang kapuwa.
Kung gayon, huwag mong hayaan na hadlangan ka ng pagtatangi o pagkayamot sa pakikinig sa mga Saksi kapag sila ay kumatok sa iyong pinto o lumapit sa iyo saanman. Sinisikap nilang maging mabubuting kapuwa. Kaya tanggapin ang kanilang alok na mag-aral ng Bibliya kasama mo. Pag-aralan kung paano tayo binibigyang-katiyakan ng Salita ng Diyos na malapit nang maganap ang isang kinabukasan kung saan may-kagalakang maninirahan nang magkakasama ang magkakapitbahay. Sa panahong iyon, wala nang pagtatangi sa lahi, relihiyon, o katayuan sa buhay ang sisira sa magiliw na ugnayan na talagang ninanasa ng karamihan sa atin.
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
Makabubuting magsagawa ng mga gawa ng kabaitan sa inyong komunidad
[Credit Line]
Globe: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.