“Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa Kanila”
“Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa Kanila”
“Nagsalita si Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila.”—MATEO 13:34.
1, 2. (a) Bakit hindi madaling malimutan ang mabibisang ilustrasyon? (b) Anong mga uri ng ilustrasyon ang ginamit ni Jesus, at anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon? (Tingnan din ang talababa.)
NAAALAALA mo pa ba ang isang ilustrasyon na narinig mo, marahil sa isang pahayag pangmadla, maraming taon na ang nakalilipas? Ang mabibisang ilustrasyon ay hindi madaling malimutan. Isang awtor ang nagsabi na dahil sa mga ilustrasyon ay “nagiging mga mata ang mga tainga at nailalarawan ng mga tagapakinig ang isang bagay sa kanilang isip.” Dahil sa kadalasan ay madali tayong makaunawa kapag may mga larawan, nagiging madaling unawain ang mga ideya dahil sa mga ilustrasyon. Nakapagbibigay ng buhay sa mga salita ang mga ilustrasyon, anupat nagtuturo ng mga aral na mananatiling nakaukit sa ating alaala.
2 Walang guro sa lupa ang naging mas mahusay pa kay Jesu-Kristo sa paggamit ng mga ilustrasyon. Ang maraming talinghaga ni Jesus ay madaling maalaala bagaman halos dalawang libong taon na ang nakalilipas nang banggitin ang mga ito. * Bakit lubhang umasa si Jesus sa partikular na paraang ito ng pagtuturo? At bakit naging napakabisa ng kaniyang mga ilustrasyon?
Kung Bakit Nagturo si Jesus sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon
3. (a) Ayon sa Mateo 13:34, 35, ano ang isang dahilan kung bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon? (b) Ano ang nagpapahiwatig na tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang paraang ito ng pagtuturo?
3 Ang Bibliya ay nagbibigay ng dalawang kapansin-pansing dahilan kung bakit gumamit si Jesus Mateo 13:34, 35) Ang “propeta” na sinipi ni Mateo ay ang kumatha ng Awit 78:2. Sumulat ang salmista sa ilalim ng pagkasi ng espiritu ng Diyos maraming siglo bago isilang si Jesus. Hindi ba’t kamangha-mangha na daan-daang taon patiuna, tiniyak na ni Jehova na magtuturo ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng mga ilustrasyon? Tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang paraang ito ng pagtuturo!
ng mga ilustrasyon. Una, ang paggawa niya ng gayon ay tumupad ng hula. Sumulat ang apostol na si Mateo: ‘Nagsalita si Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila; upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta na nagsabi: “Ibubuka ko ang aking bibig na may mga ilustrasyon.” ’ (4. Paano ipinaliwanag ni Jesus kung bakit siya gumamit ng mga ilustrasyon?
4 Ikalawa, ipinaliwanag mismo ni Jesus na gumamit siya ng mga ilustrasyon upang ibukod yaong mga may pusong manhid. Matapos niyang ilahad sa “malalaking pulutong” ang talinghaga hinggil sa manghahasik, nagtanong ang kaniyang mga alagad: “Bakit ka nga ba nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon?” Sumagot si Jesus: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng langit, ngunit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob. Ito ang dahilan kung bakit ako nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon, sapagkat, sa pagtingin, sila ay tumitingin nang walang kabuluhan, at sa pakikinig, sila ay nakikinig nang walang kabuluhan, ni nakukuha man nila ang diwa nito; at sa kanila ay natutupad ang hula ni Isaias, na nagsasabi, ‘Sa pakikinig, maririnig ninyo ngunit sa anumang paraan ay hindi makukuha ang diwa nito; at, sa pagtingin, titingin kayo ngunit sa anumang paraan ay hindi makakakita. Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging manhid.’ ”—Mateo 13:2, 10, 11, 13-15; Isaias 6:9, 10.
5. Paano ibinukod ng mga ilustrasyon ni Jesus ang mapagpakumbabang mga tagapakinig mula sa mga may mapagmapuring puso?
5 Ano ang mayroon sa mga ilustrasyon ni Jesus na naghihiwalay sa mga tao? Sa ilang kaso, kinailangang magsaliksik nang mabuti ang kaniyang mga tagapakinig upang makuha ang buong kahulugan ng kaniyang mga salita. Ang mapagpakumbabang mga indibiduwal ay napasiglang magtanong para sa higit pang impormasyon. (Mateo 13:36; Marcos 4:34) Kung gayon, isiniwalat ng mga ilustrasyon ni Jesus ang katotohanan sa mga may pusong nananabik dito; kasabay nito, ikinubli ng kaniyang mga ilustrasyon ang katotohanan sa mga may mapagmapuring puso. Tunay ngang isang kahanga-hangang guro si Jesus! Suriin natin ngayon ang ilan sa mga salik na naging dahilan upang maging napakabisa ng kaniyang mga ilustrasyon.
Mapiling Paggamit ng mga Detalye
6-8. (a) Anong bentaha ang hindi pa taglay ng unang-siglong mga tagapakinig ni Jesus? (b) Anong mga halimbawa ang nagpapakita na si Jesus ay mapili sa kaniyang paggamit ng mga detalye?
6 Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang nadama ng unang-siglong mga alagad na tuwirang nakarinig sa pagtuturo ni Jesus? Bagaman nagkapribilehiyo silang marinig ang tinig ni Jesus, hindi naman nila taglay noon ang bentaha ng pagsangguni sa isang nasusulat na ulat na magpapaalaala sa kanila sa mga bagay na kaniyang sinabi. Sa halip, kinailangang ingatan nila sa kanilang isip at puso ang mga salita ni Jesus. Sa pamamagitan ng kaniyang mahusay na paggamit ng mga ilustrasyon, pinadali ni Jesus na matandaan nila ang kaniyang itinuro. Paano?
7 Si Jesus ay mapili sa kaniyang paggamit ng mga detalye. Kapag ang mga detalye ay mahalaga sa isang kuwento o kinakailangan para sa pagdiriin, tinitiyak niyang ilakip ang mga ito. Kaya naman sinabi niya nang eksakto kung gaano karaming tupa ang naiwan habang hinahanap ng may-ari ang isang naligaw, kung gaano karaming oras na nagtrabaho ang mga manggagawa sa ubasan, at kung gaano karaming talento ang ipinagkatiwala.—Mateo 18:12-14; 20:1-16; 25:14-30.
8 Gayunman, inaalis ni Jesus ang di-mahahalagang detalye na makahahadlang sa pag-unawa natin sa kahulugan ng mga ilustrasyon. Halimbawa, sa talinghaga hinggil sa walang-awang alipin, hindi na ipinaliwanag kung paano nagkautang ang aliping iyon ng 60,000,000 denario. Idiniriin ni Jesus ang pangangailangang maging mapagpatawad. Ang mahalaga ay, hindi kung paano nagkautang ang alipin, kundi kung paano pinatawad ang kaniyang utang at kung paano naman siya nakitungo sa isang kapuwa alipin na nagkautang sa kaniya ng maliit lamang na halaga ng salapi. (Mateo 18:23-35) Gayundin naman, sa ilustrasyon hinggil sa alibughang anak, hindi na ipinaliwanag ni Jesus kung bakit bigla na lamang hiningi ng nakababatang anak ang kaniyang mana at kung bakit niya nilustay ito. Ngunit dinetalye ni Jesus kung ano ang nadama at itinugon ng ama nang magbalik-loob at umuwi ang kaniyang anak. Ang gayong mga detalye hinggil sa tugon ng ama ay napakahalaga sa puntong pinalilitaw ni Jesus, na si Jehova ay nagpapatawad “nang sagana.”—Isaias 55:7; Lucas 15:11-32.
9, 10. (a) Kapag inilalarawan ang mga tauhan sa kaniyang mga ilustrasyon, sa ano nagtutuon ng pansin si Jesus? (b) Paano pinadali ni Jesus para sa kaniyang mga tagapakinig at sa iba na maalaala ang kaniyang mga ilustrasyon?
9 Maingat din si Jesus sa paraan ng kaniyang paglalarawan sa mga tauhan sa kaniyang mga talinghaga. Sa halip na magbigay ng madetalyeng paglalarawan sa hitsura ng mga tauhan, ang madalas na pinagtutuunan ni Jesus ng pansin ay kung ano ang ginawa nila o kung paano sila tumugon sa mga pangyayaring inilahad niya. Kaya naman, sa halip na ilarawan ang hitsura ng mapagkawanggawang Samaritano, inilahad ni Jesus ang isang bagay na mas mahalaga—kung paano mahabaging tumulong ang Samaritano sa isang nasugatang Judio na nakahandusay sa lansangan. Inilaan ni Jesus ang mga kinakailangang detalye upang maituro na ang pag-ibig sa kapuwa ay dapat ding ipakita sa mga taong hindi natin kalahi o kababayan.—Lucas 10:29, 33-37.
10 Ang maingat na paggamit ni Jesus ng mga detalye ang dahilan kung kaya maikli at di-masalimuot ang kaniyang mga ilustrasyon. Sa gayon ay pinadali niya para sa kaniyang unang-siglong mga tagapakinig—at sa di-mabilang na iba pa na sa dakong huli ay babasa sa kinasihang mga Ebanghelyo—na maalaala ang mga ito at ang mahahalagang aral na itinuturo ng mga ito.
Hinango Mula sa Araw-araw na Pamumuhay
11. Magbigay ng mga halimbawa kung paano inilalarawan ng mga talinghaga ni Jesus ang mga bagay na walang-pagsalang napagmasdan niya habang siya’y lumalaki sa Galilea.
11 Si Jesus ay dalubhasa sa paggamit ng mga ilustrasyon na may kaugnayan sa buhay ng mga tao. Marami sa kaniyang mga talinghaga ay naglalarawan ng mga bagay na walang-pagsalang napagmasdan niya habang siya’y lumalaki sa Galilea. Pag-isipan sandali ang kaniyang buhay bilang kabataan. Gaano ba niya kadalas makita ang kaniyang ina na naghahanda ng tinapay na may lebadura sa pamamagitan ng pagkuha ng isang piraso ng pinaalsang masa na itinabi mula sa nakaraang paggawa ng tinapay at paggamit dito bilang lebadura? (Mateo 13:33) Gaano ba karaming beses niyang namasdan ang mga mangingisda habang inihuhulog nila ang kanilang mga lambat sa malinaw na kulay-asul na tubig ng Dagat ng Galilea? (Mateo 13:47) Gaano ba niya kadalas napagmasdan ang mga batang naglalaro sa pamilihan? (Mateo 11:16) Malamang na napag-ukulan ng pansin ni Jesus ang iba pang karaniwang bagay na naging bahagi ng kaniyang mga ilustrasyon—mga binhing inihahasik, masasayang piging sa kasalan, at mga butil sa parang na nahihinog sa ilalim ng araw.—Mateo 13:3-8; 25:1-12; Marcos 4:26-29.
12, 13. Paano inilarawan ng talinghaga ni Jesus hinggil sa trigo at mga panirang-damo ang kaniyang kabatiran sa lokal na mga kalagayan?
12 Hindi kataka-taka kung gayon na ang mga kalagayan at mga situwasyon sa araw-araw na pamumuhay ay masusumpungan sa maraming ilustrasyon ni Jesus. Samakatuwid, upang maunawaan nang lubusan ang kaniyang kasanayan sa paggamit sa paraang ito ng pagtuturo, makatutulong na isaalang-alang ang kahulugan ng mga sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig na Judio. Suriin natin ang dalawang halimbawa.
13 Una, sa talinghaga hinggil sa trigo at mga panirang-damo, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang lalaki na naghasik ng mainam na trigo sa kaniyang bukid ngunit “isang kaaway” ang nagtungo sa bukid na iyon at hinasikan ito ng mga panirang-damo. Bakit pinili ni Jesus ang gayong partikular na nakagagalit na gawa? Buweno, tandaan na inilahad niya ang ilustrasyon malapit sa Dagat ng Galilea, at lumilitaw na ang pangunahing trabaho ng mga taga-Galilea ay pagsasaka. Ano pa nga ba ang mas makapipinsala sa isang magsasaka kundi ang palihim na pagtungo ng isang kaaway sa kaniyang bukid at paghahasik doon ng nakapipinsalang mga panirang-damo? Ipinakikita ng sekular na mga batas noong panahong iyon na talagang nangyayari ang gayong mga pagsalakay. Hindi ba’t maliwanag na gumamit si Jesus ng isang situwasyon na mauunawaan ng kaniyang mga tagapakinig?—Mateo 13:1, 2, 24-30.
14. Sa talinghaga hinggil sa mapagkawanggawang Samaritano, bakit mahalaga na ginamit ni Jesus ang daang bumabagtas “mula sa Jerusalem patungong Jerico” upang mapalitaw ang kaniyang punto?
14 Ikalawa, alalahanin ang talinghaga hinggil sa mapagkawanggawang Samaritano. Nagsimula si Jesus sa pagsasabing: “Isang tao ang bumababa mula sa Jerusalem patungong Jerico at nahulog sa kamay ng mga magnanakaw, na siya ay kapuwa hinubaran at pinaghahampas, at nagsialis, na iniwan siyang halos patay na.” (Lucas 10:30) Kapansin-pansin, ginamit ni Jesus ang daang bumabagtas “mula sa Jerusalem patungong Jerico” upang palitawin ang kaniyang punto. Nang ilahad niya ang talinghagang ito, siya ay nasa Judea, hindi kalayuan mula sa Jerusalem; kaya malamang na alam ng kaniyang mga tagapakinig ang tungkol sa inilarawang daan. Ang partikular na daang iyon ay kilalang mapanganib, lalo na para sa sinuman na mag-isang naglalakbay. Paliku-liko ito sa iláng na lugar, anupat maraming mapagkukublihan ang mga magnanakaw.
15. Bakit walang sinumang makatuwirang makapagdadahilan sa pagwawalang-bahala ng saserdote at ng Levita sa ilustrasyon hinggil sa mapagkawanggawang Samaritano?
15 May isang bagay pa na kapansin-pansin sa pagbanggit ni Jesus sa daang ‘pababa mula sa Jerusalem patungong Jerico.’ Ayon sa istorya, una ay isang saserdote at pagkatapos ay isang Levita naman ang dumaan din sa daang iyon—bagaman pareho silang hindi huminto upang tulungan ang biktima. (Lucas 10:31, 32) Ang mga saserdote ay naglilingkod sa templo sa Jerusalem, at tinutulungan naman sila ng mga Levita. Maraming saserdote at Levita ang naninirahan sa Jerico kapag hindi sila nagtatrabaho sa templo, sapagkat ang Jerico ay 23 kilometro lamang mula sa Jerusalem. Kaya, walang alinlangan na nakapaglalakbay sila sa daang iyon. Pansinin din na ang saserdote at Levita ay dumaraan doon “mula sa Jerusalem,” sa gayon ay palayo mula sa templo. * Kaya walang makatuwirang makapagdadahilan sa pagwawalang-bahala ng mga lalaking ito sa pagsasabing, ‘Iniwasan nila ang sugatang lalaki dahil mukhang patay na siya, at ang paghawak sa isang bangkay ay magpapangyari sa kanila na pansamantalang maging di-karapat-dapat sa paglilingkod sa templo.’ (Levitico 21:1; Bilang 19:11, 16) Hindi ba’t malinaw na inilalarawan ng mga ilustrasyon ni Jesus ang mga bagay na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig?
Hinango Mula sa Nilalang
16. Bakit hindi kataka-taka na si Jesus ay maraming nalalaman hinggil sa paglalang?
16 Ang ilang ilustrasyon at talinghaga ni Jesus ay nagsisiwalat ng kaniyang kabatiran sa mga halaman, hayop, at mga elemento. (Mateo 6:26, 28-30; 16:2, 3) Saan niya kinuha ang gayong kaalaman? Samantalang lumalaki siya sa Galilea, walang alinlangan na nagkaroon siya ng maraming pagkakataon upang pagmasdan ang mga nilalang ni Jehova. Bukod diyan, si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at ginamit siya ni Jehova bilang ang “dalubhasang manggagawa” sa paglalang sa lahat ng bagay. (Colosas 1:15, 16; Kawikaan 8:30, 31) Kataka-taka ba na si Jesus ay maraming nalalaman sa mga nilalang? Tingnan natin kung paano niya ginamit nang mahusay ang kaalamang ito sa kaniyang pagtuturo.
17, 18. (a) Paano isinisiwalat ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 10 na siya ay pamilyar sa mga ugali ng mga tupa? (b) Ano ang napagmasdan ng mga dumalaw sa mga lupaing binabanggit sa Bibliya hinggil sa buklod sa pagitan ng mga pastol at ng kanilang mga tupa?
17 Ang isa sa pinakamadamdaming ilustrasyon ni Jesus ay yaong nakaulat sa Juan kabanata 10, kung saan itinulad niya ang matalik na kaugnayan niya sa kaniyang mga tagasunod sa kaugnayan ng isang pastol sa kaniyang mga tupa. Isinisiwalat ng mga salita ni Jesus na siya ay lubos na pamilyar sa mga ugali ng mga alagang tupa. Ipinakita niya na ang mga tupa ay nagpapaakay at may-katapatan silang sumusunod sa kanilang pastol. (Juan 10:2-4) Ang natatanging buklod sa pagitan ng mga pastol at mga tupa ay napapansin ng mga dumadalaw sa mga lupaing binabanggit sa Bibliya. Noong ika-19 na siglo, sinabi ng naturalistang si H. B. Tristram: “Minsan ay pinagmasdan ko ang isang pastol na nakikipaglaro sa kaniyang kawan. Kunwari ay tatalilis siya; ang mga tupa naman ay hahabol at palilibutan siya. . . . Sa dakong huli ay nakapalibot na sa kaniya ang buong kawan, anupat tumatalun-talon nang paikot sa kaniya.”
18 Bakit sumusunod ang mga tupa sa kanilang pastol? “Sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig,” ang sabi ni Jesus. (Juan 10:4) Talaga bang kilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol? Batay sa personal na obserbasyon, ganito ang isinulat ni George A. Smith sa kaniyang aklat na The Historical Geography of the Holy Land: “Kung minsan ay nasisiyahan kaming mamahinga sa tanghali sa tabi ng isa sa mga balon na iyon ng Judea, kung saan tatlo hanggang apat na pastol ang karaniwan nang pumaparoon kasama ang kanilang mga kawan. Ang mga kawan ay nagkahalu-halo, at iniisip namin kung paano muling makukuha ng bawat pastol ang kani-kanilang mga tupa. Subalit pagkatapos uminom at maglaro ang mga kawan, ang mga pastol ay isa-isang umakyat sa iba’t ibang panig ng libis, at bawat isa ay sumigaw ng kani-kaniyang kakaibang pagtawag; at ang mga tupa ng bawat pastol ay humiwalay sa nagkahalu-halong kawan patungo sa kani-kanilang pastol, at ang mga kawan ay yumaon nang maayos na gaya ng kanilang pagdating.” Wala nang mas bubuti pa sa paraang ito ng paglalarawan ni Jesus sa kaniyang punto. Kung kinikilala at tinutupad natin ang kaniyang mga turo at kung sinusunod natin ang kaniyang pangunguna, kung gayon ay mapapasailalim tayo sa magiliw at maibiging pangangalaga ng “mabuting pastol.”—Juan 10:11.
Hinango Mula sa mga Pangyayari na Alam ng Kaniyang mga Tagapakinig
19. Upang ituwid ang isang maling akala, paano mabisang ginamit ni Jesus ang isang lokal na trahedya?
19 Ang mabibisang ilustrasyon ay maaaring mga karanasan o mga halimbawa na mapagkukunan ng mga aral. Minsan, ginamit ni Jesus ang isang kalilipas lamang na pangyayari upang ituwid ang maling akala na ang trahedya ay nangyayari sa mga karapat-dapat dumanas nito. Sinabi niya: “Yaong labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam, na siyang ikinamatay nila, inaakala ba ninyo na naging mas malaki ang kanilang utang [kasalanan] kaysa sa lahat ng iba pang mga tao na nananahanan sa Jerusalem?” (Lucas 13:4) Mahusay na tinutulan ni Jesus ang pangangatuwiran hinggil sa kapalaran. Ang 18 kaluluwang iyon ay hindi namatay dahil sa isang kasalanan na nagpagalit sa Diyos. Sa halip, ang kanilang kalunus-lunos na kamatayan ay resulta ng panahon at di-inaasahang pangyayari. (Eclesiastes 9:11) Sa gayon ay pinabulaanan niya ang huwad na turo sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang pangyayari na alam na alam ng kaniyang mga tagapakinig.
20, 21. (a) Bakit hinatulan ng mga Pariseo ang mga alagad ni Jesus? (b) Anong maka-Kasulatang ulat ang ginamit ni Jesus upang ilarawan na hindi nilayon ni Jehova ang napakahigpit na pagkakapit sa kaniyang kautusan hinggil sa Sabbath? (c) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Sa kaniyang pagtuturo, ginamit din ni Jesus ang mga halimbawa sa Kasulatan. Alalahanin ang panahon nang hatulan ng mga Pariseo ang kaniyang mga alagad dahil sa pagkitil ng butil at pagkain niyaon sa panahon ng Sabbath. Ang totoo, nilabag ng mga alagad, hindi ang Kautusan ng Diyos, kundi ang mahigpit na pagpapakahulugan ng mga Pariseo sa kung ano maituturing na di-matuwid na gawin sa panahon ng Sabbath. Upang ilarawan na hindi kailanman nilayon ng Diyos ang gayong di-nararapat na napakahigpit na pagkakapit sa kaniyang kautusan hinggil sa Sabbath, tinukoy ni Jesus ang isang pangyayari na nakaulat sa 1 Samuel 21:3-6. Nang makaramdam ng gutom, tumigil si David at ang kaniyang mga tauhan sa tabernakulo at kumain ng tinapay na panghandog, na pinalitan na. Ang lumang tinapay ay karaniwan nang itinatabi para kainin ng mga saserdote. Gayunman, sa gayong mga kalagayan, si David at ang kaniyang mga tauhan ay hindi hinatulan sa pagkain sa mga iyon. Kapansin-pansin, ang salaysay na iyon ang tanging nakaulat na pangyayari sa Bibliya hinggil sa paggamit ng mga di-saserdote sa lumang tinapay. Alam ni Jesus kung ano ang eksaktong ulat na gagamitin, at tiyak na pamilyar doon ang kaniyang mga tagapakinig na Judio.—Mateo 12:1-8.
21 Tunay ngang si Jesus ay isang Dakilang Guro! Talagang kamangha-mangha ang kaniyang di-mapapantayang kakayahan na ipabatid ang mahahalagang katotohanan sa paraang mauunawaan ng kaniyang mga tagapakinig. Subalit paano kaya natin siya matutularan sa ating pagtuturo? Ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 2 Maraming uri ang mga ilustrasyon ni Jesus, kabilang dito ang mga paghahalimbawa, paghahambing, pagtutulad, at mga metapora. Kilalang-kilala siya sa kaniyang paggamit ng talinghaga, na binigyang-katuturan bilang “isang maikli at malimit ay kathang-isip na salaysay na mapagkukunan ng isang moral o espirituwal na katotohanan.”
^ par. 15 Ang Jerusalem ay mas mataas kaysa sa Jerico. Samakatuwid, kapag naglalakbay “mula sa Jerusalem patungong Jerico,” gaya ng binanggit sa talinghaga, ang naglalakbay ay “bumababa.”
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit nagturo si Jesus sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?
• Anong halimbawa ang nagpapakita na ginamit ni Jesus ang mga ilustrasyon na mauunawaan ng kaniyang unang-siglong mga tagapakinig?
• Paano mahusay na ginamit ni Jesus sa kaniyang mga ilustrasyon ang kaniyang kaalaman sa paglalang?
• Sa anong mga paraan ginamit ni Jesus ang mga pangyayari na alam ng kaniyang mga tagapakinig?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 15]
Ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang alipin na hindi nagpatawad ng isang maliit na utang at ang tungkol sa isang ama na nagpatawad sa kaniyang anak na lumustay ng lahat ng manang tinanggap niya
[Larawan sa pahina 16]
Ano ang punto ng talinghaga ni Jesus hinggil sa mapagkawanggawang Samaritano?
[Larawan sa pahina 17]
Talaga bang kilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol?