‘Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa’
‘Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa’
NANINIWALA ka bang pinatawad na ng Diyos ang iyong mga kasalanan? Waring ganoon nga ang palagay ng karamihan sa mga adulto sa Estados Unidos. Iniuulat ni Dr. Loren Toussaint, ang unang awtor ng isang pagsusuri na isinagawa sa University of Michigan Institute for Social Research, na sa 1,423 Amerikano na tinanong, mga 80 porsiyento ng mga adulto na mahigit sa 45 taóng gulang ang nagsabi na pinatawad na sila ng Diyos sa kanilang mga kasalanan.
Subalit nakapagtatakang malaman na 57 porsiyento lamang sa mga tinanong ang nagsabi na pinatawad nila ang iba. Ipinaaalaala sa atin ng estadistikang iyan ang mga pananalita ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” (Mateo 6:14, 15) Oo, sa isang antas, ang pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan ay depende sa pagiging handa nating magpatawad sa iba.
Ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas ang simulaing ito. Hinimok niya sila: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Totoo, hindi ito laging madaling gawin. Halimbawa, kapag nakatanggap ka ng walang-pakundangan o masasakit na salita, maaaring mahirap palampasin ito.
Magkagayunman, maraming pakinabang ang pagpapatawad. Ganito ang sabi ni Dr. David R. Williams, isang sosyologo, sa kaniyang pagsasaliksik: “Nasumpungan namin ang malapit na kaugnayan ng pagpapatawad sa iba at ng kalusugan sa isipan sa mga Amerikanong nasa katanghaliang gulang at may-edad na.” Iyan ay kasuwato ng mga salita ng marunong na hari na si Solomon, na sumulat mga 3,000 taon na ang nakalipas: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Yamang ang isang mapagpatawad na saloobin ay nagtataguyod ng mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa ating kapuwa, may mabuti tayong dahilan na maging handa na lubusang magpatawad sa isa’t isa mula sa puso.—Mateo 18:35.