Nasaan Na ang Mabubuting Kapitbahay?
Nasaan Na ang Mabubuting Kapitbahay?
“Ang makabagong lipunan ay walang kinikilalang kapitbahay.”—Benjamin Disraeli, estadistang Ingles noong ika-19 na siglo.
ANG tumatanda nang mga taga-Cuba ay may kakaibang paraan ng pagtataguyod ng kanilang kapakanan: mga grupo ng magkakapitbahay, o círculos de abuelos (mga pangkat ng mga lolo’t lola), gaya ng tawag nila sa kanila. Ayon sa isang ulat noong 1997, mga 1 sa 5 matatandang taga-Cuba ang kabilang sa gayong mga grupo, kung saan nakasusumpong sila ng pakikipagsamahan, suporta, at praktikal na tulong sa pagpapanatili ng malusog na istilo ng pamumuhay. “Kailanma’t ang mga doktor sa komunidad ay nangailangan ng tulong sa kampanya sa pagbabakuna,” ang sabi ng magasing World-Health, “ang círculos de abuelos ang nasusumpungan nilang handa at may kakayahang tumulong.”
Gayunman, nakalulungkot na sa maraming bahagi ng daigdig, wala nang gayong mapagmalasakit na mga komunidad. Halimbawa, isaalang-alang ang trahedyang nangyari kay Wolfgang Dircks, na nakatira sa isang apartment sa kanlurang Europa. Ilang taon na ang nakalilipas, iniulat ng The Canberra Times na bagaman napansin ng 17 pamilya na kasama ni Wolfgang sa apartment ding iyon na hindi nila siya nakikita, “walang sinuman ang nakaisip na pindutin ang kaniyang doorbell.” Nang sa wakas ay dumalaw ang may-ari ng apartment, “natuklasan niya ang isang kalansay na nakaupo sa harapan ng telebisyon.” Nakapatong sa kandungan ng kalansay ang isang listahan ng programa sa telebisyon na may petsang Disyembre 5, 1993. Si Wolfgang ay limang taon nang patay. Kaylungkot na patotoo sa naglalahong interes at malasakit sa magkakapitbahay! Hindi nga kataka-taka na sinabi ng isang manunulat ng sanaysay sa The New York Times Magazine na ang kaniyang komunidad, tulad ng maraming iba pa, ay naging “isang komunidad ng mga estranghero.” Ito rin ba ang kalagayan sa iyong komunidad?
Totoo na ang ilang komunidad sa lalawigan ay mayroon pa ring tunay na pakikipagkapuwa at ang ilang komunidad sa siyudad ay nagsisikap tungo sa higit na pagkabahala sa kapuwa. Magkagayunman, maraming naninirahan sa siyudad ang nakadaramang sila ay nakabukod at walang kalaban-laban sa kanilang sariling komunidad. Sila ay nakabukod dahil sa hindi nila kilalá ang kanilang mga kapitbahay. Sa paanong paraan?
Hindi Magkakakilala ang Magkakapitbahay
Sabihin pa, karamihan sa atin ay may mga kapitbahay. Ang umaandap-andap na liwanag ng isang telebisyon, gumagalaw na mga anino sa bintana, mga ilaw na pinapatay at binubuksan, tunog ng mga kotse na dumarating at umaalis, mga yabag sa pasilyo, mga susi na nagbubukas at nagsasara ng mga pinto ay palatandaang lahat na ang komunidad ay “buháy.” Gayunman, anumang diwa ng tunay na pakikipagkapuwa ay naglalaho kapag ang mga magkakapitbahay ay hindi magkakakilala o nagwawalang-bahala sa isa’t isa dahil sa mabilis na istilo ng pamumuhay. Maaaring madama ng mga tao na hindi na nila kailangang masangkot sa mga kapitbahay o magkaroon ng utang-na-loob sa kanila sa paanuman. Ganito ang pag-amin ng diyaryo sa Australia na Herald Sun: “Ang mga indibiduwal ay mas di-kilalá sa kanilang pinakamalapit na kapaligiran, at sa gayon ay hindi gaanong natatali ng pananagutan sa lipunan. Mas madali na ngayong ipagwalang-bahala o ipuwera ang mga taong hindi kaakit-akit sa lipunan.”
Ang kaganapang ito ay hindi nakapagtataka. Sa isang daigdig kung saan ang mga tao ay “maibigin sa kanilang sarili,” inaani ng mga komunidad ang mga bunga ng makasariling istilo ng pamumuhay ng marami. (2 Timoteo 3:2) Ang resulta ay laganap na kalungkutan at pagkabukod. Ang pagkabukod ay nagdudulot ng kawalang-tiwala, lalo na kapag laging isinasapanganib ng karahasan at krimen ang komunidad. Di-magtatagal, ang kawalang-tiwala naman ang magpapamanhid sa pagkamahabagin ng tao.
Anuman ang kalagayan sa inyong komunidad, walang alinlangan na sasang-ayon kayo na ang mabubuting kapitbahay ay kapaki-pakinabang sa isang komunidad. Malaki ang naisasagawa kapag ang mga tao ay gumagawa ukol sa iisang tunguhin. Ang mabubuting kapitbahay ay maaaring maging pagpapala rin. Ipakikita ng susunod na artikulo kung paano.