Tularan ang Dakilang Guro
Tularan ang Dakilang Guro
“Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—MATEO 28:19, 20.
1, 2. (a) Paanong tayong lahat, sa isang diwa, ay mga guro? (b) Kung tungkol sa pagtuturo, anong natatanging pananagutan ang taglay ng tunay na mga Kristiyano?
IKAW ba ay guro? Sa isang diwa, tayong lahat ay guro. Sa tuwing magbibigay ka ng direksiyon sa isang naligaw na manlalakbay, magpapakita sa kamanggagawa kung paano isasagawa ang isang partikular na atas, o magpapaliwanag sa isang bata kung paano itatali ang kaniyang sapatos, ikaw ay nagtuturo. Ang pagtulong sa iba sa gayong mga paraan ay nagdudulot ng isang antas ng kasiyahan, hindi ba?
2 Kung tungkol sa pagtuturo, may natatanging pananagutan ang tunay na mga Kristiyano. Tayo ay inatasang ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao . . . , na tinuturuan sila.’ (Mateo 28:19, 20) Maging sa loob ng kongregasyon, may pagkakataon tayong makapagturo. Ang mga kuwalipikadong lalaki ay hinirang na maglingkod bilang “mga pastol at mga guro,” sa layuning patibayin ang kongregasyon. (Efeso 4:11-13) Sa kanilang araw-araw na mga gawaing Kristiyano, ang mga may-gulang na babae ay dapat maging “mga guro ng kabutihan” sa mga kabataang babae. (Tito 2:3-5) Tayong lahat ay hinihimok na magpatibay sa mga kapananampalataya, at maaari nating sundin ang payong iyon sa pamamagitan ng paggamit sa Bibliya upang patibayin ang iba. (1 Tesalonica 5:11) Kaylaking pribilehiyo nga na maging guro ng Salita ng Diyos at mamahagi ng espirituwal na mga simulain na makapagdudulot ng namamalaging kapakinabangan!
3. Paano natin mapasusulong ang ating pagiging mabisa bilang mga guro?
3 Subalit paano natin mapasusulong ang ating pagiging mabisa bilang mga guro? Pangunahin na, sa pamamagitan ng pagtulad sa Dakilang Guro, si Jesus. ‘Subalit paano natin matutularan si Jesus?’ maaaring isipin ng ilan. ‘Siya ay sakdal.’ Totoo, hindi tayo maaaring maging sakdal na mga guro. Gayunman, anuman ang ating kakayahan, magagawa natin ang ating buong makakaya upang tularan ang paraan ng pagtuturo ni Jesus. Ating talakayin kung paano natin magagamit ang apat sa kaniyang mga paraan—pagiging simple, mabibisang tanong, lohikal na pangangatuwiran, at angkop na mga ilustrasyon.
Panatilihin Itong Simple
4, 5. (a) Bakit ang pagiging simple ay isang pangunahing katangian ng katotohanan sa Bibliya? (b) Upang makapagturo nang simple, bakit mahalaga na maging maingat sa mga salitang gagamitin natin?
4 Ang saligang mga katotohanan ng Salita ng Diyos ay hindi masalimuot. Sa panalangin, sinabi ni Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, . . . sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Pinangyayari ni Jehova na maisiwalat ang kaniyang mga layunin sa mga may taimtim at mapagpakumbabang puso. (1 Corinto 1:26-28) Kung gayon, ang pagiging simple ay isang pangunahing katangian ng katotohanan sa Bibliya.
5 Kapag nagdaraos ka ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya o gumagawa ng mga pagdalaw-muli sa mga interesado, paano ka makapagtuturo nang simple? Buweno, ano ba ang natutuhan natin mula sa Dakilang Guro? Upang maintindihan siya ng kaniyang mga tagapakinig, na marami sa kanila ay “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” gumamit si Jesus ng simpleng pananalita na mauunawaan nila. (Gawa 4:13) Kung gayon, upang makapagturo nang simple, ang unang kahilingan ay maging maingat sa mga salitang gagamitin natin. Hindi tayo kailangang gumamit ng matatayog na salita o parirala upang maging mas nakakakumbinsi sa iba ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang gayong “karangyaan ng pananalita” ay maaaring magdulot ng takot, lalo na sa mga may limitadong edukasyon o kakayahan. (1 Corinto 2:1, 2) Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na ang simpleng mga salita na maingat na pinili ay mapuwersang makapagtatawid ng katotohanan.
6. Paano natin maiiwasang tambakan ng napakaraming impormasyon ang isang estudyante sa Bibliya?
6 Upang makapagturo nang simple, dapat din tayong mag-ingat upang maiwasang tambakan ng napakaraming impormasyon ang isang estudyante sa Bibliya. Si Jesus ay makonsiderasyon sa mga limitasyon ng kaniyang mga alagad. (Juan 16:12) Dapat din nating isaalang-alang ang mga limitasyon ng estudyante. Halimbawa, kapag nagdaraos ng pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, hindi natin kailangang ipaliwanag ang bawat detalye. * Ni kailangang magmadali sa pagtalakay sa impormasyon, na para bang ang pagsaklaw sa isang takdang dami ng materyal ang siyang pinakamahalaga. Sa halip, isang katalinuhan na ibagay ang bilis ng pag-aaral sa mga pangangailangan at kakayahan ng estudyante. Ang tunguhin natin ay ang tulungan ang estudyante na maging isang alagad ni Kristo at mananamba ni Jehova. Kailangang gugulin natin ang kinakailangang panahon upang tulungan ang interesadong estudyante na maunawaan nang maliwanag ang kaniyang natututuhan. Sa gayon, ang katotohanan ay maaaring umantig sa kaniyang puso at magpakilos sa kaniya.—Roma 12:2.
7. Anong mga mungkahi ang makatutulong sa atin upang makapagturo nang simple kapag nagpapahayag tayo sa kongregasyon?
7 Kapag nagpapahayag tayo sa kongregasyon, lalo na kung may mga baguhan sa mga tagapakinig, paano tayo makabibigkas ng pananalitang “madaling maunawaan”? (1 Corinto 14:9) Isaalang-alang ang tatlong mungkahi na makatutulong. Una, ipaliwanag ang di-pamilyar na mga termino na kailangang gamitin mo. Ang pagkaunawa natin sa Salita ng Diyos ay nagbigay sa atin ng naiibang bokabularyo. Kung gagamitin natin ang mga pananalitang tulad ng “tapat at maingat na alipin,” “ibang mga tupa,” at “Babilonyang Dakila,” baka kailangang ipaliwanag natin ang mga ito sa simpleng mga parirala na magbibigay-linaw sa kahulugan. Ikalawa, iwasan ang maraming salita. Ang maraming salita at labis na pagdedetalye ay maaaring pumawi sa interes ng mga tagapakinig. Ang pagiging malinaw ay natatamo sa pamamagitan ng pag-aalis sa di-kinakailangang mga salita at mga parirala. Ikatlo, huwag piliting saklawin ang napakaraming materyal. Ang ating pagsasaliksik ay maaaring magpalitaw ng maraming kawili-wiling detalye. Ngunit pinakamabuti na balangkasin ang materyal sa kaunting pangunahing punto, na ginagamit lamang ang mga impormasyon na sumusuhay sa mga puntong iyon at malinaw na matatalakay sa itinakdang panahon.
Mabisang Paggamit ng mga Tanong
8, 9. Paano natin mapipili ang tanong na babagay sa interes ng may-bahay? Magbigay ng mga halimbawa.
8 Alalahanin na si Jesus ay dalubhasa sa paggamit ng mga tanong upang pukawin ang kaniyang mga alagad na ipahayag ang kanilang iniisip at pasiglahin at sanayin ang kanilang pag-iisip. Sa pamamagitan ng kaniyang mga tanong, unti-unting naabot at naantig ni Jesus ang kanilang puso. (Mateo 16:13, 15; Juan 11:26) Paano natin mabisang magagamit ang mga tanong, gaya ni Jesus?
9 Kapag nangangaral sa bahay-bahay, makagagamit tayo ng mga tanong upang pukawin ang interes, anupat binubuksan sa atin ang pagkakataon na ipakipag-usap ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Paano tayo makapipili ng tanong na babagay sa interes ng may-bahay? Maging mapagmasid. Kapag lumalapit sa bahay, tumingin sa paligid nito. May mga laruan ba sa bakuran, na nagpapahiwatig na may mga bata sa tahanan? Kung mayroon, maaari Awit 37:10, 11) Marami ba ang kandado sa harapang pintuan, o mayroon bang alarma sa bahay? Maaari nating itanong: ‘Sa palagay ba ninyo’y darating pa ang panahon na madarama nating ligtas tayo sa ating tahanan at sa lansangan?’ (Mikas 4:3, 4) Mayroon bang rampa para daanan ng silyang de-gulong? Maaari nating itanong: ‘Darating pa kaya ang panahon na lahat ng nabubuhay ay magtatamasa ng mabuting kalusugan?’ (Isaias 33:24) Maraming mungkahi ang masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. *
nating itanong, ‘Napag-isip-isip na ba ninyo kung ano ang magiging kalagayan ng daigdig kapag lumaki na ang inyong mga anak?’ (10. Paano natin magagamit ang mga tanong upang ‘salukin’ ang mga palagay at nadarama ng puso ng isang estudyante sa Bibliya, ngunit ano ang dapat nating laging isaisip?
10 Paano natin mabisang magagamit ang mga tanong kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya? Di-tulad ni Jesus, hindi natin nababasa ang mga puso. Gayunman, ang mataktika ngunit umaarok na mga tanong ay makatutulong sa atin na ‘masalok’ ang mga palagay at nadarama ng puso ng estudyante. (Kawikaan 20:5) Halimbawa, ipagpalagay nang pinag-aaralan natin ang kabanatang “Kung Bakit Nagdudulot ng Kaligayahan ang Maka-Diyos na Pamumuhay,” sa aklat na Kaalaman. Tinatalakay nito ang pangmalas ng Diyos hinggil sa kawalang-katapatan, pakikiapid, at iba pang bagay. Maaaring wastong masagot ng estudyante ang nakalimbag na mga tanong, ngunit sumasang-ayon ba siya sa kaniyang natututuhan? Maaari nating itanong: ‘Ang pangmalas ba ni Jehova sa gayong mga bagay ay makatuwiran para sa iyo?’ ‘Paano mo maikakapit ang mga simulaing ito ng Bibliya sa iyong buhay?’ Gayunman, laging isaisip ang pangangailangang maging magalang, anupat binibigyan ng dignidad ang estudyante. Ayaw nating magbangon ng mga tanong na hihiya o hahamak sa estudyante sa Bibliya.—Kawikaan 12:18.
11. Sa anong mga paraan mabisang magagamit ng mga tagapagsalita sa madla ang mga tanong?
11 Ang mga tagapagsalita sa madla ay mabisa ring makagagamit ng mga tanong. Ang retorikal na mga tanong—mga tanong na hindi natin inaasahang sagutin nang malakas ng mga tagapakinig—ay makatutulong sa tagapakinig na mag-isip at mangatuwiran. Paminsan-minsan ay gumagamit si Jesus ng gayong mga tanong. (Mateo 11:7-9) Bukod dito, pagkatapos ng pambungad na pananalita, maaaring gumamit ng mga tanong ang tagapagsalita upang balangkasin ang tatalakaying mga pangunahing punto. Maaari niyang sabihin: “Sa ating pag-uusap ngayon, isasaalang-alang natin ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong . . .” Pagkatapos, sa konklusyon, maaari niyang tukuyin ang mga tanong na iyon upang repasuhin ang mga pangunahing punto.
12. Magbigay ng halimbawa para ipakita kung paano magagamit ng Kristiyanong matatanda ang mga tanong upang tulungan ang isang kapananampalataya na magtamo ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos.
12 Sa kanilang gawaing pagpapastol, magagamit ng Kristiyanong matatanda ang mga tanong upang tulungan ang isang “kaluluwang nanlulumo” na magtamo ng kaaliwan mula sa Salita ni Jehova. (1 Tesalonica 5:14) Halimbawa, upang matulungan ang isang nasisiraan ng loob, maaaring akayin ng matanda ang pansin sa Awit 34:18. Sinasabi nito: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” Upang matiyak na nauunawaan ng nasisiraan ng loob kung paano ito kumakapit nang personal sa kaniya, maaaring itanong ng matanda: ‘Kanino malapit si Jehova? Kung minsan ba’y nadarama mong “wasak ang iyong puso” at ikaw ay may “espiritung nasisiil”? Kung si Jehova ay malapit sa gayong mga indibiduwal, gaya ng sinasabi ng Bibliya, hindi ba’t nangangahulugan ito na siya ay malapit sa iyo?’ Ang gayong magiliw na pagbibigay-katiyakan ay makapagpapasigla sa espiritu ng isa na nasisiphayo.—Isaias 57:15.
Lohikal na Pangangatuwiran
13, 14. (a) Paano tayo maaaring mangatuwiran sa isa na nagsasabing hindi siya naniniwala sa isang Diyos na hindi niya nakikita? (b) Bakit hindi natin dapat asahan na ang lahat ay makukumbinsi?
13 Sa ating ministeryo, nais nating maabot ang mga puso sa pamamagitan ng mahusay at mapanghikayat na pangangatuwiran. (Gawa 19:8; 28:23, 24) Nangangahulugan ba ito na dapat tayong matutong gumamit ng masalimuot na lohika upang makumbinsi ang iba tungkol sa katotohanan ng Salita ng Diyos? Hinding-hindi. Ang mahusay na pangangatuwiran ay hindi kailangang maging masalimuot. Ang lohikal na mga argumento na iniharap nang simple ay kadalasang pinakamabisa. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
14 Paano tayo tutugon kapag may nagsasabi na hindi siya naniniwala sa isang Diyos na hindi niya nakikita? Maaari tayong mangatuwiran salig sa likas na batas ng sanhi at epekto. Kapag nakita natin ang isang epekto, tinatanggap natin na tiyak na may sanhi ito. Maaari nating sabihin: ‘Kung ikaw ay nasa liblib na lugar at nakakita ng isang magandang bahay na punô ng pagkain (epekto), agad mong tatanggapin na may isa (sanhi) na nagtayo sa bahay na iyon at pumunô sa paminggalan nito. Gayundin naman, kapag namamasdan natin ang disenyo na kitang-kita sa kalikasan at ang saganang pagkain sa “paminggalan” ng lupa (epekto), hindi ba’t makatuwirang tanggapin na may Isa (sanhi) na gumawa nito?’ Ito ay maliwanag na sinasabi ng simpleng argumento ng Bibliya: “Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Gayunman, gaano man kahusay ang ating pangangatuwiran, hindi lahat ay makukumbinsi. Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya na yaong mga “wastong nakaayon” lamang ang magiging mananampalataya.—Gawa 13:48; 2 Tesalonica 3:2.
15. Anong paraan ng pangangatuwiran ang magagamit natin upang itampok ang mga katangian at mga paraan ni Jehova, at anong dalawang halimbawa ang nagpapakita kung paano natin magagamit ang gayong pangangatuwiran?
15 Sa ating pagtuturo, ito man ay sa ministeryo sa larangan o sa kongregasyon, makagagamit tayo ng lohikal na pangangatuwiran upang itampok ang mga katangian at mga paraan ni Jehova. Partikular nang mabisa ang ‘lalo pa ngang higit’ na paraan ng pangangatuwiran na paminsan-minsan ay ginagamit ni Jesus. (Lucas 11:13; 12:24) Yamang isinalig sa paghahambing, ang ganitong uri ng pangangatuwiran ay makagagawa ng matinding impresyon. Upang ilantad ang pagiging kakatwa ng doktrina ng apoy ng impiyerno, maaari nating sabihin: ‘Walang maibiging ama ang magpaparusa sa kaniyang anak sa pamamagitan ng pagdadarang sa kamay ng kaniyang anak sa apoy. Lalo pa ngang higit na kasuklam-suklam ang mismong ideya ng apoy ng impiyerno sa ating maibigin at makalangit na Ama!’ (Jeremias 7:31) Upang ituro na nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod, maaari nating sabihin: ‘Kung alam ni Jehova ang pangalan ng bawat isa sa bilyun-bilyong bituin, lalo pa ngang higit na magmamalasakit siya sa mga taong umiibig sa kaniya at binili sa pamamagitan ng napakahalagang dugo ng kaniyang Anak!’ (Isaias 40:26; Gawa 20:28) Ang gayong nakakakumbinsing pangangatuwiran ay makatutulong sa atin na maabot ang puso ng iba.
Angkop na mga Ilustrasyon
16. Bakit mahalaga ang mga ilustrasyon sa pagtuturo?
16 Ang mabibisang ilustrasyon ay mga pampalasa na magpapangyaring maging higit na kapana-panabik ang ating pagtuturo sa iba. Bakit mahalaga ang mga ilustrasyon sa pagtuturo? Isang tagapagturo ang nagsabi: “Ang kakayahang mag-isip nang walang nakalarawang basehan ay isa sa pinakamahirap na nagawa ng tao.” Ang mga ilustrasyon ay nagkikintal ng makahulugang mga larawan sa ating isip, anupat tumutulong sa atin na maunawaan pa nang lubos ang bagong mga ideya. Si Jesus ay namumukod-tangi sa kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon. (Marcos 4:33, 34) Isaalang-alang natin kung paano natin magagamit ang paraang ito ng pagtuturo.
17. Anong apat na salik ang nagpapangyaring maging mabisa ang isang ilustrasyon?
17 Ano ang nagpapangyaring maging mabisa ang isang ilustrasyon? Una, dapat na angkop ito sa ating tagapakinig, anupat gumagamit ng mga pangyayaring madaling maunawaan ng ating mga tagapakinig. Natatandaan natin na hinango ni Jesus ang marami sa kaniyang mga ilustrasyon mula sa araw-araw na pamumuhay ng kaniyang mga tagapakinig. Ikalawa, ang isang ilustrasyon ay dapat na makatuwirang tumugma sa punto na pinalilitaw. Kung ang paghahambing ay hindi angkop, makalilito lamang ang ilustrasyon sa ating mga tagapakinig. Ikatlo, ang ilustrasyon ay hindi dapat lakipan ng di-kinakailangang mga detalye. Alalahanin na inilaan ni Jesus ang kinakailangang mga detalye ngunit inalis ang mga hindi kailangan. Ikaapat, kapag gumagamit tayo ng ilustrasyon, dapat nating
tiyakin na malinaw ang pagkakapit nito. Kung hindi, baka hindi makuha ng ilan ang punto.18. Paano tayo makaiisip ng angkop na mga ilustrasyon?
18 Paano tayo makaiisip ng angkop na mga ilustrasyon? Hindi tayo kailangang mag-isip ng mahaba at madetalyeng mga kuwento. Ang maiikling ilustrasyon ay maaaring maging napakabisa. Sikapin lamang na mag-isip ng mga halimbawa hinggil sa puntong tinatalakay. Halimbawa, ipagpalagay nang tinatalakay natin ang paksa hinggil sa pagpapatawad ng Diyos, at nais nating ilarawan ang punto na itinatampok sa Gawa 3:19, kung saan sinasabi na ‘pinapawi,’ o binubura, ni Jehova ang ating mga pagkakamali. Iyan mismo ay isa nang malinaw na patalinghagang pananalita, ngunit anong aktuwal na halimbawa ang magagamit natin upang ilarawan ang punto—isang pambura? isang espongha? Maaari nating sabihin: ‘Kapag pinatatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan, binubura niya ang mga ito na sa wari ay gamit ang isang espongha (o isang pambura).’ Napakadaling unawain ang punto ng gayong simpleng ilustrasyon.
19, 20. (a) Saan tayo makasusumpong ng magagandang ilustrasyon? (b) Ano ang ilang halimbawa ng mabibisang ilustrasyon na inilathala sa ating literatura? (Tingnan din ang kahon.)
19 Saan ka makasusumpong ng angkop na mga ilustrasyon, lakip na ang mga halimbawa sa tunay na buhay? Hanapin ang mga ito sa iyong sariling buhay o sa iba’t ibang pinagmulan at karanasan ng mga kapananampalataya. Maaaring piliin ang mga ilustrasyon mula sa marami pang ibang mapagkukunan, kabilang na rito ang mga bagay na may buhay at walang buhay, mga gamit sa bahay, o isang katatapos na pangyayari na alam na alam sa komunidad. Ang susi sa paghanap ng magagandang ilustrasyon ay ang pagiging alisto, anupat “maingat na nagmamasid” sa araw-araw na mga kalagayang nasa paligid natin. (Gawa 17:22, 23) Isang reperensiyang akda hinggil sa pagsasalita sa madla ang nagpapaliwanag: “Ang tagapagsalitang nagmamasid sa buhay ng tao at sa iba’t ibang gawain nito, nakikipag-usap sa lahat ng uri ng tao, masusing nagsusuri sa mga bagay-bagay at nagtatanong hanggang sa maunawaan niya ang mga ito, ay makatitipon ng napakaraming paglalarawan na lubhang makatutulong sa kaniya kapag kinailangan.”
20 May isa pang saganang pinagkukunan ng mabibisang ilustrasyon—Ang Bantayan, Gumising!, at iba pang literaturang inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Marami kang matututuhan mula sa pagsusuri kung paano gumagamit ang mga publikasyong ito ng mga ilustrasyon. * Kuning halimbawa ang ilustrasyon na ginamit sa parapo 11 ng kabanata 17 sa aklat na Kaalaman. Inihahambing nito ang pagkakaiba-iba ng personalidad sa loob ng kongregasyon sa sari-saring sasakyang naglalakbay na kasabay mo sa daan. Bakit mabisa ito? Pansinin na batay ito sa mga nangyayari sa araw-araw, tugmang-tugma sa puntong pinalilitaw, at malinaw ang pagkakapit nito. Maaari tayong gumamit ng inilathalang mga ilustrasyon sa ating pagtuturo, anupat marahil ay ibinabagay ang mga ito sa mga pangangailangan ng isang estudyante sa Bibliya o binabago ang mga ito para magamit sa isang pahayag.
21. Anong mga gantimpala ang idinudulot ng pagiging mabisang guro ng Salita ng Diyos?
21 Ang mga gantimpala ng pagiging mabisang guro ay napakarami. Kapag nagtuturo tayo, nagbabahagi tayo sa iba; ibinabahagi natin ang ating sarili upang tulungan sila. Ang gayong pagbibigay ay nagdudulot ng kaligayahan, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Para sa mga guro ng Salita ng Diyos, ang kaligayahang ito ay ang kagalakang malaman na nagbabahagi tayo ng isang bagay na may tunay at namamalaging halaga—ang katotohanan tungkol kay Jehova. Matatamo rin natin ang kasiyahang dulot ng pagkaalam na tinutularan natin ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo.
[Mga talababa]
^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 9 Tingnan ang seksiyong “Mga Pambungad na Magagamit sa Ministeryo sa Larangan,” sa pahina 9-15.—Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 20 Upang makahanap ng mga halimbawa, tingnan ang Watch Tower Publications Index 1986-2000, sa ilalim ng “Illustrations.”—Inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa maraming wika.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo makapagtuturo nang simple kapag nagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya? kapag nagpapahayag sa kongregasyon?
• Paano natin mabisang magagamit ang mga tanong kapag nangangaral sa bahay-bahay?
• Paano natin magagamit ang lohikal na pangangatuwiran upang itampok ang mga katangian at mga paraan ni Jehova?
• Saan tayo makasusumpong ng angkop na mga ilustrasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Natatandaan Mo ba ang mga Ilustrasyong Ito?
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mabibisang ilustrasyon. Bakit hindi mo tingnan ang reperensiya at pansinin kung paano tumulong ang ilustrasyon upang palitawin ang puntong tinatalakay?
• Tulad ng mga sirkero sa trapeze o ng magkaparehang figure-skater, yaong mga nagnanais magtatag ng matagumpay na pag-aasawa ay umaasa nang malaki sa isang mahusay na kapareha.—Ang Bantayan, Mayo 15, 2001, pahina 16.
• Ang pagpapahayag ng iyong damdamin ay katulad ng paghahagis ng isang bola. Maihahagis mo ito nang marahan o maibabato mo ito nang napakalakas anupat makasasakit ito.—Gumising!, Enero 8, 2001, pahina 10.
• Ang pagkatutong magpamalas ng pag-ibig ay katulad ng pagkatuto ng isang bagong wika.—Ang Bantayan, Pebrero 15, 1999, pahina 18, 22-3.
• Gaya ng nakaukit na inskripsiyon sa bato, ang kasalanan ay malalim na iniukit sa genes ng ating unang mga magulang.—Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, pahina 58.
• Ang espiritismo ay ginagamit sa layunin ng mga demonyo kung paanong ang pain ay ginagamit sa layunin ng mga mangangaso. Umaakit ito ng mga biktima.—Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, pahina 111.
• Ang pagsagip ni Jesus sa mga inapo ni Adan ay maihahambing sa isang mayamang tagapagpala na nagbayad ng utang ng kompanya (na kagagawan ng isang di-tapat na manedyer) at muling nagpabukas sa pagawaan, sa gayo’y nakinabang ang maraming empleado nito.—Ang Bantayan, Pebrero 15, 1991, pahina 13.
• Kung paanong ang mga nagpapahalaga sa sining ay magsasakripisyo nang malaki upang maisauli sa dati ang lubhang napinsalang obra maestra, maaaring pagpaumanhinan ni Jehova ang ating di-kasakdalan, tingnan ang mabuti sa atin, at sa dakong huli ay isauli tayo sa sakdal na katayuan na naiwala ni Adan.—Ang Bantayan, Pebrero 15, 1990, pahina 21-2.
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang tunay na mga Kristiyano ay mga guro ng Salita ng Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Magagamit ng matatanda ang mga tanong upang tulungan ang mga kapananampalataya na magtamo ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos