“Walang Sinumang Tao ang Nakapagsalita Nang Tulad Nito”
“Walang Sinumang Tao ang Nakapagsalita Nang Tulad Nito”
“Silang lahat ay nagsimulang magbigay ng mabuting patotoo tungkol sa kaniya at mamangha sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.”—LUCAS 4:22.
1, 2. (a) Bakit ang mga opisyal na isinugo upang dakpin si Jesus ay bumalik na hindi siya dala? (b) Ano ang nagpapakita na hindi lamang ang mga opisyal ang humanga sa turo ni Jesus?
NABIGO ang mga opisyal sa kanilang misyon. Isinugo sila upang dakpin si Jesu-Kristo, subalit bumalik sila na hindi siya dala. Humingi ng paliwanag ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya dinala?” Oo, bakit nga ba hindi dinakip ng mga opisyal ang isang lalaki na hindi naman manlalaban? Nagpaliwanag ang mga opisyal: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” Sila’y lubhang humanga sa turo ni Jesus anupat hindi nila maatim na dakpin ang mapayapang taong ito. *—Juan 7:32, 45, 46.
2 Hindi lamang ang mga opisyal na iyon ang humanga sa turo ni Jesus. Sinasabi sa atin ng Bibliya na dumagsa ang napakaraming tao para lamang marinig siyang magsalita. Namangha ang kaniyang mga kababayan “sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.” (Lucas 4:22) Hindi lamang miminsan na nagsalita siya mula sa isang bangka sa napakaraming tao na nagkatipon sa baybayin ng Dagat ng Galilea. (Marcos 3:9; 4:1; Lucas 5:1-3) Minsan, “isang malaking pulutong” ang namalaging kasama niya sa loob ng ilang araw, kahit na nga walang makain.—Marcos 8:1, 2.
3. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit si Jesus ay isang namumukod-tanging guro?
3 Bakit naging namumukod-tanging guro si Jesus? Ang pag-ibig ang pangunahing dahilan. * Inibig ni Jesus ang mga katotohanang ipinabatid niya, at inibig niya ang mga taong tinuruan niya. Subalit si Jesus ay mayroon ding pambihirang kakayahan sa paggamit ng mabibisang paraan sa pagtuturo. Sa mga araling artikulo na lumabas sa isyung ito, tatalakayin natin ang ilan sa mabibisang paraan na ginamit niya at kung paano natin matutularan ang mga ito.
Pagiging Simple at Malinaw
4, 5. (a) Bakit gumamit si Jesus ng simpleng pananalita sa kaniyang pagtuturo, at ano ang kapansin-pansin sa bagay na gayon ang kaniyang ginawa? (b) Paanong ang Sermon sa Bundok ay isang halimbawa ng pagiging simple ng pagtuturo ni Jesus?
4 Karaniwan na sa mga may mataas na pinag-aralan ang paggamit ng mga salitang hindi abot ng isip ng kanilang mga tagapakinig. Subalit kung hindi maiintindihan ng iba ang ating sinasabi, paano sila makikinabang sa ating kaalaman? Bilang isang guro, si Jesus ay hindi kailanman nagsalita sa paraang hindi abot ng isip ng iba. Isip-isipin na lamang ang lawak ng kaniyang bokabularyo na maaari sana niyang gamitin. Gayunman, sa kabila ng kaniyang napakalawak na kaalaman, isinaalang-alang niya ang kaniyang mga tagapakinig, hindi ang kaniyang sarili. Alam niya na marami sa kanila ang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Upang maunawaan nila, gumamit siya ng pananalita na maiintindihan ng gayong mga tao. Maaaring simple nga ang mga salita, ngunit malalalim naman ang mga katotohanang ipinababatid ng mga ito.
5 Kuning halimbawa ang Sermon sa Bundok, na nakaulat sa Mateo 5:3–7:27. Marahil ay 20 minuto lamang ang ginugol ni Jesus upang ipahayag ang sermon na iyon. Gayunman, ang mga turo nito ay malalalim, anupat tumatalakay sa pinakaugat ng mga bagay-bagay tulad ng pangangalunya, diborsiyo, at materyalismo. (Mateo 5:27-32; 6:19-34) Gayunman, wala itong masasalimuot o matatayog na pananalita. Sa katunayan, halos walang salita na hindi kaagad maiintindihan maging ng isang bata! Hindi nga nakapagtataka na nang matapos siya, ang mga pulutong—malamang na kabilang ang maraming magsasaka, pastol, at mangingisda—‘ay lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo’!—Mateo 7:28.
6. Magbigay ng halimbawa kung paano bumigkas si Jesus ng mga kasabihan na simple ngunit lubhang makahulugan.
6 Sa malimit na paggamit ng malilinaw at maiikling parirala, bumigkas si Jesus ng mga kasabihan na simple ngunit lubhang makahulugan. Kaya bago pa ang panahon ng nakalimbag na mga aklat, waring nailimbag na niya nang permanente ang kaniyang mensahe sa isip at puso ng kaniyang mga tagapakinig. Pansinin ang ilang halimbawa: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; . . . hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.” “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” * (Mateo 6:24; 7:1, 20; 9:12; 26:52; Marcos 12:17; Gawa 20:35) Hanggang sa kasalukuyan, halos 2,000 taon na matapos bigkasin ni Jesus ang mga ito, ang gayong mapuwersang mga kasabihan ay madali pa ring maalaala.
Paggamit ng mga Tanong
7. Bakit nagbangon si Jesus ng mga tanong?
7 Kapansin-pansin ang paggamit ni Jesus ng mga tanong. Madalas niyang gawin ito kahit na mas makatitipid sana ng panahon kung sasabihin na lamang niya ang punto sa kaniyang mga tagapakinig. Kung gayon, bakit pa siya nagtatanong? Paminsan-minsan, gumagamit siya ng mapanuring mga tanong upang ilantad ang mga motibo ng kaniyang mga mananalansang, sa gayon ay napapatahimik sila. (Mateo 12:24-30; 21:23-27; ) Gayunman, sa maraming pagkakataon, gumugol ng panahon si Jesus para magtanong upang maipabatid ang katotohanan, upang tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na ipahayag ang nasa puso nila, at upang pasiglahin at sanayin ang pag-iisip ng mga alagad. Suriin natin ang dalawang halimbawa, na kapuwa nagsasangkot kay apostol Pedro. 22:41-46
8, 9. Paano gumamit si Jesus ng mga tanong upang tulungan si Pedro na sumapit sa tamang konklusyon hinggil sa pagbabayad ng buwis sa templo?
8 Una, alalahanin ang pagkakataon nang tanungin ng mga maniningil ng buwis si Pedro kung nagbabayad si Jesus ng buwis sa templo. * Si Pedro, palibhasa’y padalus-dalos kung minsan, ay sumagot ng, “Oo.” Gayunman, pagkaraan ng ilang saglit, nakipagkatuwiranan si Jesus sa kaniya: “ ‘Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng mga impuwesto o pangulong buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa kanilang mga anak o mula sa ibang mga tao?’ Nang sabihin niyang: ‘Mula sa ibang mga tao,’ sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Kung gayon nga, ang mga anak ay libre sa buwis.’ ” (Mateo 17:24-27) Ang punto ng mga tanong ni Jesus ay dapat na naging malinaw kay Pedro. Bakit?
9 Noong panahon ni Jesus, ang mga miyembro ng pamilya ng mga monarka ay kilalang libre sa buwis. Samakatuwid, bilang bugtong na Anak ng makalangit na Hari na sinasamba sa templo, si Jesus ay hindi dapat obligahin na magbayad ng buwis. Pansinin na sa halip na sabihin na lamang kay Pedro ang tamang sagot, mabisa ngunit mahinahong ginamit ni Jesus ang mga tanong upang tulungan si Pedro na sumapit sa tamang konklusyon—at marahil upang makita na kailangan munang mag-isip nang mabuti bago magsalita.
10, 11. Paano tumugon si Jesus nang tagpasin ni Pedro ang tainga ng isang lalaki noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., at paano nito ipinakikita na naunawaan ni Jesus ang kahalagahan ng mga tanong?
10 Ang ikalawang halimbawa ay may kinalaman sa pangyayaring naganap noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E. nang dumating ang mga mang-uumog upang dakpin si Jesus. Itinanong ng mga alagad kay Jesus kung lalaban ba sila upang ipagtanggol siya. (Lucas 22:49) Hindi na hinintay ang sagot, tinagpas ni Pedro sa pamamagitan ng tabak ang tainga ng isang lalaki (bagaman posible na nilayon ni Pedro na magdulot ng mas malubhang pinsala). Si Pedro ay kumilos nang salungat sa kalooban ng kaniyang panginoon, sapagkat handang-handa na si Jesus na isuko ang kaniyang sarili. Paano tumugon si Jesus? Palibhasa’y laging mapagpasensiya, tinanong niya nang tatlong beses si Pedro: “Ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama, hindi ko ba ito dapat inuman?” “Iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel? Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?”—Juan 18:11; Mateo 26:52-54.
11 Pag-isipan sandali ang ulat na ito. Alam ni Jesus, na napaliligiran ng galít na mga mang-uumog, na malapit na siyang mamatay at na ang paglilinis sa pangalan ng kaniyang Ama at ang kaligtasan ng pamilya ng tao ay nakaatang sa kaniyang balikat. Gayunman, gumugol pa rin siya ng panahon nang sandaling iyon upang ikintal sa isip ni Pedro ang mahahalagang katotohanan sa pamamagitan ng mga tanong. Hindi ba’t maliwanag na nauunawaan ni Jesus ang kahalagahan ng mga tanong?
Malinaw na Hyperbole
12, 13. (a) Ano ang hyperbole? (b) Paano ginamit ni Jesus ang hyperbole upang idiin ang kamangmangan ng pagpintas sa maliliit na pagkakamali ng ating mga kapatid?
12 Sa kaniyang ministeryo, madalas gamitin ni Jesus ang isa pang mabisang paraan ng pagtuturo—ang hyperbole. Ito ay isang sinadyang pagpapalabis sa layuning magdiin. Sa pamamagitan ng hyperbole, lumikha si Jesus ng mga larawan sa isipan na mahirap malimutan. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.
13 Sa Sermon sa Bundok, nang idiin ang pangangailangang ‘huwag nang humatol’ sa iba, sinabi ni Jesus: “Bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?” (Mateo 7:1-3) Nakikini-kinita mo ba ang eksena? Nag-aalok ang isang pintasero na alisin ang isa lamang dayami sa “mata” ng kaniyang kapatid. Maaaring inaangkin ng kritiko na hindi malinaw na nakikita ng kaniyang kapatid ang mga bagay-bagay kung kaya hindi ito makapagbigay ng kaayaayang mga hatol. Ngunit ang mismong kakayahang humatol ng kritiko ay nahahadlangan ng isang “tahilan”—isang troso o biga na magagamit na pansuhay sa isang bubong. Tunay ngang isang di-malilimutang paraan ng pagdiriin kung gaano kamangmang na pintasan ang maliliit na pagkakamali ng ating mga kapatid gayong tayo mismo ay may malalaking pagkakamali!
14. Bakit ang mga salita ni Jesus hinggil sa pagsala sa niknik at paglulon sa kamelyo ay higit pang mapuwersang hyperbole?
14 Minsan naman, tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo bilang “mga bulag na tagaakay, na sumasala ng niknik ngunit lumululon ng kamelyo.” (Mateo 23:24) Ito ay isang napakapuwersang paggamit ng hyperbole. Bakit? Ang pagkakaiba ng munting niknik at ng kamelyo, na isa sa pinakamalaking hayop na kilala ng mga tagapakinig ni Jesus, ay kitang-kita. Tinatayang kakailanganin ang 70 milyong niknik upang makatumbas ang bigat ng isang kamelyo na katamtaman ang laki! Gayundin, alam ni Jesus na sinasala ng mga Pariseo ang kanilang alak sa pamamagitan ng telang panala. Ginagawa iyon ng mga metikuloso sa mga alituntunin upang maiwasang malulon ang isang niknik at sa gayon ay maging marumi sa seremonyal na paraan. Gayunman, makasagisag nilang nilululon ang kamelyo, na marumi rin naman. (Levitico 11:4, 21-24) Maliwanag ang punto ni Jesus. May pagkametikulosong sinusunod ng mga Pariseo ang pinakamaliit sa mga kahilingan ng Kautusan, subalit ipinagwawalang-bahala naman nila ang mas mabibigat na bagay—ang “katarungan at awa at katapatan.” (Mateo 23:23) Kaylinaw na nailantad ni Jesus ang kanilang tunay na pagkatao!
15. Ano ang ilang aral na itinuro ni Jesus sa pamamagitan ng paggamit ng hyperbole?
15 Sa buong ministeryo niya, si Jesus ay malimit gumamit ng hyperbole. Isaalang-alang ang ilang halimbawa. Ang “pananampalataya na kasinlaki ng [munting] butil ng mustasa” na makapaglilipat ng bundok—wala nang mas mabisang paraan upang maidiin ni Jesus na maging ang kakaunting pananampalataya ay malaki ang magagawa. (Mateo 17:20) Isang napakalaking kamelyo na nagpipilit makalusot sa butas ng panahing karayom—kay-inam ngang inilalarawan nito ang hirap na napapaharap sa isang mayaman na nagpipilit maglingkod sa Diyos samantalang nagpapatuloy naman sa isang materyalistikong istilo ng pamumuhay! (Mateo 19:24) Hindi ka ba humahanga sa buháy na buháy na mga patalinghagang pananalita ni Jesus at sa kaniyang kakayahan na matamo ang pinakamalaking epekto sa pinakakaunting salita?
Di-mapabubulaanang Lohika
16. Laging ginagamit ni Jesus ang kaniyang angking talino sa anong paraan?
16 Dahil sa kaniyang sakdal na isip, si Jesus ay naging dalubhasa sa lohikal na pakikipagkatuwiranan sa mga tao. Gayunman, hindi niya kailanman ginamit sa maling paraan ang kakayahang ito. Sa kaniyang pagtuturo, lagi niyang ginagamit ang kaniyang angking talino upang itaguyod ang katotohanan. May mga pagkakataon na gumamit siya ng matitinding lohika upang pabulaanan ang maling mga paratang ng kaniyang mga relihiyosong mananalansang. Maraming beses siyang gumamit ng lohikal na pangangatuwiran upang turuan ang kaniyang mga alagad ng mahahalagang aral. Suriin natin ang napakahusay na kakayahan ni Jesus sa paggamit ng lohika.
17, 18. Anong matinding lohika ang ginamit ni Jesus upang pabulaanan ang maling paratang ng mga Pariseo?
17 Isaalang-alang ang pagkakataon nang pagalingin ni Jesus ang isang bulag at di-makapagsalitang lalaki na inaalihan ng demonyo. Nang mabalitaan ito, sinabi ng mga Pariseo: “Hindi pinalalayas ng taong ito ang mga demonyo malibang sa pamamagitan ni Beelzebub [si Satanas], ang tagapamahala ng mga demonyo.” Pansinin na inamin ng mga Pariseo na kinailangan Mateo 12:22-26) Sa diwa ay sinasabi ni Jesus: ‘Kung ako, gaya ng sabi ninyo, ay kinatawan ni Satanas, anupat pinawawalang-saysay ang ginawa ni Satanas, kung gayon ay kinokontra ni Satanas ang kaniyang sariling hangarin at di-magtatagal ay babagsak siya.’ Matinding lohika, hindi ba?
ang kapangyarihang nakahihigit sa tao upang mapalayas ang mga demonyo ni Satanas. Gayunman, upang hindi maniwala ang mga tao kay Jesus, sinabi nila na galing kay Satanas ang kaniyang kapangyarihan. Upang ipakita na hindi nila lubusang pinag-isipan ang kanilang argumento hanggang sa lohikal na konklusyon nito, sumagot si Jesus: “Bawat kaharian na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay sumasapit sa pagkatiwangwang, at bawat lunsod o sambahayan na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi tatayo. Sa gayunding paraan, kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, nababahagi siya laban sa kaniyang sarili; paano, kung gayon, tatayo ang kaniyang kaharian?” (18 Pagkatapos ay nangatuwiran pa si Jesus hinggil sa bagay na ito. Batid niya na ang ilan sa mga miyembro ng mga Pariseo ay nagpalayas ng mga demonyo. Kaya naman, nagbangon siya ng isang simple ngunit napakatinding tanong: “Kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino pinalalayas sila ng inyong mga anak [o mga alagad]?” (Mateo 12:27) Sa diwa, ang argumento ni Jesus ay ganito: ‘Kung ako ay talagang nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, kung gayon ang inyong mga alagad ay malamang na kumikilos din sa ilalim ng kapangyarihang ito.’ Ano ang masasabi ng mga Pariseo? Hindi nila kailanman aaminin na kumikilos ang kanilang mga alagad sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa pamamagitan ng di-mapabubulaanang lohika, pinawalang-saysay ni Jesus ang kanilang paratang laban sa kaniya.
19, 20. (a) Sa anong nakapagpapatibay na paraan ginamit ni Jesus ang lohika? (b) Paano ginamit ni Jesus ang ‘lalo pa ngang higit’ na paraan ng pangangatuwiran nang tugunin ang kahilingan ng kaniyang mga alagad na turuan sila kung paano manalangin?
19 Bukod sa paggamit ng lohika upang patahimikin ang kaniyang mga mananalansang, gumamit din si Jesus ng lohikal at mapanghikayat na mga argumento upang magturo ng nakapagpapatibay at nakapagpapasiglang mga katotohanan tungkol kay Jehova. Ilang beses din siyang gumamit ng matatawag na ‘lalo pa ngang higit’ na paraan ng pangangatuwiran, anupat tinutulungan ang kaniyang mga tagapakinig na sumulong mula sa pamilyar na katotohanan tungo sa higit pang pananalig. Suriin natin ang kahit dalawang halimbawa lamang.
20 Nang tugunin ang kahilingan ng kaniyang mga alagad na turuan sila kung paano manalangin, inilahad ni Jesus ang ilustrasyon hinggil sa isang lalaki na dahil sa “may-tapang na pagpupumilit” nito ay nahikayat sa wakas ang tumatangging kaibigan na ipagkaloob ang kaniyang kahilingan. Inilarawan din ni Jesus ang pagiging handa ng mga magulang na “magbigay ng mabubuting kaloob” sa kanilang mga anak. Pagkatapos ay ganito ang kaniyang pagtatapos: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:1-13) Ang puntong pinalitaw ni Jesus ay batay, hindi sa pagkakatulad, kundi sa pagkakaiba. Kung ang isang tumatangging kaibigan ay mahihikayat sa wakas na tugunin ang pangangailangan ng kaniyang kapuwa, at kung ang di-sakdal na mga magulang ay mangangalaga sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak, lalo pa ngang higit na ipagkakaloob ng ating maibiging makalangit na Ama ang banal na espiritu sa kaniyang matapat na mga lingkod na mapagpakumbabang lumalapit sa kaniya sa panalangin!
21, 22. (a) Anong pangangatuwiran ang ginamit ni Jesus nang magpayo siya hinggil sa pagharap sa kabalisahan sa materyal na mga bagay? (b) Matapos repasuhin ang ilan sa mga paraan ng pagtuturo ni Jesus, ano ang masasabi natin?
21 Gumamit ng gayunding pangangatuwiran si Jesus nang magpayo siya hinggil sa pagharap sa kabalisahan Lucas 12:24, 27, 28) Oo, kung inaalagaan ni Jehova ang mga ibon at mga bulaklak, lalo pa ngang higit na aalagaan niya ang kaniyang mga lingkod! Ang gayong magiliw ngunit matinding pangangatuwiran ay walang alinlangang nakaantig sa puso ng mga tagapakinig ni Jesus.
sa materyal na mga bagay. Sinabi niya: “Pansinin ninyong mabuti na ang mga uwak ay hindi naghahasik ng binhi ni gumagapas, at wala silang bangan ni kamalig man, at gayunma’y pinakakain sila ng Diyos. Gaano pa ngang higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ibon? Pansinin ninyong mabuti kung paanong tumutubo ang mga liryo; hindi sila nagpapagal ni nag-iikid . . . Kung dinaramtan nga ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang na umiiral ngayon at bukas ay inihahagis sa pugon, lalo pa ngang higit na daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya!” (22 Matapos repasuhin ang ilan sa mga paraan ng pagtuturo ni Jesus, madali nating masasabi na ang mga opisyal na nabigong dumakip sa kaniya ay hindi talaga nagpapalabis nang sabihin nila: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” Ngunit ang paraan ng pagtuturo na marahil ay doon kilalang-kilala si Jesus ay ang paggamit ng mga ilustrasyon, o mga talinghaga. Bakit niya ginamit ang ganitong pamamaraan? At bakit naging napakabisa ng kaniyang mga ilustrasyon? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 1 Ang mga opisyal ay malamang na mga kinatawan ng Sanedrin at nasa ilalim ng awtoridad ng mga punong saserdote.
^ par. 3 Tingnan ang mga artikulong “Nagbigay Ako ng Parisan Para sa Inyo” at “Sundan Ninyo Ako Nang Patuluyan,” sa Agosto 15, 2002, na isyu ng Ang Bantayan.
^ par. 6 Ang huling halaw na ito, na masusumpungan sa Gawa 20:35, ay sinipi lamang ni apostol Pablo, bagaman ang diwa ng mga salitang iyon ay masusumpungan sa mga Ebanghelyo. Maaaring narinig lamang ni Pablo ang pananalitang iyon (mula sa isang alagad na nakarinig na sinabi iyon ni Jesus o kaya’y mula sa binuhay-muling si Jesus) o sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng Diyos.—Gawa 22:6-15; 1 Corinto 15:6, 8.
^ par. 8 Ang mga Judio ay hinihilingang magbayad ng taunang buwis sa templo na dalawang drakma (mga dalawang araw na suweldo). Ang salaping buwis ay ginagamit na pambayad sa pagmamantini ng templo, sa serbisyong ginagawa roon, at sa araw-araw na mga hain na inihahandog alang-alang sa bansa.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong mga halimbawa ang nagpapakita na si Jesus ay nagturo nang simple at malinaw?
• Bakit gumamit si Jesus ng mga tanong sa kaniyang pagtuturo?
• Ano ang hyperbole, at paano ginamit ni Jesus ang paraang ito ng pagtuturo?
• Paano gumamit si Jesus ng lohikal na pangangatuwiran upang turuan ang kaniyang mga alagad ng nakapagpapasiglang mga katotohanan tungkol kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Gumamit si Jesus ng simpleng pananalita na maiintindihan ng pangkaraniwang mga tao
[Larawan sa pahina 10]
‘Sinala ng mga Pariseo ang niknik ngunit nilulon ang kamelyo’