Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Septuagint”—Kapaki-pakinabang Noon at Ngayon

Ang “Septuagint”—Kapaki-pakinabang Noon at Ngayon

Ang “Septuagint”​—Kapaki-pakinabang Noon at Ngayon

ISANG maimpluwensiyang tao mula sa Etiopia ang naglalakbay pauwi mula sa Jerusalem. Habang naglalakbay sa disyertong daan sakay ng kaniyang karwahe, binabasa niya nang malakas ang isang balumbong panrelihiyon. Ang paliwanag sa mga salita na kaniyang nabasa ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa kaniya anupat nagbago ang kaniyang buhay mula nang oras na iyon. (Gawa 8:26-38) Binabasa ng lalaki ang Isaias 53:7, 8 mula sa kauna-unahang salin ng Bibliya​—ang Griegong Septuagint. Ang akdang ito ay gumanap ng napakahalagang papel sa pagpapalaganap ng mensahe ng Bibliya sa nakalipas na mga siglo anupat tinawag itong isang salin ng Bibliya na bumago sa daigdig.

Kailan at sa ilalim ng anong mga kalagayan inihanda ang Septuagint? Bakit kinailangan ang gayong salin? Naging gaano kahalaga ito sa nakalipas na mga siglo? Kung mayroon man, ano ang maituturo sa atin sa ngayon ng Septuagint?

Ginawa Para sa mga Judio na Nagsasalita ng Griego

Noong 332 B.C.E., nang magmartsa si Alejandrong Dakila patungo sa Ehipto matapos wasakin ang lunsod ng Tiro sa Fenicia, siya ay sinalubong bilang isang tagapagligtas. Doon ay itinatag niya ang lunsod ng Alejandria, ang sentro ng kaalaman sa sinaunang daigdig. Sa pagnanais na palaganapin ang kulturang Griego sa mga tao na naninirahan sa nalupig na mga lupain, ipinagamit ni Alejandro ang karaniwang Griego (Koine) sa buong nasasakupan ng kaniyang malawak na kaharian.

Noong ikatlong siglo B.C.E., nagkaroon ang Alejandria ng malaking populasyon ng mga Judio. Maraming Judio na nanirahan sa nakakalat na mga kolonya sa labas ng Palestina, pagkatapos ng kanilang pagkakatapon sa Babilonya, ang lumipat sa Alejandria. Gaano kahusay ang mga Judiong ito sa wikang Hebreo? Ganito ang sabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Alam ng marami na matapos bumalik ang mga Judio mula sa pagkakabihag sa Babilonya, palibhasa’y marami na silang hindi nalalaman sa pamilyar na kaalaman sa sinaunang Hebreo, ang mga pagbasa sa mga aklat ni Moises sa mga sinagoga sa Palestina ay ipinaliwanag sa kanila sa wikang Caldeo . . . Ang mga Judio sa Alejandria ay malamang na lalo nang mas kaunti ang kaalaman sa Hebreo; ang kanilang pamilyar na wika ay ang Griegong Alejandrino.” Maliwanag na angkop ang kalagayan sa Alejandria para sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Griego.

Si Aristobulus, isang Judio na nabuhay noong ikalawang siglo B.C.E., ay sumulat na isang bersiyon ng kautusang Hebreo ang isinalin sa Griego at natapos noong naghahari si Ptolemy Philadelphus (285-246 B.C.E.). Iba-iba ang palagay sa ibig sabihin ni Aristobulus ng “kautusan.” Ipinalalagay ng iba na ang tinutukoy lamang niya ay ang Pentateuch, samantalang sinasabi naman ng iba na maaaring ang nasa isip niya ay ang buong Hebreong Kasulatan.

Anuman ang tinutukoy niya, ayon sa tradisyon, mga 72 iskolar na Judio ang kasangkot sa naunang nasusulat na saling iyon ng Kasulatan mula sa Hebreo tungo sa Griego. Nang maglaon, ang humigit-kumulang na bilang na 70 ay nagsimulang gamitin. Kaya, ang bersiyon ay tinawag na Septuagint, ang ibig sabihin ay “70,” at tinukoy na LXX, ang Romanong numero para sa 70. Sa pagtatapos ng ikalawang siglo B.C.E., ang lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan ay mababasa na sa Griego. Kaya, ang pangalang Septuagint ang naging katawagan sa buong Hebreong Kasulatan na isinalin sa Griego.

Kapaki-pakinabang Noong Unang Siglo

Ang Septuagint ay ginamit nang malawakan ng mga Judio na nagsasalita ng Griego bago at noong panahon ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol. Marami sa mga Judio at mga proselita na nagkatipon sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ang nagmula sa distrito ng Asia, Ehipto, Libya, Roma, at Creta​—mga lugar na kung saan ang mga tao ay nagsasalita ng Griego. Walang alinlangan na nakaugalian nilang magbasa mula sa Septuagint. (Gawa 2:9-11) Kaya ang bersiyong ito ay talagang maimpluwensiya sa pagpapalaganap ng mabuting balita noong unang siglo.

Halimbawa, nang nakikipag-usap sa mga lalaki mula sa Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia, sinabi ng alagad na si Esteban: “Nagsugo si Jose at tinawag si Jacob na kaniyang ama at ang lahat ng kaniyang mga kamag-anak mula sa dakong iyon [ng Canaan], na may bilang na pitumpu’t limang kaluluwa.” (Gawa 6:8-10; 7:12-14) Ang tekstong Hebreo sa Genesis kabanata 46 ay nagsasabi na ang bilang ng mga kamag-anak ni Jose ay pitumpu. Ngunit ginamit ng Septuagint ang bilang na pitumpu‘t lima. Lumilitaw na sumipi si Esteban mula sa Septuagint.​Genesis 46:20, 26, 27, talababa. *

Habang naglalakbay si apostol Pablo sa buong Asia Minor at Gresya noong kaniyang ikalawa at ikatlong paglalakbay bilang misyonero, nangaral siya sa maraming Gentil na natatakot sa Diyos at sa “mga Griego na sumasamba sa Diyos.” (Gawa 13:16, 26; 17:4) Ang mga taong ito ay natutong matakot sa Diyos o sumamba sa kaniya dahil nakapagtamo sila ng ilang kaalaman tungkol sa kaniya mula sa Septuagint. Sa pangangaral sa mga taong ito na nagsasalita ng Griego, madalas na sipiin o bigyang-kahulugan ni Pablo ang mga bahagi ng saling iyon.​—Genesis 22:18, talababa ng Ref. Bi.; Galacia 3:8.

Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naglalaman ng 320 tuwirang pagsipi at marahil ay 890 pinagsama-samang kabuuang pagsipi at pagtukoy mula sa Hebreong Kasulatan. Karamihan sa mga ito ay salig sa Septuagint. Bunga nito, ang mga pagsipi mula sa saling iyon at hindi yaong mula sa mga manuskritong Hebreo ang naging bahagi ng kinasihang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Napakahalaga ngang bagay nito! Inihula ni Jesus na ang mabuting balita ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Upang maisakatuparan ito, pahihintulutan ni Jehova na maisalin ang kaniyang kinasihang Salita sa iba’t ibang wika na binabasa ng mga tao sa buong daigdig.

Kapaki-pakinabang sa Ngayon

Ang Septuagint ay nananatiling mahalaga sa ngayon at ginagamit na pantulong upang mailantad ang mga pagkakamali ng mga tagakopya na maaaring di-namalayang nakapasok sa mga manuskritong Hebreo na kinopya nang dakong huli. Halimbawa, mababasa sa ulat ng Genesis 4:8: “Pagkatapos ay sinabi ni Cain kay Abel na kaniyang kapatid: [‘Pumaroon tayo sa parang.’] Kaya nangyari, nang sila ay nasa parang, dinaluhong ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at pinatay niya ito.”

Ang may panaklong na sugnay na “pumaroon tayo sa parang” ay hindi masusumpungan sa mga manuskritong Hebreo na mula pa noong ikasampung siglo C.E. Gayunman, ito ay kalakip sa mas matatandang manuskrito ng Septuagint at sa ilang iba pang sinaunang mga reperensiya. Lumilitaw sa tekstong Hebreo sa mga manuskritong iyon ang karaniwang panimulang salita, ngunit wala ang mga salita na sinabi mismo ni Cain. Ano ang maaaring nangyari? Ang Genesis 4:8 ay naglalaman ng dalawang magkasunod na sugnay na nagtatapos sa pananalitang “(na)sa parang.” Ganito ang iminumungkahi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Ang mata ng Hebreong tagakopya ay malamang na nalito sa [iisang] salita . . . na tumatapos sa dalawang sugnay na iyon.” Kaya maaaring nalampasan ng tagakopya ang naunang paglitaw ng sugnay na nagtatapos sa pananalitang “sa parang.” Maliwanag, ang Septuagint, gayundin ang ibang mas matandang mga manuskrito na umiiral pa, ay magagamit upang tukuyin ang mga pagkakamali sa mas nahuling mga kopya ng tekstong Hebreo.

Sa kabilang panig, ang mga kopya ng Septuagint ay maaaring may pagkakamali rin, at kung minsan ay ginagamit ang tekstong Hebreo sa pagwawasto ng tekstong Griego. Kaya, ang paghahambing ng mga manuskritong Hebreo sa Griego at sa mga salin ng ibang wika ay nagiging dahilan upang matuklasan ang mga pagkakamali sa pagsasalin gayundin ang mga pagkakamali ng mga tagakopya at matiyak sa atin na tumpak ang pagkakasalin sa Salita ng Diyos.

Ang kumpletong mga kopya ng Septuagint na umiiral sa ngayon ay mula pa noong ikaapat na siglo C.E. Ang gayong mga manuskrito at ang mas nahuling mga kopya ay hindi naglalaman ng banal na pangalang Jehova, na kinakatawan sa Hebreo ng Tetragrammaton (YHWH). Ipinalit ng mga kopyang ito ang mga salitang Griego para sa “Diyos” at “Panginoon” saanma’t lumilitaw ang Tetragrammaton sa tekstong Hebreo. Gayunman, may natuklasan sa Palestina mga 50 taon na ang nakalilipas na nagbigay-liwanag sa bagay na ito. Isang pangkat na naggagalugad ng mga kuweba malapit sa kanlurang baybayin ng Dagat na Patay ang nakatuklas ng mga piraso ng sinaunang katad na balumbon ng 12 propeta (Oseas hanggang Malakias) na isinulat sa Griego. Ang mga akdang ito ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Sa mas naunang mga pirasong ito, ang Tetragrammaton ay hindi pinalitan ng mga salitang Griego para sa “Diyos” at “Panginoon.” Kaya, ang paggamit ng banal na pangalan sa naunang mga bersiyon ng Septuagint sa Kasulatan ay napatunayan.

Noong 1971 ay inilabas upang ilathala ang mga piraso ng sinaunang balumbong papiro (Fouad 266 papyri). Ano ang isinisiwalat ng mga bahaging ito ng Septuagint, na mula pa noong ikalawa o unang siglo B.C.E.? Ang banal na pangalan ay naingatan din sa mga balumbong ito. Ang mas naunang mga pirasong ito ng Septuagint ay nagbibigay ng matibay na ebidensiya na alam at ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo ang pangalan ng Diyos.

Sa ngayon, ang Bibliya ang pinakamalawak na naisaling aklat sa kasaysayan. Mahigit na 90 porsiyento ng pamilya ng tao ang nakababasa ng kahit na bahagi lamang nito sa kanilang sariling wika. Tayo ay partikular na nagpapasalamat sa isang tumpak at makabagong-wikang salin, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na makukuha na ngayon sa kabuuan o sa bahagi nito sa mahigit na 40 wika. Ang New World Translation of the Holy Scriptures​—With References ay naglalaman ng daan-daang talababa na tumutukoy sa Septuagint at sa iba pang sinaunang mga manuskrito. Tunay nga, ang Septuagint ay nananatiling kapana-panabik at kapaki-pakinabang sa mga estudyante ng Bibliya sa ating panahon.

[Talababa]

^ par. 11 New World Translation of the Holy Scriptures​With References

[Larawan sa pahina 26]

Ipinaliwanag ng alagad na si Felipe ang isang teksto na binasa mula sa “Septuagint”

[Mga larawan sa pahina 29]

Si apostol Pablo ay madalas na sumipi mula sa “Septuagint”