Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Inaakay Niya Ako sa Tahimik na Batisan”

“Inaakay Niya Ako sa Tahimik na Batisan”

“Inaakay Niya Ako sa Tahimik na Batisan”

SA MAINIT na klima ng mga lupain noong panahon ng Bibliya, ang mga tupa ay kailangang uminom araw-araw. Kaya, ang isang mahalagang bahagi ng gawain ng isang pastol ay maglaan ng tubig para sa kaniyang kawan. Kung minsan ay mula sa isang balon ang ipinaiinom ng mga pastol sa kanilang mga kawan, anupat ibinubuhos ang tubig sa mga labangan upang makainom ang mga tupa. (Genesis 29:1-3) Gayunman, lalo na sa panahon ng tag-ulan, ang lugar sa gilid ng maliliit na batis at ilog ay naglalaan ng payapa at ‘natutubigang mainam na mga pahingahang-dako.’​—Awit 23:2.

Dapat na alam ng isang mahusay na pastol kung saan makasusumpong kapuwa ng tubig at angkop na pastulan para sa kaniyang kawan. Ang kaniyang pagiging lubos na pamilyar sa isang lugar ay gumagarantiya na mananatiling buháy ang kaniyang mga tupa. Inihambing ni David, na gumugol ng maraming taon sa pag-aalaga ng mga tupa sa mga burol ng Judea, ang espirituwal na patnubay ng Diyos sa isang pastol na umaakay sa kaniyang mga tupa sa maiinam na pastulan at sa nagbibigay-buhay na tubig. “Inaakay niya ako sa tahimik na batisan,” ang sabi ni David ayon sa isang salin.​—Awit 23:1-3, Magandang Balita Biblia.

Pagkalipas ng maraming taon ay ginamit ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel, ang katulad na ilustrasyon. Nangako siya na titipunin niya ang kaniyang bayan mula sa mga lupain na kanilang pinangalatan, kung paanong tinitipon ng isang pastol ang kaniyang mga tupa. “Dadalhin ko sila sa kanilang lupa at pakakainin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga batis,” ang tiniyak niya sa kanila.​—Ezekiel 34:13.

Ang Diyos na Jehova ay lubha ring nababahala sa paglalaan ng espirituwal na tubig. Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang “isang ilog ng tubig ng buhay” na umaagos mula sa trono ng Diyos. (Apocalipsis 22:1) Ang paanyaya na uminom mula sa ilog na ito ay ipinaaabot sa lahat ng tao. Ang “sinumang nagnanais ay [maaaring] kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”​—Apocalipsis 22:17.

Ang makasagisag na tubig ng buhay na ito ay kumakatawan sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa buhay na walang hanggan. Ang sinuman ay maaaring magsimulang uminom mula sa gayong tubig sa pamamagitan ng ‘pagkuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos at sa isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’​—Juan 17:3.