Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”

“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”

“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”

“Kailangang magbigay [tayo] ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.”​—HEBREO 2:1.

1. Ilarawan kung paano maaaring umakay sa kapahamakan ang pagkagambala.

ANG mga aksidente sa kotse ay pumapatay ng mga 37,000 katao taun-taon sa Estados Unidos lamang. Sinasabi ng mga eksperto na naiwasan sana ang marami sa mga kamatayang ito kung ang mga drayber ay nagbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa daan. Ang ilang motorista ay nagagambala ng mga karatula o ng paggamit ng kanilang cell phone. Nariyan din ang mga nagsasagawa ng tinatawag na dashboard dining​—pagkain habang sila’y nagmamaneho. Sa lahat ng situwasyong ito, ang pagkagambala ay maaaring humantong sa kapahamakan.

2, 3. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, at bakit naaangkop ang kaniyang payo?

2 Halos 2,000 taon bago naimbento ang kotse, binanggit ni apostol Pablo ang isang uri ng pagkagambala na talagang kapaha-pahamak sa ilang Hebreong Kristiyano. Idiniin ni Pablo na ang binuhay-muling si Jesu-Kristo ay binigyan ng isang posisyon na nakatataas sa lahat ng anghel, sapagkat siya ay pinaupo sa kanang kamay ng Diyos. Pagkatapos ay sinabi ng apostol: “Iyan ang dahilan kung bakit natin kailangang magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.”​—Hebreo 2:1.

3 Bakit kailangang “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin [ang mga Hebreong Kristiyano] sa mga bagay na narinig” hinggil kay Jesus? Sapagkat halos 30 taon na ang nakalipas mula nang umalis sa lupa si Jesus. Dahil wala na ang kanilang Panginoon, ang ilang Hebreong Kristiyano ay nagsimulang maanod papalayo mula sa tunay na pananampalataya. Sila ay nagagambala ng Judaismo, ang kanilang dating paraan ng pagsamba.

Kailangan Silang Magbigay ng Higit na Pansin

4. Bakit ang ilang Hebreong Kristiyano ay maaaring natutuksong bumalik sa Judaismo?

4 Bakit maaaring natutuksong bumalik noon sa Judaismo ang isang Kristiyano? Buweno, ang sistema ng pagsamba sa ilalim ng Kautusan ay nagsasangkot ng mga bagay na nakikita. Nakikita ng mga tao ang mga saserdote at naaamoy ang nasusunog na mga hain. Gayunman, sa ilang aspekto, ang Kristiyanismo ay ibang-iba. Ang mga Kristiyano ay may Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, subalit hindi na siya nakita sa lupa sa loob ng tatlong dekada. (Hebreo 4:14) Mayroon silang templo, ngunit ang dakong banal nito ay ang langit mismo. (Hebreo 9:24) Di-tulad ng pisikal na pagtutuli sa ilalim ng Kautusan, ang pagtutuling Kristiyano ay “yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” (Roma 2:29) Kaya, para sa mga Hebreong Kristiyano, ang Kristiyanismo ay nagiging tila sa isip na lamang.

5. Paano ipinakita ni Pablo na ang sistema ng pagsamba na itinatag ni Jesus ay nakahihigit sa sistema ng pagsamba sa ilalim ng Kautusan?

5 Kinailangang matanto ng mga Hebreong Kristiyano ang isang bagay na napakahalaga tungkol sa sistema ng pagsamba na itinatag ni Kristo. Ito ay mas nakasalig sa pananampalataya kaysa sa paningin, gayunma’y nakahihigit ito sa Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Moises. “Kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro at ang abo ng dumalagang baka na iwinisik doon sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman,” ang isinulat ni Pablo, “gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?” (Hebreo 9:13, 14) Oo, ang kapatawarang natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo ay lubhang nakahihigit sa maraming paraan kaysa sa inilalaan ng mga haing inihandog sa ilalim ng Kautusan.​—Hebreo 7:26-28.

6, 7. (a) Anong situwasyon ang dahilan kung bakit apurahan para sa mga Hebreong Kristiyano na “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig”? (b) Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo, gaano karaming panahon pa ang natitira para sa Jerusalem? (Tingnan ang talababa.)

6 May isa pang dahilan kung bakit kinailangang magbigay ng matamang pansin ang mga Hebreong Kristiyano sa mga bagay na narinig tungkol kay Jesus. Inihula niya na mawawasak ang Jerusalem. Sinabi ni Jesus: “Ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis at palilibutan ka at pipighatiin ka sa bawat panig, at ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob nila sa lupa, at hindi sila mag-iiwan sa iyo ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato, sapagkat hindi mo naunawaan ang panahon ng pagsisiyasat sa iyo.”​—Lucas 19:43, 44.

7 Kailan ito mangyayari? Hindi isiniwalat ni Jesus ang araw at oras. Sa halip, nagbigay siya ng tagubilin: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Sa loob ng 30 taon matapos sabihin ni Jesus ang mga salitang iyon, naiwala ng ilang Kristiyano sa Jerusalem ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan at sila’y nagambala. Sa wari ay inalis nila ang kanilang tingin sa daan. Kung hindi nila babaguhin ang kanilang pag-iisip, tiyak na sasapit sa kanila ang kapahamakan. Inisip man nila o hindi, talagang malapit nang mawasak noon ang Jerusalem! * Sana, ang payo ni Pablo ay nakagising sa tulóg-sa-espirituwal na mga Kristiyano sa Jerusalem.

Pagbibigay ng “Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin” sa Ngayon

8. Bakit kailangan tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos?

8 Tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, kailangan tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Bakit? Sapagkat napapaharap din tayo sa isang napipintong pagkapuksa, hindi lamang ng isang bansa, kundi ng buong sistema ng mga bagay. (Apocalipsis 11:18; 16:14, 16) Siyempre pa, hindi natin alam ang eksaktong araw at oras kung kailan ito isasagawa ni Jehova. (Mateo 24:36) Gayunpaman, mga saksi tayo sa katuparan ng mga hula sa Bibliya na maliwanag na nagpapahiwatig na nabubuhay tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Kaya, dapat tayong magbantay laban sa anumang bagay na makagagambala sa atin. Kailangan nating bigyang-pansin ang Salita ng Diyos at panatilihin ang masidhing pagkadama ng pagkaapurahan. Tanging sa paggawa lamang nito tayo ‘magtatagumpay sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.’​—Lucas 21:36.

9, 10. (a) Paano natin maipakikita na nagbibigay-pansin tayo sa espirituwal na mga bagay? (b) Paanong ang salita ng Diyos ay ‘lampara sa ating paa’ at ‘liwanag sa ating landas’?

9 Sa napakahalagang mga panahong ito, paano natin maipakikita na nagbibigay tayo ng “higit kaysa sa karaniwang pansin” sa espirituwal na mga bagay? Ang isang paraan ay ang pagiging regular sa ating pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon. Dapat din tayong maging masisigasig na estudyante ng Bibliya upang mapalapit tayo sa Awtor nito, si Jehova. (Santiago 4:8) Kung kukuha tayo ng kaalaman hinggil kay Jehova sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at mga pulong, magiging katulad tayo ng salmista na nagsabi sa Diyos: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”​—Awit 119:105.

10 Ang Bibliya ay nagsisilbing ‘liwanag sa ating landas’ kapag sinasabi nito sa atin ang mga layunin ng Diyos para sa hinaharap. Ito rin ay ‘lampara sa ating paa.’ Sa ibang salita, matutulungan tayo nito na malaman kung ano ang ating susunod na hakbang kapag napapaharap tayo sa mahihirap na problema sa buhay. Kaya nga mahalaga na “magbigay [tayo] ng higit kaysa sa karaniwang pansin” kapag nagtitipon tayo para maturuan kasama ng mga kapananampalataya at kapag personal nating binabasa ang Salita ng Diyos. Ang makukuha nating impormasyon ay tutulong sa atin na makagawa ng matalino at kapaki-pakinabang na mga pasiya na makalulugod kay Jehova at makapagpapasaya sa kaniyang puso. (Kawikaan 27:11; Isaias 48:17) Paano natin mapasusulong ang ating kakayahang magtuon ng pansin sa mga pulong at sa mga panahon ng personal na pag-aaral upang lubusan tayong makinabang mula sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos?

Pagpapasulong sa Ating Pagtutuon ng Pansin sa mga Pulong

11. Bakit ang pagbibigay-pansin sa mga Kristiyanong pagpupulong ay isang hamon kung minsan?

11 Kung minsan, ang pagbibigay-pansin sa mga Kristiyanong pagpupulong ay isang hamon. Ang isipan ay madaling magambala, marahil ng isang umiiyak na sanggol o ng isang huling dumating na naghahanap ng mauupuan. Pagkatapos magtrabaho nang maraming oras sa maghapon, baka talagang pagód na tayo. Ang nagpapahayag sa plataporma ay maaaring hindi ang pinakamasiglang tagapagsalita, at bago natin ito matanto, nangangarap na pala tayo nang gising​—baka natutulog pa nga! Dahil sa mahalagang impormasyon na inihaharap, dapat tayong magsikap na pasulungin ang ating kakayahan sa pagtutuon ng pansin sa mga pulong ng kongregasyon. Subalit paano natin ito magagawa?

12. Ano ang magpapadali sa atin na magbigay-pansin sa mga pulong?

12 Karaniwan nang mas madaling magbigay-pansin sa mga pulong kung tayo ay naghandang mabuti. Kung gayon, bakit hindi magtakda ng panahon upang patiunang mapag-isipan ang materyal na tatalakayin? Ilang minuto lamang ang kailangang gugulin araw-araw upang mabasa at mabulay-bulay ang isang bahagi ng nakaatas na mga kabanata para sa pagbabasa ng Bibliya sa linggong iyon. Sa pamamagitan ng pagpaplano, makasusumpong din tayo ng panahon upang makapaghanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral sa Bantayan. Anumang iskedyul ang piliin natin, isang bagay ang tiyak: Ang paghahanda ay tutulong sa atin na magbigay-pansin sa materyal na tatalakayin sa mga pulong ng kongregasyon.

13. Ano ang makatutulong sa atin upang manatiling nakatuon ang ating pansin sa materyal na tinatalakay sa mga pulong?

13 Bukod sa pagiging nakahandang mabuti, nasusumpungan ng ilan na mas nakapagbibigay-pansin sila sa mga pulong kapag nauupo sila sa bandang unahan ng Kingdom Hall. Ang pananatiling nakatingin sa tagapagsalita, pagsubaybay sa Bibliya kapag binabasa ang isang kasulatan, at pagkuha ng nota ay iba pang mga paraan upang mapanatiling hindi gumagala-gala ang ating isip. Gayunman, ang pagkakaroon ng isang nakahandang puso ay lubhang mas mahalaga kaysa sa anumang partikular na paraan ng pagtutuon ng pansin. Kailangang maunawaan natin ang layunin ng ating pagtitipon. Nakikipagtipon tayo sa mga kapananampalataya pangunahin na upang sambahin si Jehova. (Awit 26:12; Lucas 2:36, 37) Ang mga pulong ay isang mahalagang paraan na sa pamamagitan nito’y pinakakain tayo sa espirituwal. (Mateo 24:45-47) Bukod dito, naglalaan ang mga ito sa atin ng mga pagkakataon upang ‘udyukan ang isa’t isa sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’​—Hebreo 10:24, 25.

14. Sa ano talaga nakasalig ang tagumpay ng isang pulong?

14 Maaaring may hilig ang ilan na ibatay ang kalidad ng isang pulong sa mga kakayahang magturo ng mga may bahagi. Kung ang mga tagapagsalita ay talagang mahuhusay, maaaring tawagin itong isang kasiya-siyang pulong. Ngunit kung waring hindi mabisa ang pagtuturo, baka kabaligtaran ang maging pangmalas natin. Totoo na dapat gawin niyaong mga may bahagi sa programa ang kanilang buong makakaya upang maikapit ang sining ng pagtuturo at lalo na upang maabot ang mga puso. (1 Timoteo 4:16) Gayunman, tayo na nakikinig ay hindi dapat maging labis na mapamintas. Bagaman ang kakayahan sa pagtuturo ng mga may bahagi ay mahalaga, hindi ito ang tanging salik sa tagumpay ng isang pulong. Hindi ka ba sasang-ayon na ang dapat na pangunahin nating ikinababahala ay hindi kung gaano kagaling magpahayag ang tagapagsalita, kundi kung gaano tayo kahusay sa pakikinig? Kapag dumadalo tayo sa mga pulong at nagbibigay-pansin sa inihaharap doon, sumasamba tayo sa Diyos kasuwato ng kaniyang kalooban. Diyan nakasalig ang tagumpay ng pulong. Kung tayo’y sabik na kumuha ng kaalaman sa Diyos, makikinabang tayo mula sa mga pulong, anuman ang kakayahan ng tagapagsalita. (Kawikaan 2:1-5) Kung gayon, maging determinado tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa ating mga pulong.

Lubusang Makinabang Mula sa Personal na Pag-aaral

15. Paano tayo makikinabang sa pag-aaral at pagbubulay-bulay?

15 Nakikinabang tayo nang malaki mula sa ‘pagbibigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin’ sa mga panahon ng personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay. Ang pagbabasa at pagmumuni-muni sa Bibliya at sa mga publikasyong Kristiyano ay maglalaan sa atin ng mahahalagang pagkakataon upang itimo ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos sa ating puso. Magdudulot naman ito ng malaking epekto sa paraan ng ating pag-iisip at paggawi. Sa katunayan, tutulong ito sa atin na makasumpong ng kasiyahan sa paggawa ng kalooban ni Jehova. (Awit 1:2; 40:8) Kung gayon, kailangang linangin natin ang ating mga kakayahan sa pagtutuon ng pansin upang magamit natin itong mabuti kapag nag-aaral tayo. Napakadali nating magambala! Ang maliliit na pang-abala​—tawag sa telepono o ingay ay maaaring maglihis ng ating pansin. O baka naman talagang hindi tayo makatagal sa pagtutuon ng pansin. Baka maupo tayo taglay ang mabuting intensiyon na kumain sa espirituwal, ngunit di-magtatagal ay magsisimula nang gumala-gala ang ating isipan. Paano tayo ‘makapagbibigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin’ sa panahon ng personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos?

16. (a) Bakit mahalaga na mag-iskedyul tayo ng panahon para sa personal na pag-aaral? (b) Paano ka naglalaan ng panahon para sa pag-aaral ng Salita ng Diyos?

16 Kapaki-pakinabang ang paggawa ng iskedyul at pagpili ng lugar na pinakaangkop sa pag-aaral. Para sa karamihan sa atin, napakahirap magkaroon ng panahon at pagkakataong mapag-isa. Baka nadarama natin na waring natatangay tayo ng mabilis na takbo ng mga pangyayari sa araw-araw anupat para tayong isang maliit na sanga sa isang rumaragasang batis. Oo, kailangan nating labanan ang agos, wika nga, at humanap ng isang maliit at tahimik na isla. Hindi tayo maaaring basta maghintay na lamang ng pagkakataon upang makapag-aral tayo. Sa halip, tayo ang kailangang kumontrol sa situwasyon sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para mag-aral. (Efeso 5:15, 16) Ang ilan ay naglalaan ng maikling panahon sa umaga kung kailan maaaring kakaunti ang pang-abala. Nasusumpungan naman ng iba na mas may panahon sila sa gabi. Ang punto ay na hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mahalagang pangangailangang kumuha ng tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak. (Juan 17:3) Kung gayon ay mag-iskedyul tayo ng panahon para sa personal na pag-aaral at pagkatapos ay manatili sa iskedyul na iyon.

17. Ano ang pagbubulay-bulay, at paano tayo makikinabang dito?

17 Ang pagbubulay-bulay​—ang proseso ng pagmumuni-muni sa natututuhan natin sa pag-aaral​—​ay napakahalaga. Tinutulungan tayo nito na mailagay ang kaisipan ng Diyos mula sa nakalimbag na pahina tungo sa ating puso. Ang pagbubulay-bulay ay tumutulong sa atin na makita kung paano ikakapit ang payo ng Bibliya upang tayo’y maging ‘mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.’ (Santiago 1:22-25) Bukod dito, tinutulungan din tayo ng pagbubulay-bulay na lalong mapalapit kay Jehova, sapagkat pinangyayari nito na mapag-isipan nating mabuti ang kaniyang mga katangian at kung paano itinatampok ang mga ito sa materyal na isinasaalang-alang sa mga panahon ng pag-aaral.

18. Anong mga kalagayan ang kinakailangan para sa mabisang pagbubulay-bulay?

18 Upang lubusang makinabang sa pag-aaral at pagbubulay-bulay, kailangan nating panatilihing hindi nagagambala ang ating isipan. Upang makuha ang bagong impormasyon kapag nagbubulay-bulay, kailangan nating iwaksi ang mga pang-abala sa kasalukuyang pamumuhay. Ang pagbubulay-bulay ay humihiling ng panahon at pag-iisa, gayunman, tunay na nakagiginhawa na makabahagi sa espirituwal na pagkain at sa tubig ng katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos!

19. (a) Kung tungkol sa personal na pag-aaral, ano ang tumutulong sa ilan upang mapasulong ang kanilang kakayahan sa pagtutuon ng pansin? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa pag-aaral, at anong mga pakinabang ang matatamo natin mula sa mahalagang gawaing ito?

19 Paano kung hindi tayo makatagal sa pagtutuon ng pansin at ang ating isip ay nagsisimulang gumala-gala matapos ang isang maikling panahon ng pag-aaral? Nasumpungan ng ilan na mapasusulong nila ang kanilang mga kakayahan sa pagtutuon ng pansin habang nag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaroon muna ng maiikling panahon ng pag-aaral at pagkatapos ay unti-unting pinahahaba ang mga ito. Dapat na ang tunguhin natin ay ang gumugol ng sapat na panahon sa pag-aaral sa halip na madaliin ito. Kailangan nating linangin ang masidhing interes sa paksang isinasaalang-alang. At makagagawa tayo ng higit pang pagsasaliksik sa pamamagitan ng paggamit sa napakaraming materyal na inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin. Napakahalaga ng pagmamasid sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Sa paggawa nito, napasusulong natin ang ating kaalaman sa Diyos at nalilinang ang ating kakayahan sa pang-unawa. (Hebreo 5:14) Kung tayo ay masikap na mga estudyante ng Salita ng Diyos, tayo rin ay magiging “lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.”​—2 Timoteo 2:2.

20. Paano natin malilinang at mapananatili ang isang matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova?

20 Malaki ang maitutulong sa atin ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at ng personal na pag-aaral sa paglinang at pagpapanatili ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova. Maliwanag, ganoon ang nangyari sa salmista na nagsabi sa Diyos: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Kung gayon, regular tayong dumalo sa mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon. At bilhin nawa natin ang panahon para sa pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay. Tayo ay saganang gagantimpalaan sa gayong pagbibigay ng “higit kaysa sa karaniwang pansin” sa Salita ng Diyos.

[Talababa]

^ par. 7 Ang liham sa mga Hebreo ay malamang na isinulat noong 61 C.E. Kung gayon, mga limang taon lamang pagkaraan nito ay pinalibutan na ng nagkakampong mga hukbo ni Cestius Gallus ang Jerusalem. Di-nagtagal, ang mga hukbong iyon ay umatras, anupat nagbigay ng pagkakataon para makatakas ang alistong mga Kristiyano. Pagkaraan ng apat na taon, ang lunsod ay winasak ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit ang ilang Hebreong Kristiyano ay naaanod papalayo mula sa tunay na pananampalataya?

• Paano tayo mananatiling nagbibigay-pansin sa mga Kristiyanong pagpupulong?

• Ano ang tutulong sa atin upang makinabang mula sa personal na pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 11]

Kinailangang maging alisto ang mga Hebreong Kristiyano sa napipintong pagwasak sa Jerusalem

[Larawan sa pahina 13]

Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makinabang mula sa mga Kristiyanong pagpupulong