Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataang Tulad ng Nakagiginhawang mga Patak ng Hamog

Mga Kabataang Tulad ng Nakagiginhawang mga Patak ng Hamog

Mga Kabataang Tulad ng Nakagiginhawang mga Patak ng Hamog

WALANG alinlangan na kasama sa pinatutungkulan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga kabataang tagasunod nang sabihin niya: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” (Mateo 11:28) Nang ilapit ng mga tao ang kanilang maliliit na anak sa kaniya, sinikap ng mga alagad na pigilan sila. Ngunit sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” “Kinuha [pa nga ni Jesus] sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain.” (Marcos 10:14-16) Tiyak na mahalaga kay Jesus ang mga kabataan.

Binabanggit ng Bibliya ang tapat na mga kabataang lalaki at babae, gayundin ang mga bata at mga musmos, na nagpakita ng mahuhusay na halimbawa sa paglilingkod sa Diyos. Inihula sa aklat ng Mga Awit ang isang “pulutong ng mga kabataan” na nakagiginhawa na tulad ng mga patak ng hamog. Binabanggit din nito ang “mga binata” at “mga dalaga” na pumupuri sa pangalan ni Jehova.​—Awit 110:3; 148:12, 13.

Isang Lugar Kung Saan ang mga Kabataan ay Magiging Maligaya at Matagumpay

Isang angkop na pagtutulad ang patak ng hamog, yamang ang hamog ay iniuugnay sa kasaganaan at pagpapala. (Genesis 27:28) Ang mga patak ng hamog ay banayad at nakagiginhawa. Sa panahong ito ng pagkanaririto ni Kristo, kusang-loob at may-pananabik na inihahandog ng napakaraming kabataang Kristiyano ang kanilang sarili. Katulad ng nakagiginhawang mga patak ng hamog, maraming kabataang lalaki at babae ang may-kagalakang naglilingkod sa Diyos at tumutulong sa kanilang mga kapuwa mananamba.​—Awit 71:17.

Ang mga kabataang Kristiyano ay hindi lamang nakagiginhawa sa iba; sila rin mismo ay nakasusumpong ng kaginhawahan sa kanilang paglilingkod. Naglalaan ang organisasyon ng Diyos ng isang kapaligiran kung saan maaari silang maging maligaya at matagumpay. Palibhasa’y pinananatili nila ang matataas na pamantayang moral, tinatamasa ng mga kabataang lalaki at babae ang isang malapít na kaugnayan sa Diyos. (Awit 119:9) Sa loob ng kongregasyon, nakikibahagi rin sila sa kapuri-puring mga gawain at nakasusumpong ng mabubuting kaibigan​—mga salik na nagdudulot ng kasiya-siya at makabuluhang buhay.

‘Isang Kagalingan at Isang Kaginhawahan’

Nadarama ba mismo ng mga kabataang Kristiyano na sila’y parang “mga patak ng hamog”? Si Tania ay isang kabataang babae na aktibong nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon at maligayang gumugugol ng mahigit na 70 oras sa ministeryo bawat buwan. Ano ang nadarama niya? “Ako ay nagiginhawahan at napatitibay,” ang sabi niya. “Ang pagiging kasama ni Jehova at ng kaniyang makalupang organisasyon ay ‘isang kagalingan at isang kaginhawahan’ sa akin.”​—Kawikaan 3:8.

Si Ariel, isa pang kabataan na buong-panahong ministro, ay nagpapahalaga sa espirituwal na pagkain na kaniyang tinatanggap sa loob ng kongregasyon. “Kapag dumadalo ako sa mga pulong Kristiyano, kombensiyon, at asamblea at natatamasa ko ang piging sa espirituwal na hapag ni Jehova, tunay na nagiginhawahan ako sa espirituwal,” ang sabi niya. “At napatitibay ako sa pagkaalam na sa buong daigdig ay may mga kamanggagawa ako.” Sa paglalarawan sa pinakasukdulang bukal ng kaginhawahan, ganito ang sabi niya: “Talagang nakagiginhawa na maging kaibigan si Jehova, lalo na kapag naririnig o nakikita ko ang kahila-hilakbot na mga epektong naidudulot ng sistemang ito sa mga tao.”​—Santiago 2:23.

Sa edad na 20 taon, naglilingkod na si Abishai bilang isang buong-panahong ebanghelisador at isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Inilalarawan niya ang kaniyang karanasan sa ganitong mga pananalita: “Nagiginhawahan ako dahil alam ko kung paano harapin ang maraming problemang nararanasan ng mga kabataan sa ngayon. Ang katotohanan mula sa Bibliya ay tumutulong sa akin na manatiling nakatuon ang pansin sa kailangan kong gawin upang makapaglingkod kay Jehova nang buong kaluluwa.”

Noong unang mga taon ng kaniyang pagiging tin-edyer, madaling mag-init ang ulo ni Antoine. Minsan ay hinampas niya ng silya ang isang kapuwa estudyante, at ginamit naman niya ang isang lapis upang saksakin ang isa pang estudyante. Tiyak na hindi isang nakagiginhawang tao si Antoine! Ngunit nagbago ang kaniyang paggawi dahil sa tagubilin mula sa Bibliya. Ngayong 19 na taóng gulang na siya at naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod at buong-panahong ministro sa kongregasyon, ganito ang sabi niya: “Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na makamit ang kaalaman hinggil sa kaniya at sa pagtulong sa akin na makita ang pangangailangang magpamalas ng pagpipigil sa sarili at magbago ng aking landasin. Sa ganitong paraan, naiwasan ko ang maraming problema.”

Napapansin naman ng iba ang nakagiginhawang saloobin ng mga kabataang Kristiyano. Si Matteo ay isang kabataang Saksi sa Italya. Napagpasiyahan ng kaniyang guro na ang sinumang gumamit ng malaswang pananalita ay dapat magbayad ng maliit na multa. Pagkalipas ng ilang panahon, hiniling ng mga bata na alisin ang alituntunin dahil, ang sabi nila, “imposibleng hindi gumamit ng masamang pananalita.” “Pero,” ang paliwanag ni Matteo, “sinabi ng guro na hindi imposible iyon, at ginamit niya ako, isa sa mga Saksi ni Jehova, bilang halimbawa, na pinupuri ako sa harap ng buong klase dahil sa aking malinis na pananalita.”

Sa isang di-masupil na silid-aralan sa Thailand, tinawag ng guro ang 11-taóng-gulang na si Racha sa harapan ng klase at pinapurihan siya dahil sa kaniyang paggawi, na sinasabi: “Bakit hindi ninyo tularan ang halimbawa ni Racha? Masipag siyang mag-aral at maganda ang kaniyang asal.” Pagkatapos ay sinabi niya sa mga estudyante: “Sa palagay ko ay kailangang maging mga Saksi ni Jehova muna kayo, gaya ni Racha, para gumanda ang asal ninyo.”

Nakalulugod na makita ang libu-libong kabataang Kristiyano na nakikilala nang higit si Jehova at ginagawa ang kaniyang kalooban. Ang gayong maiinam na kabataan ay nagpapakita ng karunungan na karaniwan nang masusumpungan sa mga mas nakatatanda. Matutulungan sila ng Diyos na magtagumpay sa kanilang kasalukuyang buhay at mabibigyan sila ng isang maluwalhating kinabukasan sa darating na bagong sanlibutan. (1 Timoteo 4:8) Sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay na tigang sa espirituwal, na punô ng di-nasisiyahan at nasisiphayong mga kabataan, ang mga kabataang Kristiyano ay nagpapakita ng isang nakagiginhawang pagkakaiba!