Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang Lusiper ba ay isang pangalan na ginagamit ng Bibliya para kay Satanas?

Ang pangalang Lusiper ay lumitaw nang minsan sa Kasulatan at sa iilang bersiyon lamang ng Bibliya. Halimbawa, isinalin ng King James Version ang Isaias 14:12: “Ano’t nahulog ka mula sa langit, O Lusiper, anak ng umaga!”

Ang salitang Hebreo na isinaling “Lusiper” ay nangangahulugang “maningning na isa.” Ginamit ng Septuagint ang salitang Griego na nangangahulugang “tagapagpasapit ng bukang-liwayway.” Kaya naman isinalin ng ilang tagapagsalin ang orihinal na Hebreong salita bilang “bituing pang-umaga” o “Bituing pang-araw.” Ngunit ginamit ng Latin na Vulgate ni Jerome ang “Lusiper” (tagapagdala ng liwanag), at ito ang dahilan ng paglitaw ng terminong iyan sa iba’t ibang bersiyon ng Bibliya.

Sino si Lusiper? Ang katagang “maningning na isa,” o “Lusiper,” ay masusumpungan sa makahulang utos ni Isaias na bibigkasin ng mga Israelita bilang ‘kasabihang laban sa hari ng Babilonya.’ Kaya naman ito ay bahagi ng isang kasabihan na pangunahin nang ipinatungkol sa dinastiya ng Babilonya. Ang bagay na ang paglalarawang “maningning na isa” ay ibinigay sa isang tao at hindi sa isang espiritung nilalang ay makikita pa sa pananalitang: “Sa Sheol ka ibababa.” Ang Sheol ang karaniwang libingan ng sangkatauhan​—hindi isang lugar na kinaroroonan ni Satanas na Diyablo. Isa pa, yaong mga nakasaksi sa pagkakasadlak ni Lusiper sa kalagayang ito ay nagtanong: “Ito ba ang lalaking lumiligalig sa lupa?” Maliwanag, ang “Lusiper” ay tumutukoy sa isang tao, hindi sa isang espiritung nilalang.​—Isaias 14:4, 15, 16.

Bakit binigyan ng gayong kapansin-pansing paglalarawan ang dinastiya ng Babilonya? Dapat nating matanto na ang hari ng Babilonya ay tinawag na isa na maningning pagkatapos lamang ng kaniyang pagbagsak at sa isang mapanuyang paraan. (Isaias 14:3) Ang kahambugan ang nag-udyok sa mga hari ng Babilonya upang itanyag ang kanilang sarili nang higit sa mga nakapalibot sa kanila. Labis-labis ang kapalaluan ng dinastiyang iyon anupat inilarawan ito na nagyayabang: “Sa langit ay sasampa ako. Sa itaas ng mga bituin ng Diyos ay itataas ko ang aking trono, at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan, sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga. . . . Gagawin kong kawangis ng Kataas-taasan ang aking sarili.”​—Isaias 14:13, 14.

Ang “mga bituin ng Diyos” ay ang mga hari sa maharlikang linya ni David. (Bilang 24:17) Mula kay David patuloy, ang “mga bituin” na ito ay namahala sa Bundok Sion. Matapos itayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem, ang pangalang Sion ay itinawag na sa buong lunsod. Sa ilalim ng tipang Kautusan, lahat ng lalaking Israelita ay inutusang maglakbay patungo sa Sion nang tatlong beses sa isang taon. Kaya iyon ay naging “bundok ng kapisanan.” Sa pagpapasiyang supilin ang mga hari sa Judea at pagkatapos ay alisin ang mga ito mula sa bundok na iyon, ipinahahayag ni Nabucodonosor ang kaniyang intensiyon na ilagay ang kaniyang sarili na mas mataas kaysa sa ‘mga bituing’ iyon. Sa halip na ibigay kay Jehova ang kapurihan dahil sa tagumpay sa mga hari sa Judea, may kapalaluan niyang inilagay ang kaniyang sarili sa dako ni Jehova. Kaya, pagkatapos ng pagbagsak nito ay saka lamang may panunuyang tinukoy ang dinastiya ng Babilonya bilang “maningning na isa.”

Ang kapalaluan ng mga tagapamahala ng Babilonya ay tunay na nagpapakita ng saloobin ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay”​—si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Siya rin ay nagnanasa ng kapangyarihan at nananabik na ilagay ang kaniyang sarili nang mas mataas pa kaysa sa Diyos na Jehova. Ngunit ang Lusiper ay hindi isang pangalan na ibinigay ng Kasulatan kay Satanas.

Bakit tinutukoy ng 1 Cronica 2:13-15 si David bilang ikapitong anak ni Jesse, samantalang ipinakikita ng 1 Samuel 16:10, 11 na siya ay ikawalo?

Matapos tumalikod si Haring Saul ng sinaunang Israel sa tunay na pagsamba, isinugo ng Diyos na Jehova si propeta Samuel upang pahiran ang isa sa mga anak ni Jesse bilang hari. Si David ay ipinakikilala ng kinasihang ulat ng makasaysayang pangyayari na iyon, na isinulat mismo ni Samuel noong ika-11 siglo B.C.E., bilang ikawalong anak ni Jesse. (1 Samuel 16:10-13) Gayunman, ang salaysay na isinulat ni Ezra na saserdote pagkalipas ng mga 600 taon ay nagsasabi: “Naging anak naman ni Jesse ang kaniyang panganay na si Eliab, at si Abinadab na ikalawa, at si Simea na ikatlo, si Netanel na ikaapat, si Radai na ikalima, si Ozem na ikaanim, si David na ikapito.” (1 Cronica 2:13-15) Ano ang nangyari sa isa sa mga kapatid ni David, at bakit inalis ni Ezra ang kaniyang pangalan?

Sinasabi ng Kasulatan na si Jesse ay “may walong anak.” (1 Samuel 17:12) Lumilitaw na ang isa sa kaniyang mga anak ay maagang namatay bago pa nakapag-asawa at nagkaanak. Palibhasa’y walang mga inapo, wala siyang karapatan sa mana ng tribo ni anumang kahalagahan sa mga rekord ng talaangkanan ng linya ni Jesse.

Ngayon ay gunigunihin natin ang panahon ni Ezra. Isaalang-alang ang tagpo noong tipunin niya ang mga Cronica. Ang pagkakatapon sa Babilonya ay nagtapos mga 77 taon na ang nakalipas, at ang mga Judio ay nakabalik na sa kanilang lupain. Si Ezra ay binigyan ng awtoridad ng hari ng Persia upang humirang ng mga hukom at mga guro ng Kautusan ng Diyos at upang pagandahin ang bahay ni Jehova. Kinailangan ang tumpak na mga talaangkanan upang matiyak ang mga mana ng mga tribo at upang masiguro na tanging ang awtorisadong mga tao ang maglilingkod bilang saserdote. Kaya naghanda si Ezra ng kumpletong salaysay ng kasaysayan ng bansa, lakip na ang tumpak at maaasahang rekord ng mga angkan ni Juda at ni David. Ang pangalan ng anak ni Jesse na namatay nang walang anak ay hindi na magiging mahalaga. Kaya, inalis ni Ezra ang kaniyang pangalan.