Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pribilehiyong Makibahagi sa Pagpapalawak ng Gawain Pagkatapos ng Digmaan

Isang Pribilehiyong Makibahagi sa Pagpapalawak ng Gawain Pagkatapos ng Digmaan

Isang Pribilehiyong Makibahagi sa Pagpapalawak ng Gawain Pagkatapos ng Digmaan

AYON SA SALAYSAY NI FILIP S. HOFFMANN

Katatapos pa lamang ng Digmaang Pandaigdig II noong Mayo 1945. Noong Disyembre na iyon, si Nathan H. Knorr, ang nangangasiwa noon sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa Denmark kasama ang kaniyang 25-taóng-gulang na kalihim, si Milton G. Henschel. Isang malaking bulwagan ang inupahan para sa pinananabikang pagdalaw na iyon. Para sa aming mga kabataan, lalo nang kapana-panabik ang pahayag ni Brother Henschel, yamang kasing-edad namin siya at ang pinili niyang tema ay: “Alalahanin mo rin naman ang Maylalang sa iyo sa mga kaarawan ng iyong kabataan.”​—Eclesiastes 12:1, American Standard Version.

NOONG pagdalaw na iyon, nalaman namin ang kapana-panabik na mga bagay na nagaganap upang pasulungin ang pandaigdig na gawaing pangangaral at nalaman din namin na kami ay maaaring makibahagi sa mga ito. (Mateo 24:14) Halimbawa, isang bagong paaralan sa pagsasanay sa mga kabataang lalaki at babae para sa gawaing misyonero ang binuksan sa Estados Unidos. Idiniin ni Brother Knorr na kapag kami’y inanyayahan, tatanggap kami ng “isang tiket na pang-isahang biyahe lamang” at hindi namin malalaman kung saan kami iaatas. Gayunpaman, nag-aplay ang ilan sa amin.

Bago ko ilarawan ang aking mga karanasan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, hayaan mong gunitain ko mula nang ako’y isilang noong 1919. May mga pangyayari noong bago at pagkatapos ng digmaan na lubhang nakaimpluwensiya sa aking buhay.

Katotohanan sa Bibliya Mula sa Isang Masamang Anak

Nang ako​—ang panganay na anak​—ay ipinagdadalang-tao ni Inay, nanalangin siya na kung ako ay lalaki, ako sana ay maging isang misyonero. Ang kaniyang kapatid na lalaki ay isang Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, subalit itinuturing siyang masamang anak ng mga miyembro ng kaniyang pamilya. Ang tahanan namin ay malapit sa Copenhagen, at kapag nagkakaroon ng taunang kombensiyon doon ang mga Estudyante ng Bibliya, inaanyayahan ni Inay si Tiyo Thomas, na nakatira sa may kalayuan, upang tumuloy sa amin. Pagsapit ng 1930, ang kahanga-hangang kaalaman sa Bibliya ng aking tiyo at ang kaniyang lohikal na pangangatuwiran ay nakakumbinsi kay Inay na maging isang Estudyante ng Bibliya.

Mahal ni Inay ang Bibliya. Bilang pagsunod sa utos na nasa Deuteronomio 6:7, tinuturuan niya kami ng aking kapatid na babae ‘kapag nakaupo siya sa kaniyang bahay, kapag naglalakad siya sa daan, kapag nakahiga siya, o kapag bumabangon siya.’ Nang maglaon, nakibahagi na ako sa pangangaral sa bahay-bahay. Gustung-gusto kong ipakipag-usap ang mga paksang tulad ng imortal na kaluluwa at apoy ng impiyerno, na itinuturo ng mga simbahan. Mabisa kong naipakikita mula sa Bibliya na mali ang gayong mga turo.​—Awit 146:3, 4; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.

Nagkaisa ang Aming Pamilya

Pagkatapos ng kombensiyon sa Copenhagen noong 1937, nangailangan ng pansamantalang tulong sa depo ng literatura sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Denmark. Katatapos ko lamang sa aking pag-aaral sa isang komersiyal na kolehiyo at wala akong mga pananagutan noon, kaya nag-alok ako ng tulong sa depo. Nang matapos na ang aking paglilingkod sa depo, hinilingan akong tumulong sa tanggapang pansangay. Di-nagtagal pagkatapos noon, umalis ako sa bahay at lumipat sa sangay sa Copenhagen, bagaman hindi pa ako bautisado. Ang araw-araw na pakikisama sa may-gulang na mga Kristiyano ay nakatulong sa aking pagsulong sa espirituwal. Nang sumunod na taon, noong Enero 1, 1938, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos, noong Abril 9, 1940, sinakop ng mga hukbong Aleman ang Denmark. Yamang ang mga Dane ay pinagkalooban ng malaki-laking personal na kalayaan, nagawa naming ipagpatuloy ang aming gawaing pangangaral.

Pagkatapos ay nangyari ang isang lubhang kasiya-siyang bagay. Si Itay ay naging isang aktibo at matapat na Saksi, anupat nalubos ang kaligayahan ng aming pamilya. Kaya, nang ako, pati na ang apat pang Dane, ay naanyayahang mag-aral sa ikawalong klase ng Paaralang Gilead, sinuportahan ako ng aking buong pamilya. Ang limang-buwang kurso sa paaralan, na nagsimula noong Setyembre 1946, ay idinaos sa magandang kampus malapit sa South Lansing sa gawing hilaga ng New York.

Pagsasanay sa Gilead at Pagsasanay Pagkatapos Nito

Ang Gilead ay nagbigay ng mga pagkakataon upang magkaroon ng bagong maiinam na kaibigan. Isang gabi, habang naglalakad sa palibot ng kampus kasama si Harold King na taga-Inglatera, pinag-usapan namin kung saan kaya kami ipadadala pagkatapos ng aming pagsasanay. “Parang makikita ko uli ang mapuputing dalisdis ng Dover [nasa Timog ng Inglatera],” ang sabi ni Harold. Tama siya, ngunit 17 taon ang lumipas bago niya nakitang muli ang mga dalisdis na iyon, at ang apat at kalahati sa mga taóng iyon ay ginugol niya sa nakabukod na kulungan sa isang bilangguan sa Tsina! *

Pagkatapos ng aming gradwasyon, ipinadala ako sa Texas, E.U.A., upang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na dinadalaw ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang tulungan sila sa espirituwal. Malugod akong tinanggap doon. Para sa mga kapatid sa Texas, kawili-wiling makasama ang isang kabataang Europeo na katatapos pa lamang mag-aral sa Paaralang Gilead. Subalit pagkaraan lamang ng pitong buwan sa Texas, tinawag ako sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Doon ay inatasan ako ni Brother Knorr sa opisina, taglay ang tagubilin na pag-aralan ko ang takbo ng trabaho sa lahat ng departamento. Pagkatapos, nang magbalik ako sa Denmark, kinailangang gamitin ko ang aking natutuhan, anupat tinitiyak na ang lahat ay isinasagawa na gaya ng paraan ng paggawa sa Brooklyn. Ang ideya ay ang pagkaisahin ang mga operasyon ng mga sangay sa buong daigdig para lalo itong maging mahusay. Nang maglaon, inilipat ako ni Brother Knorr sa Alemanya.

Isinasagawa ang mga Tagubilin sa mga Sangay

Nang dumating ako sa Wiesbaden, Alemanya, noong Hulyo 1949, maraming lunsod sa Alemanya ang guho pa rin. Yaong mga nangunguna sa gawaing pangangaral ay mga lalaking inusig mula nang umupo sa kapangyarihan si Hitler noong 1933. Ang ilan ay nabilanggo at nasa mga kampong piitan sa loob ng walo hanggang sampung taon o higit pa! Nakatrabaho ko ang gayong mga lingkod ni Jehova sa loob ng tatlo at kalahating taon. Ang kanilang namumukod-tanging halimbawa ay nagpapaalaala sa akin sa komento ng istoryador na Aleman na si Gabriele Yonan, na sumulat: “Kung wala ang halimbawa ng matatag na grupong ito ng mga Kristiyano na napasailalim sa diktadura ng National Socialist, baka mag-alinlangan na kami​—pagkatapos ng Auschwitz at ng Holocaust​—kung posible pang tuparin ang mga turong Kristiyano ni Jesus.”

Ang aking trabaho sa sangay ay katulad din niyaong sa Denmark: ang ituro ang isang bago at magkakaparehong paraan ng pangangasiwa sa mga bagay hinggil sa organisasyon. Sa sandaling naunawaan ng mga kapatid na Aleman na ang mga pagbabago ay hindi pagpuna sa kanilang gawain​—kundi sumapit lamang ang panahon para sa higit pang pagtutulungan ng iba’t ibang sangay at ng punong-tanggapan​—sila ay napasigla at nalipos ng mainam na espiritu ng pagtutulungan.

Noong 1952, isang liham ang dumating mula sa tanggapan ni Brother Knorr na nagsasabi na lumipat ako sa sangay sa Bern, Switzerland. Inatasan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay roon, na nagsimula noong Enero 1, 1953.

Bagong mga Kagalakan sa Switzerland

Di-nagtagal pagdating ko sa Switzerland, nakilala ko si Esther sa panahon ng isang kombensiyon, at di-nagtagal ay naging magkatipan kami. Noong Agosto 1954, inatasan ako ni Brother Knorr na magtungo sa Brooklyn, kung saan isiniwalat sa akin ang isang bago at kapana-panabik na gawain. Yamang ang bilang at laki ng mga tanggapang pansangay sa buong daigdig ay sumulong nang husto, isang bagong kaayusan ang ipinabatid. Ang daigdig ay hinati sa iba’t ibang sona, na bawat isa ay paglilingkuran ng isang tagapangasiwa ng sona. Inatasan akong maglingkod sa dalawang sona: ang Europa at ang lugar ng Mediteraneo.

Di-nagtagal pagkaraan ng aking maikling pagdalaw sa Brooklyn, bumalik ako sa Switzerland at naghanda para sa gawain sa sona. Kasal na kami ni Esther, at sumama siya sa akin sa paglilingkod sa tanggapang pansangay sa Switzerland. Ang unang biyahe ko ay patungo sa mga bahay-misyonero at mga sangay sa Italya, Gresya, Ciprus, sa mga bansa sa Gitnang Silangan at sa kahabaan ng baybayin ng Hilagang Aprika, at Espanya at Portugal​—13 bansa sa kabuuan. Pagkaraan ng muling pagdalaw sa Bern, nagpatuloy ang aking paglalakbay sa lahat ng iba pang bansa sa Europa sa kanlurang bahagi ng hangganan ng Unyong Sobyet. Sa unang taon ng aking pag-aasawa, anim na buwan akong wala sa tahanan dahil sa paglilingkod sa aming mga kapatid na Kristiyano.

Pagbabago ng mga Kalagayan

Noong 1957, nalaman ni Esther na nagdadalang-tao siya, at yamang ang sangay ay hindi para sa mga magulang na may mga anak, ipinasiya naming lumipat sa Denmark, kung saan tinanggap kami ni Itay upang manirahang kasama niya. Parehong inalagaan ni Esther ang aming anak na babae, si Rakel, at ang aking ama, samantalang tumutulong naman ako sa gawain sa bagong tayong tanggapang pansangay. Naglingkod ako bilang instruktor sa Paaralan sa Ministeryo sa Kaharian para sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon at nagpatuloy rin sa paglilingkod bilang tagapangasiwa sa sona.

Ang gawain sa sona ay nangangahulugan ng mahahabang panahon ng paglalakbay, na sa isang banda ay nakalulungkot dahil matagal akong napapawalay sa aming anak na babae. Mayroon itong di-magagandang epekto. Minsan ay gumugol ako ng ilang panahon sa Paris, kung saan nagtatag kami ng isang maliit na palimbagan. Nagbiyahe sina Esther at Rakel sakay ng tren upang dalawin ako at dumating sila sa Gare du Nord. Nagpunta kami roon ni Léopold Jontès na mula sa sangay upang makipagkita sa kanila. Si Rakel ay tumayo sa isang baitang ng bagon ng tren, tumingin siya kay Léopold, pagkatapos ay sa akin, at muli na naman kay Léopold, at pagkatapos ay yumakap siya kay Léopold!

Isa pang malaking pagbabago ang naganap nang, sa edad na 45 taon, huminto ako sa buong-panahong ministeryo para magtrabaho upang tustusan ang aking pamilya. Dahil sa aking karanasan bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, nakakuha ako ng trabaho bilang isang manedyer sa pag-aangkat. Pagkatapos ng mga siyam na taóng pagtatrabaho ko sa kompanyang iyon at pagkaraang makatapos ng pag-aaral si Rakel, ipinasiya naming tumugon sa pagpapasigla na lumipat kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga mángangarál ng Kaharian.

Sa pagsusuri sa mga oportunidad sa Norway, nagtanong ako sa isang ahensiya tungkol sa posibilidad na makapagtrabaho. Hindi maganda ang naging sagot. Napakaliit ng pag-asa para sa isang lalaking 55 taóng gulang na. Gayunman, nakipag-ugnayan pa rin ako sa tanggapang pansangay sa Oslo at pagkatapos ay umupa kami ng isang bahay malapit sa bayan ng Drøbak, anupat nagtitiwala na magkakaroon ako ng pagkakataong makapagtrabaho. Nagkaroon nga ako ng trabaho, at sinundan ito ng isang napakasayang paglilingkod sa Kaharian sa Norway.

Ang pinakamaliligayang panahon ay kapag ang karamihan sa aming kongregasyon ay naglalakbay pahilaga upang gumawa sa di-nakaatas na teritoryo. Umuupa kami ng mga bahay-bakasyunan sa isang lugar na maaaring magkamping, at araw-araw kaming dumadalaw sa nakakalat na mga bukirin sa mariringal na bundok. Talagang nakalulugod na ipakipag-usap sa palakaibigang mga taong ito ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Maraming literatura ang naipasakamay, ngunit ang mga pagdalaw-muli ay kailangang maghintay pa hanggang sa susunod na taon. Gayunman, hindi kami nakakalimutan ng mga tao! Natatandaan pa nina Esther at Rakel ang panahon nang magbalik kami at yakapin kami ng mga tao na para kaming matagal nang di-nakitang mga miyembro ng pamilya. Pagkalipas ng tatlong taon sa Norway, nagbalik kami sa Denmark.

Ang mga Kagalakang Dulot ng Buhay-Pampamilya

Di-nagtagal ay nakipagtipan si Rakel kay Niels Højer, isang masigasig na buong-panahong ministrong payunir. Pagkatapos ng kanilang kasal, nagpatuloy sina Niels at Rakel sa pagpapayunir hanggang sa magkaroon sila ng mga anak. Si Niels ay kapuwa naging mabuting asawa at ama, na talagang nagbibigay-pansin sa kaniyang pamilya. Isang umaga ay isinama niya ang kaniyang anak na lalaki sakay ng kaniyang bisikleta patungo sa dalampasigan upang pagmasdan ang pagsikat ng araw. Isang kapitbahay ang nagtanong sa bata kung ano ang ginawa nilang magtatay roon. Sumagot ito: “Nanalangin kami kay Jehova.”

Pagkalipas ng ilang taon, nasaksihan namin ni Esther ang bautismo ng aming dalawang pinakamatandang apo, sina Benjamin at Nadja. Kabilang si Niels sa mga nanood, na bigla na lamang tumayo sa harap ko. Tumingin siya sa akin at nagsabi, “Hindi umiiyak ang tunay na mga lalaki.” Gayunman, sa ilang sandali ay kapuwa kami umiiyak nang magkayakap. Kaylaking kagalakan na magkaroon ng manugang na makakatawanan at makakaiyakan mo!

Nakikibagay Pa Rin sa mga Kalagayan

Isa pang pagpapala ang dumating nang kami ni Esther ay hilingang magbalik upang maglingkod sa tanggapang pansangay sa Denmark. Gayunman, sa panahong iyon, isinasagawa na ang mga paghahanda para sa pagtatayo ng mas malaking pasilidad ng sangay sa Holbæk. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na makibahagi sa pangangasiwa sa gawaing pagtatayo, na pawang isinagawa ng di-bayarang mga boluntaryong manggagawa. Sa kabila ng matinding taglamig, pagsapit ng katapusan ng 1982, halos tapos na ang proyekto, at kaming lahat ay natuwang lumipat sa pinalaki at pinahusay na pasilidad!

Di-nagtagal ay nasangkot ako sa gawain sa opisina, na lalong naging kasiya-siya sa akin, samantalang si Esther naman ang nagpapatakbo sa telephone switchboard. Gayunman, dumating ang panahon na kinailangan siyang magpaopera para halinhan ang kaniyang balakang, at pagkaraan ng isang taon at kalahati, naoperahan na naman siya sa supot ng apdo. Sa kabila ng mabait na konsiderasyong ipinakita sa amin ng mga manggagawa sa sangay, ipinasiya namin na makabubuti sa lahat kung aalis kami sa sangay. Lumipat kami sa kongregasyon na kinauugnayan ng aming anak na babae at pamilya.

Sa ngayon, hindi mabuti ang kalusugan ni Esther. Gayunman, tunay na masasabi ko na sa lahat ng mga taon ng aming paglilingkod nang magkasama, sa kabila ng maraming mga pagbabago ng kalagayan, siya ay naging isang kahanga-hangang suporta at kasama. Sa kabila ng humihinang kalusugan, kaming dalawa ay may katamtamang bahagi pa rin sa gawaing pangangaral. Kapag ginugunita ko ang naging buhay ko, may-pagpapahalaga kong naaalaala ang mga salita ng salmista: “O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata.”​—Awit 71:17.

[Talababa]

^ par. 15 Tingnan ang The Watchtower ng Hulyo 15, 1963, pahina 437-42.

[Larawan sa pahina 24]

Ibinababa ang ipinadalang literatura sa tanggapan ng Alemanya na itinatayo nang panahong iyon noong 1949

[Larawan sa pahina 25]

Kabilang sa mga nakatrabaho ko ay ang mga Saksing katulad ng mga nakabalik na ito mula sa mga kampong piitan

[Mga larawan sa pahina 26]

Kasama si Esther sa ngayon at noong araw ng kasal namin sa Bethel sa Bern, Oktubre 1955