Kaaliwan sa Tumpak na Kaalaman Tungkol sa Diyos
Kaaliwan sa Tumpak na Kaalaman Tungkol sa Diyos
PARA sa ilang tao, ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pag-ibig at awa ng Diyos ay nagbabangon ng nakababagabag na mga tanong. Itinatanong nila: Kung gusto ng Diyos na pawiin ang kasamaan, alam niya kung paano gawin ito, at may kapangyarihan siyang gawin ito, bakit patuloy na lumalaganap ang kasamaan? Para sa kanila, ang problema ay kung paano pagtutugmain ang tatlong punto: (1) Ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat; (2) Ang Diyos ay maibigin at mabuti; at (3) patuloy na nagaganap ang kapaha-pahamak na mga pangyayari. Ikinakatuwiran nila na yamang ang huling punto ay walang-pagsalang totoo, kung gayon, tiyak na ang isa sa dalawang natitira ay hindi maaaring maging totoo. Para sa kanila, alinman sa hindi kayang pahintuin ng Diyos ang kasamaan o wala siyang pakialam dito.
Pagkalipas ng ilang araw matapos mawasak ang World Trade Center sa New York, isang prominenteng relihiyosong lider sa Estados Unidos ang nagsabi: “Tinanong na ako . . . nang ilang daang beses sa buong buhay ko kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang trahedya at pagdurusa. Aaminin ko na hindi ko talaga lubusang alam ang sagot, anupat ako ay hindi nasisiyahan sa alam kong sagot.”
Bilang reaksiyon sa komentong ito, isang propesor sa teolohiya ang sumulat na humanga siya sa “mahusay na teolohiya” na ipinangaral ng relihiyosong lider na iyon. Itinaguyod din niya ang pangmalas ng isang iskolar na sumulat: “Ang pagka-di-maunawaan ng pagdurusa ay bahagi ng pagka-di-maunawaan ng Diyos.” Ngunit talaga bang imposibleng maunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan?
Ang Pinagmulan ng Kasamaan
Kabaligtaran ng maaaring sabihin ng mga relihiyosong lider, hindi inilalarawan ng Bibliya na hindi maunawaan ang pagpapahintulot ng Diyos sa kasamaan. Ang isang susing punto sa pag-unawa sa usapin hinggil sa kasamaan ay ang kilalanin na hindi lumalang si Jehova ng isang balakyot na sanlibutan. Ang unang mag-asawang tao ay nilalang niya na sakdal, walang kasalanan. Minasdan ni Jehova ang kaniyang mga nilalang at nasumpungan niya itong “napakabuti.” (Genesis 1:26, 31) Layunin niya na palawakin nina Adan at Eva sa buong lupa ang Paraiso ng Eden at punuin ito ng maliligayang tao na nasa ilalim ng proteksiyon ng kaniyang maibiging soberanya.—Isaias 45:18.
Nagsimula ang kasamaan sa isang espiritung nilalang na nagkaroon ng hangaring siya ay sambahin, bagaman noong una ay tapat siya sa Diyos. (Santiago 1:14, 15) Nahayag sa lupa ang kaniyang paghihimagsik nang impluwensiyahan niya ang unang mag-asawang tao na sumama sa kaniyang pagsalansang sa Diyos. Sa halip na magpasakop sa malinaw na tagubilin ng Diyos na huwag kainin o hipuin ang bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, kumuha sina Adan at Eva at kumain nito. (Genesis 3:1-6) Sa paggawa nito, hindi lamang nila sinuway ang Diyos kundi ipinakita rin nila na hinangad nilang humiwalay sa kaniya.
Bumangon ang Isang Moral na Usapin
Ang paghihimagsik na ito sa Eden ay nagbangon ng isang moral na usapin, isang hamon na
may pansansinukob na kahalagahan. Kinuwestiyon ng mga naghimagsik na tao kung wasto nga bang isinasagawa ni Jehova ang kaniyang pamamahala sa mga nilalang niya. May karapatan ba ang Maylalang na hilingin ang ganap na pagsunod ng sangkatauhan? Mas mapabubuti kaya ang mga tao kung kikilos sila nang hiwalay sa kaniya?Hinarap ni Jehova ang hamong ito sa kaniyang pamamahala sa paraang nagpamalas ng sakdal na pagkakatimbang-timbang ng kaniyang pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Maaari niya sanang gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang lupigin kaagad ang paghihimagsik. Waring makatuwiran naman iyon, yamang may karapatan siya na gawin iyon. Ngunit ang paggawa ng gayon ay hindi makasasagot sa moral na mga usapin na ibinangon. Sa kabilang panig naman, maaari sanang basta palampasin na lamang ng Diyos ang pagkakasala. Ang gayong landasin ay tila isang maibiging hakbang para sa ilan sa ngayon. Gayunman, ito rin ay hindi makasasagot sa pag-aangkin ni Satanas na mas mapabubuti ang mga tao kung pamamahalaan nila ang kanilang sarili. Karagdagan pa, hindi kaya pasisiglahin pa ng gayong landasin ang iba na lumihis sa daan ni Jehova? Ang magiging resulta ay walang-katapusang pagdurusa.
Dahil sa kaniyang karunungan, pinahintulutan ni Jehova na magsarili ang mga tao sa loob ng ilang panahon. Bagaman nangangahulugan ito ng pagpapahintulot na pansamantalang manatili ang kasamaan, nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga tao na ipakita kung matagumpay nga nilang mapamamahalaan ang kanilang sarili nang hiwalay sa Diyos, anupat namumuhay ayon sa kanilang sariling mga pamantayan ng tama at mali. Ano ang naging resulta? Ang kasaysayan ng tao ay laging kakikitaan ng digmaan, kawalang-katarungan, paniniil, at pagdurusa. Ang sukdulang pagkabigo ng paghihimagsik kay Jehova ang permanenteng lulutas sa mga usapin na ibinangon sa Eden.
Samantala, ipinamalas ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng paglalaan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang tao upang maging haing pantubos. Pinangyayari nito na mapalaya ang masunuring mga tao mula sa hatol ng kasalanan at kamatayan na ibinunga ng pagsuway ni Adan. Binuksan ng pantubos ang daan tungo sa buhay na walang Juan 3:16.
hanggan para sa lahat ng nananampalataya kay Jesus.—Taglay natin ang nakaaaliw na katiyakan na ibinigay ni Jehova na pansamantala lamang ang pagdurusa ng tao. “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na,” ang isinulat ng salmista. “Pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Isang Tiwasay at Maligayang Kinabukasan
Ipinakikita ng katuparan ng mga hula sa Bibliya na malapit na ang panahon na wawakasan ng Diyos ang sakit, lumbay, at kamatayan. Pansinin kung anong kamangha-manghang pangitain ng mga bagay na darating ang ibinigay kay apostol Juan. Isinulat niya: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. . . . At ang Diyos mismo ay [makakasama ng sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Sa pananalitang nagdiriin sa pagkamaaasahan ng mga pangakong ito, sinabi kay Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apocalipsis 21:1-5.
Kumusta naman ang bilyun-bilyong walang-salang tao na namatay mula nang sumiklab ang paghihimagsik sa Eden? Ipinangako ni Jehova na bubuhayin niyang muli ang mga tao na ngayo’y natutulog sa kamatayan. Sinabi ni apostol Pablo: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang mga ito ay magkakaroon ng pag-asang mabuhay sa isang daigdig na doo’y “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Kung paanong pahihintulutan ng isang maibiging ama na mapasailalim sa isang masakit na operasyon ang kaniyang anak kung alam niyang magdudulot ito ng namamalaging pakinabang, gayundin pinahintulutan ni Jehova na maranasan ng mga tao ang pansamantalang pag-iral ng kasamaan sa lupa. Gayunman, isang walang-hanggang pagpapala ang naghihintay sa lahat ng nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos. Nagpaliwanag si Pablo: “Ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:20, 21.
Tunay na ito ay balita—hindi ang uri na napapanood natin sa telebisyon o nababasa sa pahayagan kundi mabuting balita. Ito ang pinakamabuti sa lahat ng balita mula sa “Diyos ng buong kaaliwan,” na talagang nagmamalasakit sa atin.—2 Corinto 1:3.
[Mga larawan sa pahina 6]
Ipinakita ng panahon na hindi matagumpay na mapamamahalaan ng sangkatauhan ang kanilang sarili nang hiwalay sa Diyos
[Credit Lines]
Pamilyang taga-Somalia: UN PHOTO 159849/M. GRANT; bomba atomika: USAF photo; kampong piitan: U.S. National Archives photo