Medalya ng Pagkilala Para sa Isang Kingdom Hall
Medalya ng Pagkilala Para sa Isang Kingdom Hall
ITINAKDA ng Ministry of Environment sa Finland ang taóng 2000 bilang ang “Taon ng Pagpapaganda sa Tanawin.” Sinabi ng isa sa mga tagapag-organisa na ang “layunin kung bakit ang pagpapaganda sa tanawin (landscaping) ang ginawang pinakatema ng taon ay upang paalalahanan tayong lahat hinggil sa impluwensiya ng luntiang kapaligiran sa ating araw-araw na pamumuhay at sa ating kapakanan.”
Noong Enero 12, 2001, isang liham mula sa Finnish Association of Landscape Industries ang natanggap ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Finland. Ipinaliwanag ng liham na ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Tikkurila ay ginantimpalaan ng isa sa mga medalya ng tema ng taon na pagpapaganda sa tanawin dahil sa pambihirang disenyo ng kapaligiran nito at sa napakagandang ayos ng hardin nito. Sinabi pa ng liham na “ang pangkalahatang hitsura ng kapaligiran [ng Kingdom Hall], kapuwa sa panahon ng tag-init at taglamig, ay kalugud-lugod, talagang maganda, at may mataas na kalidad.”
Ang medalya ay ipinagkaloob sa mga Saksi ni Jehova sa Rosendahl Hotel sa Tampere, Finland, sa isang okasyon na dinaluhan ng 400 propesyonal at negosyante. Naglabas din ang Finnish Association of Landscape Industries ng opisyal na pahayag sa mga pahayagan, na nagsasabi: “Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, halos laging maganda ang pagkakaplano ng mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang pangangalaga sa kapaligiran ay pumupukaw ng pansin ng halos lahat ng nagdaraan. Ang Kingdom Hall sa Tikkurila ay isang halimbawa ng kahanga-hangang hardin sa kabuuan. Ang gusali at ang napakaraming ginawa sa loteng kinaroroonan nito ay pawang nagpapamalas ng katahimikan at pagiging balanse.”
Sa Finland ay may 233 Kingdom Hall, at marami sa mga ito ay napalilibutan ng magagandang hardin. Gayunman, ang tunay na nagpapaganda sa mga dakong ito ay ang bagay na mga sentro ito ng tunay na pagsamba at pagtuturo sa Bibliya. Para sa mahigit na anim na milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ang isang Kingdom Hall—napakataas man ang kalidad o simple—ay isang kinagigiliwang dako. Iyan ang dahilan kung bakit sabik silang pangalagaan ito nang mabuti taglay ang pagkagiliw. Ang mga pintuan ng mga Kingdom Hall ay bukás sa lahat ng nasa inyong komunidad!