Pinagpapala at Ipinagsasanggalang ni Jehova ang mga Masunurin
Pinagpapala at Ipinagsasanggalang ni Jehova ang mga Masunurin
“Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”—KAWIKAAN 1:33.
1, 2. Bakit mahalaga ang pagsunod sa Diyos? Ilarawan.
ANG mabalahibo at kulay-dilaw na mga sisiw ay abala sa pagtuka ng pagkain sa damuhan, anupat walang kamalay-malay sa lawin na umaali-aligid sa himpapawid. Walang anu-ano, kumurók nang napakatinis ang inahing manok bilang babala at iniunat ang kaniyang mga pakpak. Tumakbo ang kaniyang mga sisiw patungo sa kaniya, at kaagad silang ligtas na naikubli sa ilalim ng kaniyang mga pakpak. Hindi na itinuloy ng lawin ang pagsalakay nito. * Ano ang aral dito? Nagliligtas ng buhay ang pagsunod!
2 Ang aral na iyon ay lalo nang mahalaga sa mga Kristiyano sa ngayon, yamang ginagawa ni Satanas ang buong makakaya niya upang manila sa bayan ng Diyos. (Apocalipsis 12:9, 12, 17) Ang kaniyang tunguhin ay sirain ang ating espirituwalidad upang maiwala natin ang pabor ni Jehova at ang pag-asa na buhay na walang-hanggan. (1 Pedro 5:8) Ngunit kung mananatili tayong malapit sa Diyos at mabilis na tutugon sa patnubay na tinatanggap natin sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon, makatitiyak tayo sa kaniyang nagsasanggalang na pangangalaga. “Sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis ay haharangan niya ang lalapit sa iyo, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka,” ang sulat ng salmista.—Awit 91:4.
Nasila ang Isang Masuwaying Bansa
3. Ano ang resulta ng paulit-ulit na pagsuway ng Israel?
3 Noong masunurin kay Jehova ang bansang Israel, palagi itong nakikinabang sa kaniyang mapagmasid na pangangalaga. Ngunit napakadalas na iniiwan ng bayan ang kanilang Maylikha at bumabaling sa mga diyos na kahoy at bato—“mga kabulaanan na walang kapakinabangan at hindi makapagligtas.” (1 Samuel 12:21) Pagkalipas ng maraming siglo ng gayong paghihimagsik, ang bansa sa kabuuan ay lubhang nalugmok sa apostasya anupat wala na itong pag-asang makaahon pa. Kaya nanaghoy si Jesus: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”—Mateo 23:37, 38.
4. Paano nakita ang katibayan na iniwan ni Jehova ang Jerusalem noong 70 C.E.?
4 Ang katibayan na iniwan na ni Jehova ang taksil na Israel ay nakita sa kalunus-lunos na paraan noong 70 C.E. Noong taóng iyon, ang mga hukbong Romano, na dala-dala ang kanilang mga estandarteng may larawan ng agila, ay lumusob sa Jerusalem upang magsagawa ng kahila-hilakbot na pamamaslang. Ang lunsod ay punung-punô noon ng mga nagdiriwang ng Paskuwa. Hindi nila nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos dahil sa kanilang maraming hain. Iyan ay masaklap na paalaala ng mga salita ni Samuel sa masuwaying si Haring Saul: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran 1 Samuel 15:22.
si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.”—5. Anong uri ng pagsunod ang hinihiling ni Jehova, at paano natin nalalaman na posible ang gayong pagsunod?
5 Bagaman mahigpit niyang hinihiling ang pagiging masunurin, alam na alam ni Jehova ang mga limitasyon ng di-sakdal na mga tao. (Awit 130:3, 4) Ang hinihiling niya ay kataimtiman ng puso at pagsunod salig sa pananampalataya, pag-ibig, at kapaki-pakinabang na pagkatakot na hindi siya mapalugdan. (Deuteronomio 10:12, 13; Kawikaan 16:6; Isaias 43:10; Mikas 6:8; Roma 6:17) Ang gayong pagsunod ay posible yamang naipakita ito ng isang ‘napakalaking ulap ng mga saksi bago ang panahong Kristiyano,’ na nanatiling tapat sa harap ng nakapanghihilakbot na mga pagsubok, maging ng kamatayan. (Hebreo 11:36, 37; 12:1) Tunay ngang pinasaya ng mga ito ang puso ni Jehova! (Kawikaan 27:11) Gayunman, ang iba ay naging tapat sa pasimula ngunit hindi nanatili sa landasin ng pagsunod. Ang isa rito ay si Haring Jehoas ng sinaunang Juda.
Isang Hari na Pinasamâ ng Masasamang Kasama
6, 7. Anong uri ng hari si Jehoas nang buháy pa si Jehoiada?
6 Muntik nang mapatay sa pataksil na paraan si Haring Jehoas noong siya ay sanggol pa. Nang si Jehoas ay pitong taóng gulang na, may-katapangan siyang inilabas ng mataas na saserdoteng si Jehoiada mula sa pagtatago at ginawa siyang hari. Dahil kumilos ang may takot sa Diyos na si Jehoiada bilang ama at tagapayo ni Jehoas, ang kabataang tagapamahala ay ‘patuloy na gumawa ng tama sa paningin ni Jehova sa lahat ng mga araw ni Jehoiada na saserdote.’—2 Cronica 22:10–23:1, 11; 24:1, 2.
7 Kabilang sa mabubuting gawa ni Jehoas ang pag-aayos sa templo ni Jehova—isang gawa na “malapit sa puso ni Jehoas.” Ipinaalaala niya sa mataas na saserdoteng si Jehoiada ang pangangailangang maglikom ng buwis para sa templo mula sa Juda at Jerusalem, ayon sa “itinagubilin ni Moises,” upang matustusan ang pagkukumpuni. Maliwanag na nagtagumpay si Jehoiada sa pagpapasigla sa kabataang hari na mag-aral at sumunod sa Kautusan ng Diyos. Bilang resulta, mabilis na natapos ang paggawa sa templo at sa mga kagamitan nito.—2 Cronica 24:4, 6, 13, 14; Deuteronomio 17:18.
8. (a) Ano ang pangunahing umakay sa espirituwal na pagbagsak ni Jehoas? (b) Ang pagsuway ng hari ay umakay sa kaniya na gawin ang ano nang dakong huli?
8 Nakalulungkot, hindi nagtagal ang pagsunod ni Jehoas kay Jehova. Bakit? Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Pagkamatay ni Jehoiada ay pumaroon ang mga prinsipe ng Juda at yumukod sa hari. Nang pagkakataong iyon ay nakinig ang hari sa kanila. At nang maglaon ay iniwan nila ang bahay ni Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno at nagsimulang maglingkod sa mga sagradong poste at sa mga idolo, kung kaya dumating ang galit laban sa Juda at sa Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.” Ang masamang impluwensiya ng mga prinsipe ng Juda ang umakay rin sa hari na ipagwalang-bahala ang mga propeta ng Diyos, isa rito ang anak ni Jehoiada na si Zacarias, na lakas-loob na sumaway kay Jehoas at sa bayan dahil sa kanilang pagsuway. Sa halip na magsisi, ipinag-utos ni Jehoas na batuhin si Zacarias hanggang sa mamatay ito. Talaga ngang naging malupit at masuwaying tao si Jehoas—pawang dahil sa nagpadala siya sa impluwensiya ng masasamang kasama!—2 Cronica 24:17-22; 1 Corinto 15:33.
9. Paano idiniin ng pangwakas na kinahinatnan ni Jehoas at ng mga prinsipe ang kamangmangan ng pagsuway?
9 Yamang iniwan na si Jehova, ano ang nangyari kay Jehoas at sa kaniyang balakyot na mga kasamang prinsipe? Isang hukbong militar ng mga 2 Cronica 24:23-25; 2 Hari 12:17, 18) Totoo nga ang mga salita ni Jehova sa Israel: “Kung hindi ka makikinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng maingat na pagsasagawa ng lahat ng kaniyang mga utos at ng kaniyang mga batas . . . , ang lahat ng mga sumpang ito ay darating nga sa iyo at aabot sa iyo”!—Deuteronomio 28:15.
Siryano—na “may maliit na bilang ng mga lalaki” lamang—ang sumalakay sa Juda at ‘nilipol ang lahat ng prinsipe ng bayan.’ Pinuwersa rin ng mga sumalakay na isuko ng hari ang kaniyang mga ari-arian gayundin ang ginto at pilak ng santuwaryo. Bagaman nakaligtas si Jehoas, siya ay humina at nagkasakit. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagsabuwatan ang kaniya mismong mga lingkod at pataksil siyang pinatay. (Isang Kalihim na Naligtas Dahil sa Pagkamasunurin
10, 11. (a) Bakit kapaki-pakinabang na pag-isipang mabuti ang payo ni Jehova kay Baruc? (b) Anong payo ang ibinigay ni Jehova kay Baruc?
10 Kung minsan ba ay nasisiphayo ka dahil iilan lamang sa mga taong natatagpuan mo sa ministeryong Kristiyano ang nagpapakita ng interes sa mabuting balita? Paminsan-minsan ba ay naiinggit ka sa paanuman sa mga mayayaman at sa kanilang mapagpalayaw na istilo ng pamumuhay? Kung gayon, pag-isipang mabuti si Baruc, ang kalihim ni Jeremias, at ang maibiging payo ni Jehova sa kaniya.
11 Isinusulat noon ni Baruc ang isang makahulang mensahe nang siya mismo ay pagtuunan ng pansin ni Jehova. Bakit? Sapagkat si Baruc ay nagsimulang dumaing hinggil sa kaniyang kalagayan sa buhay at naghangad ng mas magandang buhay kaysa sa kaniyang pantanging pribilehiyo ng paglilingkuran sa Diyos. Yamang napansin ang pagbabago ng saloobin ni Baruc, binigyan siya ni Jehova ng malinaw ngunit may-kabaitang payo, na sinasabi: “Patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap. Sapagkat narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman, . . . at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.”—Jeremias 36:4; 45:5.
12. Bakit dapat nating iwasang maghanap ng “mga dakilang bagay” para sa ating sarili sa kasalukuyang sistema ng mga bagay?
12 Nakikita mo ba sa mga pananalita ni Jehova kay Baruc ang Kaniyang masidhing pagmamalasakit sa mahusay na lalaking ito, na naglingkod sa kaniya nang may katapatan at lakas ng loob kasama ni Jeremias? Sa katulad na paraan sa ngayon, si Jehova ay lubhang nagmamalasakit sa mga natutuksong itaguyod ang iniisip nilang mas magandang buhay sa sistemang ito ng mga bagay. Nakatutuwa naman, kagaya ni Baruc, marami sa kanila ang tumugon sa maibiging payo ng may-gulang na mga kapatid sa espirituwal. (Lucas 15:4-7) Oo, nawa’y matanto nating lahat na walang kinabukasan para sa mga naghahanap ng “mga dakilang bagay” para sa kanilang sarili sa sistemang ito. Hindi lamang nabibigong makasumpong ang mga taong iyon ng tunay na kaligayahan kundi, mas malala pa, malapit na silang lumipas kasama ng sanlibutang ito at ng lahat ng mapag-imbot na mga pagnanasa nito.—Mateo 6:19, 20; 1 Juan 2:15-17.
13. Anong aral hinggil sa kapakumbabaan ang itinuturo sa atin ng ulat hinggil kay Baruc?
13 Ang ulat hinggil kay Baruc ay nagtuturo rin sa atin ng isang mainam na aral hinggil sa kapakumbabaan. Pansinin na hindi tuwirang pinayuhan ni Jehova si Baruc kundi nagsalita Siya sa pamamagitan ni Jeremias, na ang mga di-kasakdalan at kakatwang ugali ay malamang na alam na alam ni Baruc. (Jeremias 45:1, 2) Gayunman, hindi nadaig ng pagmamataas si Baruc; may-pagpapakumbaba niyang naunawaan ang tunay na pinagmulan ng payo—si Jehova. (2 Cronica 26:3, 4, 16; Kawikaan 18:12; 19:20) Kaya kung tayo ay ‘makagawa ng anumang maling hakbang bago natin mabatid ito’ at makatanggap ng kinakailangang payo mula sa Salita ng Diyos, tularan natin ang pagkamaygulang, espirituwal na kaunawaan, at kapakumbabaan ni Baruc.—Galacia 6:1.
14. Bakit makabubuti para sa atin na maging masunurin sa mga nangunguna sa atin?
14 Ang gayong mapagpakumbabang saloobin sa ating bahagi ay nakatutulong din sa mga nagpapayo. Ganito ang sabi ng Hebreo 13:17: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” Kaydalas ngang ipahayag ng matatanda ang lahat ng nilalaman ng kanilang puso kay Jehova, na nananalangin ukol sa lakas ng loob, karunungan, at taktika na kinakailangan upang maisakatuparan ang napakahirap na aspektong ito ng kanilang pagpapastol! Nawa’y ‘kilalanin natin ang gayong uri ng mga tao.’—1 Corinto 16:18.
15. (a) Paano ipinakita ni Jeremias ang kaniyang pagtitiwala kay Baruc? (b) Paano ginantimpalaan si Baruc sa kaniyang mapagpakumbabang pagsunod?
15 Maliwanag na binago ni Baruc ang kaniyang pag-iisip, yamang binigyan siya ni Jeremias ng isa pang napakahirap na atas—ang pumunta sa templo at basahin nang malakas ang mismong mensahe ng paghatol na isinulat niya mismo habang idinidikta ito ni Jeremias. Sumunod ba si Baruc? Oo, ginawa niya ang “lahat ng iniutos sa kaniya ni Jeremias na propeta.” Sa katunayan, binasa pa nga niya ang mensahe ring iyon sa mga prinsipe ng Jerusalem, na walang-alinlangang nangangailangan ng higit pang lakas ng loob. (Jeremias 36:1-6, 8, 14, 15) Nang bumagsak ang lunsod sa mga taga-Babilonya pagkalipas ng mga 18 taon, gunigunihin kung gaano kalaki ang pasasalamat ni Baruc sa pagkaligtas sa kaniya dahil nakinig siya sa babala ni Jehova at huminto sa paghahanap ng “mga dakilang bagay” para sa kaniyang sarili!—Jeremias 39:1, 2, 11, 12; 43:6.
Nakapagligtas ng Buhay ang Pagsunod sa Panahon ng Isang Pagkubkob
16. Paano nagpakita ng habag si Jehova sa mga Judio sa Jerusalem nang panahon ng pangungubkob ng Babilonya noong 607 B.C.E.?
16 Nang sumapit ang wakas ng Jerusalem noong 607 B.C.E., muling nakita ang pagkamahabagin ng Diyos sa mga masunurin. Sa kasagsagan ng pangungubkob na iyon, sinabi ni Jehova sa mga Judio: “Narito, inilalagay ko sa harap ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan. Siyang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa tabak at sa taggutom at sa salot; ngunit siyang lalabas at kakampi nga sa mga Caldeo na nangungubkob laban sa inyo ay mananatiling buháy, at ang kaniyang kaluluwa ay tiyak na magiging kaniya bilang samsam.” (Jeremias 21:8, 9) Bagaman ang mga naninirahan sa Jerusalem ay nararapat sa pagkapuksa, nagpakita ng habag si Jehova sa mga sumunod sa kaniya, kahit sa napakahalaga at huling sandaling iyon. *
17. (a) Sa anong dalawang paraan nasubok ang pagkamasunurin ni Jeremias nang utusan siya ni Jehova na sabihin sa mga kinubkob na mga Judio na ‘kumampi sa mga Caldeo’? (b) Paano tayo makikinabang sa halimbawa ni Jeremias hinggil sa pagsunod nang may lakas ng loob?
17 Ang pagsasabi sa mga Judio na sumuko ay tiyak na sumubok din sa pagkamasunurin ni Jeremias. Ang isang dahilan ay masigasig siya para sa pangalan ng Diyos. Hindi niya nais na maupasala ito ng mga kaaway na nag-uukol ng kanilang tagumpay sa mga idolong walang buhay. (Jeremias 50:2, 11; Panaghoy 2:16) Karagdagan pa, alam ni Jeremias na kapag sinabi niya na sumuko ang bayan, lubhang isinasapanganib niya ang kaniya mismong buhay, yamang ituturing ng marami ang kaniyang mga salita bilang mapaghimagsik. Gayunman, hindi siya natakot, kundi sumunod siya at ipinahayag ang mga hatol ni Jehova. (Jeremias 38:4, 17, 18) Kagaya ni Jeremias, dala rin natin ang isang mensaheng di-nagugustuhan ng karamihan. Ito rin ang mensahe na siyang dahilan ng paghamak kay Jesus. (Isaias 53:3; Mateo 24:9) Kaya huwag nawa tayong ‘manginig sa harap ng mga tao,’ kundi sa halip ay lakas-loob nating sundin si Jehova, anupat lubos na nagtitiwala sa kaniya, gaya ni Jeremias.—Kawikaan 29:25.
Pagkamasunurin sa Harap ng Pagsalakay ni Gog
18. Anong mga pagsubok sa pagkamasunurin ang haharapin ng mga lingkod ni Jehova?
18 Di-magtatagal, ang buong balakyot na sistema ni Satanas ay pupuksain sa isang “malaking kapighatian” na hindi pa nangyayari kailanman. (Mateo 24:21) Walang alinlangan na bago ito maganap at habang nagaganap ito, mararanasan ng bayan ng Diyos ang matitinding pagsubok sa kanilang pananampalataya at pagkamasunurin. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na si Satanas, sa kaniyang papel bilang “Gog ng lupain ng Magog,” ay lubusang sasalakay laban sa mga lingkod ni Jehova, anupat inihahanda ang mga pulutong na inilalarawan bilang ‘isang malaking hukbong militar, tulad ng mga ulap na tatakip sa lupain.’ (Ezekiel 38:2, 14-16) Palibhasa’y mas kaunti at hindi nasasandatahan, manganganlong ang bayan ng Diyos sa “mga bagwis” ni Jehova, na kaniyang iuunat upang ipagsanggalang ang mga masunurin.
19, 20. (a) Bakit ang pagkamasunurin ng Israel ay napakahalaga noong sila ay nasa Dagat na Pula? (b) Paano tayo makikinabang ngayon sa pagbubulay-bulay nang may pananalangin hinggil sa ulat sa Dagat na Pula?
19 Ipinaaalaala sa atin ng situwasyong ito ang Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto. Matapos pasapitan ng sampung mapangwasak na salot ang Ehipto, inakay ni Jehova ang kaniyang bayan, hindi sa pinakamaikling ruta patungo sa Lupang Pangako, kundi sa Dagat na Pula, kung saan madali silang mapaligiran at salakayin. Sa pangmalas ng militar, iyon ay waring isang kapaha-pahamak na hakbang. Kung ikaw ay naroroon, susundin mo kaya ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Moises at magmamartsa patungo sa Dagat na Pula taglay ang buong pananalig, bagaman nalalaman mo na ang Lupang Pangako ay waring nasa ibang direksiyon?—Exodo 14:1-4.
20 Habang binabasa natin ang Exodo kabanata 14, makikita natin kung paano iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa kasindak-sindak na pagtatanghal ng kapangyarihan. Tunay ngang napatitibay ang ating pananampalataya ng gayong mga ulat kapag gumugugol tayo ng panahon upang pag-aralan at bulay-bulayin ang mga iyon! (2 Pedro 2:9) Ang malakas na pananampalataya naman, na resulta nito, ang magpapatibay sa atin na sumunod kay Jehova, kahit na ang kaniyang mga kahilingan ay waring salungat sa pangangatuwiran ng tao. (Kawikaan 3:5, 6) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Nagsisikap ba akong patibayin ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pagbubulay-bulay, gayundin sa pamamagitan ng regular na pakikisama sa bayan ng Diyos?’—Hebreo 10:24, 25; 12:1-3.
Nagdudulot ng Pag-asa ang Pagkamasunurin
21. Anong mga pagpapala sa ngayon at sa hinaharap ang sasapit sa mga sumusunod kay Jehova?
21 Ngayon pa lamang ay nararanasan na ng mga taong namumuhay nang masunurin kay Jehova ang katuparan ng Kawikaan 1:33, na nagsasabi: “Kung tungkol sa sinumang [masunuring] nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” Tunay ngang kamangha-manghang matutupad ang nakaaaliw na mga salitang ito sa darating na araw ng paghihiganti ni Jehova! Sa katunayan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Lucas 21:28) Maliwanag, yaong mga masunurin lamang sa Diyos ang magkakaroon ng pagtitiwala na sundin ang mga salitang ito.—Mateo 7:21.
22. (a) Ano ang dahilan para magtiwala ang bayan ni Jehova? (b) Anong mga bagay ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Ang isa pang dahilan para magtiwala ay ang bagay na ‘hindi gagawa ang Soberanong Panginoong Jehova ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.’ (Amos 3:7) Sa ngayon, hindi na kumakasi ng mga propeta si Jehova na gaya noong una; sa halip, kaniyang inatasan ang uring tapat at maingat na alipin upang maglaan ng napapanahong espirituwal na pagkain para sa kaniyang sambahayan. (Mateo 24:45-47) Kung gayon, napakahalaga nga na tayo ay magkaroon ng masunuring saloobin sa “alipin” na iyon! Gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, ipinamamalas din ng gayong pagkamasunurin ang ating saloobin kay Jesus, ang panginoon ng “alipin.” Siya ang Isa na ‘pag-uukulan ng pagkamasunurin ng mga bayan.’—Genesis 49:10.
[Mga talababa]
^ par. 1 Bagaman karaniwan nang inilalarawan na mahina ang loob, “ang isang inahing manok ay makikipaglaban hanggang kamatayan upang ipagsanggalang ang kaniyang mga sisiw mula sa pinsala,” ang sabi ng isang publikasyon ukol sa pag-iingat ng mga hayop.
^ par. 16 Isinisiwalat ng Jeremias 38:19 na may ilang Judio na “kumampi” sa mga Caldeo at hindi pinatay ngunit dinala bilang tapon. Hindi sinabi sa atin kung sumuko sila bilang tugon sa mga salita ni Jeremias. Magkagayunman, ang pagkaligtas nila ay nagpapatotoo sa mga salita ng propeta.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang resulta ng paulit-ulit na pagsuway ng Israel?
• Paano naapektuhan si Haring Jehoas ng kaniyang mga kasama, noong una at huling bahagi ng kaniyang buhay?
• Anong mga aral ang matututuhan natin mula kay Baruc?
• Bakit walang dahilan para matakot ang masunuring bayan ni Jehova habang papalapit na sa wakas ang kasalukuyang sistemang ito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Sa ilalim ng patnubay ni Jehoiada, naging masunurin kay Jehova ang kabataang si Jehoas
[Larawan sa pahina 15]
Ang masasamang kasama ang nag-impluwensiya kay Jehoas na ipapatay ang propeta ng Diyos
[Larawan sa pahina 16]
Susunod ka kaya kay Jehova at masasaksihan ang kaniyang kamangha-mangha at nagliligtas na kapangyarihan?