Kumikilos ba ang Masasamang Puwersa?
Kumikilos ba ang Masasamang Puwersa?
“Litung-lito ang sanlibutan, na waring may mga puwersa ng okulto na nagsisikap nang husto upang sarhan ang lahat ng malalabasan sa panahon ng kagipitan.”—Jean-Claude Souléry, peryodista.
‘Ang pagkadama ng indibiduwal na siya’y walang kalaban-laban ay may tendensiyang pumukaw ng paniniwalang may kumikilos na nangingibabaw na kasamaan.’—Josef Barton, istoryador.
ANG lubhang kahila-hilakbot na pagsalakay ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001 ay nagpangyari sa marami na mag-isip-isip. Sa kaniyang pagsulat sa Financial Times ng Inglatera, sinabi ni Michael Prowse: “Walang hayop ang kikilos o makakakilos nang gayon kabalasik.” Ikinomento ng isang editoryal ng New York Times na bukod pa sa kinakailangang pagpaplano upang maisakatuparan ang pagsalakay, “mahalaga ring isaalang-alang ang tindi ng poot na pumukaw rito. Ito ang poot na nakahihigit sa karaniwang nagaganap sa digmaan, wala itong pagpipigil, walang sinusunod na kasunduan.”
Pinag-iisipan ng mga taong may iba’t ibang pananampalataya ang posibilidad na may kumikilos na isang masamang kapangyarihan. Isang negosyante mula sa Sarajevo na nakasaksi sa mga kahila-hilakbot na etnikong pagkakapootan sa Bosnia ang nagpahayag: “Pagkatapos ng isang taóng digmaan sa Bosnia, naniniwala ako na si Satanas ang may kontrol doon. Ito ay pawang kabaliwan.”
Nang tanungin kung naniniwala siya sa Diyablo, ganito ang tugon ng istoryador na si Jean Delumeau: “Paano ko maikakaila ang kapangyarihan ng kasamaan gayong nakikita ko kung ano ang nangyayari at kung ano na ang nangyari mula nang ako’y isilang: Ang ikalawang digmaang pandaigdig, na may mahigit na 40 milyong biktima; ang Auschwitz at mga kampong patayan; ang paglipol sa partikular na grupo ng mga tao sa Cambodia; ang madugong paniniil ng rehimeng Ceauşescu; ang pagpapahirap bilang isang tatag na pamamaraan ng pamahalaan sa maraming lugar sa buong daigdig. Walang katapusan ang listahan ng mga kahila-hilakbot na mga gawa. . . . Kaya naniniwala ako na makatuwirang tawagin natin ang gayong mga gawa na ‘makademonyo,’ hindi dahil sa ang mga ito’y udyok ng isang Diyablo na may mga sungay at mga paang hati ang kuko kundi ng isang Diyablo na siyang sagisag ng espiritu at kapangyarihan ng kasamaan na kumikilos sa daigdig.”
Kagaya ni Jean Delumeau, inilalarawan ng maraming tao ang kahila-hilakbot na mga bagay na nagaganap sa ngayon sa lipunan ng tao bilang “makademonyo,” mula sa nangyayari sa pamilya hanggang sa nagaganap sa iba’t ibang bansa. Ngunit ano ba ang kahulugan nito? Ang gayon bang kahila-hilakbot na mga gawa ay kagagawan ng di-personang mga kapangyarihan ng kasamaan, o may kumikilos na mga puwersa ng masasamang persona na nagtutulak sa mga tao na gumawa ng kahindik-hindik na mga krimeng mas masahol pa sa karaniwang kasamaan ng tao? Ang gayon bang mga puwersa ay pinangungunahan ng prinsipe ng kasamaan—si Satanas na Diyablo?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Mga bata: U.S. Coast Guard photo