Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Maging Marunong Ka sa Iyong Kinabukasan”

“Maging Marunong Ka sa Iyong Kinabukasan”

“Maging Marunong Ka sa Iyong Kinabukasan”

“Ginagamit ng karamihan sa mga tao ang unang mga taon ng kanilang buhay sa paraan na magiging miserable ang mga huling taon nila.” Ganiyan ang sinabi ni Jean de La Bruyère, isang ika-17 siglong mananaysay na Pranses. Tunay nga, ang isang di-makapagpasiyang kabataan ay maaaring mag-urong-sulong sa pagdedesisyon, anupat nakararanas ng kawalang-kasiyahan at pagsisisi. Sa kabilang panig naman, ang isang kabataang matigas ang ulo ay maaaring magpatuloy sa isang di-matalinong landasin, anupat nawawala ang kaniyang kagalakan sa dakong huli ng kaniyang buhay. Alinman sa dalawa, ang pagkakasala dahil sa hindi paggawa ng tama o ang kusang paggawa ng mali ay nakapagdudulot ng malaking kahapisan.

Paano maiiwasan ang gayong kahihinatnan? Bilang babala laban sa pagiging di-makapagpasiya ng kabataan, ganito ang payo ng Salita ng Diyos sa kanila: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ” (Eclesiastes 12:1) Kung ikaw ay isang kabataan, gumawa ng mga positibong hakbang upang makilala ang “iyong Dakilang Maylalang” habang bata ka pa.

Kung gayon, paano matutulungan ng Bibliya ang mga kabataan na maiwasan ang kahibangan sa panahon ng kabataan? Sinasabi nito: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang maging marunong ka sa iyong kinabukasan.” (Kawikaan 19:20) Maliwanag na ipinakikita rin ng Bibliya na ang pagtatakwil sa makadiyos na karunungan dahil sa pagpapabaya o paghihimagsik sa panahon ng kabataan, o sa alinmang yugto ng buhay, ay nagdudulot ng mapait na bunga. (Kawikaan 13:18) Sa kabilang dako naman, ang pakikinig sa mga tagubilin ng Diyos ay nagbubunga ng “kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan,” isang kasiya-siya at makabuluhang buhay.​—Kawikaan 3:2.