Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Pakikiisa ba sa ibang pananampalataya ang bumili ng isang gusali mula sa ibang relihiyosong grupo at gawin itong isang Kingdom Hall?

Sa pangkalahatan, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang gayong mga transaksiyon sa ibang mga relihiyon. Gayunman, ang gayong transaksiyon ay maaaring hindi naman mangahulugan ng pakikiisa sa ibang pananampalataya (interfaith). Maaari lamang itong ituring na minsanang transaksiyon sa negosyo. Ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikipagtulungan sa ibang relihiyosong grupo upang magtayo ng isang dako ng pagsamba na pareho nilang gagamitin.

Ano ba ang maituturing na pakikiisa sa ibang pananampalataya ayon sa pangmalas ni Jehova? Isaalang-alang ang tagubilin ni apostol Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya? At anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ” (2 Corinto 6:14-17) Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa mga pananalitang “pakikisama” at “pakikibahagi”?

Ang pakikisama na binanggit ni Pablo ay maliwanag na may kaugnayan sa pagsamba at pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain ng mga mananamba sa idolo at ng mga di-sumasampalataya. Nagbabala siya sa mga taga-Corinto laban sa ‘pakikibahagi sa mesa ng mga demonyo.’ (1 Corinto 10:20, 21) Kaya ang pakikiisa sa ibang pananampalataya ay yaong pakikibahagi sa pagsamba o espirituwal na pakikisama sa ibang mga relihiyosong organisasyon. (Exodo 20:5; 23:13; 34:12) Kapag binili ang isang gusali na dating ginagamit ng isang relihiyosong organisasyon, ang layunin nito ay para lamang makakuha ng istrakturang kinakailangan para sa isang Kingdom Hall. Bago ito gamitin bilang isang Kingdom Hall, inaalis dito ang anumang bagay na may kinalaman sa huwad na pagsamba. Yamang nabago na ang gusali, ito ay iniaalay kay Jehova tangi lamang sa layuning sambahin siya. Walang anumang pakikibahagi o pakikisama ang tunay na pagsamba sa huwad na pagsamba.

Hinggil naman sa pakikipag-usap sa mga detalye ng gayong pagbili, ang pakikipag-ugnayan sa kabilang panig ay dapat na limitahan hangga’t maaari, at ito ay dapat na tungkol lamang sa transaksiyon. Dapat isaisip ng mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ang babala ni Pablo na huwag “makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Bagaman hindi naman tayo nagmamataas sa iba na may ibang pananampalataya, iniiwasan nating makisalamuha sa kanila o maimpluwensiyahan na makisama sa kanilang pagsamba. *

Kumusta naman ang hinggil sa pag-upa ng kongregasyon sa isang gusali na pag-aari ng isang relihiyosong organisasyon? Karaniwan nang nasasangkot sa pag-upa ang regular na pakikipag-ugnayan sa organisasyong iyon, na dapat iwasan. Kahit na ang pag-upa sa gusaling iyon ay para lamang sa isang okasyon, dapat na isaalang-alang ng lupon ng matatanda ang mga sumusunod: Mayroon bang anumang idolo o relihiyosong sagisag sa loob at labas ng gusali? Paano mamalasin ng mga tao sa komunidad ang paggamit natin sa pasilidad? May matitisod ba sa kongregasyon sa paggamit natin sa gusaling iyon? (Mateo 18:6; 1 Corinto 8:7-13) Pagtitimbang-timbangin ng matatanda ang mga salik na ito at pagkatapos ay magpapasiya salig dito. Kailangan din nilang isaalang-alang ang kanilang budhi at yaong sa kongregasyon sa pangkalahatan kapag nagpapasiya kung bibilhin at babaguhin ang gayong gusali upang maging isang Kingdom Hall.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1999, pahina 28 at 29, para sa impormasyon hinggil sa pagiging angkop ng paggawa ng transaksiyon sa negosyo sa mga organisasyong hindi sinasang-ayunan ni Jehova.

[Larawan sa pahina 27]

Ang gusaling ito, na dati’y isang sinagoga, ay binili at kinumpuni upang maging isang Kingdom Hall