Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapalaki ng mga Anak sa Banyagang Lupain—Ang mga Hamon at mga Gantimpala

Pagpapalaki ng mga Anak sa Banyagang Lupain—Ang mga Hamon at mga Gantimpala

Pagpapalaki ng mga Anak sa Banyagang Lupain​—Ang mga Hamon at mga Gantimpala

MILYUN-MILYONG tao ang nandarayuhan sa pag-asang magkaroon ng magandang pasimula sa isang bagong lupain. Nakatira ngayon sa Europa ang mahigit sa 20 milyong nandayuhan, naninirahan sa Estados Unidos ang mahigit sa 26 na milyong mamamayan na isinilang sa ibang bansa, samantalang mahigit sa 21 porsiyento ng kabuuang populasyon sa Australia ang isinilang sa ibayong-dagat. Kadalasan, ang mga nandayuhang pamilya na ito ay kailangang makipagpunyagi sa isang bagong wika at makibagay sa isang bagong kultura.

Kadalasan, madaling natututuhan ng mga anak ang wika sa kanilang bagong bansa at nagsisimulang mag-isip salig sa bagong wika. Maaari namang mas matagal matuto ang kanilang mga magulang. Habang lumalaki ang mga anak sa isang lupain na di-pamilyar sa kanilang mga magulang, maaaring magkaroon ng problema sa komunikasyon na hindi madaling malutas dahil sa mga suliranin sa wika.

Hindi lamang naapektuhan ng bagong wika ang paraan ng pag-iisip ng mga anak kundi naiimpluwensiyahan din ng kultura ng bagong bansa ang kanilang nadarama. Maaaring mahirapan ang mga magulang na maunawaan ang mga reaksiyon ng kanilang mga anak. Kaya ang nandayuhang mga magulang na nagsisikap na palakihin ang kanilang mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ay napapaharap sa di-pangkaraniwang mga hamon.​—Efeso 6:4.

Ang Hamon ng Pag-abot Kapuwa sa Isip at Puso

Ang mga magulang na Kristiyano ay may pagnanais at pananagutan na ituro sa kanilang mga anak ang “dalisay na wika” ng katotohanan sa Bibliya. (Zefanias 3:9) Gayunman, kung ang mga anak ay mayroon lamang limitadong kaalaman sa wika ng kanilang mga magulang at kung hindi naipahahayag ng mga magulang ang kanilang sarili sa mabisang paraan sa wikang nakasanayan ng kanilang mga anak, paano maikikintal ng mga magulang ang kautusan ni Jehova sa puso ng kanilang mga anak? (Deuteronomio 6:7) Baka nauunawaan ng mga anak ang mga salitang binibigkas ng kanilang mga magulang, ngunit kung ang sinasabi ay hindi naman umaabot sa puso, maaaring maging mga estranghero ang mga anak sa kanilang sariling tahanan.

Sina Pedro at Sandra ay lumipat sa Australia mula sa Timog Amerika, at napaharap sila sa hamong ito habang pinalalaki ang kanilang dalawang tin-edyer na anak na lalaki. * Sabi ni Pedro: “Kapag ipinakikipag-usap ang espirituwal na mga bagay, nasasangkot ang puso at damdamin. Kailangan mong ipahayag ang mas malalim at mas makabuluhang mga kaisipan, kaya kailangan ang mas malawak na bokabularyo.” Dagdag pa ni Sandra: “Kung walang lubos na kaunawaan ang aming mga anak sa aming katutubong wika, maaaring mapasamâ ang kanilang espirituwal na buhay. Maaaring maiwala nila ang pagpapahalaga sa katotohanan, anupat hindi nauunawaan ang simulain na nasa likod ng kanilang mga natututuhan. Maaaring hindi sumulong ang kanilang espirituwal na kaunawaan, at maaaring maapektuhan ang kanilang kaugnayan kay Jehova.”

Sina Gnanapirakasam at Helen ay nandayuhan sa Alemanya mula sa Sri Lanka at ngayon ay may dalawa nang anak. Sumasang-ayon sila: “Sa palagay namin ay napakahalaga na magsalita ang aming mga anak sa katutubong wika namin habang nag-aaral ng Aleman. Mahalaga sa kanila na kaya nilang sabihin sa amin ang kanilang nadarama, anupat nakikipag-usap nang puso sa puso.”

Sina Miguel at Carmen, na lumipat mula sa Uruguay patungong Australia, ay nagsabi: “Ang mga magulang na nasa aming kalagayan ay kailangang gumawa ng karagdagang pagsisikap. Kailangan nilang matutuhang mabuti ang bagong wika hanggang sa maunawaan nila at maipaliwanag ang espirituwal na mga bagay sa wikang iyon o maturuan ang kanilang mga anak na maging bihasa sa wika ng kanilang mga magulang.”

Pasiya ng Pamilya

Mahalaga sa espirituwal na kalusugan ng sinumang nandayuhang pamilya ang magpasiya kung anong wika ang gagamitin ng pamilya upang ‘maturuan ni Jehova.’ (Isaias 54:13) Kung may malapit na kongregasyon na gumagamit ng katutubong wika ng pamilya, maaaring piliin ng pamilya na suportahan ang kongregasyong ito. Sa kabilang panig naman, maaari nilang piliing dumalo sa isang kongregasyon na ang ginagamit ay ang pangunahing wika ng bansa kung saan sila nandayuhan. Anong mga salik ang makaiimpluwensiya sa pasiyang ito?

Sina Demetrios at Patroulla, na lumipat mula sa Ciprus patungong Inglatera at nagpalaki roon ng limang anak, ay nagpaliwanag kung ano ang nakaapekto sa kanilang pasiya: “Noong una, dumadalo ang aming pamilya sa kongregasyong gumagamit ng wikang Griego. Bagaman nakatulong ito nang malaki sa amin na mga magulang, ito naman ay naging hadlang sa espirituwal na pagsulong ng aming mga anak. Bagaman may saligan silang kaalaman sa wikang Griego, nahirapan sila sa mas malalalim na espirituwal na bagay. Ito ay makikita sa maituturing na mabagal na espirituwal na pagsulong nila. Bilang isang pamilya, lumipat kami sa kongregasyong gumagamit ng wikang Ingles, at halos makikita agad ang mabubuting resulta nito sa aming mga anak. Napalakas sila sa espirituwal na paraan. Ang pasiyang lumipat ay hindi madali, ngunit sa aming kalagayan, ito ay isang matalinong pasiya.”

Napanatili pa rin ng pamilya ang kanilang kaalaman sa katutubong wika ng kanilang mga magulang at nagtamo sila ng mayayamang gantimpala. Nagkomento ang kanilang mga anak: “Bentaha ang makaalam ng mahigit sa isang wika. Bagaman Ingles ang aming unang wika, nasumpungan namin na dahil sa aming kaalaman sa Griego ay nagkaroon kami ng matibay at malapít na mga kaugnayang pampamilya, lalo na sa aming mga lolo’t lola. Dahil din dito ay naging higit kaming madamayin sa mga nandayuhan, at nagbibigay ito sa amin ng kumpiyansa na maaari kaming matuto ng ibang wika. Kaya nang malaki na kami, lumipat ang aming pamilya upang tumulong sa kongregasyong gumagamit ng wikang Albaniano.”

Sina Christopher at Margarita ay lumipat din mula sa Ciprus patungong Inglatera, at pinalaki nila roon ang tatlong anak. Pinili nilang suportahan ang kongregasyong gumagamit ng wikang Griego. Ganito ang naaalaala ng kanilang anak na lalaki, si Nikos, na naglilingkod ngayon bilang matanda sa isang kongregasyong gumagamit ng wikang Griego: “Pinasigla kami na umugnay sa bagong tatag na kongregasyong gumagamit ng wikang Griego. Minalas ito ng aming pamilya bilang isang teokratikong atas.”

Sinabi ni Margarita: “Noong ang aming dalawang anak na lalaki ay pito at walong taóng gulang, nagpatala sila sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Bilang mga magulang, medyo nag-alala kami sa kanilang limitadong kaunawaan sa Griego. Gayunman, ang bawat atas ay itinuring na proyekto ng pamilya, at gumugol kami ng maraming oras sa pagtulong sa kanila na maghanda ng kanilang mga pahayag.”

Ang kanilang anak na babaing si Joanna ay nagsabi: “Naaalaala ko na tinuturuan kami ni Itay ng Griego sa pamamagitan ng pagsulat ng alpabeto sa pisara sa bahay, at kailangan naming matutuhan iyon nang lubusan. Maraming tao ang gumugugol ng maraming taon sa pag-aaral ng isang wika, ngunit sa tulong nina Inay at Itay, natuto kami ng Griego nang hindi gumugugol ng napakaraming panahon.”

Ang ilang pamilya ay sumusuporta sa isang kongregasyon na banyaga ang wika dahil nadarama ng mga magulang na upang magkaroon ng “espirituwal na pagkaunawa” at upang sumulong, kailangang maturuan sila sa kanilang katutubong wika. (Colosas 1:9, 10; 1 Timoteo 4:13, 15) O maaaring malasin ng pamilya ang kanilang mga kasanayan sa wika bilang isang bentaha upang makatulong sa ibang mga nandayuhan na matuto ng katotohanan.

Sa kabilang panig naman, maaaring madama ng isang pamilya na pinakakapaki-pakinabang sa kanila na dumalo sa isang kongregasyon kung saan ginagamit ang pangunahing wika ng bansa kung saan sila nandayuhan. (Filipos 2:4; 1 Timoteo 3:5) Matapos pag-usapan ang kalagayan kasama ang pamilya, kailangang gumawa ng pasiya ang ulo ng pamilya nang may pananalangin. (Roma 14:4; 1 Corinto 11:3; Filipos 4:6, 7) Anong mga mungkahi ang makatutulong sa mga pamilyang ito?

Ilang Praktikal na Mungkahi

Sina Pedro at Sandra, na binanggit kanina, ay nagsabi: “Mayroon kaming tuntunin na magsalita lamang ng Kastila sa bahay upang matiyak na hindi namin malilimutan ang aming katutubong wika. Ito ay isang tuntuning mahirap sundin, yamang alam ng aming mga anak na lalaki na nauunawaan namin ang Ingles. Ngunit kung hindi namin pananatilihin ang tuntuning ito, di-magtatagal at maaaring malimutan na nila ang Kastila.”

Ganito ang iminumungkahi nina Miguel at Carmen, na sinipi rin kanina: “Kung magdaraos ang mga magulang ng regular na pampamilyang pag-aaral at tatalakayin ang teksto sa bawat araw sa kanilang katutubong wika, matututuhan ng mga anak hindi lamang ang mga saligan ng wikang iyon​—matututuhan din nilang magpahayag ng espirituwal na mga kaisipan sa wikang iyon.”

Iminumungkahi rin ni Miguel: “Gawing kasiya-siya ang pagpapatotoo. Ang aming teritoryo ay sumasaklaw ng malawak na bahagi ng isang malaking lunsod, at malaking panahon ang ginugugol sa paglalakbay sakay ng kotse upang hanapin ang mga tao na nagsasalita ng aming wika. Ginagamit namin ang panahong ito upang maglaro ng mga palarong hango sa Bibliya at upang mag-usap hinggil sa mahahalagang bagay. Sinisikap kong iplano ang mga biyahe sa pagpapatotoo upang makagawa kami ng ilang mabungang pagdalaw-muli. Kaya sa pagtatapos ng araw, ang mga bata ay nagkaroon ng bahagi sa kahit man lamang isang makabuluhang pakikipag-usap.”

Pagharap sa mga Pagkakaiba ng Kultura

Pinasisigla ng Salita ng Diyos ang mga kabataan: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Gayunman, maaaring bumangon ang mga suliranin kapag ang pamantayan ng isang ama sa disiplina at ang “kautusan” ng isang ina ay naiimpluwensiyahan ng isang kultura na naiiba sa kulturang kinalakhan ng kanilang mga anak.

Sabihin pa, nasa bawat ulo ng pamilya ang pagpapasiya kung paano niya pangangasiwaan ang kaniyang sariling sambahayan, at hindi siya dapat labis na maimpluwensiyahan ng ibang mga pamilya. (Galacia 6:4, 5) Magkagayunman, ang mabuting komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak ay maaaring magbukas ng daan upang tanggapin ng mga magulang ang bagong mga kaugalian.

Subalit marami sa kaugalian o gawain na palasak sa mauunlad na lupain ay nakapipinsala sa espirituwal na kalusugan ng mga Kristiyano. Ang seksuwal na imoralidad, kasakiman, at paghihimagsik ay kadalasang itinataguyod sa pamamagitan ng popular na musika at libangan. (Roma 1:26-32) Hindi dapat talikuran ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang pananagutan na kontrolin ang pagpili ng kanilang mga anak ng musika at libangan dahil lamang sa nahihirapan ang mga magulang na maunawaan ang wika. Kailangan silang magtakda ng matatag na mga panuntunan. Gayunman, maaari itong maging hamon.

Ganito ang sabi ni Carmen: “Kadalasan ay hindi namin nauunawaan ang mga liriko ng musika na pinakikinggan ng aming mga anak. Maaaring kanais-nais naman ang himig, ngunit hindi na namin alam kung ang mga salita ay may dobleng kahulugan o kung may imoral na mga pananalitang slang.Paano nila hinarap ang situwasyong ito? Ganito ang sabi ni Miguel: “Gumugugol kami ng maraming panahon sa pagtuturo sa aming mga anak hinggil sa mga panganib ng imoral na musika, at sinisikap naming tulungan sila na pumili ng musika na sasang-ayunan ni Jehova.” Oo, kailangan ang pag-iingat at pagkamakatuwiran upang harapin ang mga pagkakaiba ng kultura.​—Deuteronomio 11:18, 19; Filipos 4:5.

Pagtatamo ng mga Gantimpala

Ang pagpapalaki ng mga anak sa isang banyagang lupain ay nangangailangan ng karagdagang panahon at pagsisikap. Tiyak iyan. Ngunit kapuwa ang mga magulang at mga anak ay makapagtatamo ng higit na mga gantimpala dahil sa kanilang pagsisikap.

Si Azzam at ang kaniyang kabiyak, si Sara, ay lumipat mula sa Turkey patungong Alemanya, kung saan pinalaki nila ang tatlong anak. Ang kanilang panganay na anak na lalaki ay naglilingkod ngayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Alemanya. Sabi ni Azzam: “Ang isang malaking kapakinabangan sa mga anak namin ay maaari nilang linangin ang mga positibong katangian sa parehong kultura.”

Sina Antonio at Lutonadio ay lumipat mula sa Angola patungong Alemanya at pinalalaki roon ang siyam na anak. Ang pamilya ay nagsasalita ng Lingala, Pranses, at Aleman. Ganito ang sabi ni Antonio: “Ang kakayahang magsalita ng iba’t ibang wika ay nakatutulong sa aming pamilya na makapagpatotoo sa mga taong nagmula sa maraming bansa. Ito nga ay nagdudulot sa amin ng malaking kagalakan.”

Dalawang anak ng mag-asawang Hapones na lumipat sa Inglatera ang nakadarama na malaking bentaha sa kanila na marunong silang magsalita ng Hapones at Ingles. Ganito ang sabi ng mga anak: “Ang pagkaalam ng dalawang wika ay nakatulong sa amin na makakuha ng trabaho. Nakinabang kami sa malalaking kombensiyong Ingles. Kasabay nito, may pribilehiyo kami na maglingkod sa kongregasyong gumagamit ng wikang Hapones, kung saan may higit na pangangailangan.”

Maaari Kayong Magtagumpay

Ang pagpapalaki ng mga anak habang naninirahan kasama ng mga taong may mga pamantayan sa kultura na iba kaysa sa inyo ay isang hamon na kinakaharap ng mga lingkod ng Diyos mula pa noong panahon ng Bibliya. Nagtagumpay ang mga magulang ni Moises, bagaman pinalaki siya sa Ehipto. (Exodo 2:9, 10) Maraming Judio na ipinatapon sa Babilonya ang nagpalaki ng mga anak na handang bumalik sa Jerusalem upang muling itatag ang tunay na pagsamba.​—Ezra 2:1, 2, 64-70.

Gayundin sa ngayon, maaaring magtagumpay ang mga magulang na Kristiyano. Maaari nilang tamasahin ang gantimpala na marinig mula sa kanilang mga anak ang kagaya ng narinig ng isang mag-asawa mula sa kanilang mga anak: “Kami ay isang pamilyang napakalapít sa isa’t isa dahil sa maibiging pangangalaga nina Itay at Inay, kung saan lagi naming tinatamasa ang mabuting komunikasyon. Kami ay maligaya na maging bahagi ng pambuong-daigdig na pamilya na naglilingkod kay Jehova.”

[Talababa]

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 24]

Ang pagsasalita sa tahanan ng katutubo ninyong wika lamang ay nagbibigay sa inyong mga anak ng saligang kaalaman sa wikang iyon

[Larawan sa pahina 24]

Ang magkaparehong wika ay nagpapanatili ng buklod sa pagitan ng mga lolo’t lola at ng mga apo

[Larawan sa pahina 25]

Ang pag-aaral ng Bibliya kasama ang inyong mga anak ay nagpapasulong sa kanilang “espirituwal na pagkaunawa”