Si Satanas—Kathang-Isip Lamang ba o Tunay na Napakasamang Persona?
Si Satanas—Kathang-Isip Lamang ba o Tunay na Napakasamang Persona?
MULA pa noong sinaunang panahon, interesado na ang mga palaisip na tao sa pinagmulan ng kasamaan. Sinabi ng A Dictionary of the Bible ni James Hastings: “Sapol nang magsimula ang kabatiran ng tao sa kaniyang kapaligiran, nasumpungan niya na napapaharap siya sa mga puwersang hindi niya makontrol, na may mapaminsala o mapanirang impluwensiya.” Sinabi rin ng reperensiyang akdang iyon: “Likas na hinahanap ng sinaunang sangkatauhan ang mga sanhi, at binigyang-kahulugan nito ang mga puwersa at iba pang kapahayagan ng kalikasan bilang mga gawa ng persona.”
Ayon sa mga istoryador, ang paniniwala sa mga diyos na demonyo at masasamang espiritu ay matatalunton sa pinakaunang kasaysayan ng Mesopotamia. Ang sinaunang mga taga-Babilonya ay naniniwala na ang daigdig ng mga patay, o ang “dakong di-malalabasan,” ay pinamumunuan ni Nergal, isang marahas na diyos na kilalá bilang “ang isa na sumusunog.” Natatakot din sila sa mga demonyo, na sinisikap nilang payapain sa pamamagitan ng mga orasyon sa mahika. Sa mitolohiya ng Ehipto, si Set ang diyos ng kasamaan, na “inilalarawan na may anyo ng kakatwang hayop na may manipis at nakakurbang nguso, tuwid at parisukat na mga tainga, at isang matigas at tulad-tinidor na buntot.”—Larousse Encyclopedia of Mythology.
Bagaman ang mga Griego at mga Romano ay may mabubuti at masasamang diyos, wala silang nangingibabaw na diyos ng kasamaan. Itinuro ng kanilang mga pilosopo ang pag-iral ng dalawang magkasalungat na simulain. Para kay Empedocles, ang mga ito ay Pag-ibig at Di-pagkakasundo. Para naman kay Plato, ang daigdig ay may dalawang “Kaluluwa,” ang isa na nagdudulot ng kabutihan at ang isa naman ay nagdudulot ng kasamaan. Gaya ng sinabi ni Georges Minois sa kaniyang aklat na Le Diable (Ang Diyablo), “walang kinikilalang Diyablo ang klasikong [Griego-Romanong] paganong relihiyon.”
Sa Iran, itinuro ng Zoroastrianismo na nilalang ng kataas-taasang diyos na si Ahura Mazda, o Ormazd, si Angra Mainyu, o Ahriman, na nagpasiyang gumawa ng masama at sa gayo’y naging ang Mapanirang Espiritu, o Tagapuksa.
Sa Judaismo, si Satanas ay simpleng ipinaliliwanag bilang ang Kalaban ng Diyos na nagdulot ng kasalanan. Ngunit pagkalipas ng maraming siglo, ang paliwanag na iyon ay nabahiran ng mga paganong ideya. Ganito ang sabi ng Encyclopaedia Judaica: “Nagkaroon ng malaking pagbabago . . . pagsapit ng mga huling siglo B.C.E. Sa yugtong ito, ang [Judiong] relihiyon . . . ay kakikitaan ng maraming katangian ng paniniwala sa dalawang magkasalungat na simulain kung saan ang Diyos at ang mga puwersa ng kabutihan at katotohanan ay sinasalansang sa langit at sa lupa ng makapangyarihang mga puwersa ng kasamaan at panlilinlang. Ang mga ito ay waring dulot ng impluwensiya ng relihiyon ng
Persia.” Ganito ang ipinahayag ng The Concise Jewish Encyclopedia: “Ang proteksiyon laban sa mga d[emonyo] ay natatamo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos at paggamit ng mga anting-anting.”Teolohiya ng Apostatang Kristiyano
Kung paanong tinularan ng Judaismo ang di-maka-Bibliyang mga konsepto hinggil kay Satanas at sa mga demonyo, bumuo rin ang apostatang mga Kristiyano ng di-makakasulatang mga ideya. Sinabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Ang isa sa higit na radikal na ideya sa sinaunang teolohiya ay ang bagay na tinubos ng Diyos ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagbabayad kay Satanas upang mapalaya sila.” Si Irenaeus (ikalawang siglo C.E.) ang nagpahayag ng ideyang ito. Higit itong pinalawig ni Origen (ikatlong siglo C.E.), na nag-angking “ang diyablo ay nakapagtamo ng legal na pag-aangkin sa mga tao” at na nagturing sa “kamatayan ni Kristo . . . bilang pantubos na ibinayad sa diyablo.”—History of Dogma, ni Adolf Harnack.
Ayon sa The Catholic Encyclopedia, “sa loob halos ng isang libong taon [ang ideya na ang pantubos ay ibinayad sa Diyablo] ay gumanap ng prominenteng papel sa kasaysayan ng teolohiya,” at nanatili itong bahagi ng paniniwala ng simbahan. Tinanggap ng iba pang Ama ng Simbahan, kabilang na si Augustine (ikaapat-ikalimang siglo C.E.), ang ideyang ibinayad ang pantubos kay Satanas. Sa wakas, pagsapit ng ika-12 siglo C.E., ang mga Katolikong teologo na sina Anselm at Abelard ay nagkaroon ng konklusyon na ang hain ni Kristo ay inihandog hindi kay Satanas kundi sa Diyos.
Mga Pamahiin Noong Edad Medya
Bagaman ang karamihan sa mga konseho ng Simbahang Katoliko ay kapansin-pansing walang kibo sa paksa hinggil kay Satanas, iniharap ng Ikaapat na Konseho ng Lateran noong 1215 C.E. ang tinatawag ng New Catholic Encyclopedia na “pormal na kapahayagan ng pananampalataya.” Sinasabi ng Kanon 1: “Nilalang ng Diyos ang diyablo at ang iba pang mga demonyo na likas na mabuti, ngunit kusa silang naging masama.” Sinabi pa nito na sila ay nagsisikap nang husto upang tuksuhin ang sangkatauhan. Ang huling nabanggit na ideyang ito ay lubhang dinibdib ng maraming tao noong Edad Medya. Si Satanas ang naging may pananagutan sa anumang bagay na waring kakaiba, tulad ng di-maipaliwanag na mga sakit, biglaang pagkamatay, o di-magandang ani. Noong 1233 C.E., nagpalabas si Pope Gregory IX ng ilang dekreto laban sa mga erehe, pati na yaong laban sa mga tagasunod ni Lucifer, na ipinalalagay na mga mananamba ng Diyablo.
Di-nagtagal, ang paniniwala na ang mga tao ay maaaring sapian ng Diyablo o ng kaniyang mga demonyo ay pumukaw ng labis na paghihinala ng karamihan—isang di-mapigil na pagkatakot sa panggagaway at pangkukulam. Mula noong ika-13 hanggang ika-17 siglo, ang pagkatakot sa mga mangkukulam ay mabilis na lumaganap sa Europa at umabot sa Hilagang Amerika dahil sa mga Europeong kolonista. Maging ang mga Protestanteng repormador na sina Martin Luther at John Calvin ay sumang-ayon sa paghahanap sa mga mangkukulam. Sa Europa, ang mga paglilitis sa mga mangkukulam na salig sa sabi-sabi lamang o sa mga pagtuligsa na udyok ng masamang hangarin ay idinaos kapuwa ng mga hukumang Inkisisyon at sekular. Karaniwan nang ginagamit ang pagpapahirap upang piliting ipaamin ang “pagkakasala.”
Yaong mga napatunayang nagkasala ay maaaring hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog o, gaya sa Inglatera at sa Scotland, ng pagbigti. Ganito ang sinabi ng The World Book Encyclopedia hinggil sa bilang ng mga biktima: “Mula 1484 hanggang 1782, ayon sa ilang istoryador, ipinapatay ng simbahang Kristiyano ang humigit-kumulang na 300,000 babae dahil sa pangkukulam.” Kung si Satanas ang nasa likod ng trahedyang ito noong edad medya, sino kaya ang kaniyang
mga kinasangkapan—ang mga biktima o ang kanilang mga panatiko at relihiyosong mang-uusig?Kasalukuyang Paniniwala o Di-paniniwala
Nasaksihan noong ika-18 siglo ang paglaganap ng kaisipang salig sa katuwiran, na nakilala bilang Kaliwanagan. Sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Sinikap ng pilosopiya at teolohiya ng Kaliwanagan na iwaksi sa isipan ng Kristiyano ang larawan ng diyablo sa pamamagitan ng pagturing dito bilang produkto ng mitolohikal na guniguni ng Edad Medya.” Tumugon dito ang Simbahang Romano Katoliko at muling pinagtibay ang paniniwala nito kay Satanas na Diyablo noong Unang Konseho ng Batikano (1869-70), anupat muling binanggit ito nang may pag-aatubili noong Ikalawang Konseho ng Batikano (1962-65).
Gaya ng pag-amin ng New Catholic Encyclopedia, opisyal na “nakatalaga ang Simbahan sa paniniwala sa mga anghel at mga demonyo.” Gayunman, inaamin ng Théo, isang diksyunaryo ng Katolisismo sa wikang Pranses, na “maraming Kristiyano sa ngayon ang tumatangging isisi sa diyablo ang kasamaan sa daigdig.” Nitong nakalipas na mga taon, ang mga teologong Katoliko ay naging maingat sa pagharap sa situwasyong ito, anupat nagkakaproblema kung paano pagtitimbangin ang opisyal na doktrina ng Katoliko at ang makabagong-panahong kaisipan. “Ang liberal na Kristiyanong teolohiya,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, “ay may hilig na ituring ang pananalita sa Bibliya hinggil kay Satanas bilang ‘mga larawan sa isipan’ na hindi dapat unawain na literal—kundi isang mitolohikal na pagsisikap na ipahayag ang katotohanan at lawak ng kasamaan sa sansinukob.” May kinalaman naman sa mga Protestante, ganito ang sinabi ng reperensiyang akdang iyon: “Ang makabagong liberal na Protestantismo ay may hilig na ikaila ang pangangailangang maniwala na ang diyablo ay isang persona.” Ngunit dapat bang ituring ng tunay na mga Kristiyano na “mga larawan [lamang] sa isipan” ang sinasabi ng Bibliya hinggil kay Satanas?
Ang Itinuturo ng Kasulatan
Ang pilosopiya at teolohiya ng tao ay hindi nakapagbigay ng mas mainam na paliwanag hinggil sa pinagmulan ng kasamaan kung ihahambing sa paliwanag ng Bibliya. Ang sinasabi sa Kasulatan hinggil kay Satanas ay mahalaga sa pag-unawa sa pinagmulan ng kasamaan at pagdurusa ng tao, at kung bakit ang pinakamasahol na karahasang maguguniguni ay lumulubha taun-taon.
Maaaring itanong ng ilan: ‘Kung ang Diyos ang siyang mabuti at maibiging Maylalang, paano niya magagawang lumikha ng isang balakyot na espiritung nilalang na gaya ni Satanas?’ Pinagtitibay ng Bibliya ang simulain na ang lahat ng mga gawa ng Diyos na Jehova ay sakdal at ang lahat ng kaniyang matatalinong nilalang ay pinagkalooban ng kalayaang magpasiya. (Deuteronomio 30:19; 32:4; Josue 24:15; 1 Hari 18:21) Kung gayon, ang espiritung persona na naging Satanas ay tiyak na nilalang na sakdal at talagang sadya siyang lumihis sa daan ng katotohanan at katuwiran.—Juan 8:44; Santiago 1:14, 15.
Ezekiel 28:11-19) Hindi kinuwestiyon ni Satanas ang pagiging kataas-taasan o pagiging Maylalang ni Jehova. Paano niya magagawa iyon, gayong siya ay nilalang lamang ng Diyos? Gayunman, hinamon ni Satanas ang paraan ng paggamit ni Jehova sa kaniyang pagkasoberano. Sa hardin ng Eden, ipinahiwatig ni Satanas na ipinagkakait ng Diyos sa unang mag-asawa ang isang bagay na doo’y may karapatan sila at doon ay nakasalalay ang kanilang kapakanan. (Genesis 3:1-5) Nagtagumpay siya sa pagpapakilos kina Adan at Eva na maghimagsik laban sa matuwid na soberanya ni Jehova anupat nagdulot siya ng kasalanan at kamatayan sa kanila at sa kanilang mga inapo. (Genesis 3:6-19; Roma 5:12) Kaya ipinakikita ng Bibliya na si Satanas ang pinakaugat ng pagdurusa ng tao.
Sa maraming paraan, ang mapaghimagsik na landasin ni Satanas ay katulad niyaong sa “hari ng Tiro,” na matulaing inilarawan bilang “sakdal sa kagandahan” at ‘walang pagkukulang sa kaniyang mga lakad mula nang araw na lalangin siya hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa kaniya.’ (Noong bago sumapit ang Baha, sumama ang ibang mga anghel kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik. Nagkatawang-tao sila upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang paghahangad sa seksuwal na kaluguran kasama ng mga anak na babae ng mga tao. (Genesis 6:1-4) Pagsapit ng Baha, ang mga taksil na anghel na ito ay bumalik sa daigdig ng mga espiritu ngunit hindi na sa kanilang “orihinal na kalagayan” kasama ng Diyos sa langit. (Judas 6) Ibinulid sila sa isang kalagayan ng pusikit na espirituwal na kadiliman. (1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:4) Sila’y naging mga demonyo, na hindi na naglilingkod sa ilalim ng soberanya ni Jehova kundi nabubuhay sa ilalim ng pananakop ni Satanas. Bagaman lumilitaw na hindi na sila maaaring magkatawang-tao muli, ang mga demonyo ay maaari pa ring magkaroon ng malakas na impluwensiya sa isipan at buhay ng mga tao, at walang alinlangan na sila ang may pananagutan sa napakaraming karahasan na nasasaksihan natin sa ngayon.—Mateo 12:43-45; Lucas 8:27-33.
Malapit Na ang Wakas ng Pamamahala ni Satanas
Maliwanag na kumikilos ang masasamang puwersa sa sanlibutan sa ngayon. Sumulat si apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—1 Juan 5:19.
Subalit ipinakikita ng natupad na hula ng Bibliya na pinalulubha ng Diyablo ang mga kaabahan sa lupa dahil alam niyang siya ay mayroon na lamang “maikling yugto ng panahon” upang magdulot ng malaking kapinsalaan bago siya ibilanggo. (Apocalipsis 12:7-12; 20:1-3) Ang wakas ng pamamahala ni Satanas ang siyang pasimula ng matuwid na bagong sanlibutan, kung saan “hindi na magkakaroon” ng mga luha, kamatayan, at kirot. Kung magkagayon, ang kalooban ng Diyos ay ‘gagawin sa lupa kung paano sa langit.’—Apocalipsis 21:1-4; Mateo 6:10, New International Version.
[Mga larawan sa pahina 4]
Naniniwala ang mga taga-Babilonya kay Nergal (dulong kaliwa), isang marahas na diyos; naniniwala si Plato (kaliwa) sa pag-iral ng dalawang magkasalungat na mga “Kaluluwa”
[Credit Lines]
Silindro: Musée du Louvre, Paris; Plato: National Archaeological Museum, Athens, Greece
[Mga larawan sa pahina 5]
Itinuro nina Irenaeus, Origen, at Augustine na ang pantubos ay ibinayad sa Diyablo
[Credit Lines]
Origen: Culver Pictures; Augustine: Mula sa aklat na Great Men and Famous Women
[Larawan sa pahina 6]
Ang pagkatakot sa mga mangkukulam ay umakay sa pagpatay sa daan-daang libo
[Credit Line]
Mula sa aklat na Bildersaal deutscher Geschichte