Mga Kingdom Hall na Bukás Para sa Lahat
Mga Kingdom Hall na Bukás Para sa Lahat
HABANG sinasanay ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad para sa pangmadlang ministeryo, pinasigla niya sila na ‘mangaral mula sa mga bubungan ng bahay.’ (Mateo 10:27) Oo, isasagawa nila ang kanilang ministeryong Kristiyano nang hayagan, na lubos na nakikita ng madla. Bilang pagkakapit sa simulain ng payong ito, isinasagawa rin nang hayagan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagiging hayagang ito ay nagpangyari sa mga Saksi na madaig ang pananalansang at magkaroon ng kaayaayang reputasyon.
Bagaman ang mga pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay bukás sa madla, ang pagtatangi ang dahilan kung bakit ang ilang tao ay nag-aatubiling pumasok sa isang Kingdom Hall. Totoo ito sa Finland. Ang iba naman ay nahihiya lamang na pumunta sa mga bagong lugar. Kapag itinayo ang isang bagong Kingdom Hall o kapag kinumpuni ang isang nakatayo nang bulwagan, karaniwang isinasaayos ang tinatawag na open house (kaayusan kung saan maaaring pasyalan ng madla ang isang pribadong lugar). Isang pantanging pagsisikap ang maaaring gawin upang anyayahan ang mga kapitbahay na puntahan ang Kingdom Hall at maging pamilyar sa gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Sa isang lugar, isinagawa ng mga Saksi ang isang kampanya ng magasin sa mismong araw na idinaos nila ang isang open house sa kanilang bagong Kingdom Hall. Natagpuan ng dalawang Saksi ang isang may-edad nang lalaki na nagsabing nasiyahan siya sa pagbabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising! Sinabi sa kaniya ng mga kapatid ang hinggil sa open house at inalok nila siyang samahan sa Kingdom Hall. Sinabi ng lalaki na siya ay malulugod na sumama sa kanila. Palibhasa’y narinig ng kaniyang asawa ang pag-uusap, sumigaw ito, “Huwag ninyo akong iwan!”
Nang pumasok siya sa Kingdom Hall, tumingin-tingin sa paligid ang lalaki at nagsabi: “Hindi naman ito kulay-itim. Aba, ito ay maganda at maaliwalas. Sinabi sa akin na ang Kingdom Hall daw ay kulay-itim!” Nanatili ang mag-asawa nang ilang sandali at humiling ng ilan sa literaturang nakadispley.
Isang kongregasyon ang nagnais na ianunsiyo sa lokal na pahayagan na may open house sa okasyong iaalay ang kanilang Kingdom Hall. Nang matanggap niya ang patalastas hinggil sa okasyon, iminungkahi ng punong patnugot na sumulat ng isang artikulo hinggil sa paksa. Sumang-ayon ang mga kapatid, at sa sandaling panahon, isang kaayaayang artikulo na sumaklaw ng kalahating pahina ng pahayagan ang inilathala, na tumatalakay sa okasyon at naglalarawan sa mga gawain ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Pagkatapos na mailathala ang artikulo, nakasalubong ng isang may-edad nang Saksi ang isang kapitbahay na nagsabi sa kaniya: “May isang magandang artikulo hinggil sa mga Saksi ni Jehova sa pahayagan ngayon!” Nakapagpatotoo ang kapatid na babae at pagkatapos nito ay nakapagpasakamay sa kaniyang kapitbahay ng brosyur na Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century.
Bukod sa pinapawi nito ang ilang maling palagay hinggil sa mga Saksi ni Jehova, ang gayong mga kaayusan hinggil sa mga open house at mga programa sa pag-aalay sa mga bagong Kingdom Hall ay nakapagpapasigla sa mga mamamahayag na anyayahan ang mas maraming tao na dumalo sa mga pulong. Oo, sa maraming lupain, kasama na ang Finland, nalalaman ng maraming tao na ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay bukás para sa lahat.