Mga Neutral na Kristiyano sa mga Huling Araw
Mga Neutral na Kristiyano sa mga Huling Araw
“Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 17:16.
1, 2. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa kaugnayan ng kaniyang mga tagasunod sa sanlibutan, at anong mga tanong ang ibinabangon ng kaniyang mga salita?
NOONG huling gabi ng kaniyang buhay bilang sakdal na tao, sinambit ni Jesus ang isang mahabang panalangin habang nakikinig ang kaniyang mga alagad. Sa panalanging iyon, may sinabi siya na naglalarawan sa buhay ng lahat ng tunay na mga Kristiyano. Ganito ang sinabi niya hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:14-16.
2 Dalawang beses sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay hindi magiging bahagi ng sanlibutan. Karagdagan pa, ang gayong pagiging hiwalay sa sanlibutan ay hahantong sa maiigting na kalagayan—kapopootan sila ng sanlibutan. Magkagayunman, hindi dapat panghinaan ng loob Kawikaan 18:10; Mateo 24:9, 13) Dahil sa mga salita ni Jesus, makabubuting itanong natin: ‘Bakit hindi bahagi ng sanlibutan ang tunay na mga Kristiyano? Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan? Kung kinapopootan ng sanlibutan ang mga Kristiyano, paano naman nila minamalas ang sanlibutan? Paano nila minamalas, partikular na, ang mga pamahalaan ng sanlibutan?’ Mahalaga ang maka-Kasulatang mga sagot sa mga tanong na ito yamang apektado tayong lahat nito.
ang mga Kristiyano; babantayan sila ni Jehova. (“Tayo ay Nagmumula sa Diyos”
3. (a) Ano ang dahilan kung bakit hiwalay tayo sa sanlibutan? (b) Ano ang patotoo na ang sanlibutan ay “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot”?
3 Ang ating matalik na kaugnayan kay Jehova ang isang dahilan kung bakit hindi tayo bahagi ng sanlibutan. Sumulat si apostol Juan: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Maliwanag na totoo ang mga salita ni Juan hinggil sa sanlibutan. Ang mga digmaan, krimen, kalupitan, paniniil, kawalang-katapatan, at imoralidad na napakalaganap sa ngayon ay nagpapatotoo sa impluwensiya ni Satanas, hindi ng Diyos. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4; Efeso 6:12) Kapag naging Saksi ni Jehova ang isang indibiduwal, hindi niya gagawin o sasang-ayunan ang gayong mga maling paggawi, at dahil diyan ay hindi siya bahagi ng sanlibutan.—Roma 12:2; 13:12-14; 1 Corinto 6:9-11; 1 Juan 3:10-12.
4. Sa anu-anong paraan natin maipakikita na tayo ay kay Jehova?
4 Sinabi ni Juan na ang mga Kristiyano, na kabaligtaran ng sanlibutan, ay “nagmumula sa Diyos.” Lahat ng mga nag-alay kay Jehova ay pagmamay-ari niya. Sinabi ni apostol Pablo: “Kapuwa kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo kay Jehova, at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo kay Jehova. Kaya nga kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8; Awit 116:15) Dahil kay Jehova tayo, iniuukol natin sa kaniya ang bukod-tanging debosyon. (Exodo 20:4-6) Samakatuwid, hindi iniuukol ng isang tunay na Kristiyano ang kaniyang buhay sa isang sekular na tunguhin. At bagaman iginagalang niya ang pambansang mga sagisag, hindi niya sinasamba ang mga ito, sa gawa man o sa puso. Tiyak na hindi niya sinasamba ang sikát na mga manlalaro o iba pang makabagong mga idolo. Sabihin pa, iginagalang niya ang karapatan ng iba na gawin ang gusto nila, ngunit ang Maylalang lamang ang kaniyang sinasamba. (Mateo 4:10; Apocalipsis 19:10) Ito rin ang dahilan kung bakit hiwalay siya sa sanlibutan.
“Ang Kaharian Ko ay Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
5, 6. Paano tayo nagiging hiwalay sa sanlibutan dahil sa pagpapasakop sa Kaharian ng Diyos?
5 Ang mga Kristiyano ay mga tagasunod ni Kristo Jesus at mga sakop ng Kaharian ng Diyos, na dahilan din ng pagiging hindi nila bahagi ng sanlibutan. Nang litisin si Jesus sa harap ni Poncio Pilato, sinabi niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Ang Kaharian ang siyang gagamitin upang pakabanalin ang pangalan ni Jehova, ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya, at isakatuparan ang kaniyang kalooban sa lupa gaya niyaong sa langit. (Mateo 6:9, 10) Sa buong ministeryo niya, ipinangaral ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian, at sinabi niya na ito ay ipahahayag ng kaniyang mga tagasunod hanggang sa wakas ng sistema ng mga bagay. (Mateo 4:23; 24:14) Noong 1914, natupad ang makahulang mga salita ng Apocalipsis 11:15: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” Di na magtatagal, ang makalangit na Kahariang iyan ang tanging kapangyarihang mamamahala sa sangkatauhan. (Daniel 2:44) Sa takdang panahon, maging ang mga sekular na tagapamahala ay mapipilitang kumilala sa awtoridad nito.—Awit 2:6-12.
6 Taglay sa isipan ang lahat ng iyan, ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay mga sakop ng Kaharian ng Diyos, at sinusunod nila ang payo ni Jesus na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Hindi ito nangangahulugan na hindi sila matapat sa bansang tinitirhan nila, subalit dahil dito ay nagiging hiwalay sila sa sanlibutan sa espirituwal na paraan. Kagaya noong unang siglo, ang pangunahing atas ng mga Kristiyano sa ngayon ay ‘lubusang magpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.’ (Gawa 28:23) Walang pamahalaan ng tao ang may karapatan na pigilin ang bigay-Diyos na gawaing iyan.
7. Bakit neutral ang tunay na mga Kristiyano, at paano nila ito ipinakita?
7 Kasuwato ng pagmamay-ari sa kanila ni Jehova at ng pagiging tagasunod ni Jesus at mga sakop ng Kaharian ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nanatiling neutral sa pambansa at pang-internasyonal na mga alitan ng ika-20 at ika-21 siglo. Wala silang pinapanigan, hindi sila gumagamit ng armas laban sa sinuman, at hindi nagpapalaganap ng propagandang nagtataguyod ng anumang sekular na layunin. Sa isang kapansin-pansing pagpapakita ng pananampalataya sa harap ng waring napakatinding pagsalansang, sinunod nila ang mga simulaing ipinahayag sa mga tagapamahalang Nazi ng Alemanya noong 1934: “Wala kaming interes sa pulitika, ngunit lubusan kaming nakatalaga sa kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo na kaniyang Hari. Hindi kami mananakit ni mamiminsala ng sinuman. Malulugod kaming mamuhay nang mapayapa at gumawa ng mabuti sa lahat ng tao hangga’t may pagkakataon kami.”
Mga Embahador at mga Sugo Para kay Kristo
8, 9. Sa anong paraan mga embahador at mga sugo ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, at paano ito nakaaapekto sa kanilang kaugnayan sa mga bansa?
8 Inilarawan ni Pablo ang kaniyang sarili at ang mga kapuwa pinahirang Kristiyano bilang “mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin.” (2 Corinto 5:20; Efeso 6:20) Mula noong 1914, ang mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu ay angkop na masasabing mga embahador para sa Kaharian ng Diyos, kung saan sila ay “mga anak” nito. (Mateo 13:38; Filipos 3:20; Apocalipsis 5:9, 10) Karagdagan pa, kinuha ni Jehova mula sa mga bansa ang “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” mga Kristiyanong may makalupang pag-asa, upang suportahan ang pinahirang mga anak sa kanilang gawain bilang mga embahador. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang “ibang mga tupa” na ito ay maaaring tawaging “mga sugo” ng Kaharian ng Diyos.
9 Hindi nakikialam ang embahador at ang kaniyang mga tauhan sa mga gawain ng bansa na doo’y inatasan sila. Sa katulad na paraan, nananatiling neutral ang mga Kristiyano sa pulitikal na mga gawain ng mga bansa sa sanlibutan. Wala silang kinakampihan o kinakalabang anumang grupong pambansa, panlahi, panlipunan, o pang-ekonomiya. (Gawa 10:34, 35) Sa halip, ‘gumagawa sila ng mabuti sa lahat.’ (Galacia 6:10) Ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova ay nangangahulugan na walang sinuman ang makatuwirang makatatanggi sa kanilang mensahe sa pamamagitan ng pag-aangkin na ang mga Saksi ay may pinapanigan sa isang hidwaang panlahi, pambansa, o pantribo.
Nakikilala sa Pag-ibig
10. Para sa isang Kristiyano, gaano kahalaga ang pag-ibig?
10 Bukod pa sa nabanggit, ang mga Kristiyano ay neutral sa mga gawain ng sanlibutan dahil sa kanilang kaugnayan sa iba pang mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na pangkapatid ay isang mahalagang aspekto ng pagiging Kristiyano. (1 Juan 3:14) Yamang ito ay nauugnay sa kaniyang kaugnayan kay Jehova at kay Jesus, ang kaugnayan ng isang Kristiyano sa iba pang mga Kristiyano ay napakatalik. Ang kaniyang pag-ibig ay hindi lamang para sa mga kakongregasyon niya. Kasama rito ang “buong samahan ng [kaniyang] mga kapatid sa sanlibutan.”—1 Pedro 5:9.
11. Paanong ang pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova sa isa’t isa ay nakaiimpluwensiya sa kanilang paggawi?
11 Sa ngayon, ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-ibig na pangkapatid sa pamamagitan ng pagtupad sa mga salita ng Isaias 2:4: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Yamang tinuruan ni Jehova, ang mga tunay Kristiyano ay may mapayapang kaugnayan sa Diyos at sa isa’t isa. (Isaias 54:13) Dahil mahal nila ang Diyos at ang kanilang mga kapatid, malayong mangyari na gumamit sila ng mga armas laban sa mga kapuwa Kristiyano—o sa kaninuman—sa ibang mga lupain. Ang kanilang kapayapaan at pagkakaisa ay isang mahalagang bahagi ng kanilang pagsamba, na nagpapakita na talagang taglay nila ang espiritu ng Diyos. (Awit 133:1; Mikas 2:12; Mateo 22:37-39; Colosas 3:14) Kanilang ‘hinahanap ang kapayapaan at itinataguyod ito,’ yamang alam nila na “ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid.”—Awit 34:14, 15.
Kung Paano Minamalas ng mga Kristiyano ang Sanlibutan
12. Anong saloobin ni Jehova sa mga tao sa sanlibutan ang tinutularan ng mga Saksi ni Jehova, at paano nila ito ipinakikita?
12 Ipinahayag na ni Jehova ang di-kaayaayang hatol sa sanlibutang ito, ngunit hindi pa niya hinahatulan ang lahat ng indibiduwal sa sanlibutan. Gagawin niya iyon sa pamamagitan ni Jesus sa Kaniyang takdang panahon. (Awit 67:3, 4; Mateo 25:31-46; 2 Pedro 3:10) Samantala, ipinakikita niya ang malaking pag-ibig sa sangkatauhan. Ibinigay pa nga niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang lahat ay magkaroon ng pagkakataong tumanggap ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Bilang mga Kristiyano, tinutularan natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng mga paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan, kahit na ang ating mga pagsisikap ay madalas na tinatanggihan.
13. Paano natin dapat malasin ang sekular na mga tagapamahala?
13 Paano natin dapat malasin ang sekular na mga tagapamahala sa sanlibutan? Sinagot ni Pablo ang tanong na iyan nang isulat niya: “Ang bawat Roma 13:1, 2) Humahawak ang mga tao ng “relatibong” mga posisyon ng awtoridad (nakatataas o nakabababa sa isa’t isa, ngunit palaging nakabababa kay Jehova) dahil pinahihintulutan sila ng Makapangyarihan-sa-lahat na gawin ito. Nagpapasakop ang isang Kristiyano sa sekular na awtoridad dahil ito ay isang aspekto ng kaniyang pagsunod kay Jehova. Gayunman, paano kung magkaroon ng pagkakasalungatan sa pagitan ng mga kahilingan ng Diyos at niyaong sa pamahalaan ng tao?
kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” (Batas ng Diyos at ni Cesar
14, 15. (a) Sa anong paraan naiwasan ni Daniel ang pagkakasalungatan hinggil sa pagsunod? (b) Ano ang naging paninindigan ng tatlong Hebreo nang hindi maiwasan ang pagkakasalungatan hinggil sa pagsunod?
14 Naglaan si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama ng mainam na halimbawa kung paano pagtitimbangin ang pagpapasakop sa mga pamahalaan ng tao at ang pagpapasakop sa awtoridad ng Diyos. Nang ipatapon ang apat na kabataang Hebreo sa Babilonya, sinunod nila ang mga batas ng lupaing iyon at kaagad silang napili para sa pantanging pagsasanay. Palibhasa’y natanto na ang pagsasanay na iyon ay malamang na umakay sa pagsalungat sa Kautusan ni Jehova, ipinakipag-usap ito ni Daniel sa nangangasiwang opisyal. Bunga nito, ginawa ang mga pantanging kaayusan upang igalang ang budhi ng apat na Hebreo. (Daniel 1:8-17) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Daniel kapag mataktika nilang ipinaliliwanag sa mga opisyal ang kanilang pananaw upang maiwasan ang di-kinakailangang mga problema.
15 Gayunman, nang maglaon sa isang okasyon, hindi maiwasan ang pagkakasalungatan hinggil sa pagpapasakop. Nagtayo ang hari ng Babilonya ng isang malaking idolo sa kapatagan ng Dura at inutusan ang matataas na opisyal, pati na ang mga administrador ng mga nasasakupang distrito, na magtipun-tipon para sa pagpapasinaya sa imahen. Nang panahong iyon, ang tatlong kaibigan ni Daniel ay naatasan bilang mga administrador ng nasasakupang distrito ng Babilonya, kaya ang utos ay kapit sa kanila. Sa isang tiyak na sandali sa okasyong iyon, ang lahat ng nagkatipon ay yuyukod sa harap ng imahen. Subalit alam ng mga Hebreo na labag ito sa kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 5:8-10) Kaya nang yumukod ang lahat, nanatili silang nakatayo. Sa pagsuway nila sa utos ng hari, nanganib silang makaranas ng kahila-hilakbot na kamatayan, at naligtas lamang ang kanilang buhay dahil sa isang himala; ngunit pinili nilang isapanganib ang kanilang buhay sa halip na suwayin si Jehova.—Daniel 2:49–3:29.
16, 17. Paano tumugon ang mga apostol nang utusan silang huminto sa pangangaral, at bakit?
16 Noong unang siglo, ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay tinawag upang humarap sa mga pinunong Judio sa Jerusalem at inutusan silang humintong mangaral sa pangalan ni Jesus. Paano sila tumugon? Inatasan sila ni Jesus na gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa, kasama rito ang Judea. Sinabi rin niya sa kanila na sila’y magiging mga saksi niya sa Jerusalem gayundin sa buong daigdig. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Alam ng mga apostol na ang mga utos ni Jesus ay kumakatawan sa kalooban ng Diyos para sa kanila. (Juan 5:30; 8:28) Kaya sinabi nila: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 4:19, 20; 5:29.
17 Hindi mapaghimagsik ang mga apostol. (Kawikaan 24:21) Gayunman, nang pagbawalan sila ng mga tagapamahalang tao na gawin ang kalooban ng Diyos, ang masasabi lamang nila ay, ‘Dapat naming sundin ang Diyos, hindi ang tao.’ Sinabi ni Jesus na dapat nating ‘ibayad kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.’ (Marcos 12:17) Kung susuwayin natin ang isang utos ng Diyos dahil sinabi sa atin ng isang tao na gayon ang gawin natin, ibinibigay natin sa tao ang para sa Diyos. Sa halip, ibinabayad natin ang lahat ng utang natin kay Cesar, ngunit kinikilala natin ang kataas-taasang awtoridad ni Jehova. Siya ang Pansansinukob na Soberano, ang Maylalang, ang mismong Pinagmumulan ng awtoridad.—Apocalipsis 4:11.
Maninindigan Tayong Matatag
18, 19. Anong mainam na paninindigan ang ginawa ng marami sa ating mga kapatid, at paano natin matutularan ang kanilang halimbawa?
18 Sa kasalukuyan, kinikilala ng karamihan sa sekular na pamahalaan ang neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, at pinahahalagahan natin iyan. Subalit sa ilang lupain, napapaharap ang mga Saksi sa matinding pagsalansang. Sa buong ika-20 siglo at hanggang sa kasalukuyan, ang ilan sa ating mga kapatid ay puspusang nagpupunyagi, sa espirituwal na diwa ay ipinakikipaglaban “ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.”—1 Timoteo 6:12.
19 Paano tayo makapaninindigang matatag na gaya nila? Una, tandaan natin na tiyak na darating ang pagsalansang. Hindi tayo dapat magitla o magulat pa nga kung mapaharap tayo rito. Nagbabala si Pablo kay Timoteo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 4:12) Sa isang sanlibutan kung saan nananaig ang impluwensiya ni Satanas, paano mangyayari na hindi tayo mapapaharap sa pananalansang? (Apocalipsis 12:17) Hangga’t nananatili tayong tapat, palaging may ilan na ‘magtataka at magsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa atin.’—1 Pedro 4:4.
20. Anong mga nakapagpapatibay na katotohanan ang ipinaaalaala sa atin?
20 Ikalawa, kumbinsido tayo na aalalayan tayo ni Jehova at ng kaniyang mga anghel. Gaya ng sinabi ni Eliseo noon, “mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” (2 Hari 6:16; Awit 34:7) Yamang may mabuti siyang layunin, maaaring pahintulutan ni Jehova na pansamantalang magpatuloy ang panggigipit ng mga mananalansang. Gayunpaman, palagi niya tayong bibigyan ng kinakailangang lakas upang makapagbata. (Isaias 41:9, 10) Ibinuwis ng iba ang kanilang buhay, ngunit hindi ito nakapagpapahina ng ating loob. Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” (Mateo 10:16-23, 28) Tayo ay “mga pansamantalang naninirahan” lamang sa sistemang ito ng mga bagay. Ginagamit natin ang ating panahon dito upang ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay,’ ang walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Pedro 2:11; 1 Timoteo 6:19) Walang sinumang tao ang makapagkakait sa atin ng gantimpalang iyan hangga’t nananatili tayong tapat sa Diyos.
21. Ano ang dapat nating laging isaisip?
21 Samakatuwid, tandaan nawa natin ang mahalagang kaugnayan natin sa Diyos na Jehova. Palagi nawa nating pahalagahan ang pagpapala ng pagiging mga tagasunod ni Kristo at mga sakop ng Kaharian. Buong-puso nating ibigin ang ating mga kapatid, at palagi nawa tayong malugod sa pag-ibig na natatanggap natin mula sa kanila. Higit sa lahat, sundin natin ang mga salita ng salmista: “Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.” (Awit 27:14; Isaias 54:17) Kung gayon, makatatayo tayong matatag na nakatitiyak sa ating pag-asa, gaya ng di-mabilang na mga Kristiyanong nasa harapan natin—mga tapat at neutral na Kristiyano na hindi bahagi ng sanlibutan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano tayo nagiging hiwalay sa sanlibutan dahil sa ating kaugnayan kay Jehova?
• Bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, paano natin mapananatili ang isang neutral na paninindigan sa sanlibutang ito?
• Sa anu-anong paraan tayo pinananatiling neutral at hiwalay sa sanlibutan ng pag-ibig sa ating mga kapatid?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Paano nakaaapekto ang ating pagpapasakop sa Kaharian ng Diyos sa kaugnayan natin sa sanlibutan?
[Larawan sa pahina 16]
Isang Hutu at isang Tutsi na maligayang gumagawang magkasama
[Larawan sa pahina 17]
Mga Kristiyanong kapatid na Judio at Arabe
[Larawan sa pahina 17]
Nasisiyahan sa pakikipagsamahan sa isa’t isa ang mga Kristiyanong taga-Serbia, taga-Bosnia, at taga-Croatia
[Larawan sa pahina 18]
Ano ang tamang landasin kapag iniuutos sa atin ng mga tagapamahala na labagin ang kautusan ng Diyos?